Narito ang mga dapat gawin bago magpabakuna ang iyong anak. Para maging less stress sayo at less painful naman sa kaniya.
Mababasa sa artikulong ito:
- Tips para sa pagpapabakuna sa iyong anak
- Paano gawing less painful ang pagbabakuna sa iyong anak?
- 5 hakbang na dapat mong gawin bago magpabakuna ang iyong anak.
Pagpapabakuna sa iyong anak
Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa sa Canada, ang needle phobia o takot sa karayom ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi nabibigyan ng kompletong bakuna o vaccine na kailangan niya ang isang bata.
Ang phobia na ito sa karayom, maaaring magsimula sa oras na mag-5 taong gulang siya na maaaring magtagal hanggang pagtanda niya, Ito ang isa sa itinuturong dahilan o barrier sa pagkakaroon ng access sa quality health-care at treatment ang isang tao.
Kaya naman sa Australia, ang pagpapabakuna o kanilang National Immunisation Program Schedule ay nagsisimula sa unang 18 buwan ng isang sanggol. Mauulit ito sa oras na tumungtong siya sa apat na taon at kapag siya ay ganap na adolescent na.
Sapagkat naniniwala sila na ang four-year-old vaccination approach, ay nagbibigay ng oportunidad sa mga magulang na matulungan ang kanilang anak na maging komportable sa mga needle procedures o anumang activity na ginagamitan ng karayom.
Doctor photo created by freepik – www.freepik.com
Paano ito gawing less painful sa kaniya?
Bagama’t walang sinasabing tumpak na dahilan kung bakit nade-develop ang needle phobia, ang mga may takot sa karayom. Iniuugnay ito sa pagkakaroon ng hindi magandang karanasan sa karayom o pagpapabakuna noong sila’y bata pa. Tulad ng panloloko sa kanila o pag-under informed mabakunahan lang sila.
Kaugnay nito, para matulungan kang magbigay ng positive experience sa pagpapabakuna ng iyong anak, narito ang mga paraan na dapat mong gawin. Ito ay base sa tinatawag na respectful approach to child-centred health care.
Nag-fofocus ito sa magulang at mga health-care provider na magkaroon ng cooperative relationship sa isang bata. Kaysa gumamit ng authority o suhol para mapabakunahan lang sila.
Layunin ng approach na ito na matulungan ang isang bata na maramdamang siya’y in control sa mga needle procedures. Ganoon din, upang mabawasan ang anxiety o takot niya rito.
Sa ilalim ng approach na ito, narito ang mga dapat gawin bago magpabakuna ang bata para maging less painful sa kaniya at maging less stress naman sayo na magulang niya.
5 hakbang o dapat gawin bago magpabakuna ang iyong anak
1. Ihanda ang iyong anak sa pagpapabakuna.
Ilang linggo bago ang ang pagpapabakuna ay i-introduce na sa kaniya ang topic ng pagpapabakuna at bakit ito mahalaga.
Asahan na may resistance siya tungkol rito. Normal lamang ito. Hindi dapat makipagbangayan sa kaniya. Bagkus ay i-acknowledge ang nararamdaman niya. Ipaintindi sa kaniya na kahit tayong matatanda, minsa’y hindi rin gusto ang pagpapabakuna.
Isang linggo bago ang vaccination schedule niya, banggitin itong muli sa kaniya. Magbigay rin ng ilang detalye tungkol rito gaya ng kung saan ito gaganapin at sino ang makakasama niya. Ang isang reminder isang araw ang pagpapabakuna ay makakatulong din upang mas maging handa siya.
Photo by CDC on Unsplash
BASAHIN:
3 paraan para mabawasan ang pag-iyak ni baby kapag tinuturukan ng bakuna
#AskDok: Mayroon nang Oral Polio Vaccine ang anak ko, safe na ba siya?
#ASKDOK: Puwede bang ma-delay ang bakuna ni baby?
2. Maging honest at transparent sa iyong anak.
Mahalagang alamin kung may katanungan ba ang iyong anak tungkol sa pagpapabakuna. Saka ito sagutin ng tapat o honest hangga’t maaari. Ipaalam sa kaniya na oo magiging masakit ito.
Pero hindi naman ito magtatagal. Madalas ang sakit na dulot nito’y tumatagal lang ng 30 segundo. Katumbas lamang ito ng isang round ng pagtakbo niya sa loob ng bahay o pagbikas niya ng buong alphabet.
3. Bigyan ng choices ang iyong anak.
Hayaang maging parte ng proseso ng pagbabakuna ang iyong anak sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng choices o pagpipilian. Tulad ng kung kailan niya ba gustong gawin sa araw ang pagpapabakuna, sa umaga ba o sa hapon?
Makipag-usap drin sa iyong health-care provider in advance kung maaaari bang pumili ang iyong anak kung saan niya gustong gawin ang pagbabakuna. Madalas, ito’y ginagawa sa hita o itaas ng braso.
Tulungan siyang pumili sa pamamagitan ng pagsubok o pagkukunwari na gagawin ang pagbabakuna gamit ang toothpick. Sa ganitong paraan ay malalaman niya ang difference sa pagpapabakuna sa dalawang bahagi ng katawan niyang ito. Mabibigyan din siya ng preference kung sa kaliwa o kanang bahagi ng katawan niya gustong gawin ang pagpapabakuna.
Minsan ay makakatulong din na sabihan ang iyong anak na maaari siyang sumigaw kung siya ay masasaktan. Puwede siyang gumamit ng mga salitang gusto niyang sabihin sa oras na siya ay ma-injectionan na.
Marapat lang na sabihan ang iyong healthcare provider tungkol rito. Para hindi siya masorpresa at makatulong siya sa effective time-tested method na ito para maging less painful ang pagbabakuna sa mga bata.
4. Iwasang suhulan o i-distract ang iyong anak.
Ang pag-ooffer ng bribe o suhol sa isang bata’y magbibigay sa kaniya ng impression na may hindi maganda tungkol sa procedure na gagawin sa kaniya. Bilang isang magulang ay dapat maging confident ka kahit ikaw mismo’y may takot sa karayom.
Sapagkat ang mga bata ay natututo tungkol sa pain-related beliefs at behaviors base sa nakikita o naoobserbahan nila. Puwede namang bigyan ng reward ang iyong anak. Pero mas mainam kung ibibigay o ipapaalam ito sa kaniya matapos siyang mabakunahan.
Ang pagdi-distract sa iyong anak ay mag-iiwan naman ng katanungan sa kaniya kung bakit mo ito ginagawa. Iisipin niya na may masama ba sa gagawin sa kaniya at ipinagbabawal itong makita niya? Bilang resulta mawawalan siya ng tiwala at hindi makikipag-cooperate ng maayos sa pagbabakuna.
May ibang bata na gustong nakikita ang bawat nangyayari sa paligid niya. Hayaan ang iyong anak na gawin ito. Sapagkat base sa isang pag-aaral, ang mga adult na hinahayaang tumingin habang itinutusok ang karayom sa kanilang balat ay nakaramdam ng less pain kumpara sa mga iniiwasan na makita ito.
5. Gumamit ng mindful parenting approach.
Isipin na ang nabanggit na approach o hakbang na mga dapat gawin bago magpabakuna ay isang oportunidad sa ‘yo na magkaroon ng quality time sa iyong anak. Kaya naman maging 100 percent present sa kaniya.
Isantabi ang mga task sa umaga o hapon na kung kailan gaganapin ang kaniyang pagpapabakuna. Kung maaari ay mag-dayoff ka sa trabaho. O kaya nama’y patayin ang iyong cellphone at ipaalaga na muna ang kaniyang kapatid sa iba.
Obserbahan ang iyong anak at ibigay ang full attention mo sa kaniya. Maging compassionate at aware sa kaniyang nararamdaman. Ang mga ito ay makakatulong para ma-improve ang iyong parent-child relationship. Upang matulungan ang iyong anak na i-handle ang mga anxious o difficult times sa kaniyang buhay.
– Therese O’Sullivan, Associate Professor, Edith Cowan University
Ang artikulong ito ay orihinal na inilathala sa The Conversation at muling inilathala sa ilalim ng isang Common Creative license. Ito ay isinalin sa wikang Filipino ni Irish Mae Manlapaz.
Translated with permission from theAsianparent Singapore
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!