Isa sa mga laging pinapaalala sa mga babaeng nagdadalang tao ay ang ingatan ang kanilang kalusugan. Pero alam mo ba na hindi lang pisikal na katawan ang tinutukoy rito kundi pati na rin ang iyong pag-iisip? Alamin kung bakit importanteng pangalagaan ang mental health ng buntis. Ano nga ba ang epekto ng stress sa buntis at paano ito maiiwasan?
Mental health ng buntis
Lagi nating naririnig na ang pagbubuntis at pagkakaroon ng anak ay isa sa mga pinakamasayang bahagi ng buhay ng isang babae. Totoo, pero hindi ito ganoon kasimple.
Nagtataka ka ba kung bakit iniingatan hindi lang ang pangangatawan at kalusugan ng isang babaeng buntis, kundi pati na rin ang kaniyang emosyon at nararamdaman? Ito ay dahil ang pagbubuntis ay isang maselang panahon para sa isang babae.
Bakit bawal ma stress ang buntis
Lahat ng kaniyang gagawin ay may epekto hindi lang sa kanyang sarili kundi pati sa sanggol sa kanyang sinapupunan. Kaya kung makakaranas siya ng matinding stress o hirap habang nagbubuntis, siguradong maaapektuhan din ang kaniyang baby. May mga epekto ng stress sa buntis na maaaring makasama sa sanggol, at ito ang dahilan kung bakit bawal ma stress ang buntis.
Pero bago natin alamin ang epekto ng stress sa buntis, alamin muna natin kung bakit nagiging mas emosyonal ang mga babaeng nagdadalangtao.
Bakit iyakin ang buntis?
Bakit nagiging mas moody kapag buntis? Nakakasama ba sa buntis ang pag iyak?
Isa sa maagang sintomas ng pagbubuntis sa isang babae ay ang pagkakaroon ng mood swings o pagbabago-bago ng emosyon.
Maaaring isang minuto siya ay masaya at may ganang kumain. Tapos biglang manghihina at tatamarin, o kaya naman bigla na lang maiinis kapag mayroon siyang naamoy na hindi kaaya-aya.
Pero hindi naman nila ito sinasadya kundi bahagi ito ng pagtaas ng hormones sa kanyang katawan. Ang pagbabago sa hormones sa katawan ang dahilan kung bakit iyakin ang buntis at madaling mairita.
Kapag nabubuntis, gumagawa ang katawan ng mas maraming estrogen (hormone na may kinalaman sa nerbyos, pagiging iritable o emosyonal) at progesterone (hormone na nagdudulot ng pakiramdam na pagod, katamaran at kalungkutan). Ito’y maaaring dahilan ng mood swings.
Dahil rin sa mga pagbabago sa kaniyang katawan na nakakaapekto sa kaniyang tulog at pahinga. Katulad ng hirap na dala ng morning sickness, kaya naman mas madali siyang maging emosyonal o iritable.
Para naman sa mga first-time moms, maaari silang makaramdam ng kaba at pag-aalala kapag iniisip nila ang panganganak at pag-aalaga sa isang sanggol.
Puwede ring makadagdag sa stress ng isang buntis ang pag-iisip tungkol sa gagastusin sa panganganak at sa bata, pagliban sa trabaho o kaya problema sa kanyang mga relasyon.
larawan mula sa Freepik
Mental health ng buntis – prenatal depression
Ayon kay Dr. Patricia Kho, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, bagama’t normal na makaranas ng stress ang isang babaeng nagdadalangtao, kailangan ding maging maingat at alamin kung ang mga sintomas na iyong nararanasan ay pangkaraniwan lang sa buntis, o senyales na ito ng prenatal depression.
Maraming kababaihan ang nakakaranas ng depresyon habang buntis dahil sa pagbabago ng ating mga hormones. Sabayan pa ng malaking pagbabago sa ating katawan at anyo.
“Marami tayong mga pregnancy hormones. Parang nagkahalo-halo na ‘yong hormones tapos ‘yong physical changes in our body na minsan it can lead to depression,” ani Doc Patricia.
Kung ang isang babae ay mayroon nang depresyon bago pa siya mabuntis. Maaaring tumindi ang mga sintomas nito habang siya ay nagdadalang-tao.
Epekto ng stress sa buntis: Bakit bawal ma-stress ang buntis
Ano mangyayari pag-stress ang buntis?
Parte ng ating buhay ang stress, pero para sa mga buntis, ang matinding stress (mapa-pisikal, o emosyonal man) ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa iyong kalusugan. Pati na rin ang kaligtasan ng bata sa iyong sinapupunan.
Ano mangyayari pag-stress ang buntis?
Kapag nakakaramdan ng labis na stress ang ating katawan, kusa itong gumagawa ng hormones na cortisol sa ating blood stream. Maaari itong magdulot ng pagbilis ng tibok ng puso at pagtaas rin ng ating blood pressure.
Ayon sa Parentingscience.com, ang pagkakaroon ng sobrang cortisol sa katawan ay delikado para sa mga babaeng nagdadalangtao.
Ilan sa mga epekto ng stress sa buntis ay ang pagtaas ng risk na makaranas ng preeclampsia at premature birth o maagang panganganak. Gayundin ang pagkakaroon ng mababang timbang ng sanggol kapag ipinanganak at mga problema sa kaniyang paglaki.
“So kapag grabe ‘yung stress, severe stress pwedeng masyadong tumaas ang cortisol. Ito ay isang hormone sa katawan ng babae and puwedeng medyo maging maliit ang kanyang baby.” ani Doc Patricia.
Dagdag pa niya, ang kawalan ng sapat na pahinga, tamang nutrisyon at pangangalaga sa sarili dahil sa stress ay maaaring maging dahilan para magkaroon ng problema ang isang babae sa kanyang pagbubuntis.
“Kahit na hindi ‘yong emotion ang mafi-feel ng baby, pero ‘yong sleeping pattern, ‘yong eating pattern mo and also baka meron kang mga eating habits na nagagawa din along the way. That can definitely affect the fetus.” paliwanag ni Doc Patricia.
Ayon pa sa kaniya, dapat matutunan ng babae na labanan ang stress habang nagbubuntis para maiwasan din ang mga sakit at epektong pwedeng maidulot nito.
“Kung masyado ka ring ma-stress, baka naman magkaroon ka ng hypertension or diabetes. And that will lead to a lot of complications on your pregnancy.
Mas malaking chance na maliit ang baby, manganak ka ng premature o magkaroon ng complication during your delivery. So medyo dapat marunong kang mag-handle ng stress.” dagdag niya.
Paano mapangalagaan ang mental health ng buntis?
Ngayong alam na natin na bawal ma stress ang buntis, mahalagang alamin din kung paano maiiwasan ang stress sa buntis?
Para kay Doc Patricia, ang pinakamabisang paraan para malabanan ang stress habang nagbubuntis ay ang pagkakaroon ng taong makakausap at makikinig sa’yo.
“Ang number one ay may kausap sila o magkaroon silang kausap na isang tao na objective o reliable na makapagbigay ng magandang advice.”
“Pwedeng kumausap ka ng family member ng iyong husband. Go to your psychologist. Talk to your doctor. Huwag kang mahihiya, kailangan meron kayong kausap.”
Narito pa ang ibang paraan kung paano maiiwasan ang stress sa buntis:
Mahirap magbuntis. Mas madali kang mapagod ngayon kaysa dati. Kaya wala naman sigurong masama kung hihingi ka ng tulong mula sa iyong asawa, sa iyong pamilya, mga kaibigan o katrabaho para mas maging magaan ang dinadala mo.
Kung kailangan mo ng tulong para sa mga gamit ni baby o sa mga gawaing bahay. Maaaring ipasa mo na lang ang gawaing ito sa iba para makapagpahinga ka.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Pavel Danilyuk
Upang mapalagay ang iyong damdamin, mag-practice ng breathing exercises habang nananahimik sa isang lugar. Puwede mo ring subukan ang prenatal yoga o makinig ng mga meditation app sa iyong cellphone.
Makakatulong rin kung ipipikit mo ang iyong mga mata at mag-iisip ng magaganda at masasayang bagay. Tulad ng pagsisilang sa isang malusog na baby.
-
Panatiliing malusog ang iyong katawan
Malaki ang maitutulong ng pagkakaroon ng sapat na pahinga at pag-eehersisyo para maiwasan ang stress. Ayon kay Doc Patricia, maaari namang gumalaw-galaw ang buntis, basta siguruhing ligtas ito.
“So bahay ninyo kung may space ka na maglakad, may treadmill ka, may stationary bike as long as safe naman sabi ng doktor, do it.”
“Mag-dumbbells, marami ngayong mga YouTube videos, mag prenatal yoga. Magpaaraw ka and then pwede namang lumabas ng bahay.
As long as you hindi ka pupunta sa mga crowded areas and better iyong mga open air. Kasi kailangan din talaga natin ng exercise.”
Kung mahilig kang mag-zumba, maaari mo pa ring gawin ito habang buntis. Paalala lang niya, laging uminom ng tubig kapag nag-eehersisyo at tumigil kapag nakakaramdam na ng pagod.
“Pero again if mag-exercise, keep yourself full and well hydrated. Hindi pwede ‘yung hot yoga, bawal ‘yan. Kasi kailangan ang core temperature natin mga nasa 37 degrees huwag aabot ng 39 degrees.
Kapag nag-zumba kayo, kailangan may water ka diyan. May electric fan (din) or aircon hindi ‘yung sobra kang pinapawisan. ‘Pag medyo nahilo ka na o pagod ka na stop ka na.” aniya.
Ugaliing kumain ng tama kapag nagbubuntis. Umiwas sa mga pagkaing maaaring may masamang epekto sa iyong pagbubuntis gaya ng mga pagkaing maraming asukal at caffeine.
Siguruhin din na kumain sa tamang oras at huwag na huwag magpagutom para maiwasan ang pagkahilo at pagbaba ng iyong blood pressure.
Ang pagkakaroon ng takot sa pagbubuntis at panganganak ang isa sa mga bagay na lubhang nakakaapekto sa mental health ng isang buntis. Kasama rito ang pangamba sa mga tanong na hindi mo alam ang kasagutan.
Ang pinakamainam na paraan para malabanan ito ay pagbabasa at paghahanap ng kasagutan sa mga ito. Sa ganitong paraan, maiiwasan mo ang pag-iisip at pag-aalala lalo na sa mga paksang nakakabagabag sa’yo (gaya ng miscarriage).
Kung masyado ka na ring nag-aalala sa mga nababasa mo, panahon na para tumigil at mag-relax muna. Kung hindi ka pa rin mapakali, maaari mong kausapin ang iyong doktor tungkol sa mga paksang ito hanggang mapalagay ang loob mo.
Ayon sa Healthline, ang pakikinig sa musika ng 30 minuto ay nakakatulong para bumaba ang cortisol na siyang stress hormone sa iyong katawan.
larawan mula sa Freepik
-
Paghandaan ang iyong panganganak
Para mabawasan ang iyong pangamba sa iyong nalalapit na panganganak. Pwede kang sumali sa mga birthing class para malaman mo kung anong dapat mong gawin kapag dumating na ang oras na iyon. Ayain mo ang iyong asawa o partner na samahan ka.
Maligo sa maligamgam (pero hindi mainit) na tubig para ma-relax ang iyong katawan. Magpa-prenatal massage o kaya ipamasahe mo na lang sa iyong partner ang iyong mga pagod na paa at binti. Nakakatulong din ang mga simpleng bagay na ito para mabawasan ang stress na iyong nararamdaman.
Ang pagbubuntis ay panahon ng paghihintay. Maraming nagbago sa iyong katawan kaya walang masama kung magdadahan-dahan ka muna sa ngayon. Huwag magmadali sa paglalakad o pagbangon. Kapag nakaramdam ng pagod, huwag mahiyang magpahinga.
-
Gawin mo ang magpapasaya sa ‘yo
Payo ni Doc Patricia, gawin mo kung anong makakapagpasaya sa ‘yo basta ligtas ito sa iyong pagbubuntis. Maliit na bagay man ito, makakatulong pa rin para mabawasan ang stress at gumaan ang loob mo.
“Do something you like na safe naman at hindi nakakasama sa pagbubuntis. Maglagay ka ng maraming halaman sa condo unit mo.
Decorate mo bawat corner ng bahay ninyo kahit maliit lang para ma enjoy mo naman. Try to be positive and enjoy life kahit na mahirap.”
Mahirap magbuntis. Mahirap ding maging magulang. Kaya ang isang paraan para makasabay sa agos ng buhay ay ang pagbibigay ng oras sa iyong sarili para magrelax, magpahinga at gawin ang makakabuti para sa ‘yo.
Larawan mula sa Freepik
Epekto ng pag iyak ng buntis
Tulad ng mga nabanggit sa itaas, normal sa buntis ang pagiging iyakin o ang madalas na pagbabago ng mood. Mas karaniwan itong nararanasan sa unang trimester ng pregnancy. Ito ay dahil sa pagtaas ang hormones sa katawan ng babae.
Kahit na natural na sentimental at emosyonal na tao ka, posible pa rin na mas mapadalas ang pag-iyak mo habang ikaw ay buntis.
Subalit, normal man ang pag-iyak at mood swings sa mga buntis, may mga bagay pa rin na dapat bantayan dahil baka ang madalas na pag-iyak at sintomas na pala ng depression.
Malalamang depresyon ang dahilan ng pag-iyak kung may kasama pa itong ibang sintomas na posible ring maranasan tulad ng mga sumusunod:
- Kawalan ng ganang kumain
- Hirap sa konsentrasyon
- Kawalan ng interes sa mga paboritong aktibidad
- Pakiramdam ng kawalan ng halaga at guilt
- Labis o kulang na pagtulog
- Pag-iisip na saktan ang sarili
Kapag ang mga sintomas ng depresyon ay tumagal ng dalawang linggo, mahalagang kumonsulta na sa doktor. Kung nakararanas ng pag-iisip na saktan ang sarili, huwag nang hintayin ang dalawang linggo, agad nang kumonsulta sa doktor.
Importante rin na kausapin ang iyong mga mahal sa buhay upang masuportahan ka nila sa mahirap na panahong ito ng iyong pagbubuntis.
Nakakasama ba sa buntis ang pag iyak?
Ngayong alam na natin kung ano ang normal at hindi normal na pag-iyak sa panahon ng pagbubuntis, importanteng alam din natin kung nakakasama ba sa buntis ang pag-iyak.
Ayon sa Healthline, ang occasional crying spell o ang minsanang pag-iyak habang buntis ay hindi naman nakasasama sa iyo at sa iyong baby. Pero ang madalas na pag-iyak nang dahil sa depresyon ay posibleng may negatibong epekto sa iyong pagbubuntis.
Sa isang pag-aaral na nabanggit sa article ng Healthline, nabatid na ang mental health issues tulad ng anxiety at depression habang buntis ay maaaring magpataas ng tiyansa ng preterm birth and low birth weight.
Epekto ng pag-iyak ng buntis dahil sa depresyon
Kung ang ikaw ay buntis at may depresyon, maaaring mapabayaan mo ang iyong sarili. Kung hindi ka kumakain nang tama at hindi sapat ang nurtisyong naipapasok sa iyong katawan, makaaapekto ito nang negatibo sa iyong anak. Gayundin ang hindi pagdalo sa mga prenatal appointment.
Bukod pa rito, ang depression sa panahon ng pagbubuntis ay nakapagpapataas din ng tiyansa na magkaroon ka ng postpartum depression o depresyon matapos manganak. Ang postpartum depression ay maaari ding makaapekto sa pag-aalaga mo sa iyong sarili at sa iyong anak.
Tandaan
Hindi mo kasalanan na ikaw ay may depression at ang pagpapabaya sa kalusugan ay isa lang sa side effects ng depression na naisantabi. Hindi ito conscious choice. Naiintindihan namin na hindi mo gustong magdulot ng ikasasama ng iyong kalusugan at ng kaligtasan ni baby.
Kaya naman, mahalagang magpatingin sa doktor kung nakararanas ka ng mga nabanggit na sintomas ng depression. Mayroong mga treatment o paggamot na maaaring irekomenda ang doktor para mapanatili kayong ligtas ni baby.
Kung ikaw naman ay asawa, anak, kapatid, magulang, o kaibigan ng buntis na may depresyon, mahalagang hikayatin mo itong na kumonsulta sa doktor para maibsan ang mga negatibong epekto ng depresyon.
Tandaan din na mahalaga ang suporta mo sa kaniya sa panahong ito. Iparamdam na nariyan ka palagi. Ipaalala sa kaniya na hindi niya kasalanan ang mga negatibong nararamdaman.
Bukod pa rito, ang pinakamahalaga sa lahat ay maramdaman niyang mahal mo siya nang walang panghuhusga sa kaniyang mga pinagdaraanan.
Karagdagang impormasyon isinulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!