Para sa maraming mag-asawa, ang kanilang honeymoon ay punong-puno ng masasayang alaala. Isa ito sa mga pinaka-exciting na panahon para sa kanila, at kadalasan ay nagpupunta pa nga sila sa iba’t-ibang mga destinasyon para sa honeymoon. Ngunit para sa isang mag asawa, ito na ang nagsilbi nilang huling hantungan. Ito ay dahil sila ay nalunod sa Maldives noong nagpunta sila para sa kanilang honeymoon.
Hindi pa rin alam kung paano nalunod sa Maldives ang mag-asawa
Ayon sa mga awtoridad, halos magkasunod daw namatay ang mag-asawang si Leomer at Erika Joyce Lagradilla habang lumalangoy sa Maldives. Nag-snorkeling raw ang dalawa, nang bigla na lang daw malunod si Leomer. Nang makita raw ito ni Erika, humingi ito ng tulong, at tinangka pang sagipin ang asawa. Ngunit sa kasamaang palad, ay nalunod rin daw ito.
Nang makarating na ang mga tutulong sa kanila, parehas na raw patay ang mag-asawa, at palutang-lutang sa tubig. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maipaliwanag kung bakit sila nalunod sa Maldives, dahil malabo pa rin ang mga detalye ng insidente.
Parehas daw na nurse ang mag-asawa, at high school pa lamang ay magkasintahan na sila. Sa Singapore at Riyadh daw sila nagtatrabaho bilang mga nurse.
Lubos raw ang naging pagdadalamhati ng mga magulang ng dalawa nang mabalitaan ang nangyari. Sila raw ay tuwang-tuwa sa pag-iisang dibdib ng dalawa, at umaasa silang magkakaroon sila ng mga apo. Ngunit sa isang iglap, ay naglaho ang lahat ng kanilang mga pangarap.
Ayon sa ama ni Leomer na si Leo, hindi pa rin daw niya matanggap ang pagkawala ng kaniyang anak at ng asawa nito. “Anong nangyari, wala na? Anong nangyari sa anak ko at kay Erika? Mahirap tanggapin pero wala na kami magagawa. Tinatanong ko sila bakit, bakit kailangan mangyari? Sabi nila may plano si Lord para sa kanilang dalawa.”
Ayon naman sa ama ni Erika, maalaga raw ang kaniyang anak, at hinding-hindi raw sila pinabayaan. Dagdag niya na napakabait raw ni Erika, at lubos ang kanilang kalungkutan dahil sa pagkamatay ng dalawa.
Bagama’t marami pa rin silang tanong tungkol sa nangyari sa dalawa, sa ngayon daw ay gusto lamang nilang maibalik ang labi ng dalawa mula sa Maldives, upang mabigyan ng wastong libing.
Nais ng kanilang pamilya na maiuwi ang kanilang labi
Humingi ng tulong mula sa DFA ang pamilya, at sinabi naman ng DFA na gagawin nila ang abot ng kanilang makakaya upang makauwi ng Pilipinas ang mag-asawang nalunod sa Maldives.
Ayon kay DFA secretary Teddy Locsin, sila na raw ang bahala sa gagastusin para maibalik ang dalawa sa Pilipinas. Inasikaso na raw nila ang lahat ng mga kinakailangang gawin, at sinisigurado nilang makakauwi ng ligtas ang labi ng dalawa.
Dadalhin raw muna sa Sri Lanka ang labi ng mag-asawa upang ipa-embalsamo, at matapos ay lilipad na patungo sa Pilipinas upang mailibing.
Nagpapasalamat ang pamilya ng namayapang mag-asawa sa lahat ng tumulong sa kanila upang makauwi ang kanilang mga anak.
Source: ABS-CBN News
Basahin: Aksidenteng nasagasaan ang isang bata… ng sarili niyang ama
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!