Mababasa sa artikulong ito:
- Mga tips kung paano makontrol ang galit sa iyong anak.
- Bakit mahalaga na matuto kang mag-kontrol ng galit mo sa harap niya.
Bakit madali kang nagagalit sa anak mo?
Ayon sa clinical psychologist na si Dr. Laura Markham, ang anak at magulang ay may kakayahang i-trigger ang ugali ng bawat isa. Ang phenomenon na ito ay tinatawag na “ghost in the nursery”.
Kung saan ang ating anak ay ipinapaalala sa atin ang mga intense feelings na naranasan natin noong tayo ay bata pa. Ang mga feelings na ito na pinagsamang galit at takot ay ‘di nalilimutan ng ating isipan at kaya tayong maapektuhan kahit tayo’y matanda na.
Para naman sa ating mga anak, tayo ang itinuturing nilang kanilang mundo na nagbibigay sa kanila ng buhay at pagmamahal. Kaya naman sa tuwing hindi mo siya napagbibigyan ng atensyon o bagay na gusto niya ay tini-trigger nito na mapagkita siya ng negative behavior.
Lalo na kapag napagalitan mo siya o nasigawan na kung saan ang pakiramdam niya ay parang ang buong mundo niya ay gumuho na. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga na hangga’t maaari ay dapat matuto kang mag-kontrol ng galit sa iyong anak.
Paano ito magagawa? Narito ang ilang parenting mistakes na dapat hindi mo na dapat gawin magmula ngayon.
1. Nadadamay ang iyong anak sa galit mo sa ibang bagay.
Nakakainit naman talaga ng ulo ang traffic o kaya naman ang nakakapagod na araw mo sa opisina. Pero ang mga ito’t dapat iniiwasan mong madala kapag ika’y nasa bahay na.
Sapagkat napakalaki ng posibilidad na hindi mo napapansin o sinasadya, nagiging irritable ka. Kaya naman kaunting kakulitan ng iyong anak na natural sa isang bata ay ikinagagalit mo na.
People photo created by master1305 – www.freepik.com
2. Hindi ka nagse-set ng limit sa iyong anak bago ka magalit.
Hindi aware ang iyong anak sa kung gaano kapangit ang araw na pinagdaanan mo. Kaya naman hindi mo maasahang mag-a-adjust agad siya sa oras na makita ang nakasimangot mong mukha.
Kaya naman kung sadyang mainit ang ulo mo at alam mong maaaring maubos ang pasensya mo anumang oras ay mabuting mag-set na agad ng limit sa iyong anak.
Ipaalam sa kaniya ang nararamdaman mo at paano siya makakatulong na huwag ng palalain pa ito.
Halimbawa:
“Anak, pagod si Mama/Papa sa trabaho, puwede ba mamaya na tayo maglaro? Magpapahinga lang ako saglit. Tahimik ka muna at maglaro sa tabi ha. Sasamahan kita mamaya.”
3. Hindi mo binibigyang solusyon ang bagay na nakakapagpagalit sa iyo bago humarap sa iyong anak.
Para maiwasang uminit ang ulo o magalit sa iyong anak ng paulit-ulit, dapat mabigyan ng solusyon ang problema o isyung nakakapagpagalit sa ‘yo.
Kung problema sa opisina ay i-address na agad ito. I-email ang mga dapat i-email o tawagan ang mga taong dapat mong tawagan. Kung naiinis dahil sa tambak na gawaing bahay ay maghanap ng taong tutulong sa ‘yo. Saka humarap sa iyong anak sa oras na tapos na ang problema at na-solusyonan na ito.
4. Iniisip mong bilang magulang ay lagi mo dapat agad na itinatama ang pagkakamali ng iyong anak.
Mahalagang disiplinahin ang iyong anak para masigurong lumaki siyang mabuting bata. Pero ang pagdidisiplina ay hindi dapat gawin sa oras na ikaw ay galit o irritable pa sa ginawa niya.
Mabuting kumalma muna saka disiplinahin siya. Sapagkat kung galit ka hindi rin maiitindihan ng iyong anak ang nais mong sabihin. Maaari ring sumama lang ang loob niya sa galit at pasigaw mong pagsasalita na siguradong dadamdamin niya.
Photo by Ketut Subiyanto from Pexels
BASAHIN:
10 bagay na HINDI dapat sabihin sa bata kapag pinapagalitan siya
STUDY: Batang laging nasisigawan at napapagalitan, lumalaking may mas maliit na utak!
Ito ang epekto sa bata kapag mabilis mo siyang nakakagalitan
5. Galit mo lang ang iyong pinapakinggan at hindi ang sa anak mo.
Bagama’t sabihin na nating wala pa namang malaking problemang kinakaharap ang anak mo kumpara sa ‘yo. May dahilan kung bakit negatibo ang ipinapakitang ugali ng anak mo.
Kaya hindi lang dapat basta ang galit mo ang iyong pinapakinggan. Dapat matuto ka ring tanungin at makinig sa iyong anak. Alamin ang nararamdaman niya at laging isaisip na siya’y may mga issues rin na dapat i-address. At ikaw bilang magulang niya at nakakatanda ang taong makakatulong para ito ay kaniyang magawa.
Background photo created by fwstudio – www.freepik.com
6. Imbis na kausapin ng maayos ang iyong anak tungkol sa maling bagay na kaniyang nagawa ay tinatakot mo siya.
Ang pananakot sa iyong anak ay magbibigay lang ng short term effect sa pagsunod niya sa mga rules na ibinigay mo. Kaya naman may mga pagkakataon na gagawin niya pa rin ang mga bagay na ikinagagalit mo lalo na kapag wala ka o hindi nakatingin sa kaniya.
Kaya imbis na takutin siya, kausapin siya ng maayos tungkol sa mali niyang nagawa. Ito ay para maintindihan niya kung bakit hindi niya na ito dapat gawin pa at hindi ka na magalit sa kaniya.
7. Hindi ka humihingi ng tawad sa iyong anak.
Ang epekto ng pagsigaw at pagkagalit ay maaari mong mabawasan kung matuto kang humingi ng tawad sa iyong anak. Isang magandang halimbawa rin ito sa kaniya.
Para sa tuwing makakagawa rin siya ng pagkakamali ay matuto siyang humingi ng tawad sa nagawa niya. Sa pamamagitan nito, naibabalik mo ang tiwala niya sa ‘yo.
Kaya naman ang mga sasabihin mo ay pakikinggan at susundin niya. Ang resulta mababawasan ang mga bagay o isyu na maaaring makapagpagalit sa ‘yo.
Tandaan, ikaw ang tinitingnang modelo ng iyong anak. Kung may nais ituro o matutunan ng iyong anak ay dapat simulan ito sa sarili mo.
Maging mabuting halimbawa at matuto kung paano makontrol ang galit sa iyong anak. Ito ay para siya rin ay matutong makontrol ang pagpapakita ng negatibong ugali sa ‘yo.
Source: