13 tips para mapatulog si baby nang mas matagal

May mga paraan kung paano patulugin si baby na siguradong healthy para sa kaniya at useful para kay mommy.

Nahihirapan ka bang patulugin si baby? Narito ang ilang tips kung paano patulugin si baby nang mahimbing at matagal.

Paano patulugin si baby nang mahimbing?

Paano patulugin si baby? Iyan ang kadalasang tanong ng mga magulang lalo na ng mga first time parent. Dahil ito sa ibang sleeping pattern ng mga baby na nagbabago-bago rin habang sila ay lumalaki.

Kaya naman para sa mga magulang lalo na sa mga mommy, ang pag-aalaga ng isang baby ay isang nakakapagod at challenging task.

Pero para mas madali at less hassle sa mga nanay, may mga paraan kung paano patulugin si baby na magsisilbing introduction din sa mas maayos na sleeping pattern sa kaniyang paglaki. Kaya naman narito ang mga tips kung paano patulugin si baby na siguradong healthy para sa kaniya at useful para kay mommy.

13 tips kung paano patulugin si baby nang matagal

1. Siguraduhing madilim ang tinutulugan ni baby.

Isang paraan para mas madaling patulugin si baby ay ang pagpapatulog sa kaniya sa madilim na kuwarto o lugar. Sa pamamagitan nito ay naiiwas si baby sa liwanag na maaring maka-istorbo sa kaniyang mahimbing na pagtulog. Isang magandang pagsasanay rin ito upang maipakilala ang konsepto ng gabi at umaga na mag-aayos ng sleeping patterns niya.

paano patulugin si baby

Bakit hindi makatulog ang baby sa gabi? | Image from Pixabay

Sa umaga, ilabas si baby para makakita ng liwanag. Ito ay para turuan ang kaniyang katawan na ito ang mga oras na kung kailan siya dapat gising.

Samantala, kung siya ay matutulog, panatiling madilim o iiwas sa liwanag ang kaniyang tinutulugan. Upang sanayin siya na ito ang mga oras kung kailan naman siya dapat tulog.

Sa gabi, makakatulong din ang pagbaba kay baby sa kaniyang higaan dalawang oras bago matulog. Bilang hudyat sa kaniyang katawan na oras na ng pagpapahinga.

2. Paano patulugin si baby? Magkaroon ng routine!

Ang pagkakaroon din ng routine sa pagpapatulog kay baby ay makakatulong upang sanayin ang kaniyang katawan sa mas maayos na sleeping pattern.

Ang routine na ito ang kaniyang makakasanayang signal habang lumalaki na “it’s time to sleep na.” Maaring ito ay ang pagkukuwento sa kaniya, paghehele o ang pagmamasahe sa kaniyang katawan.

3. Siguraduhing busog siya at palitan muna siya ng diaper

Sa ganitong paraan, matutulungan si baby na maging kumportable at madali rin siyang mapapatulog. Gawin ito bilang routine din ni baby na magpapaalala sa kaniya ng oras ng pagtulog.

Kapag papatulugin na siya gawin ang mga ito. Para malaman niya rin na kapag busog at napalitan na ang diaper niya ay sleeping time na.

4. Paano patulugin si baby? Mag-schedule ng oras sa pagpapatulog kay baby

Isa pa sa paraan kung paano patulugin si baby ay ang pagse-set ng schedule sa kaniyang mga nap time. Kapag newborn o nasa 6months old si baby. Mas maganda na magse-set ng oras kung kailan siya magna-nap time para din maihanda siya pagse-set ng oras sa kaniyang pagtulog.

Kapag baby talaga ay mahirap pa talagang makatulog ito ng mahimbing o matagal pero kapag ginawa ang mga praktis na ito makakatulong ito sa mga susunod na buwan para madali na lamang siyang makatulog at magkaroon ng mahimbing at mahabang tulog.

5. Iwasan ang exposure niya sa blue light o kahit ano mang electronic gadgets bago matulog.

Tulad ng konsepto ng araw at gabi, ang pagiging expose rin ni baby sa blue light o ilaw mula sa gadgets ay nagiging signal sa kaniya na oras na ng paggising at hindi pagpapahinga.

Ang phenomenon na ito ay kilala sa tawag na circadian rhythm. Ito ang paraan kung paano gumagana ang biological clock ng ating katawan na nakadepende sa liwanag o dilim sa ating paligid.

Kaya ang pagpapatay ng TV o pag-iiwas ng ilaw mula sa iba pang gadgets kay baby dalawang oras bago matulog ay isang hudyat din na oras na ng pagtulog.

6. Paano patulugin si baby? Gumamit ng sleep props.

Ang pag-gamit ng mga sleep props tulad ng pacifier, white noise machine, swaddle o sleep sack ay makakatulong din para maayos ang sleeping pattern ni baby.

Bagamat ang ibang magulang ay nag-aalala sa paggamit ng pacifier, isang magandang paraan naman ito para bigyang hudyat din si baby na oras na ng pagtulog.

Limitahan lang ang paggamit ng pacifier kapag siya ay patutulugin na. At hindi rin dapat maging dahilan para makaligtaan ang tamang oras ng pagpapadede sa kaniya.

paano-patulugin-si-baby

Paano patulugin ang sanggol ng mahimbing? | Image from Unsplash

7. Alamin ang mga sleepy signs ni baby.

Sa unang anim na linggo matapos ang kanilang kapanganakan, nagpapakita na ng mga sleepy signs si baby tulad ng pagkuskos sa kaniyang mata, paghikab, namumungay na mga mata at pagiging iritable. Kaya naman para hindi maudlot ang kaniyang maayos na pagtulog, dapat ay alamin at maging alerto ang isang magulang sa sleepy signs ni baby. Ito ay upang maihanda at matulungan siya sa maayos na tulog na hanap ng katawan niya.

8. Paano patulugin si baby? Magtalaga ng isang lugar na tulugan ni baby.

Isang paraan din para sanayin si baby sa mas maayos na sleeping pattern ay ang pagkakaroon ng isang lugar kung saan nakatalaga lamang ito bilang tulugan niya.

Ito ay maaring isang crib o bassinet na kung saan sa tuwing nilalagay siya ay nagsisilbing hudyat narin sa kaniya na oras na ng pagtulog.

9. Siguraduhing ang kuwarto o lugar na tinutulugan ni baby ay sleep-friendly.

Para maging sleep-friendly ang kuwartong tinutulugan ni baby, una ay kailangang malayo ito sa kahit anumang distraction tulad ng mga ingay, laruan, ilaw, artwork at iba pang makukulay na gamit o palamuti. Dahil ang mga ito ay maaring pumukaw sa mata at atensyon ni baby na makakaapekto sa pagtulog niya.

Siguraduhin din na tama ang temperatura sa lugar na tinutulugan ni baby. Hindi dapat ito malamig o mainit. Ang nirerekomendang temperatura sa kuwarto ni baby ay dapat nasa pagitan ng 20-22°C lamang.

10. Sundin ang consistent schedule at routine ng pagpapatulog kay baby.

Para mas masanay si baby sa mas maayos na sleeping pattern, kailangan sundin at maging consistent ang scheduling at routine ng pagpapatulog sa kaniya. Bagamat may mga oras ng kailangan ninyong mag-adjust dahil sa mga importanteng lakad o biyahe, hindi dapat ito maging dahilan para masira ang kaniyang schedule sa pagtulog na kalaunan naman ay matutunan din ng katawan niya mag-isa.

11. Turuan si baby na matulog mag-isa.

Habang lumalaki ay matutunan din ng iyong baby ang matulog nang mag-isa. Ngunit magiging posible rin ito depende sa pagsasanay at pagtuturo mo sa kaniya.

Isang paraan para matulungan si baby na matulog nang mag-isa ay ang pag-alam sa kahulugan ng mga ingay at iyak niya. Importanteng malaman ito dahil ito ang magiging signal mo kung ang ingay o iyak na ginagawa niya ay normal pa o senyales na kailangan ka niya.

paano-patulugin-si-baby

Paano patulugin ang sanggol ng mahimbing? | Image from Unsplash

Normal sa isang bata ang umiyak o mag-ingay kapag natutulog. Ito ay dahil sa pag-ta-transition mula sa mahimbing at mababaw na pagtulog. Kaya naman dapat mong malaman ang pagkakaiba ng iyak niya. Dahil hindi dapat sa lahat ng oras lalo na kapag natutulog ay pupunta ka agad sa kaniya na maaring makaistorbo at maging sensyales sa kaniya na oras na ng paggising.

Madalas ang iyak na dulot ng transition ng pagtulog ay hindi nagtatagal. Ngunit kung ang isang baby ay umiiyak na ng isang minuto o higit mula sa pagtulog, maaring ito ay sensyales na kailangan ka niya para siya ay padedehin o palitan na ang diapers niya.

12. Huwag agad magre-react kapag umiyak si baby

Kapag nagkaroon na siya ng kaniyang schedule sa pagtulog, minsan hindi pa rin maiiwasan na magising siya at umiyak. Pero huwag agad magre-react. Sa ganitong paraan matuturuan si baby na matulog independently.

Ang ganitong paraan din ay makakatulong sa kaniya upang mag-isa niyang ma-soothe ang sarili niya para makatulog mag-isa matapos niyang magising.

Subalit kapag matagal na talagang umiiyak si baby ay tignan na kung basa ang kaniyang diaper o kaya naman subukan na siyang padedehin, baka kasi gutom siya.

13. Siguraduhing sapat ang kaniyang nutrisyon.

Isang dahilan din sa mga paputol-putol na tulog ni baby sa gabi ay ang pagkagutom. Sa una hanggang anim na buwan ay kinakailangan talaga ng iyong baby na dumede sa gabi.

Ngunit maaring limitahan ito sa oras na matuto na siyang kumain. Kung saan kailangang masigurado na siya ay nakakain nang maayos o busog bago matulog.

Iiwas din siya sa mga pagkaing matatamis na maaring makaapekto sa kaniyang pagtulog.

Ang pagkakaroon ng maayos na sleeping pattern ni baby ay nakadepende sa pagtuturo mo sa kaniya. Kaya sa pamamagitan ng mga paraan na ito kung paano patulugin si baby ay magandang praktis sa kaniya habang siya ay lumalaki.

Malaki rin ang maitutulong nito sa iyo para sa mas madali at less stress na pag-aalaga kay baby. Siguradong magdudulot din ito ng happy at healthy relationship sa inyong dalawa.

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!