Ayon sa isang bagong pag-aaral, sanhi ng myopia sa mga bata maisisi sa matagal na paggamit nila ng mga gadget.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sanhi ng myopia sa mga bata.
- Paano makakaiwas sa myopia ang iyong anak.
Sanhi ng myopia sa mga bata
Ayon sa isang bagong pag-aaral, mas tumataas ang bilang ng kaso ng mga batang nagkakaroon ng myopia sa ngayon. Ang myopia ay ang kondisyon sa mata na kung saan nagiging nearsighted o nakakakita lang ng malinaw ang isang tao ng malapitan.
Habang ang mga malalayong bagay naman ay blurred o malabo na sa kaniyang paningin. Ang dahilan kung bakit maraming bata ang nakakaranas nito ngayon? Ang sagot ng pag-aaral ay ang paggamit ng gadgets na numero unong sanhi ng myopia sa mga bata.
Ito ang natuklasan ng mga researchers mula sa Anglia Ruskin University, United Kingdom at mga experts mula sa bansang Singapore, Australia, at China. Ang ginawang pag-aaral ay nailathala sa The Lancet Digital Health journal.
Natuklasan ng mga researchers ang kanilang findings matapos i-analyze ang resulta ng 3,000 na pag-aaral patungkol sa device exposure ng mga batang edad 3 hanggang 33-anyos na mga adults.
Paggamit ng gadgets at computer nagpapataas ng tiyansa ng myopia sa mga bata
School photo created by pressfoto – www.freepik.com
Base sa ginawang analysis, ang paggamit ng gadgets tulad ng cellphone ng mga bata ay nagpapataas ng tiyansa nilang magka-myopia ng hanggang sa 30%. Mas tumataas pa ito ng 80% kung ang paggamit ng gadgets ay sasabayan pa ng paggamit ng computer.
Ito ngayon ang madalas na makikita sa bawat kabahayan na itinuturing na isa sa masamang epekto ng online learning sa mga batang mag-aaral.
Kaya naman rekumendasyon ng mga researcher ng ginawang pag-aaral, kailangan ay hindi basta balewalain ang kanilang natuklasan. Lalo na ang epekto ng labis na paggamit ng gadgets at computers sa vision at eye health ng mga bata.
Ayon naman sa isa pang hiwalay na pag-aaral, tumataas ang tiyansa na makaranas ng myopia ang mga batang gumagamit ng gadgets ng higit sa 3 oras sa isang araw. Lalo na kung ang bata ay sampung taong gulang pababa na sinasabing mas prone na makaranas ng nasabing eye condition.
Mas prone nga rito ang mga batang edad sampung taong gulang pababa. Sapagkat hindi pa ganoon ka well-develop ang kanilang mga mata.
Kaya naman kung sila ay madalas na gumamit ng gadgets sa mura nilang edad ay mas makakasanayan nilang tumingin sa mga bagay na malapit sa kanila. Dahilan para sila ay magkaroon ng myopia o nearsightedness.
“A child’s vision develops rapidly up through about age 10. And even after that, their visual system is still growing and changing. The age when the visual system is considered to be fully mature is different for every child.”
Ito ang pahayag ng optometrist na si Dr. Alexandra Williamson.
BASAHIN:
Paano maiiwasan ang myopia sa mga bata?
Paano maiiwasan ang myopia sa mga bata ng iyong anak? Narito ang mga dapat gawin.
Girl photo created by freepik – www.freepik.com
Gabayan at limitahan ang iyong anak sa paggamit niya ng gadgets at computer.
Base sa screentime guide ng American Academy of Pediatrics, ang mga newborns hanggang 18months old na sanggol ay hindi dapat nai-expose sa screen o sila ay dapat walang screen time.
Maliban nalang kung sila ay isasama mo sa isang video call. Habang para naman sa mga batang 18 months pataas hanggang 24 months dapat ay may limitasyon ang paggamit ng gadgets at may gabay ng magulang. Para naman sa mga batang 2 hanggang 5 taon, isang oras o 60 minuto ang ina-advice nilang maximum gadget time.
Bagama’t sa mga batang mag-aaral ay hindi maiiwasang mas maging matagal ang exposure nila sa gadgets, mas mabuting gabayan at bantayan sila na agad tumigil sa paggamit nito kapag tapos na ang ginagawa o klase nila.
Ilayo ang computer o cellphone nang 18 inches mula sa mata.
Para mabawasan ang pananakit ng mata, mainam na ilayo ng one arm away o 18 inches ang mata mula sa computer o cellphone.
I-adjust ang brightness ng cellphone o computer. Pati na ang laki o size ng letra sa screen.
Dapat ay hindi masyadong maliwanag o bright ang screen ng iyong cellphone. Ito ay dapat i-adjust upang hindi maging masakit sa mga bata.
Tandaan na dapat ang overhead o surrounding light ay dapat mas madilim kumpara sa cellphone o computer. Sa ganitong paraan ay hindi kinakailangang taasan ang brightness ng ginagamit na gadget.
Makakatulong din kung i-adjust ang size ng text sa cellphone o computer ng mas malaki upang madaling basahin.
Ugaliing kumurap.
Ayon sa mga eksperto, ang pagkurap ay nakakatulong upang ma-lubricate ang mga mata. Sa ganitong paraan ay nababasa ito at nababawasan ang eye strain. Ang paggamit naman ng eye lubricant ay naka-depende sa payo ng espesyalista.
Gawin ang 20-20-20 rule.
Ito ay ang pagpapahinga ng mata nang 20 segundo, kada 20 minuto sa layong 20 talampakan.
Siguruhin naka-eye level at nakaupo nang maayos ang iyong anak kapag nasa harap na ng computer.
Technology photo created by freepik – www.freepik.com
Mahalaga rin na komportable ang posisyon ng iyong anak habang gumagamit ng computer o gadget. Ito ay upang hindi masyadong ma-pwersa ang kaniyang mga mata habang nag-aaral.
Ayon sa pediatric ophthalmologist na si Dr. James Abraham, sa ngayon hindi niya inirerekumenda ang paggamit ng blue filter screen o eyeglasses. Ito ay dahil hindi pa ito napapatunayan na may epekto sa mata. Ngunit paalala niya sa oras na makaranas ng pananakit o kakaiba sa mga mata ay agad ng magpakonsulta.
Source:
Science Daily, ABS-CBN News, Myopia Institute, Max Vision Eye Hospital, JAMA Pediatrics