Ano nga ba ang mga dapat gawin matapos mag-argue ng mag-asawa para mas maging matibay pa ang kanilang pagsasama. At para hindi ito maging dahilan para mas lumalim pa ang hindi pagkakaintindihan nilang dalawa.
Mga dapat gawin matapos mag-argue ng mag-asawa

Ang hindi pagkakaunawaan ay natural at mahalagang bahagi ng anumang malusog na relasyon. Gayunpaman, kapag ang argumento ay tumindi, maaari nitong magdulot sa parehong panig ng sakit, galit o sama ng loob. Kung nagkaroon kayo ng mainit na pagtatalo, mahalaga ang hakbang-hakbang na aksyon upang maibalik ang pagkakaisa at koneksyon. Narito ang mga dapat gawin matapos mag-argue ng mag-asawa:
1. Mag-request ng physical contact sa iyong asawa.
Pagkatapos ng argumento, ang pisikal contact ay maaaring makatulong para maalis ang tensyon sa pagitan ninyong mag-asawa. Ang simpleng tanong tulad ng, “Pwede mo ba kong yakapin” para maibalik ang konesyon sa iyong dalawa. Lalo pa’t ayon sa siyensa, ang physical contact tulad ng isang yakap ay nakakatulong para maalis ang stress at tensyon sa katawan ng isang tao. Ang iba pang physical contact na maaring gawin ay paghawak sa kaniyang kamay o pagsandal sa kaniyang balikat. Sa ganitong paraan ay naipaparamdam mo sa iyong asawa na pinapahalagahan mo siya at ang inyong relasyon.
2. Sabihin sa kaniya ang iyong nararamdaman.
Ang open communication ang numero unong susi sa pagresolba ng hindi pagkakaunawaan. Magsimula sa pagbabahagi sa iyong asawa ng iyong nararamdaman. Halimbawa: “Nalulungkot ako sa tuwing nagtatalo tayo. Mabuti sigurong pag-usapan natin ng maayos para maintindihan natin ang punto ng isa’t-isa”.
Sa pamamagitan nito, ay napoproseso ninyong dalawa ang dahilan ng hindi ninyo pagkakaunawaan. Pati na sa kung paano ninyo maiwasan na maulit pa ito. Para sa susunod ay maiwan na ang hindi pagkakaintindihan at biglaang pagtaas ng tensyon sa pagitan ninyong dalawa na nauuwi sa pagtatalo.
Ang pag-unawa sa nararamdaman ng isa’t isa ay makakatulong sa inyong muling kumonekta. At aminin na pareho kayong tao, hindi perpekto, ngunit handang mag-usap muli.

3. Maglaan ng oras para mag-usap.
Kung ang argumento ay nag-iwan ng mga hindi nalutas na isyu, mas mabuti itong pag-usapang muli pagkatapos humupa ang emosyon. Iwasan ang pagpilit sa pag-usapan ang isyu na nagdulot ng inyong argumento kung hindi pa kayo parehong handa. Sa halip, sabihin ang tulad ng: “Puwede ba nating pag-usapan ang pinagtalunan natin noong nakaraan? Para masigurong nagkakaintindihan tayo at ma-settle natin ang problema.”
Makakatulong rin ang pagtatakda ng partikular na oras upang pagusapan ang isyu. Siguraduhin lang na susunod ka sa takdang oras. Sa ganitong paraan ay nagpapakita ka ng respeto sa iyong asawa lalong lalo na sa inyong pagsasama.
Ang itinakdang oras ng inyong pag-uusap, gamitin upang magmuni-muni sa argumento. Kung may mga bagay na hindi talaga maintindihan at hindi inyo ma-settle sa inyong pagitan ay mabuti ring humingi ng tulong sa ibang tao.
4. Maghanap ng lugar para kayo ay makapag-usap.
Pagkatapos ng matinding argumento, maaaring mahirap bumalik sa normal. Makakatulong ang paghahanap ng lugar o activity na makakapag-relax sa inyong dalawa. Subukan ninyong maglakad sa parke, kumain sa isang restaurant o simpleng maupo ng magkatabi sa inyong bahay para makapag-usap. Nakakatulong ito upang malinawan ang isipan at ipaalala sa inyong dalawa na, sa kabila ng pagtatalo, pinahahalagahan niyo ang relasyon. Bagama’t hindi tama na balewalain ang nangyari, ang isang maikling pahinga ay maaaring magbigay ng bagong perspektibo. Sa ganitong paraan ay mahaharap ninyo ng maayos ang problema at malulutas ninyo ito ng magkasama.
5. Gumawa ng kind gestures sa iyong asawa.
Ang mga simpleng kilos ng kabaitan at ka-sweetan ay nakakatulong upang maibalik ang koneksyon sa pagitan ng mag-asawa. Maaaring magluto ng paboritong pagkain ng iyong asawa, mag-iwan ng mensaheng nagpapakita ng pagpapahalaga, o gumawa ng isang bagay na alam mong magpapasaya sa kanya. Ang mga ganitong kilos ay nagpapakita na, sa kabila ng pagtatalo, mahalaga pa rin siya sa iyo at handa kang gumawa ng paraan para magkaayos. Ang mga maliliit na aksyong ito ay maaaring magbukas ng pinto para sa mas positibong pakikipag-usap at mas malalim na koneksyon.

Kailan hihingi ng tulong
Ang mga argumento ay maaaring magpatibay ng pag-unawa at pagtanggap, ngunit kung ang mga pagtatalo ay madalas o hindi na proporsyonal sa pinag-uusapan, maaaring kailanganin ang mas malalim na pagninilay.
Ang therapy para sa mag-asawa o indibidwal na counseling ay maaaring magtukoy ng mga ugat ng problema at magpatibay ng mas maayos na komunikasyon. Kung nakakaramdam ka ng hindi ligtas o stress dahil sa ugali ng iyong asawa, mahalagang magtakda ng hangganan. Tandaan, walang sinuman ang nararapat na mamuhay sa takot o patuloy na alitan.
Source:
Psychology Today
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!