Newborn baby sa basurahan, nasagip ng mga awtoridad. Baby, buhay at nasa maayos na kondisyon.
Newborn baby sa basurahan
Patuloy parin ang isinasagawang imbestigasyon sa iniwang newborn baby sa basurahan sa Bedok North Street 3 sa Singapore.
Ayon sa mga saksi, ang baby ay isang lalaki na nakitang nakabalot umano sa isang plastic bag na puno ng dugo. At natagpuan bandang alas-8 at alas-9 ng umaga noong January 7.
Sa isang panayam sa isa sa mga saksing kinilalang si Mr. Lim Yok Liang, 72-anyos, papunta siya sa isang kalapit na coffee shop sa lugar para mag-agahan ng makita niya ang isang ambulansya na naka-park sa Block 534, Bedok North Street. Nakita niya rin na may isang pulis ang may hawak ng isang baby na nakabalot sa tela.
“The baby was not crying. It looked like it was still breathing.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Mr. Liang tungkol sa kaniyang nasasaksihan.
Matapos noon ay dinala na umano ang sanggol ng ambulansya papunta sa KK Women’s and Children Hospital.
Wala daw visible injuries na makikita sa sanggol at nasa maayos itong kondisyon, ayon sa mga report.
Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga pulis. At nagtatanong-tanong sa mga residenteng nakatira malapit sa lugar na iniwanan ng newborn baby sa basurahan. Ang tanging pahayag na inilabas nila tungkol sa insidente ay bandang 9:11 am noong January 7 ng makatanggap sila ng tawag na kailangan ng assistance sa nasabing block.
Ayon sa isang report ng Strait Times, mula noong 2009 to 2018, 16 na inabandonang sanggol ang natatagpuan sa Singapore.
Abandoned children sa Pilipinas
Samantala, dito sa Pilipinas nasa 1.8 million na bata ang na-report na inabandona ng kanilang mga magulang. Ito ay ayon sa tala ng United Nations’ Children’s Rights & Emergency Relief Organization noong 2016. Ang pangunahing itinuturong dahilan ay kahirapan at unwanted pregnancy lalo na sa mga kabataan o teenagers.
Ayon nga sa 2019 Save the Children’s Global Childhood Report, may 5.99 percent ng mga Pilipinong kabataan ang nakakaranas ng teenage pregnancy. Base naman sa Commission on Population, may 196,000 na Pilipinong babae edad 15 hanggang 19-anyos ang nabubuntis taon-taon. At kada araw, base sa isang report ng Philippine Statistical Authority noong 2017 ay may 538 na sanggol ang ipinapanganak ng teenage Filipino mothers.
Saan maaring humingi ng tulong ang mga teenage parents
Kaya naman upang ma-address ang problema ay nilalayon ng DepEd o Department of Education na iimprove ang antas ng edukasyon ng mga kabataan patungkol sa sex at health development. Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Department of Health o DOH.
Sa mga kabataang Pilipino naman na buntis na nagnanais humingi ng tulong at suporta sa kanilang kalagayan ay bukas din ang ahensya ng Department of Social and Welfare Development o DSWD para sa kanila. Ang ahensya ay may mga programang tumutulong sa mga teenage parents at may partner NGO’s na maari ring umalalay sa kanila.
Para malaman ang listahan ng accredited NGO’s ng ahensya ay mabuting magpunta o makipag-ugnayan sa pinakamalapit na opisina ng DSWD sa inyong lugar. Ito ay para makasigurado na magiging ligtas at mabibigyan ng karapatang tulong at suporta ang isang Filipino teenage parent.
Sources: The Strait Times, Relief Web, Los Angeles Times, PIA, PSA, TheAsianparent SG
Ini-republish ng may pahintulot mula sa theAsianParent Singapore.
Basahin: Proseso ng pag-aampon sa Pilipinas: Mga hakbang at kwalipikasyon