Narito ang mga libreng bakuna sa health center na ibinibigay sa mga sanggol at maliliit na bata bilang proteksyon nila laban sa mga sakit.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga ibinibigay na libreng bakuna sa health center.
- Ano ang kaibahan ng libreng bakuna sa health center at binibili sa private clinics.
Mga libreng bakuna sa health center
Bilang isang magulang, nais nating masigurado na laging ligtas ang ating mga anak. Lalo na sa mga sakit na maaaring maglagay peligro sa kaniyang buhay. Maliban sa pagbibigay ng masusustansiyang pagkain, ayon sa mga eksperto. Ang isa sa pinakamagandang paraan upang magawa ito ay ang mapabakunahan ang ating mga anak laban sa mga sakit. Dapat umano itong simulan sa oras na siya’y isinilang sa mundo.
Pero kung kukuwentahin ang magagastos para makumpleto ang bakunang kailangan ng sanggol mula pagkapanganak hanggang sa kaniyang paglaki. Hindi lahat ng pamilyang Pilipino ang maaaring maka-afford nito. Kaya naman inilunsad ng gobyerno, ang National Immunization Program sa Pilipinas na naglalayong magbigay ng libreng bakuna sa lahat ng batang Pilipino.
Sa ilalim ng programang ito ay may mga libreng bakuna sa health center na ibinibigay sa mga sanggol at maliliit na bata. Ang mga ito ay ang sumusunod:
1. BCG (Bacille-Calmette-Guerin)
Ang BCG o Bacille-Calmette-Guerin ay isa sa mga unang bakuna na ibinibigay sa mga sanggol pagkapanganak. Ito ay bakunang ginawa bilang panlaban ng sanggol laban sa mga sakit na tuberculosis meningitis at leprosy o mas kilala sa tawag na ketong.
2. Hepatitis B
Ang isa pang bakuna na ibinibigay sa oras na pagkasilang ng isang sanggol ay ang Hepatitis B vaccine. Ito ay ibinibigay sa sanggol bilang proteksyon niya laban sa Hepatitis B na sakit at maiwasang siya ay maging carrier rin nito.
Mahalaga ang bakunang ito sapagkat ang hepatitis ay maaaring makasira ng atay ng isang tao at maaring maging sanhi ng kanser na nakamamatay na sakit.
3. Pentavalent vaccine
Ang pentavalent vaccine ay combination vaccine na binubuo ng mga bakuna laban sa major diseases na Diphtheria, Tetanus, Pertussis, Hepatitis B at Haemophilus Influenza.
Tatlong dose ng bakunang ito ang dapat ibigay sa sanggol para sa mas matibay niyang proteksyon.
Ang pentavalent vaccine ay unang ibinibigay sa sanggol sa oras na siya ay 6 na linggo o 1 ½ month ng nabubuhay sa mundo. Ang pangalawang dose nito ay ibinibigay kapag 2 ½ month old na si baby. Habang ang pangatlong dose naman ay ibinibigay makalipas ang isang buwan o kapag 3 ½ old na ang sanggol.
Ito ay ginawa bilang proteksyon sa sakit na diphteria na nagiging dahilan ng impeksyon sa upper respiratory tract at maaaring makabara sa paghinga kapag lumala. Ganoon din sa sakit na pertussis, o malalang ubo na kilala rin sa tawag na whooping cough na delikado para sa mga sanggol.
Binibigyang proteksyon din ng pentavalent vaccine ang isang sanggol mula sa tetanus na nagdudulot ng paninigas at labis na pananakit ng muscles. Ganoon din sa sakit na Haemophilus influenzae type B na lubhang mapanganib sa maliliit na bata.
Ang pentavalent vaccine ay may taglay ring hepa B vaccine na kukumpleto sa dose na kailangan ng isang sanggol.
4. Polio (Oral Polio Vaccine o OPV)
Tulad ng pentavalent vaccine, ang oral polio vaccine ay ibinibigay sa sanggol ng tatlong beses o dose. Ito ay nagsisimulang ibigay kapag siya 1 ½ month old. Saka susundan ng pangalawa at pangatlong dose kapag siya ay 2 ½ and 3 ½ months old na.
Ang OPV ay ibinibigay sa sanggol upang maproteksiyonan siya laban sa sakit na polio na maaaring maging sanhi ng disabilidad o kapansanan sa kaniyang mga buto na maaaring magdulot sa kaniya ng hirap sa paglalakad.
BASAHIN:
5-step guide para mas maging less painful ang pagpapabakuna sa iyong anak
Image from Antique Provincial Health Office
5. Inactivated polio vaccine
Maliban sa OPV, ay binibigyan rin ang sanggol ng vaccine na kung tawagin ay inactivated polio vaccine. Ito’y dagdag na proteksyon ng sanggol mula sa sakit na polio na ibinibigay kapag siya ay 3 ½ months old na. Hindi tulad ng OPV o oral polio vaccine, ang IPV ay ibinibigay sa pamamagitan ng injection sa braso o binti ng isang sanggol.
6. Pneumococcal conjugate vaccine o PCV
Para naman maproteksiyonan si baby mula sa delikadong sakit na pulmonya at meningitis ay binibigyan siya ng pneumococoal conjugate vaccine o PCV.
Ito ay may tatlong doses na ibinibigay mula siya ay tumungtong ng 1 ½ month old. Ang sumunod na dose ay ibibigay makalipas ang isang buwan at makukumpleto kapag si baby ay 3 ½ months old na.
7. Measles, Mumps, Rubella o MMR vaccine
Ang MMR vaccine ay ibinibigay sa sanggol bilang proteksyon niya laban sa mga sakit na measles o tigdas, rubella o german measles at mumps o beke. Ang mga sakit na ito kung mapabayaan ay maaring magdulot ng malnutrisyon at poor mental health sa sanggol. Maaari rin itong maging dahilan ng kaniyang pagkabingi o pagkabulag.
Binibigay ito sa oras na mag-isang taon at isang buwan na ang isang sanggol.
Sa ngayon sa ilalim ng supplemental vaccination program ng DOH na kung tawagin ay Measles-Rubella Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR OPV SIA). Muling bibigyan ng bakuna laban sa measles, rubella at polio ang mga batang may edad na 9 buwan hanggang sa wala pang limang taong gulang. Ito ay bilang dagdag proteksiyon nila laban sa mga nabanggit na sakit na naitalang may outbreak sa ilang bahagi ng bansa.
Image from Antique Provincial Health Office
Ang mga nabanggit ay ang mga bakunang libreng ibinibigay sa mga sanggol na isang taong gulang pababa.
Mga libreng bakuna sa health center vs sa nabibili sa mga private clinics
Dahil sa mga naging isyu sa pagbabakuna na nagdulot ng takot at pangamba sa ilang magulang. Marami ang kumuwestyon sa kaligtasan ng mga libreng bakunang ibinibigay ng gobyerno. Ang ilan ay mas minabuting bumili at magbayad ng pagbabakuna mula sa mga private clinics at hopitals para makasigurado.
Pero ayon sa pediatrician at executive director ng Philippine Foundation for Vaccination na si Dr. Lulu Bravo, ligtas ang mga bakunang ibinibigay ng gobyerno. Wala itong ipinagkaiba sa mga bakunang nabibili mula sa mga private clinics. Pahayag ni Dr. Bravo sa panayam sa kaniya ng theAsianparent sa Usapang Bakuna: Ask me Anything! health webinar sa Facebook:
“Basta mga bakuna na aprubado ng ating FDA at ginagamit sa ating national vaccination program ay magtiwala po tayo. Ang ating pong gobyerno ay hindi po magbibigay ng hindi magandang bakuna. Kasi isipin ninyo po tayo naman po ay mga matatalinong mga eksperto sa FDA. O ‘yung mga tinatawag nating vaccine experts. Kapag ang bakuna po ay naaprubahan iyan po ay safe.”
“Sinasabi natin bakit ‘yung pribado mahal ‘yung sa gobyerno libre. Kasi po by volume ang binibili ng ating pamahalaan at hindi po iyon ipagbibili. Kumukuha po sila ng bakuna na maibabahagi sa atin. ‘Yung sa mga private clinics kasi bumibili sila ng pakonti-konti kaya mas mahal.”
Bakit kailangang pabakunahan ang iyong anak?
Dagdag pa niya, dapat i-take advantage natin ang mga libreng bakuna sa health center na ibinibigay sa ating mga anak. Sapagkat sa ito ang magliligtas sa kanila mula sa mga sakit na maaaring maging banta sa kanilang buhay.
“Sa mga kababayan natin kailangan natin silang sabihan na pumunta po kayo sa health center dahil may bakuna libre po ‘yan. Para mailigtas ang buhay ng ating mga anak.”
“Alam ninyo ba sa buong mundo 3 milion lives of babies ang nagsesave ng vaccine every year. So dapat po talaga ay magtiwala tayo. Ngayon kung hindi mababakunahan ang bata ay nasa peligro po siya. O nilalagay natin siya sa kalagayan na may mataas na chance ng makakuha ng nakakahawang sakit.”
Source: CDC, DOH, PIA, The Asianparent PH
Image from Flickr by ONE.org