Ngayong tag-init, mas mataas ang nakokonsumo nating kuryente dahil mas maraming appliances tulad ng electric fan at air conditioner ang ating ginagamit. Dahil sa matinding init ay hindi maiiwasan ang paggamit ng mga ito. Paano makatipid sa kuryente lalo na ngayong summer? Narito ang mga paraan na dapat mong gawin.
13 Tips kung paano makatipid sa kuryente sa inyong bahay
Pataas nang pataas ang bayad sa kuryente nating mga Pilipino habang tumatagal. Ito ay dahil mas dumadami ang pangangailangan natin dito habang dumadami ang gamit natin sa bahay. Sa pamamagitan kasi ng kuryente at mga appliances na pinagagamitan nito ay gumagaan ang ating buhay. Lalo na ngayong tag-init na mahalaga ang ginagampanang papel ng kuryente para panatilihing maaliwas ang ating pakiramdam.
Partikular na sa Maynila na dikit-dikit na ang kabahayan at bihira kang makaramdam na ng presko at sariwang hangin na iyong kailangan. Ang epekto nito, mas gusto nating tumutok sa electric fan o magbabad sa loob ng de-aircon nating mga kuwarto. Kinalaunan, ito naman ang magiging dahilan para tumaas ang bill ng kuryente mo.
Pero may magagawa namang paraan para ma-kontrol o kahit paano ay makatipid sa kuryente lalo na ngayong mainit ang panahon.
Food photo created by jcomp – www.freepik.com
Tips kung paano makatipid sa kuryente
1. Uminom ng maraming tubig.
Minsan, malamig na tubig lang talaga ang kailangan mo para hindi ka mainitan. Kadalasan kasi, kahit nakatutok na sa’yo ang electric fan, eh hindi talaga lumalamig ang pakiramdam mo kasi ‘yong loob ng katawan mo ang naiinitan. Kaya naman napakalaking tulong ng pag-inom ng tubig sa kung paano makatipid sa kuryente.
Mahalaga din na laging uminom ng tubig ngayong summer upang makaiwas sa heat stroke. Kaya siguraduhin na lagi kang hydrated at ang iyong buong pamilya.
2. Dalasan ang paliligo.
Kung pakiramdam niyo na naiinitan kayo, sa halip na buksan ang aircon, o itutok lahat ng electric fan sa bahay, bakit hindi niyo subukan na maligo? Minsan kailangan lang talaga nating maligo para maging presko at maging malamig ang pakiramdam.
Maganda rin kung gumagamit kayo ng menthol na shampoo o sabon, para lalong mas malamig sa pakiramdam. Maliban sa paliligo, ay mainam na paraan din ang pagpupunas ng katawan gamit ang basang bimpo. Nagbibigay din ito ng preskong pakiramdam sa’yo.
3. Paano makatipid sa kuryente? Siguraduhing palaging malinis ang mga aircon at electric fan.
Kapag naiipon ang dumi at alikabok sa mga aircon o electric fan sa bahay, mas maraming kuryente ang nakokonsumo ng appliances na ito. Kasi bumabara ang dumi at alikabok at ito ay nagpapahina ng hangin na lumalabas.
Kaya ngayon pa lang, siguraduhin niyo na malinis ang mga electric fan at mga aircon ninyo, para mas efficient at mas tipid sa kuryente! Nakakatulong din ito para makaiwas sa alikabok na maaring makasama sa inyong kalusugan lalo na kung mayroong may asthma sa pamilya ninyo.
4. Lumabas ng bahay!
Dahil summer na, at wala nang pasok ang mga chikiting, maganda rin yung minsan lumalabas-labas kayo ng bahay. Isa ito sa pinakamainam na paraan ng pagtitipid ng kuryente. Hindi naman kailangan na magpunta kayo sa mall at gumastos, yung simpleng lalabas lang kayo, at maglalakad papunta sa park, o kaya isama niyo ang mga kids sa pagpunta sa supermarket para mag-grocery.
Maganda rin itong bonding experience kasi magkakaroon kayo ng oras na makasama ang mga anak ninyo. Tandaan lang din na abiso ng mga eksperto na iwasan ang paglabas ng bahay sa pagitan ng alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, ito kasi ang oras na labis ang tindi ng init na posibleng magdulot ng heat stroke.
5. Paano makatipid sa kuryente? Buksan ang mga bintana.
Sobrang init ba sa bahay ninyo palagi? Baka naman laging nakasara ang mga bintana ng bahay niyo. Maganda rin yung hinahayaan natin na pumasok ang preskong hangin para hindi puro hangin ng electric fan at aircon ang nasasagap natin. Pero syempre, wag niyong bubuksan ang bintana kapag naka-aircon kayo. Dahil sayang ang lamig mula rito.
Frame photo created by gpointstudio – www.freepik.com
6. Wag masyadong lakasan ang aircon.
Minsan, hindi naman natin kailangan na naka todo palagi ang aircon. Kahit yung “low” setting, sakto na para hindi mainit sa bahay.
Kaya importante rin na wag palaging nakatodo ang mga electric fan at aircon. Kasi mahirap din yung galing sa sobrang init, papunta sa sobrang lamig. Posibleng magkasakit ang ating kids kapag nabibigla ang katawan nila sa pagpalit ng temperatura. Dito na sila maaring magkasipon o kaya naman ay lagnatin. Bagamat hindi naman seryoso, mas mabuti nang makasigurado.
7. Paano makatipid sa kuryente? Patayin ang mga ilaw na hindi ginagamit.
Sa araw kung hindi naman kinakailangan ay huwag gumamit ng ilaw. Dahil sa bawat dalawang 100-watt na incandescent bulbs na nanatiling patay ng dagdag na dalawang oras sa isang araw ay paraan upang makatipid ng higit sa P700 sa isang taon. Mas mainam din ang paggamit ng LED lights na mas hindi umiinit at nangangailangan ng malakas na kuryente.
8. Imbis na gumamit ng ilaw sa araw ay gumamit ng natural light.
Kung hindi naman kadiliman ang inyong bahay ay mas mabuting gumamit ng natural light sa araw. Maliban sa nakakatipid ito ng kuryente ay nababawasan din nito ang init o alinsangan sa loob ng bahay.
Kung may kailangang gawin sa gabi ay mas mabuting gumamit ng table lamps, track lighting at under-counter lights kaysa sa mga ceiling lights.
9. Tanggalin sa saksakan ang hindi ginagamit na mga appliances.
Ang standby power ay responsable sa 10% ng average annual electricity bill ng isang bahay. Kaya mas mainam kung tatanggalin ang mga appliances na nakasaksak ngunit hindi naman ginagamit. Kung may anak na maliliit pa, paraan din ito para maiwasan nilang mapaglaruan ang mga appliances sa inyong bahay nang hindi mo namamalayan. Pero dapat ay siguraduhin din na ang mga saksakan sa inyong bahay ay child-proof o hindi basta-basta masasaksakan ng iyonga anak. Ito ay para hindi lamang makatipid sa kuryente, kundi para narin sa kanilang kaligtasan.
10. Patayin ang air conditioner o electric fan kung aalis ng bahay o sa tuwing malamig ang panahon.
Ang air conditioner at electric fan ang dalawa sa mga appliances sa bahay na malakas kumain ng kuryente. Kaya mas mainam na patayin ang mga ito sa mga oras na hindi naman kailangan. Lalo na kung aalis ng bahay o kaya naman malamig na ang panahon tulad nalang sa tuwing umuulan. Sa pagtitipid ng kuryente, ang nasabing dalawang appliances ang nangunguna sa mga dapat ninyong bantayan.
Man photo created by shayne_ch13 – www.freepik.com
11. Panatilihin na nasa ideal temperature lang ang iyong refrigerator at freezer.
Ang ideal temperature ng refrigerator ay 2°C and 3°C. Habang ang freezer naman ay -18°C. Hindi kailangang lakasan nang todo ang mga ito. Dahil kahit nasa pinaka-mababang level ay gumagana o nag-fufunction parin naman ang ref at freezer ninyo.
12. Palitan na ang mga lumang appliances.
Maraming mga bagong appliances ngayon ang may mga energy-saving functions na the best sa pagtitipid ng kuryente. Tulad ng mga inverter na aircon at refrigerator. Kaya naman makakatulong kung papalitan na ang mga lumang appliances. Pero kung walang budget pamalit ay mas mabuting limitahan o kaya naman patayin ang mga ito kung hindi naman ginagamit.
13. Gumamit ng mga solar panels para makatipid sa kuryente.
Syempre, ang pinakamagandang paraan kung paano makatipid sa kuryente sa ngayon ay sa pamamagitan ng paggamit ng solar panels. Dahil sa pamamagitan ng solar panels ay nakakagawa ka ng sarili mong source ng kuryente sa loob ng inyong bahay. Hindi ka nga lang nakakatipid sa kuryente, nakakabawas ka rin sa polusyon. Dahil imbis na gumamit ng coal para magkaroon ng kuryente ay gumagamit ka ng natural heat at light na mula sa araw.
Samantala, ang laki ng matitipid mo sa kuryente ay depende sa laki ng solar panels na iyong gagamitin. Mas malaki, mas maraming energy ang iyong maiimbak at magagamit sa inyong bahay.
Benepisyo ng pagtitipid ng kuryente
Dapat ding isaisip na sa pagtitipid ng kuryente ay hindi ka lang basta nakakabawas ng iyong gastos sa bahay. May mga benepisyo rin ito sa kalusugan at kaligtasan ng iyong pamilya. Ilan nga sa mga benepisyo ng pagtitipid ng kuryente ay ang sumusunod:
1. Environmental conservation
Sa pamamagitan ng pagtitipid ng kuryente ay nakakatulong kang ma-reduce ang carbon footprint ng mundo. Sa pamamagitan nito ay nababawasan ang epekto ng climate change. Pati na ang extreme weather conditions at pagtaas ng tubig sa dagat.
2. Nababawasan ang air pollution
Sa pagtitipid ng kuryente ay nakakatulong ka ring mabawasan ang air pollution. Dahil mababawasan din ang kailangang sunugin na fossil fuels ng mga power plants para makapagproduce ng kuryente. Mas mababang emissions sa power plants, mas magandang air quality para sa ating lahat.
3. Energy security
Sa pagtitipid mo ng kuryente ngayon ay tumutulong ka ring magkaroon tayo ng reserba pagdating ng panahon. Hindi natin tantyado ang mga susunod na mangyayari. Kaya naman tulad ng tubig dapat matuto rin tayong magtipid ng kuryente.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga benepisyo na maidudulot ng pagtitipid mo ng kuryente. Maliban sa inyong bahay ay ikalat o ibahagi rin ang mga tips na tampok sa artikulong ito sa iyong mga kaibigan, kamag-anak at pamilya. Ito ay para mas marami pa ang makaalam sa mga paraan sa pagtitipid ng kuryente.
Be sure to check out theAsianparent Community for more insightful stories, questions, and answers from parents and experts alike. If you have any insights, questions or comments regarding the topic, please share them in our Comment box below. Like us on Facebook and follow us on Google+ to stay up-to-date on the latest from theAsianparent.com Philippines!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!