Paano malalaman kung may dengue? Iyan ang tanong ngayon ng mga magulang matapos masawi ang isang bata na negatibo umano sa dengue. Bagamat nagpakita ng sintomas ng sakit tulad ng mataas na lagnat at pagsusuka.
Batang namatay dahil sa dengue
Labis ang paghihinagpis ngayon ni Ramelyn Generales, ina ng batang si Syra Mae na kamakailan lang ay pumanaw dahil sa dengue.
Ayon sa kaniya, Hulyo 22 ng lagnatin ang anak na si Syra Mae. Inirereklamo rin ng anak ang paninikip ng dibdib nito dahilan para hindi siya makahinga ng maayos.
Kaya naman dinala niya ito kaagad sa health center ng Arevalo, Iloilo City. Nakitaan ng sintomas ng dengue ang bata kaya pinayuhan siyang dalhin na sa ospital ang anak.
Agad na dinala ni Ramelyn ang anak sa Western Visayas Medical Center. Ngunit sila ay pinauwi dahil ayon sa doktor na tumingin ay negatibo daw sa dengue ang anak.
Ngunit daing ni Ramelyn, ni hindi man lang sinuri ng doktor ang dugo at platelet count ng anak.
Tinanong niya pa nga daw ito kung bakit i-didischarge na ang anak samantalang nasa 40 degrees’ pa ang lagnat nito.
“Actually, wala kayong dengue, hindi ‘yan dengue. Nagsusuka at lagnat lang kayo”, ang sagot umano ng doktor sa kaniya.
Kinabukasan ay nasawi ang bata at saka natukoy na positibo sa dengue at kritikal na pala ang kondisyon.
Sinubukan umano hingan ng GMA News team ng pahayag ang mga opisyal ng Western Visayas Medical Center (WVMC) ngunit tumanggi umano ang mga itong magkomento. Sa ngayon ay patuloy parin gumugulong ang imbestigasyon tungkol sa nangyaring insidente.
Sa kasalukuyan, isa si Syra Mae sa 1,146 na naitalang kaso ng dengue sa Iloilo kung saan 11 na ang namatay.
Habang sa buong bansa naman ay naitala na ang 130,000 kaso ng dengue at nasa halos 500 na ang namatay magmula noong Enero hanggang Hulyo nitong taon. Ito ay base sa tala ng DOH o Department of Health.
Samantala, narito naman ang mga paraan kung paano malalaman na may dengue na ang iyong anak o isa iyong kamag-anak.
Paano malaman kung may dengue
Ang dengue fever ay isang mosquito-borne disease na dulot ng dengue virus.
Hindi nalalayo ang mga signs at symptoms nito sa ibang sakit gaya ng malaria, leptospirosis at typhoid fever. Kaya naman mahirap itong tukuyin liban nalang sa pamamagitan ng blood test.
Ang mga sintomas ng dengue ay nagsisimula apat hanggang anim na araw matapos ang infection at tumatagal ng hanggang sampung araw. Ito ay ang sumusunod:
- Biglaang mataas na lagnat
- Sobrang sakit ng ulo
- Pananakit ng mata
- Matinding pananakit ng kasu-kasuhan
- Fatigue
- Pagsusuka o pagduduwal
- Skin rash na lumalabas dalawa hanggang limang araw matapos lagnatin
- Mild bleeding sa ilong o sa gums
Paano maiiwasan ang dengue
Hinihikayat rin ng DOH ang publiko na gamitin ang 4s strategy para maiwasan ang dengue. Ito ay ang sumusunod:
1S – Search and destroy mosquito breeding places o hanapin at puksain ang mga lugar na maaring pamahayan ng dengue. Tulad ng mga imbakan ng tubig gaya ng lumang gulong atbp.
2S – Seek early consultation o agad na magpunta sa doktor kung makaramdam ng sintomas ng dengue.
3S – Self-protection method o ang pagpuprotekta sa sarili laban sa sakit sa pamamagitan ng pagsusuot ng mahabang damit tulad ng long sleeves at pants lalo na kapag nasa labas ng bahay. Paggamit ng insect repellant at kulambo para sa dagdag na proteksyon. O paglalagay ng screens sa bintana at pintuan ng bahay para hindi makapasok ang lamok.
4S – Support fogging and spraying o ang pagsuporta sa mga pagpapausok na ginagawa ng pamahalaan para mapuksa ang mga lamok.
Source: GMA News
Basahin: National emergency: 491 patay dahil sa dengue
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!