Mommies, masyado ka bang naging nerbyosa at maaalalahanin ngayong buntis? Alamin dito kung mayroon kang sintomas ng prenatal anxiety.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga sintomas ng prenatal anxiety
- May epekto ba kay baby kapag labis ang pag-aalala ni Mommy?
- Mensahe ng isang psychiatrist sa mga nagsasabing “nag-iinarte lang” ang isang buntis
Isa sa mga kilalang sintomas o epekto ng pagbubuntis ay ang pagbabago sa emosyon ng isang babae. May iba na mas nagiging masungit o bugnutin, at mayroon namang mga nagiging mas malungkot o matampuhin kaysa dati.
Puwede rin namang sa kalagitnaan ng iyong pagbubuntis, marakamdam ka ng matinding pagkabahala o pag-aalala.
Para sa ibang tao na hindi naiintindihan ang iyong nararansan, maari nilang isipin na “nag-iinarte” ka lang, o balewalain ang iyong nararamdaman.
Subalit hindi ito dapat ipagwalang-bahala, dahil maaring mayroon ka nang prenatal anxiety.
Labis na pag-aalala ng buntis
Ayon kay Dr. Chex De Leon-Gacrama, isang neurologist at psychiatrist, ang prenatal anxiety ay nilalarawan bilang sobrang pag-aalala ng isang babae sa panahon na siya ay nagbubuntis.
Maaaring mild lang ang mga sintomas na iyong maranasan o matindi na makaapekto sa iyong normal na pamumuhay at maging sa iyong pagbubuntis.
Dala na rin ng pagbabago ng ating hormones, maaring magbago ang chemicals sa ating isip na nagsasanhi para makaranas tayo ng takot o kaba.
Mas mataas naman ang posibilidad na magkaroon ng prenatal anxiety ang mga sumusunod:
- May history ng anxiety o iba pang mental health disorder sa pamilya
- Mayroon nang anxiety bago pa man mabuntis
- Nakakaranas ng stress sa kaniyang paligid o sa trabaho
- Mayroong sakit sa thyroid at hormonal disorders
- May history ng trauma
Ayon sa isang pag-aaral noong 2015, marami sa mga buntis na nakakaranas ng anxiety ay mga first-time mom na maraming iniiisip tungkol sa pagbubuntis at panganganak, ang mga nanay na walang sapat na impormasyon at suporta mula sa ibang tao.
Larawan mula sa Freepik
Makakaapekto ba ito kay baby?
Ayon kay Dr. Chex, bagamat walang direktang epekto ang labis na pag-aalala habang buntis sa iyong sanggol, maaari pa rin itong makaapekto sa kaniya dahil naaapektuhan nito ang iyong kakayahan at kalusugan habang ipinagbubuntis mo siya.
“Kung buong pregnancy, masyado tayong nag-iisip o hindi maganda ‘yong mga naiisip mo, doon nagkakaroon ng epekto sa baby.
Dahil ang effect ng negative mental state (sa buntis) ay hindi maaalagaan ang sarili, hindi maaalagaan ang baby,” aniya.
Dagdag pa ni Dr. Chex, maaari itong magdulot ng maagang panganganak (preterm delivery) o mababang timbang ng sanggol kapag siya ang ipinanganak.
Sintomas ng prenatal anxiety
Bagamat normal na epekto ng pagbabago ng hormones ang pag-aalala ng isang buntis (lalo na sa mga first-time moms), ibang kaso na kapag nagiging madalas ito at naaapektuhan na ang iyong pagkilos at iyong kalusugan.
“‘Yon ang problema sa anxiety, kasi ‘yong buong araw mo, affected na. Wala ka nang ibang maisip.”
Dagdag pa niya,
“Lahat na lang, negative. Ang tendency, mag-o-overthink, pinapangunahan na nila, hindi pa nangyayari, panay negative na. So wala na silang nagagawa sa buong araw kundi magworry na lang.”
Inilarawan rin ng doktora ang ilan sa mga posibleng sintomas ng prenatal anxiety:
- Nahihirapan kang kontrolin ang iyong pag-aalala
- Hindi ka mapakali at laging balisa (pag twitch ng muscles o grinding teeth)
- Nahihirapang mag-focus sa isang bagay, maliban sa kung anong inaalala mo
- Madaling mairita
- Pananakit ng katawan gaya ng pananakit ng tiyan at acid reflux
- Nahihirapang matulog
- Nakakaramdam ng matinding pagod
- Nag-iisip ng kung anu-anong nakakatakot na bagay tungkol sa pagbubuntis at panganganak.
Kapag naranasan mo ang mga bagay na ito nang madalas habang ikaw ay nagdadalang , senyales na ito na dapat ka nang kumonsulta sa iyong doktor.
Anong dapat gawin kapag may prenatal anxiety?
Ayon kay Dr. Chex, ang unang hakbang na dapat gawin ng mga nanay kapag nararanasan ang sintomas ng prenatal anxiety ay humingi ng tulong.
Makipag-usap sa iyong OB-GYN kung nakakaranas ng labis na pag-aalala habang buntis, para matukoy kung ano ang posibleng sanhi nito at para mai-refer ka niya sa isang psychiatrist o psychologist na makakatulong sa iyo. Paalala ni Dr. Chex,
“Kung may nararanasan na tayo, alam nating may mali na (sa ating iniisip), kumonsulta agad. Humingi ng tulong.”
Gayundin, kung mayroon ka nang anxiety bago ka pa man mabuntis, ipagbigay-alam ito sa iyong doktor upang maplano niyo kung paano niyo ito masosolusyunan. Maaari niyang ipayo na ituloy mo lang ang pag-inom ng iyong mga gamot at pagsasailalim sa therapy.
Larawan mula sa Pexels
Para rin sa mga buntis na nakakaranas ng prenatal anxiety, maaari ring irekomenda ng doktor na sumailalim ka sa cognitive behavioral therapy. Puwede ring magreseta ng gamot ang mga psychiatrists na ligtas para sa mga buntis.
Mahalaga rin sa mga nakakaranas ng labis na pag-aalala, lalo na sa mga buntis, na magkaroon ng support system o taong makakausap at makakaintindi sa kaniya.
“Talk to someone who will understand you. If you have a friend, a partner, a husband, o kung sa tingin mo walang nakaka-intindi sa’yo, you can talk to a psychiatrist or a psychologist, o sa OB mo,” ani Dr. Chex.
BASAHIN:
Coleen Garcia on postpartum anxiety: “No matter how much I try, I wasn’t doing good enough”
Paano makakatulong ang pagbibilang ng sipa ni baby na mabawasan ang anxiety kapag buntis?
Mental Health ng buntis: Bakit dapat umiwas sa stress ni Mommy?
“Nag-iinarte lang”
Isa sa mga bagay na nakakapigil sa mga taong may mental health issues gaya ng depression o anxiety na humingi ng tulong ay kapag hinuhusgahan sila o binabalewala ang kanilang mga nararamdaman.
Lalo na sa mga buntis, madalas silang pagsuspetsahan na “nag-iinarte lang,” o “Wala lang ‘yan,” kapag nakakaramdam ng labis na pag-aalala. Minsan, papayuhan pa sila na “Huwag masyadong mag-isip.”
Subalit hindi ito nakakatulong, sa halip ay lalong nakakasama sa isang taong may mental health issue (lalo na sa buntis) dahil lalo silang malulungkot o mag-aalala o matatakot o mahihiya silang humingi ng tulong.
Mensahe ni Dr. Chex sa mga taong iniisip na hindi totoo ang pagkakaroon ng mental health issues gaya ng anxiety, “Sana hindi sila magkaroon ‘nun.”
Gayundin, pinaalalahanan niya ang mga taong nagsasabi na nag-iinarte lang ang mga nakakaranas ng prenatal anxiety at depression na intindihin na lang at igalang na lang ang nararamdaman ng ibang tao.
“Hindi ibig-sabihin na dahil hindi mo siya nararanasan, hindi na siya nag-e-exist. Intindihin at respetuhin na lang ang mga taong nakaka-experience nito.”
Napakaimportante ng matibay na support system sa mga babaeng nagdadalangtao. Kaya paalala rin ng doktora sa mga asawa o partner, kapag napansin ang biglaang pagbabago sa pag-iisip o damdamin ng buntis, kausapin ng mas madalas ang asawa at dalhin si misis sa doktor.
Larawan mula sa Freepik
Tandaan mga mommies, tayo ang mas nakakaalam kung ang nararamdaman natin ay normal o hindi. “Ikaw lang din ang makakapagsabi sa sarili mo kung may problema na o kung kailangan mo na ng tulong,” ani Dr. Chex.
Huling paalala niya,
“Mental health is very important not only for you but also for the baby. When you are feeling well, happy and content, you are better able to manage stress. But if you have difficulty coping or dealing with stress, ask for help.”
Sources:
Healthline, Healthy Children.org
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!