Balak Sundan si Junior Pero Hirap Makabuo? 5 Paraan Kung Paano Mabuntis ng Mas Mabilis

Balak Sundan si Junior Pero Hirap Makabuo? 5 Paraan Kung Paano Mabuntis ng Mas Mabilis

Moms! Narito ang sagot sa'yong katanungan na "Paano mabuntis ng mabilis?" Alamin ang mga ligtas na paraang makakatulong para makabuo kayo kaagad.| Lead image from Freepik

Tanong ng mga moms, “Gusto ko na masundan ang baby ko. Paano ba mabuntis ng mabilis?” 

“Sundan niyo na yan.”

Yan ang isa sa mga karaniwang biro ng magkakaibigan kapag napapansin nilang lumalaki na ang iyong anak.

Nakakatawa, pero hindi naman ganoon kadali ang sinasabi nila.  Bukod sa mahirap maging isang magulang, hindi rin ganoon kadali ang makabuo para sa ilang mag-asawa. Maaring nagkaanak na sila noon, pero may mga bagay na nakakaapekto para masundan si junior.

Kaya naman inalam namin mula sa isang eksperto ang mga paraan para mas mabilis na makabuo.

Moms! Narito ang sagot sa’yong katanungan na “Paano mabuntis ng mabilis?”

Sa artikulong ito, mababasa mo:

  • Ang mga bagay na nakakaapekto sa pagbubuntis ng isang babae
  • Paano mo malalaman kung kailan kayo dapat magtalik para makabuo
  • Paano mabuntis ng mas mabilis? Ilang ligtas na paraang dapat subukan.
paano-mabuntis-ng-mabilis

Paano mabuntis ng mabilis: 5 tips para kaagad makabuo | Image from Freepik

Paano mabuntis ng mas mabilis?

Huwag mawawalan nang pag-asa, mommy! Kung nagkaanak na kayo dati, marahil ay kailangan niyo lang ng konting panahon at ayusin ang ilang bagay sa inyong katawan para makabuo ulit.

Kung hindi pa naman kayo nagkakaanak ng iyong mister, may ilang ligtas na paraan na makakatulong sa inyo para mas mabilis makabuo.

Mga dapat tandaan

Bago tayo tumungo sa mga tips para mabuntis ng mas mabilis, narito muna ang ilang bagay na dapat tandaan ng isang mag-asawa na sumusubok magkaanak:

  • Para mabuntis ang isang babae, kailangang magtagpo ang kanyang egg cell at sperm cell ng lalaki sa loob ng fallopian tube. Ito ay isang natural na pangyayari kapag nagtatalik ang babae at lalaki, at ang lalaki ay nakapaglabas ng semilya sa loob ng ari ng babae.
  • Kapag nakalabas na ang sperm, nakakapagtagal ito ng 2 araw sa katawan ng babae habang 1 araw lang nagtatagal ang egg cell ng mga babae. Mahalaga ito para malaman kung kailan at gaano kadalas kayo dapat magtalik.

Mga bagay na nakakaapekto sa pagbubuntis

Ang pagkakaroon ng anak ay isang kaganapan na natural na nangyayari sa maraming pamilya. Pero hindi naman ito kadali para sa iba. Marahil ay may mga bagay na nakakaapekto sa fertility o kakayahang magkaanak ng mag-asawa. Ito ang ilan sa kanila:

  • Edad

Ayon kay Dr. Gergen Marie Lazaro-Dizon, isang OB-gynecologist at Infertility expert mula sa Makati Medical Center, nakakaapekto ang pagtanda sa kakayahan ng isang babae na mabuntis. Samantala, wala namang hangganan ang mga lalaki sa paggawa ng sperm cells.

“Walang limit sa lalaki kasi nga ang difference natin, sila constantly producing. May factory sila e. Every 2 months nagre-replenish. Sila walang problema. Tayo, we are born with eggs. Pagkalabas natin set na yung eggs natin, wala nang factory. So every time you menstruate, every time in cycle ka, nababawasan yun. Kaya my life span lang yung eggs natin.” aniya.

  • Timbang

Ang pagiging overweight ay maaring magdulot ng hormonal imbalance at insulin resistance, dalawang bagay na nakakasagabal sa pag-ovulate ng isang babae. Basahin ito para mas maliwanagan sa papel ng timbang sa pagbubuntis.

  • Hormonal imbalance o PCOS

Ang hormonal imbalance ang pagkakaroon ng hindi balanseng male at female hormones sa katawan nating mga babae. Ito ay dahilan para magulo ang ating monthly cycle at makasagabal sa ating pag-ovulate.

Ang Polycystic Ovarian Syndrome naman o PCOS ay isang hormonal disorder na nakakaapekto sa mga kababaihan. Nagdudulot ito ng hormonal imbalance at insulin resistance na nakakaapekto sa kakayahan nating mag-ovulate.

Isa sa mga dapat tandaan sa PCOS ay maaring magkaroon nito ang isang babae nang hindi niya nalalaman.

“You probably have the tendency, and then an event can trigger your ovaries to become lazy. Kasi ang PCOS parang lazy sila ayaw nila mag-ovulate. So pwede it can happen na all of a sudden biglang irregular ka pero dati naman very regular.” ani Dr. Gergen.

  • Male factor infertility

Kung hindi kayo magkaroon ng anak ni mister, maaring mayroon rin siyang kailangang ayusin sa kanyang katawan. Baka mababa ang kanyang sperm count o hindi aktibo ang kanyang sperm cells, ilang bagay na nakakaapekto sa kanyang kakayahang makabuntis.

Paano mabuntis ng mas mabilis? Narito ang ilang tips

Ngayong alam mo na ang mga bagay na maaring makaapekto sa tsansang niyong magkaanak, narito ang ilang ligtas na paraang dapat niyong gawin para mas mabilis kayong makabuo ni mister:

1. Kumonsulta sa isang doktor.

Bago kayo sumubok ng iba’t ibang paraan para mabuntis, makakabuti kung magpapatingin muna kayo sa isang OB-gynecologist o eksperto sa Infertility. Dito niyo malalaman kung anu-ano ang mga dapat niyong ayusin sa inyong katawan para lumaki ang tsansa niyong makabuo.

Nirerekomenda ni Dr. Gergen na hindi lang ang babae ang kokonsulta sa doktor kundi pati ang lalaki para malaman nila kaagad kung ano ang mga hakbang na dapat nilang gawin.

When a couple embarks on a fertility work out, kailangan pareho kayo. Kailangan magpapa-checkup ng semilya ‘yung lalaki. Yung babae magpagpapa-ultrasound siya, magpapa-check kung nag-oovulate siya. Ipapa-check dun kung ‘yung fallopian tube open. Kasi ang meeting place ng egg and sperm sa fallopian tube kung iyon barado, wala palang meeting
place. So ‘yun ang mga dapat i-investigate. Mas mahirap yung unexplained kasi paano mo gagamutin?” aniya.

Kung ikaw ay may edad na 35 pataas, kailangan mo munang kumonsulta sa doktor para matulungan ka niya sa iyong pag-oovulate.

2. I-monitor ang iyong ovulation

Ang mga babae ay merong ovulation cycle na sinusunod. Sa ovulation cycle na iyon, mayroon tayong fertility window kung kailan tayo ay naglalabas ng mga itlog sa ating fallopian tube. Ito ang kailangan mong tandaan para malaman ang pinakamagandang araw na makipagtalik.

“Kung 30 days ang cycle mo, nagsisimula yung fertile period mga day 12 to day 18 ng cycle. Ang first day o yung day 1, yun ang first day of the period. Kung magbibilang ka, sa day 12 doon magsisimula. Tapos dun kayo mag-iintercourse ng madalas. Doon sa time frame na iyon,” payo ni Dr. Gergen.

Mas madali para sa mga babaeng may regular cycle na malaman o mataon ang kanilang fertility period. Kaya napaka-importante na kumonsulta sa isang doktor para matulungan ka niyang gawing regular ang iyong cycle at matukoy kung kailan ka nag-oovulate.

“The best rin talaga pag ga sobrang irregular, magpakonsulta. Kasi baka nga hindi siya nag-oovulate so the chances of getting pregnant ay mas mababa. And also kapag yung mga ganung cases kailangan mo i-investigate. Bakit hindinagoovulate ang isang babae. Baka may ibang dahilan na need to correct.” dagdag ng doktor.

Mayroon pang ibang paraan para malaman mo ang iyong fertility window. Isa rito ang paggamit ng ovulation test kit.

Ang test kit na ito ay sumusuri sa urine ng babae at tinitignan ang luteinizing hormone (LH), na siyang nagkokontrol sa iyong menstual cycle. Kapag nakita sa iyong ovulation test na mataas ang iyong LH, ang ibig sabihin nito ay malapit ka nang mag-ovulate.

paano-mabuntis-ng-mabilis

Paano mabuntis ng mabilis: 5 tips para kaagad makabuo | Image from Unsplash

3. Panatiliing malusog ang iyong katawan.

Napakaimportante ng pagkakaroon ng malusog at magandang pangangatawan kung gusto niyong magkaanak.

Ito ay magagawa sa pamamagitan ng pagkain ng masustansyang pagkain. Iwasan ang pagkain ng junk food at mga inuming may caffeine. Sa halip, uminom ng maraming tubig.

Ugaliin ring mag-ehersisyo para mapanatiling tama ang iyong timbang.

Ayon sa pag-aaral, ang pagbabawas ng timbang ay nakakatulong para tumaas ang tsansa mong magbuntis.

Gayundin, kapag sobra namang payat o kulang sa timbang, maari rin itong magdulot ng hormonal imbalance na makakasagabal sa iyong pag-ovulate.

Ayon kay Dr. Gen, kailangan talagang baguhin ang iyong nakasanayan para tumaas ang posibilidad niyong makabuo.

“Yun ang pinaka number 1, dapat healthy. Exercise. Yung weight mo dapat tama sa height mo. Dapat ideal yung bodyweight mo. So mag-exercise, then the diet. Lifestyle modification, walang vices.”

paano-mabuntis-ng-mabilis

Paano mabuntis ng mabilis: 5 tips para kaagad makabuo | Image from Unsplash

BASAHIN:

Gusto ng sexy time pero buntis? Iba’t-ibang safe sex positions sa bawat trimester

STUDY: Nakaka-apekto ang kape sa kalusugan ng ipinagbubuntis

Safe ba at maaaring mabuntis kapag nakipag-sex after menstruation?

4. Iwasan ang bisyo

Kung nais makabuo agad, marapat lang na tigilan ang masasamang bisyo ulad ng pag-inom ng alak, paninigarilyo at lalo na ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Makikita sa sigarilyo ang mga delikadong kemikal na nicotine at carbon monoxide na nagpapababa sa dami ng itlog ng babae at nagpapahina rin ng semilya ng lalaki.

5. Iwasan ang stress!

Isa sa mga unang pinapayo ni Dr. Gergen sa kanyang mga pasyenteng gustong magkaanak ay ang magpahinga. Napatunayan na niya kasi ito sa kaniyang ibang pasyente.

“Yes, it really happens. Minsan mawala lang ‘yung stress doon nape-pregnant. Minsan matapos mag-workup o kapag napagod na sila doon pa sila mape-pregnant.” kwento ng doktora.

“Dapat alisin yung mga stress factor.” aniya. “If they can spend more quality time together ng walang stress, isang factor yun (na makakatulong sa kanila).” dagdag pa niya.

Kaya makakatulong sa inyong mag-asawa ang magpahinga, magbakasyon (kung kaya) at alisin sa isip ang mga negatibong bagay.

 

Kung gagawin niyo ni mister ang mga bagay na ito, siguradong gaganda ang inyong pangangatawan at mas tataas ang tsansa niyong magkaanak.

Kailangan lang ng konting oras, tiyaga at sakripisyo at hindi magtatagal ay makakabuo na rin kayo ng isang masayang pamilya.

 

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Source:

Live Science, WebMD, Women’s Health

 

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!