Chikungunya vs dengue, alamin ang pagkakapareho at pagkakaiba ng dalawang sakit na ito.
Ang chikungunya ay isang sakit na may parehong sintomas sa dengue fever. Ito ay dulot ng alphavirus na naipapasa sa pamamagitan ng mga lamok na Aedes aegypti at Aedes albopictus. Ito rin ang mga lamok na nagdadala ng virus ng dengue fever.
Chikungunya vs dengue
Tulad ng dengue, ang pangunahing sintomas ng chikungunya ay ang mataas na lagnat na sasabayan ng matinding sakit ng ulo. Nagdudulot rin ito ng rashes sa katawan.
Ngunit ang pinaka-prominenteng sintomas nito ay ang pananakit ng joints o kasu-kasuan. Ito ang pinagmulan ng pangalan ng sakit na “chikungunya.” Isang salita mula sa Kimakonde language na ang ibig sabihin sa Tagalog ay “mamilipit sa sakit” na dala ng arthralgia o joint pain.
Ang mga sintomas ng chikungunya ay lumalabas tatlo hanggang pitong araw matapos makagat ng lamok na may dala ng virus.
Gumagaling naman mula sa virus ang taong tinamaan nito sa loob ng pito hanggang sampung araw.
Ang isang tao ay isang beses lang maaring madapuan ng chikungunya. Matapos gumaling mula rito ay magiging immune na siya mula sa virus. Hindi tulad ng dengue na maaring dumapo sa isang tao ng hanggang sa apat na beses.
Bibihira rin ang mga naitalang namatay dahil sa chikungunya bagamat tumatagal ng ilang buwan o taon ang pananakit ng joints na dulot nito. Isang malaking kaibahan sa dengue na kung saan, dito lang sa Pilipinas ay may naitala ng 456 na namatay dahil sa sakit sa magmula nitong Enero 2019.
Lunas sa chikungunya
Ang isang tao ay malalamang positibo sa chikungunya sa pamamagitan ng blood test na ginagawa rin para matukoy kung dengue virus ba ang dumapo sa isang pasyente.
Nagkakahawig rin ang paraan para malunasan ang sintomas ng chikungunya at dengue. Ilan sa mga paraang maaring gawin para malunasan ang dalawang sakit ay ang sumusunod:
- Pag-inom ng maraming tubig
- Pagpapahinga
- Pag-inom ng acetaminophen o paracetamol para sa sakit at lagnat. Ngunit mariing ipinapaalala na huwag uminom ng aspirin o non-steroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDS) dahil nagpapataas ito ng tiyansa ng pagdurugo na mas makakasama sa pasyente ng chikungunya o dengue.
- Kung may chikungunya ay dapat iwasang makagat ng lamok sa unang linggo ng pagkakasakit. Dahil ito ang mga araw na kung saan ang chikungunya virus ay nanalaytay sa dugo ng biktima nito at maaring mailipat sa ibang tao sa pamamagitan ng kagat ng lamok.
Image from Pixabay
Paano maiiwasan ang chikungunya
Sa ngayon, tulad ng dengue wala pang bakuna ang maaring gawing panlaban at proteksyon sa chikungunya.
Bagamat maari rin itong magdulot ng outbreak, may mga paraan naman na maaring gawin para maiwasan ito pati narin ang nakakatakot na dengue virus. Ito ay ang sumusunod:
- Paglilinis ng kapaligiran o pagtanggal sa mga gamit o container na maaring pamahayan ng lamok na may dala ng virus.
- Paggamit ng insecticides na puwedeng i-spray o i-apply sa mga surfaces o containers na kung saan maaring manirahan ang mga lamok na may dala ng sakit.
- Pagsusuot ng mahahabang damit tulad ng long sleeves o pants upang mabawasan ang skin exposure at hindi makagat ng lamok.
- Paggamit ng insect repellent na may taglay na DEET, IR3535 or icaridin.
- Para sa dagdag na proteksyon ay ipinapayong gumamit ng kulambo sa gabi. O kaya naman ay mosquito coils o insecticide vaporizers na nakakapagtaboy ng mga lamok.
- Paglalagay ng screen sa pinto at bintana para hindi makapasok ang lamok sa loob ng bahay.
Para sa dagdag kaalaman ay dapat pumunta sa pinakamalapit na health centers sa inyong lugar. O kaya naman ay paanorin ang video na ito na nagpapakita ng mga impormasyon tungkol sa dengue at chikungunya.
Sources: CDC, WHO, Medscape
Photo: Pixabay
Basahin: Dengue: Mga kailangan mong malaman tungkol sa sakit na ito
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!