Isang sanggol na 4 na linggo lang ang edad ay muntik nang mamatay matapos siyang mahawa ng sakit na herpes.
Paano nahawa ng herpes ang bata?
Nangyari ang insidente sa UK, sa batang si Noah Tindle. Ayon sa kaniyang ina na si Ashleigh White, nagulat na lang raw siya nang mapansin na namamaga at naluluha ang mata ng kaniyang anak. Matapos dalhin sa doktor, sinabi nito na blocked tear duct lang raw ito, at mawawala rin matapos ang ilang araw.
Ngunit sa halip na mawala ay nagkaroon naman ng mga maliliit na butlig sa mata si Noah. Dinala ulit niya ang anak sa ospital, dahil nag-aalala si Ashleigh na baka herpes ito.
Noong una raw ay hindi muna nagsagawa ng mga test ang doktor para sa herpes. Ngunit dahil sa pangungulit ni Ashleigh ay isinagawa ng mga doktor ang test, at lumabas na positibo sa herpes ang kaniyang anak.
Sinabi ng mga doktor na posible raw nakuha ng kaniyang anak ang sakit mula sa isang tao na mayroong herpes. At biglang naalala ni Ashleigh na kagagaling lang nilang mag-ina sa isang binyagan. Dito raw ay maraming mga tao ang humalik kay Noah, at isa sa kanila ay posibleng mayroong herpes.
Sa kabutihang palad ay mabilis na nadala ni Ashleigh si Noah sa ospital, kaya’t naagapan agad ng mga doktor ang sakit. Ngunit dahil si Noah ay 4 na linggo pa lamang noong nagkaroon ng herpes, kinailangan siyang operahan upang malagyan ng tubo kung saan dadaan ang mga gamot.
Bagama’t nakaranas ng maraming paghihirap ang sanggol, sa kabutihang palad ay gumaling rin siya, at mukhang wala namang naging masamang epekto ang impeksyon sa kaniyang kalusugan.
Ngunit kinakailangan pa rin niyang bumalik sa doktor buwan buwan upang i-monitor ang kaniyang kondisyon.
Importanteng kaalaman tungkol sa neonatal herpes
Isa lamang ang herpes simplex virus type 1 (HSV-1) sa mga sakit na puwedeng makuha ng bata mula sa halik. Basahin ang artikulo na ito para malaman kung anu-anong mga sakit ang puwedeng makuha ng baby dahil sa halik.
Ang sintomas ng herpes simplex virus type 1 ay ang mga sumusunod:
- mga singaw na kumakalat sa labi, bibig, at gilagid
- lagnat
- kulani
- sore throat
- iritable
- naglalaway
Maaaring hindi lumabas lahat ng sintomas na ito. Maaari rin na mild lang ang sintomas kung sakaling lumabas ang mga ito. Importanteng mapatignan agad ang bata para ma-diagnose ng mabuti—mas lalo na kung wala pang 6 na buwan ang bata dahil hindi pa malakas ang resistensya ng mga katawan nila. Karaniwang lumalabas ang sintomas ng herpes simplex virus 2 hanggang 12 araw matapos ma-expose sa sakit.
Source: Metro UK
Basahin: Inakalang sore eyes ng baby, herpes na pala
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!