Napagpalit ang baby sa ospital, hindi ito nangyayari sa telenovela lang. Narito ang ilang mga halimbawa ng tagpong ito at mga paraan kung paano ito maiiwasan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga totoong kuwento at karanasan ng mga napagpalit ang baby sa ospital.
- Paano ito maiiwasang mangyari sayo?
Napagpalit ang baby sa ospital
Ang mga tagpong napapanood natin sa mga telenovela ay nangyayari sa tunay na buhay talaga. Gaya na lang ng mga kuwento ng mga napagpalit ang baby sa ospital. Dahil ito ang naging karanasan ng isang mag-asawang sina Cecil at Muriel Stringer mula sa Canada.
Maraming taon man na ang nakalipas ang karanasan na ito ng mag-asawang Stringer ay nagbibigay pa rin ng kakaibang takot sa kanila. Ito ay kahit na naibalik naman agad ang kanilang sanggol.
Kuwento ni Muriel Stinger, nangyari ang aksidenteng pagkakapalit ng baby nila sa ibang baby sa ospital noong August 8, 1962. Ang kaniyang isinilang na sanggol noon ay isang baby boy na pinangalanan nilang Kent.
Matapos ang tatlong araw sa ospital, ay pauwi na sila Muriel kasama ang kaniyang baby, asawa at ina sa kanilang bahay. Ang kanilang bahay ay may layong 40 kilometers mula sa pinag-anakan niyang Walwyn Cottage Hospital sa Come By Chance, Canada.
Ina napansing iba ang itsura ng baby niya
Habang nasa loob ng taxi pauwi ay napansin na ni Muriel na may kakaiba sa baby na karga niya. Sinabi niya ito sa kaniyang ina. Kuwento ni Muriel, iba ang itsura ng sanggol na karga niya kumpara sa itsura ng sanggol na ipinanganak niya.
Sapagkat ang kaniyang sanggol ay may makapal at dark na buhok. At ang hugis ng ilong nito ay kasing hugis ng sa kaniya. Pero sabi ng ina ni Muriel ay maaaring ang napapansin niyang ito ay dulot lang ng suot na bonnet at damit ng kaniyang sanggol.
Ang hinala ni Muriel nakumpirma niyang tama ng makauwi na sila at hubaran ng suot niyang sweater ang sanggol na kanilang dala.
Nagulat na lang umano siya ng biglang mapasigaw ang ina at sinabing ang band na nasa braso ng sanggol ay iba ang pangalan na nakasulat.
Ang nakalagay dito ay “Baby Boy Adams” imbis na “Baby Boy Stringer”. At ito ay isang araw palang na naipapanganak. Habang ang anak niya ay tatlong araw na ang nakalipas ng maipanganak niya.
Photo by RODNAE Productions from Pexels
Ibang sanggol ang naiuwi nila
Dahil sa natuklasan ay agad na gumawa ng paraan ang asawa ni Muriel na si Cecil para ma-kontak ang ospital na pinag-anakan niya.
Doon nga nila nakupirma na ang kanilang sanggol ay naroon pa sa ospital. Agad na bumalik ang asawa ni Muriel na si Cecil at ang ina niya sa ospital para ibalik ang nadala nilang sanggol. Habang si Muriel ay naiwang naghihintay sa kanila, umaasang sa kanilang pagbalik ay kasama na ang kaniyang Baby Kent.
“Takot na takot ako noon. Paano pala kung walang arm band ang baby na nauwi namin noon. Hindi ko na malalaman na hindi ko talaga baby ang dala namin.”
Ito ang pag-alala ni Muriel sa naging karanasan.
BASAHIN:
Preparing for your newborn? Here are the new Always Safe protocols in MakatiMed
6 na rason kung bakit hindi muna dapat bigyan ng feeding bottle ang newborn
12 things you ABSOLUTELY need in baby’s first-aid kit
Sa maling crib pala nailagay ang baby nila
Photo by Vidal Balielo Jr. from Pexels
Sa ospital ay natuklasan nga ng asawa ni Muriel na nalagay sa maling crib ang anak nila. At ng aalis na sila ay hindi tiningnan ng nurse ang arm band ng baby niya at sa halip ay bumase lang ito sa pangalan ng crib na pinaglalagyan ng sanggol.
Kaya naman ibang sanggol ang naiuwi nila. Pero magkaganooon pa man, masaya si Muriel at kaniyang asawa na agad na naibalik ang baby nila sa kanila.
Ang kuwento nila Muriel at Cecil ay isa lang sa masasabing nagkaroon ng happy ending ng tagpong napagpalit ang baby sa ospital.
Dahil sa parehong taon, dalawang sanggol ang muling napagpalit sa parehong ospital. Pero hindi ito nalaman ng kanilang mga magulang hanggang sa lumaki na sila at natuklasang hindi match ang kanilang DNA.
Natunton man ng parehong sanggol ang kanilang mga magulang ay huli na ang lahat. Dahil ang mga ito ay pumanaw na at ito ay nangyari makalipas ang higit sa 50 years ng maipanganak sila.
Paano maiiwasang mapalitan ng iba ang iyong sanggol sa ospital?
Ang mga tagpong ito ngayon ang nagdudulot ng takot sa mga inang malapit ng manganak sa kanilang sanggol. Ito naman ay maaring maiwasan. Ang ilan sa maaring gawin ay ang sumusunod:
- Siguraduhing mailalagay o makakasama mo sa kwarto ang iyong sanggol sa ospital. Makakatulong din ito para matutunan mo kung paano siya mas maalagaan at higit sa lahat ay mababantayan.
- I-request sa iyong doktor na gawin ang mga exams at procedures kay baby sa loob ng iyong kwarto sa ospital. Para mas makapagtanong ka rin at mabigyan ng tamang kaalaman sa pag-aalaga sa iyong bagong sila na sanggol.
- Kung kailangang ilipat o dalhin si baby sa ibang kwarto para sa mga procedures na kailangan niyang daanan ay samahan siya. Maaaring ikaw o kung sinuman sa inyong pamilya ang maaring gumawa nito.
- Sa mga oras na kailangan talagang mawalay ang iyong sanggol mula sayo, ay siguraduhing nakalagay ang ID tag niya bago siya mahiwalay sayo. Dapat din ay hingin ang buong pangalan ng kung sinumang kukuha sa iyong sanggol. Para makasigurado ay mabuting tingnan ang kaniyang ID para masigurong nasa mabuting kamay ang iyong baby.
- Kabisaduhin ang itsura ng iyong sanggol. Tingnan ang kulay ng kaniyang buhok o mata, hugis ng ilong o baka may balat siyang maaaring maging paraan para matukoy mong siya ang anak mo.
- Isa pang magandang paraan kung pupuwede ay kuhanan ng litrato ang sanggol sa oras na ito ay maipanganak. At syempre huwag basta ipagkakatiwala sa iba ang pag-aalaga sa kaniya.
Source:
CBC
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!