Sa modernong panahon ngayon, marami pa ring pamahiin tungkol sa pagdadalantao ang pinaniniwalaan ng ilan sa ating mga kababayan. Kaya naman narito ang ilan sa mga pregnancy myths na hindi dapat paniwalaan at sundin ayon sa mga doktor.
Mga pregnancy myths na hindi dapat paniwalaan
1. Ang morning sickness ay nangyayari lamang tuwing umaga
Bawat isang ina ay alam na hindi ito totoo. Para sa mga doktor, ang morning sickness ay resulta ng biglaang pagtaas ng hormones sa katawan ng isang nagdadalantao.
Ang mataas na level ng hormones ng mga nagdadalantao ay laging naroroon sa buong araw at hindi lamang tuwing umaga. Sa madaling salita, walang pinipiling oras ang tinatawag na morning sickness.
Kaya lamang ito tinawag na morning sickness ay dahil kadalasan itong nangyayari sa umaga. Ngunit maaari itong maranasan anumang oras na biglang tumaas ang hormone level ng mga buntis. Sintomas nito ay ang pagkahilo at pagduduwal.
2. Hindi maaapektuhan ng kaunting pag-inom ng alak ang iyong fetus
Wala pang napatunayan sa siyensiya na may ispesipikong dami ng alak na safe para sa pagdadalantao. Mataas ang tiyansa ng panganib na magkaroon ng pre-term birth, low birth weight at fetal alcohol syndrome ang mga buntis na umiinom ng alak.
Isa pa, magkakaiba ng alcohol tolerance ang bawat babae. Nagkakaiba ang lahat sa dami ng enzymes na mayroon sa katawan nila upang ma-breakdown ang alak.
“If a pregnant woman with low levels of this enzyme drinks, her baby may be more susceptible to harm because the alcohol may circulate in her body for a longer period.”sabi ni Dr. David Garry, chairman ng Fetal Alcohol Spectrum Disorders Task Force ng American College of Obstetricians and Gynecologists.
Mabuting umiwas na lamang sa temtasyon ng pag-inom ng alak, gaano man ito kagaan sa alcohol content o kakaunti sa dami ng mililiters.
3. Mas madaling manganak ang mga babaeng may malaking balakang
Hindi ito totoo ayon sa mga eksperto. Nagkakatalo ang bawat babae sa lapad ng kanyang pelvis o sipit-sipitan at hindi sa lapad ng balakang.
Kaya kung minsan, may mga babaeng petite ngunit kayang magsilang ng malalaking sanggol at mayroon ding plus size na mga babae na hirap na hirap magsilang kahit maliit lang ang kanilang sanggol.
4. Kailangang kumain ng para sa dalawang tao ang buntis
Iniisip ng ilan na kailangang kumain ng marami ng mga buntis dahil kailangan nila ito ng kaniyang baby. Ngunit para sa mga dieticians, hindi dapat mag-over-eat ang mga buntis dahil nakakasama rin ito sa kalusugan nila ng baby.
Ipinapayo ang pagkain ng mga pagkaing may mataas na nutritional value at hindi mataas na calorie. Nakakadagdag ng panganib sa kalusugan ang pagiging overweight ng ina kaya kailangang bantayan ang lahat ng kanyang mga kinakain.
5. Nakikita sa hugis ng tiyan ng buntis ang kasarian ng baby
Ito ang pinakakaraniwan sa mga pregnancy myths na naririnig natin patungkol sa hugis ng tiyan ng isang nagdadalantao. Kapag patulis at mataas, sinasabi nilang lalake ang kasarian ng baby at kapag bilugan naman at palapad ay babae ang kasarian.
Mali ito ayon sa mga doktor dahil walang kinalaman ang hugis ng tiyan ng buntis sa magiging kasarian ng kanyang fetus. Ang hugis ng tiyan ng buntis ay repleksiyon lamang ng built at muscle tone ng katawan ng isang babae.
Source: Reader’s Digest
Images: Shutterstock
BASAHIN: Mga pamahiin tungkol sa pagbubuntis at mga paliwanag nito