Nababahala ka ba sa madalas na pagkurap ng mata ng iyong baby? ‘Wag itong balewalain dahil maaaring isa itong senyales ng seryosong kondisyon.
Ang pagkurap ay normal na reflex ng ating katawan upang protektahan ang mata laban sa dryness, maliwanag na ilaw o iba pang bagay. Hindi natin namamalayan na ginagawa natin ito ng ilang beses sa isang araw.
Bukod pa rito, nagsisilbi itong primary coat ng ating mga mata mula sa luha at maalis ang anumang dumi sa debris o cornea.
Ngunit alam mo bang ang pagkurap ng mata ng matanda at baby ay magkaiba?
Madalas na pagkurap ng mata ng baby | Image from iStock
Ang mga baby ay kumukurap lang ng dalawang beses kada minuto. Sa pagtanda naman, ito ay umaabot na ng 14-17 kada minuto.
Kung nagtataka ka kung bakit hindi madalas kumurap ang mga sanggol, ito ay dahil ang kanilang mata ay protektado pa at dahil rin madalas silang matulog. Ngayon, madalas na pagkurap ng mata ng baby ba ang iyong sadya? Narito ang kasagutan.
Madalas na pagkurap ng mata ng baby: Ano ang dahilan nito?
Ang “excessive blinking” ay nangyayari kapag labis kumurap ang isang tao. Ito ay maaaring dahil sa pagkakaroon ng problema sa eyelids, anterior segment, habitual tics, refractive error, intermittent exotropia o stress.
Kung pansin mong labis ang pagkurap ng mata ng iyong anak, agad na magpatingin sa kanilang pediatrician o ophthalmologist. Ito ay dahil ang labis na pagkurap ng mata ng mga baby ay nagpapahiwatig ng neurological disorder, muscle spasms, impeksyon sa mata, allergy, vision defect o blepharitis.
1. Facial muscle spasms
Ang muscle spasms ay kapag nagkaroon ng problema sa muscles sa paligid ng mata ng iyong anak. Mas madaling magkaroon ng ganitong kondisyon ang mga batang malilikot dahil sila ay mas physically expressive.
2. Tics
Ang tics ay ang paulit-ulit na paggalaw. Tinatayang nasa 20% ng mga toddler ay nakakaranas nito katulad ng hirap sa pagpikit o kurap. Laging tignan ang senyales ng tics katulad ng anxiety dahil ito ang mga pangunahing kondisyon na nakakapagpalala ng tics sa mga bata.
3. Allergy
Ang allergy ay maaaring makapagpalala ng problema sa mata ng isang tao. Katulad ng pamumula, pangangati at pamamaga nito. Madalas ang pagkurap nila para maalis kahit papaano ang pangangati ng mata. Ganito rin ang nangyayari kapag barado o may sipon si baby. Isang senyales ng allergy.
Obserbahan ang paligid. Saan kaya nanggagaling ang allergy ng iyong baby? Maaaring sa alikabok o iba pang environmental allergies. Kung agad mong napansin ang mga sintomas na ito, irerekomenda ng doktor ng iyong anak na sumailalim siya sa allergy test kasunod ng anti-allergen.
4. Problema sa paningin
Kung ang madalas na pagkurap ng iyong anak ay tila kakaiba, kinakailangan mong ipatingin na ang mata ng iyong anak sa eksperto. Minsan, ang labis na pagkurap ay isang indikasyon na kailangan na nilang magsalamin. Sa katunayan, ang labis na pagkurap ay nagreresulta ng pagkasira ng cornea o senyales ng pink eye.
5. Dryness
Madalas ding pumikit ang mga baby kapag nanunuyo na ang kanilang mata. Maiiwasan ito kapag pinagbawalan mo silang kuskusin ang kanilang mata. ‘Wag din kakalimutan na humingi ng payo sa doktor tungkol sa magandang eye drop na nakakabawas ng iritasyon.
6. Short sightedness
Isa ito sa pangunahing dahilan sa labis na pagkurap ng baby. Ito ay dahil walang makita ang iyong anak na sinamahan pa ng pag-iyak. Kinakailangan nang magpatingin sa ophthalmologist ni baby kapag patuloy na kinukusot niya ang kaniyang mata at umiiyak kapag hindi makuha ang isang bagay.
7. Obsessive Compulsive Disorder
Ang Obsessive Compulsive Disorder o OCD ay isang behavioral condition na siyang ang resulta ng labis na pagkurap ng bata. Ang mga may ganitong kondisyon ay hindi makontrol ang kanilang labis na pagkurap.
Madalas na pagkurap ng mata ng baby | Image from Shutterstock
8. Anxiety o takot
Isa pang dahilan ng labis na pagkurap ng mata ay ang anxiety. Laging tabihan ang iyong anak at tanungin siya kung anong ikinakabalisa niya. Maaaring ito ay takot sa isang bagay o tao.
9. Bored
Minsan naman ay bored lang ang iyong anak kaya ito kumukurap ng madalas. Gayunpaman, hindi ibig sabihin nito na kailangan mong i-entertain ang iyong anak buong araw. Titigil rin ito ng kusa.
10. Blepharitis
Isa itong bacterial infection sa eyelids ng bata. Ang sintomas nito ay ang pamumula ng mata na umaabot sa kanilang eyelids. Isa sa gamot sa impeksyon na ito ay ang paglalagay ng maligamgam na compress sa mata nila sa loob ng 15 minuto. Maaaring gawin ito ng ilang beses sa isang araw na may kasamang antibiotic ointment na nireseta ng doktor.
Narito ang ilan pang dahilan ng labis na pagkurap:
- Wilson’s disease: Isa itong rare genetic condition na dahilan ng labis na copper sa katawan.
- Multiple sclerosis: Isang sakit sa utak at spinal cord.
- Tourette’s syndrome: Isang kondisyon na hirap kontrolin ang labis na paggalaw o tunog.
Paano malalaman ang madalas na pagkurap ng mata ng baby?
Kung mapapansin mo na hirap o labis ang pagkurap ng mata ng iyong anak, kailangan mo nang dalhin sila sa ophthalmologist para masuri ang kanilang mata. Sa pagsusuri ng doktor, gagamit sila ng microscope para tignan kung gumagana ba ng maayos ang kanilang cornea.
Kung may makita man, kakausapin ka ng ophthalmologist at sasabihin ang mga sintomas. Titignan nila kung normal lang ba ang pagkurap o hindi na. Kung ang problema ay dahil sa eyelashes o iba pang parte ng mata, maaaring pagamitin ka nila ng ointment para kay baby.
Paano gamutin ang labis na pagkurap?
Nakadepende ang gamot sa kaso ng bata. Kung ang iyong anak ay may problema sa pagkurap dahil sa impeksyon, kinakailangan mo ng ointment. Kung ito naman ay dahil sa behavioural issue, mas mabuting humingi ng payo sa doktor.
Madalas na pagkurap ng mata ng baby | Image from iStock
Narito ang pangkaraniwang gamot:
- Allergy o dryness: Maaaring magbigay ng reseta ang ophthalmologist ng iyong anak para sa eye drop na mabibili sa botika.
- Cornea injury: Kailangang magsuot ng bandage ng iyong anak na parang pirata! Ito ay para maiwasan ang labis na pagkurap at makatulong sa pagpapagaling ng sugat. Maaaring bigyan ka rin ng antibiotic eye drops.
- Pagpasok ng foreign object sa mata: Isa itong dahilan kung bakit naiirita ang mata ng baby. Maaaring sumailalim sa surgery ang bata depende sa kondisyon.
- Refractive inaccuracy: Kung short-sighted ang iyong anak, kinakailangan niyang magsuot ng salamin. Sa ibang malalang kaso, kinakailangan nilang sumailalim sa operasyon.
- Habitual tic: Kung ang pagpikit ay dahil sa tic, wala ka dapat na ipagalala. Kausapin ang pediatrician ng iyong anak tungkol sa kondisyong ito. Para sa vocal tics, mapapansin mong naglalabas ng hindi karaniwang tunog ang iyong anak at hirap din sa pagpikit. Kinakailangan mo namang ipatingin siya sa neurologist.
Mga dapat tandaan ng magulang
Bilang mga magulang, alam natin ang bawat kilos o galaw ng ating mga anak. Subalit hindi maiiwasang hindi natin sila matutukan ng buong araw. Kaya naman kung mapansin ang kakaiba sa pagkurap ng iyong anak, huwag balewalain ang iyong instict. Oo, isang paraan para maiwasan ang ganitong kondisyon ay ang ilayo sila sa digital devices.
Subalit narito pa ang ibang paraan para maiwasan ito:
- Imbes na tablet o mobile phone, ibigay sa kanila ang totoong laruan.
- Kung nasa isang taon o pababa pa lang ang iyong anak, limitahan ang paggamit ng device na hindi aabot sa isang oras.
- Hilamusan ng malamig na tubig kapag naglalaro.
- ‘Wag kakalimutan ang healthy foods! Kung nagsimula nang kumain ng solid foods ang anak mo, dagdagan ang kaniyang pagkain ng green leafy vegetable, carrots, salmon, tuna, citrus at protina katulad ng itlog.
Bukod pa rito, siguraduhin na mayroong sapat na tulog ang mga bata at limitahan ang paggamit ng device. Malakas ang pakiramdam ng mga magulang. Kaya naman kung may napansing kakaiba sa iyong anak, ‘wag itong balewalain at kumunsulta agad sa doktor.
Translated with permission from theAsianparent Singapore
Isinalin sa wikang Filipino ni Mach Marciano
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!