Mababasa sa artikulong ito:
- 21 na hirap na nararanasan ng mga babae sa habang buntis
Maraming iba’t ibang mga nararanasan ang buntis na kadalasan nating naririnig. Alamin natin kung ano ang mga naibahagi ng mga Mommies sa theAsianparent Community. Ito ang 21 na hirap na nararanasan ng buntis. Alin dito ang naranasan mo na?
1. Morning Sickness
Ang morning sickness ay pagduduwal at pagsusuka na nangyayari sa panahon ng pagbubuntis. At, sa kabila ng pangalan nito, maaaring tumama ang morning sickness anumang oras sa araw o gabi.
Kadalasang nararanasan ito ng buntis sa first trimester ngunit mayroong mga buntis na nakararanas nito sa kabuuan ng kanilang pagbubuntis.
Dulot ito ng pagtaas ng bilang ng hormones sa katawan. Maraming mga duktor ang nakikita ito bilang magandang senyales ng mabuting pagdevelop ng placenta.
Kasama sa maaaring home remedies ay ang “pagmemeryenda” sa buong araw at pagsipsip ng ginger ale o pag-inom ng mga gamot na nabibili sa reseta upang makatulong na mapawi ang pagduduwal.
2. Pagsusuka
Ang pagsusuka na karaniwang kaakibat ng pagkahilo ay maiuugnay sa morning sickness. Ganunpaman, ang sobrang pagsusuka ay tinatawag na Hyperemesis Gravidarum at kinakailangan ng paggamot sa ospital.
Bihira lang ito mangyari. Ang Hyperemesis Gravidarum ay nangyayare kapag ang isang taong may pagduduwal at pagsusuka ng pagbubuntis ay may malalang sintomas na maaaring magdulot ng matinding dehydration o magresulta sa pagkawala ng higit sa 5% ng katawan bago ang pagbubuntis.
Ang hyperemesis gravidarum ay maaaring mangailangan ng pag-ospital at paggamot na may mga intravenous (IV) na likido, mga gamot at bihirang isang feeding tube.
3. Paglilihi
Marami na ang mga kwento ng paglilihi habang nagbubuntis. May ilan pa na hinahanap ang kakaibang halo ng mga pagkain o maging mga pagkain na hindi nila karaniwang kinakain.
Ang paglilihi ay isang kultural na konsepto. Sa Vocabulario Tagalog-Castellano na inilathala noong 1887, ang paglilihi ay isinalin sa mga salitang la concepción o paglilihi.
Ayon sa Philstar.com interview mula kay nutritionist Jo Ann Salamat, ang karaniwang paglilihi ay makikita sa maraming paraan katulad ng morning sickness, pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na pagkagusto sa isang tao o isang bagay, at pagkakaroon ng matinding pananabik para sa ilang uri ng pagkain—lalo na ang mga mahirap hanapin o sa hindi pangkaraniwang kumbinasyon sa ibang pagkain.
Ang mga pagkaing ito ay karaniwang maasim, hindi tipikal, o wala sa orihinal nitong lasa. Halimbawa, green mango na isinawsaw sa peanut butter.
Ang paglilihi ay kadalasang nangyayari sa unang trimester ng pagbubuntis, ang pinakamahalagang stage para sa pagbuo ng sanggol. Nang tanungin kung ang kakulangan sa sustansya ang sanhi ng hindi pangkaraniwang paglilihi sa pagkain, sinabi ni Salamat na hindi ito ang kaso. Idinagdag niya na walang one-to-one correspondence pagdating sa cravings sa pagkain.
Ang paglilihi ay nananatiling isang kontrobersyal na isyu. Maniwala man o hind isa bagay na ito, importanteng piliin ng ina ang mga pagkain na magpapalusog at magbibigay ng tamang sustansya, sa kaniya at sa kaniyang sanggol sa sinapupunan.
4. Sakit sa paggalaw ng baby
Maraming mga ina ang nakakaranas ng sakit sa tuwing sumisipa o gumagalaw ang kanilang baby. Hindi kailangang mag-alala dahil dito dahil sadya lamang sumisikip ang sinapupunan para sa mga lumalaking baby.
Ano ng aba ang normal na paggalaw ni baby sa tiyan? Basahin ang artikulong ito tungkol sa 5 signs na dapat bantayan ng mga buntis sa paggalaw ni baby sa tiyan.
5. Heartburn
Ang heartburns ay karaniwang nararanasan sa ikatlong trimester ng pagbubuntis.
Kung mayroon kang heartburn habang ikaw ay buntis, maaari kang makaramdam ng:
- Pakiramdam ang pag-init o pananakit sa iyong dibdib, lalo na pagkatapos mong kumain
- Sensasyon ng kapunuan, bigat, o bloating
- Burp o belch
- Maasim o mapait na lasa sa iyong bibig
- Ubo o may namamagang lalamunan
Maaaring mangyari ang heartburn sa pagbubuntis dahil sa pagbabago ng mga antas ng hormone, na maaaring makaapekto sa mga kalamnan ng digestive tract at kung paano hinahandle ng iyong katawan ang iba’t ibang pagkain. Ito rin ay dulot ng bigat at pressure sa intestines mula sa lumalaking baby.
6. Backache
Karaniwan lamang ang makaranas ng pananakit ng likod lalo na sa mga unang bahagi ng pagbubuntis. Ito ay dulot ng paghahanda ng katawan para sa labour. Ang mga ligaments ng katawan ay lumalambot at nagsstretch.
Subukan ang mga tips na ito para maiwasan o maibsan ang sakit sa iyong likod:
- Balukturin ang iyong mga tuhod at panatilihing tuwid ang iyong likod kapag nagbubuhat ka o pumulot ng isang bagay mula sa sahig
- Iwasang magbuhat ng mabibigat na bagay
- Panatilihing tuwid ang iyong likod. Alalayan ito nang mabuti kapag nakaupo. Makakatulong ang mga maternity support pillows.
- Magsuot ng flat shoes para distributed ang iyong timbang
7. Leg cramps
Maraming dahilan kung bakit maaaring makaranas ng pulikat ang mga nagbubuntis. Kasama na dito ang dagdag na bigat na kailangang dalhin dahil sa lumalaking baby. Maaaring dulot din ito ng pag-ipit ng baby sa mga nerves at blood vessels na papunta sa mga hita.
Mga tips para sa pagpapabuti ng sirkulasyon habang buntis:
- Subukang matulog sa iyong kaliwang bahagi.
- Itaas ang iyong mga binti nang madalas hangga’t maaari. Maghanap ng oras upang itayo ang iyong mga paa at mag-relax.
- Sa gabi, maglagay ng unan sa ilalim o sa pagitan ng iyong mga binti.
- Sa umaga naman, maglakad-lakad ng 1-2 oras lalo na kung ikaw ay nasa desk lang buong araw sa opisina.
BASAHIN:
Depresyon habang buntis: Mga sintomas, gamutan, at posibleng epekto sa baby sa loob ng sinapupunan
8. Constipation
Ang constipation sa mga buntis ay dahil sa iba’t ibang dahilan. Ang simpleng pag-aalala sa kalagayan ay maaaring magdulot nito. Dagdag pa dito ang diet na mababa sa fiber at kakulangan ng exercise dahil sa hirap sa paggalaw. Maituturo din ang mga hormones na nagpaparelax sa muscles ng intestines.
9. Sobrang init ng katawan
Karaniwan sa mga nagbubuntis ang nakakaramdam ng sobrang init ng katawan. Kahit pa bagong ligo ay madaling pinagpapawisan dahil sa pagtaas ng dami ng dugo. Ang mga blood vessels ng kanilang katawan ay nagda-dilate at dinadala ang dugo nang masmalapit sa balat.
10. Diabetes
Ang diabetes sa panahon ng pagbubuntis—kabilang ang type 1, type 2, o gestational diabetes—maaaring negatibong makaapekto sa kalusugan ng ina at sanggol. Para sa mga babaeng may type 1 o type 2 na diyabetis, ang mataas na asukal sa dugo sa panahon ng paglilihi ay nagpapataas ng panganib ng mga sanggol na magkaroon ng mga depekto sa panganganak, patay na panganganak, at preterm na kapanganakan.
Habang buntis, ang placenta ay naglalabas ng hormones na maaaring magpataas ng sugar sa katawan ng ina. Kapag hindi kayanin ng pancreas ang sapat na insulin para dito, maaari itong magdulot ng tinatawag na gestational diabetes.
11. Pananakit ng ngipin
Maraming mga ina ang nakakaranas ng pananakit ng ngipin habang nagbubuntis. Ito ay dulot ng gingivitis na nagpapamaga ng gilagid at maaari pang maging dahilan ng pagdugo. Ito ay karaniwang dulot ng pagbabago sa hormones.
12. Anxiety
Ang mga pagbabago sa hormones ay maaaring maka-apekto sa mga chemicals sa utak ng nagdadalang tao. Dagdag pa ang malaking pagbabago na dulot ng pagkakaroon ng anak, ito ay nagiging sanhi ng anxiety sa mga buntis.
13. Hirap sa pagtulog
Maraming mga ina ang nahihirapan matulog lalo na sa ikatlong trimester ng pagbubuntis. Ito ay dulot ng maraming dahilan tulad ng kawalan ng ginhawa sa laki ng baby o pagbabago sa hormones. Maaari rin itong maidulot ng anxiety na kasama sa pagbubuntis.
Narito ang mga dahilang kung bakit maaaring nahihirapan ka sa pagtulog:
- Kailangang umihi ng madalas
- Pagduduwal o pagsusuka
- Sakit sa likod
- Breast tenderness
- Kakulangan sa ginhawa sa tiyan
- Leg cramps
- Shortness of breath
- Heartburn
14. Mabilis hingalin
Ang pagiging mabilis hingalin ay karaniwan sa mga unang bahagi pa lamang ng pagbubuntis. Ito ay dahil sa hormone na progesterone na nagdudulot ng mabilis na paghinga sa mga buntis. Ito ay tinatawag ng mga duktor na dyspnea.
15. Madalas na pag-ihi
Sa unang trimester pa lamang, marami nang mga ina ang nakakapansin na dumadalas ang kanilang pag-ihi. Ito ay dulot ng hormones na nagpapalakas sa urine production at nagpapalaki sa uterus. Naiipit nito ang bladder na nagiging dahilan ng madalas na pag-ihi.
16. Pagsakit ng ulo
Maraming mga ina ang nakakaranas ng pananakit ng ulo sa unang trimester pa lamang. Ito ay dulot ng biglang pagtaas ng hormones sa katawan ng nagbubuntis. Dagdag pa dito ang pagtaas ng dami ng dugo na dumadaloy sa katawan.
17. Mood swings
Marami ang nagbabago sa katawan habang nagbubuntis. Nagdudulot ang mga pagbabago na ito ng fatigue at pagbabago sa metabolism. Dagdag pa ang pagiging hormonal, marami ang nakakaranas ng mood swings sa una at ikatlong trimester.
18. Mapili sa pagkain
Maraming mga ina ang nagbabago ang panlasa kapag nagbubuntis. Marami sa mga ito ay nasusuka na sa amoy pa lamang ng pagkain na dati ay kanilang gusto. Nagiging mahirap ito dahil karamihan ay hindi makuhang sabihin kung ano ang nais nilang kainin.
19. Pangingitim ng balat
Maraming bahagi ng katawan ang nangingitim kapag nagbubuntis. Kasama dito ang nakakaranas ng paggasgas tulad ng kilikili at hita o singit. Ganunpaman, ang mga nipples, peklat, freckels, at ari ay nagkakaroon din ng pag-itim. Ito ay kinikilala bilang melasma na dulot ng pagbabago sa hormones.
20. Laging gutom
Karaniwan sa mga buntis ang makaramdam na tila lagi silang gutom. Sa unang trimester, malaking paghihirap sa mga buntis ang pagiging laging gutom at pagiging mapili sa pagkain o pagsusuka. Ito ang pinoproblema ng mga buntis na kain nga sila nang kain, nasusuka naman din agad.
21. UTI
Ang pagkakaroon ng urinary tract infection o UTI ay karaniwang nararanasan ng mga buntis. Ito ay dahil sa naiipon na bacteria sa urinary tract na dulot ng pag-ipit ng fetus sa bladder. Hindi nailalabas ang ihi at ang bacteria na taglay nito ay nagdudulot ng impeksiyon sa katawan.
Kung mayroon kang UTI, maaaring mayroon kang:
- Pag-ihi na mas madalas
- Problema sa pag-ihi
- Burning sensation o cramp sa iyong ibabang likod o ibabang tiyan
- Isang burning feeling kapag umihi ka
- Ihi na mukhang maulap o may amoy
- Dugo sa iyong ihi, na maaaring maging pula, pink, o kulay ng cola
Nakakatakot man na magbuntis dahil sa dami ng paghihirap na karaniwang kaakibat nito, hindi parin mapagkakaila ng mga ina na lahat ng ito ay worth it pagdating ng kanilang baby.
Source:
theAsianparent Community, Mayo Clinic, Philstar, Webmd, NHS UK, Healthline, CDC
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.