Paano humaba ang pasensya sa bata, isa ito sa gustong matutunan ng bawat magulang. Lalo na kapag may mga bagay na ginagawa ang iyong anak na hindi mo gusto o susubukin talaga ang pasensiya mo. Pero may paraan ba kung paano humaba ang pasensya sa bata o anak mo? Narito ang mga sagot ng mga eksperto.
Epekto sa batang laging napapagalitan
Ayon kay Robert Puff, isang psychologist, bilang magulang ay mahalagang matuto tayong kontrolin na huwag magalit sa ating mga anak. Dahil ang pagpapakita nito sa kanila ay may dulot na malaking impact at epekto sa kanilang pagkatao. At mas bata ang iyong anak, mas malaki ang magiging epekto sa kaniya ng pagpapakita ng galit mo.
“When children are little, you’re their universe. When you get angry, their world is shaken. By the time they get older, they have friends and other people in their lives to turn to, and that minimizes the impact.”
Pag-iisip na may mali sa kanila at hindi siya ligtas kapag kasama ka
Ito ang pahayag ni Puff. Habang ayon naman kay psychologist at professor Matthew McKay, ang laging pagpapakita ng galit sa iyong anak ay nagbibigay ng mensahe sa kaniya na hindi siya safe sayo o mayroon mali sa kaniya.
“The occasional, nonabusive freak-out is generally much less damaging than regular fireworks, which send a child the message that he or she is not safe and that there’s something wrong with him.”
Less emphatic at mas depress sila kumpara sa ibang bata
Dagdag pa niya, ang mga batang laging nakakagalitan ng kanilang mga magulang ay nagiging less emphatic. At nagiging mas depress at aggressive kumpara sa ibang bata.
“Studies have shown that parents who express a lot of anger in front of their kids end up with less empathetic children. These kids are more aggressive and more depressed than peers from calmer families, and they perform worse in school. Anger has a way of undermining a kid’s ability to adapt to the world.”
Ito ang pahayag ni Mckay. Kaya naman mahalagang matutunan ng bawat magulang kung paano humaba ang pasensya sa bata o anak nila. At ang mga paraan na ito ay ang sumusunod.
Mga paraan kung paano humaba ang pasensya sa bata o anak mo
1. Huwag makipag-usap sa iyong anak kapag ikaw ay galit.
Hangga’t maari ay pigilan ang iyong sarili na kausapin ang iyong anak kapag ikaw ay galit. Kung may nagawa man siyang mali ay pakalmahin mo muna ang iyong sarili bago humarap sa kaniya. Upang maiwasan mong masigawan o masabihan siya ng mga salitang makakasakit sa kaniyang damdamin.
2. Mag-break muna at kausapin siya kapag kalmado kana.
Para matulungang pakalmahin ang iyong sarili ay lumayo muna sa iyong anak. Habang paulit-ulit na humihinga ng malalim para matulungang pababain ang emosyon mong nadarama.
“If you’re able, take a time-out and walk into another room, even if it’s just for a minute or two.”
Ito ang payo ng psychologist na si Laura J. Petracek.
3. Isipin na bata lang ang anak mo at normal sa kaniya ang magkamali.
Ayon kay Sandra Tomas, professor mula sa University of Tennessee, Knoxville, may isang trick na makakatulong upang makontrol ng isang magulang na masigawan niya ang kaniyang anak. Ito ay ang pag-iimagine sa kaniyang anak noong ito ay baby pa. Na kung saan very sensitive pa ito at nangangailangan pa ng maingat na pangangalaga. Sa pamamagitan nito ay maaring mabago ang iyong mood at mapa-kalma ang galit na iyong nadarama.
4. Ikanta ang gusto mong sabihin sa iyong anak.
Bagamat kakatwa kung iisipin, ngunit ang pagkanta ng gusto mong sabihin sa iyong anak ay nakakawala ng galit o emosyon na nararamdaman mo. Pupukawin rin ng style na ito ang interes ng anak mo. Ang resulta, siya ay makikinig sa bawat sasabihin mo.
5. Paalalahanan ang iyong sarili na tingnan ang sitwasyon sa point of view ng isang bata.
Oo nga’t may maling nagawa ang iyong anak, ngunit hindi niya alam ito at kailangan mo pang ipaintindi sa kaniya. Sa mura niyang edad ay mahalaga ang paggabay mo bilang magulang niya. Kaya sa tuwing pagagalitan siya isipin mo ang maaring maramdaman niya. At ipaliwanag sa kaniya ang mali na kaniyang nagawa sa paraang maiintindihan niya ito. Upang ito ay hindi niya na maulit pa.
6. Mag-sorry sa iyong anak as oras na hindi mo napigilan ang galit na iyong nadarama.
Sa oras na hindi mo na-kontrol ang iyong sarili ay humingi ng tawad sa iyong anak. Ipaliwanag na medyo masama lang ang araw mo kaya hindi mo napigilan na siya ay sigawan. At hindi dapat sinisigawan ang sinuman kahit mali ang nagawa nito ng tulad sa kaniya. Ngunit, dapat mo ring ingatan na huwag sumobra sa paghingi ng tawad sa iyong anak. Dahil maaring isipin niya na siya ay tama at sa nangyayaring pagkakamali ay siya ang biktima.
7. Iwasan ng uliting mangyari ito sa pagitan mo at ng iyong anak.
Upang tuluyang hindi na maulit ang pagkaubos ng pasensya mo sa iyong anak ay dapat mong alamin ang maari mong gawin upang mas ma-kontrol pa ang iyong sarili. Siguro ay kailangan mo ng mas maraming oras na pahinga o kaya naman ay kumpletong tulog. Para mas madagdagan ang iyong kaalaman ay sumali o mag-participate sa mga parenting class. O kaya naman ay magbasa ng parenting book o makipag-usap sa isang parenting counselor.
Huwag mag-alangan gumawa ng ibayong hakbang upang masaayos mo ang relasyon ninyo ng iyong anak. Dahil lagi mong isaisip, sa kaniyang murang edad ay ikaw ang mundo niya. Ikaw ang modelo na kaniyang ginagaya. At ikaw ang magiging pundasyon ng kung sino siya sa pagtanda niya.
SOURCE: Psychology Today, Good Housekeeping
BASAHIN: 8 tips para makontrol ang iyong galit at mabawasan ang pagiging mainitin ang ulo
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!