Isa sa mga karaniwang payo sa mga mag-asawa ang umiwas sa pagkakaroon ng alitan o away sa isa’t-isa. Kung tutuusin, tama naman ang payong ito, dahil ang pag-aaway ng mag-asawa ay minsan nagiging mitsa ng mas malaking gulo sa mga mag-asawa.
Ngunit ayon sa isang pag-aaral, mas malusog raw ang mga mag-asawang nag-aaway kumpara sa mga mag-asawang kinikimkim lang ang galit nila. Bakit kaya?
Pag-aaway ng mag-asawa, mabuti raw sa kalusugan
Ang pag-aaral ay isinagawa ng mga psychologist na galing sa University of Arizona, sa US. Sa haba na 32 taon, pinag-aralan nila ang 192 na mag-asawa, at inalam kung may epekto ba ang pag-aaway sa kanilang kalusugan.
Napansin ng mga researcher na mas mataas ang posibilidad na mamatay ng maaga kapag hindi tugma ang paraan ng pakikipag-away ng mag-asawa. Halimbawa, ang isang asawa ay tahimik lang, at ang isa naman ay madalas maglabas ng kaniyang sama ng loob o saloobin.
Ayon sa kanila, hindi naman nito ibig sabihin na dapat madalas mag-away ang mga mag-asawa. Ang mahalaga raw ay dapat napag-uusapan nila ang kanilang mga problema. Hindi rin daw dapat kinikimkim ng mga mag-asawa ang kanilang nararamdaman, dahil masama ito sa kalusugan, pati na rin sa kanilang relasyon.
Ito ay dahil posibleng masanay ang mga mag-asawa na hindi nakikinig sa isa’t-isa kapag kinikimkim nila ang kanilang galit. At dahil dito, lalo lang mapapasama ang relasyon nila sa isa’t-isa.
Dapat rin daw umiwas ang mga mag-asawa na masanay na hindi sila nag-uusap kapag may hindi pagkakaunawaan. Mahalagang matuto ng tinatawag na “healthy fighting” ang mga mag-asawa upang mailabas nila sa tamang paraan ang kanilang mga hinaing.
Paano ba ang tinatawag na “healty fighting”
Ayon sa mga researcher, ito ang ilan sa mga tips na makakatulong upang makaiwas sa matinding alitan, at kung paano matuto ng “healthy fighting.”
Iwasan ang mga sumusunod kapag mayroon kayong alitan:
- paggamit ng masasamang salita, panunumbat, o pag-insulto sa iyong asawa.
- pananakit ng iyong asawa, o paninira ng mga gamit sa bahay.
- pagsigaw.
- takutin ang iyong asawa na iiwanan mo siya.
- ungkatin ang nakaraan.
- huwag makipag-away kapag pagod, nakainom, sa harap ng ibang tao, o sa harap ng iyong mga anak.
Heto naman ang mga dapat gawin ng mga mag-asawa kapag sila ay mayroong di pagkakaunawaan:
- intindihing mabuti ang hinaing ng iyong asawa, at ipaalam sa kanila na nakikinig at iniintindi mo sila.
- magsabi ka ng mga bagay na puwede niyang gawin upang gumaan ang loob mo.
- isa-isa kayong mag-usap, at huwag sumagot ng pabalang sa iyong asawa.
- kapag tapos na ang inyong usapan, huwag na itong ungkatin pa.
- makiramdam sa iyong asawa, at intindihin sila.
- maging responsable sa mga aksyon mo, at isipin muna ang kahihinatnan nito bago mo gawin.
Sources: Tendaily, Standard
Basahin: 5 bagay na dapat iwasang sabihin para hindi lumala ang away mag-asawa
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!