Pag-ihi ng bata sa kama? Alamin ang mga posibleng dahilan at ang mga paraang maaring gawin upang matulungan siya at ito ay matigil na.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga posibleng dahilan kung bakit umiihi sa kama ang bata.
- Mga paraan na maaring gawin upang matulungan ang iyong anak o isang bata na matigil na ang pag-ihi sa kama o bed-wetting.
Bakit umiihi sa kama ang isang bata?
Ayon sa Mayo Clinic, ang bed-wetting ay ang involuntary na pag-ihi habang natutulog sa gabi. Ito ay kilala rin sa tawag na nighttime incontinence o nocturnal enuresis na normal na parte ng development ng isang bata. Bagama’t mas mataas ang tiyansang maranasan nila ito kung sila ay nakakaranas ng mga sumusunod na kondisyon:
- Stress at anxiety tulad ng pagkalayo sa kapatid o pagtulog sa ibang bahay.
- Isa sa mga magulang nila ang umiihi sa kama noong sila ay bata pa.
- Sila ay may Attention-deficit/hyperactivity disorder o ADHD na kung saan ang isa sa mga sintomas ay ang bedwetting o pag-ihi sa kama sa gabi.
Subalit sa kabuuan, ang bed-wetting ay hindi naman dapat ipag-alala. Lalo na kung ang batang nagpapakita nito ay edad 7 pababa na kung saan nagde-develop pa ang kanilang nighttime bladder control o hindi pa ganap na mature ang bladder nila.
Bilang magulang ay may magagawa ka upang matulungan ang iyong anak na matigil na o ma-outgrow niya ang bedwetting. Ang mga ito ay ang mga sumusunod na paraan:
Mga paraan kung paano matigil ang pag-ihi ng bata sa kama
1. Huwag siyang sisihin.
Hindi makakatulong na sisihin o pagalitan ang iyong anak sa tuwing siya ay umiihi sa kama. Sapagkat tulad mo ay hindi niya rin ito gusto. Kailangan mo lang tandaan na kung siya ay nasa edad 7 taon pababa, bahagi ito ng kaniyang development na kaniya ring maa-outgrow.
Girl photo created by pvproductions – www.freepik.com
2. Ipaintindi sa iyong anak na ito ay parte ng kaniyang kabataan.
Para hindi makaramdam ng labis na guilt ang iyong anak sa tuwing siya ay umiihi sa kama ay makipag-usap sa kaniya. Ipaalam sa kaniya na ikaw mismo ay nakaranas nito noong ikaw ay maliit pa. Subalit ito ay iyong natigil habang ikaw ay lumalaki na at sa tulong ng mga sumusunod na paraan sa baba.
Mahalaga rin na ipaalala sa ibang bata sa inyong bahay na hindi dapat inaasar ang batang umiihi sa kama. Ito ay upang hindi ito masyadong maging alalahanin sa kaniya na maari pang mas magpalala ng kondisyon niya.
3. I-encourage ang iyong anak na magbanyo ng mas madalas.
Para matigil ang pag-ihi ng bata sa kama sa gabi ay makakatulong na paihiin siya bago matulog. Ito ay para ma-empty o maalis na ang laman ng bladder niya.
Puwede ring kung gising ka pa ay gisingin siya sa gitna ng kaniyang pagtulog para paihiin. Bagama’t hindi nito agad na mapapatigil ang pag-ihi niya sa kama, sa pamamagitan nito ay unti-unti naman itong mababawasan na.
4. Gumamit ng bedwetting alarm.
May mga bedwetting alarms rin na maaring mabili na makakatulong para matigil na ang pag-ihi ng bata sa kama. Ito ay mga special underwear na may sensors na nagbe-beep ng malakas sa oras na mapatakan ng kaunting ihi. Gamit ito, siya ay magigising at tatayo sa kaniyang pagkakatulog para umihi.
Sa katagalan, sa tulong nito ay masasanay ang bata na matukoy kung puno na ang bladder niya at kailangan niya ng gumising sa pagkakatulog para umihi.
5. I-encourage ang iyong anak na uminom ng maraming tubig sa araw.
Water photo created by jcomp – www.freepik.com
Para mabawasan din ang pag-ihi ng isang bata sa gabi ay makakatulong na i-encourage siyang uminom ng maraming tubig sa araw. Ito ay para hindi sila masyadong mauhaw sa gabi at uminom ng maraming tubig. Ito kasi ang isa mga posibleng dahilan kung bakit siya ay napapaihi sa kama o higaan.
BASAHIN:
#AskDok: Totoo bang nagkakasakit ang bata kapag natuyuan ng pawis?
Mga magulang, narito ang masamang epekto ng pamamalo sa bata ayon sa pag-aaral
9 na dapat mong malaman kung bakit hirap dumumi ang bata
6. Paiwasin siya sa pag-inom ng inuming may taglay na caffeine.
Ang mga inuming may caffeine tulad ng soda at iced tea ay nagpapabilis ng pee-making process ng katawan. Kaya naman kung iinom siya nito ay mas madalas siyang maiihi.
7. Gumamit ng waterproof na bed cover o sapin sa kama.
Habang unti-unting sinusubukan ng iyong anak na itigil ang pag-ihi niya sa kama sa gabi, makakatulong na sapinan ng waterproof cover ang kama para hindi ito mag-pahirap sa ‘yo sa pagliligpit at maging dagdag na alalahin sa kaniya.
8. Kung may sleep over ang iyong anak ay pabaunan siya ng waterproof sleeping bag.
Sa mga pagkakataong kailangang mag-sleepover ng isang batang umiihi sa pagtulog ay maaari siyang pabaunan ng waterproof na sleeping bag. Samahan din ito ng extra niyang damit na pamalit at plastic bag na maaari niyang paglagyan ng mga basa niyang damit.
Maaari rin siyang pabaunan ng gamot na kung tawagin ay DDAVP o desmopressin acetate. Ang gamot na ito ay makakatulong na mabawasan ang pag-ihi sa gabi at madalas na ibinibigay sa mga batang edad 6 pataas.
9. Hayaan silang maging parte ng pagliligpit ng kamang inihian nila.
Para mabawasan ang pagka-guilty na nararamdaman ng iyong anak sa pag-ihi niya sa gabi ay hayaan siyang tumulong sa pagliligpit ng kamang naihian niya.
Pero ito ay hindi mo dapat ipilit kung ayaw niya. Kasi maaaring maramdaman niya na siya ay iyong pinaparusahan na maaaring magdulot ng dagdag stress sa kaniya. Ang resulta imbis na matigil ay baka mas maging malala pa ang bedwetting niya.
Kailan dapat dalhin sa doktor ang isang batang umiihi sa kama sa gabi?
Girl photo created by pressfoto – www.freepik.com
Kung sa pamamagitan ng mga nabanggit na paraan ay hindi pa rin natitigil ang pag-ihi ng bata sa kama ay mabuting dalhin na siya sa doktor para maipakonsulta. Lalo na kung siya ay edad 7 gulang pataas at kung ang bedwetting ay sinasabayan ng mga sumusunod na sintomas.
- masakit na pag-ihi
- hindi normal na pagkauhaw
- kulay pink o pulang ihi
- matigas na dumi
- paghilik
Dapat ein siyang dalhin sa doktor kung sa loob ng ilang buwan ay naitigil niya na ito at bigla nalang bumalik. Maaring ito pala kasi ay sintomas o palatandaan na ng seryosong kondisyon na kinakailangan na ng pansin ng isang propesyonal.
Iba pang posibleng dahilan ng bedwetting o pag-ihi ng bata sa kama
Ilan sa mga kondisyon na maaaring magdulot ng bedwetting ay ang sumusunod:
- Hormone imbalance o ang hindi pagpo-produce ng sapat na anti-diuretic hormones o ADH ng isang bata na nakakatulong para mapabagal ang urine production niya sa gabi.
- Ito ay maaaring palatandaan din ng kondisyon na kung tawagin ay sleep apnea. Ang kondisyon na kung saan ang paghinga ng bata ay nai-interrupt habang natutulog na maaaring dahil sa namamagang tonsils o adenoids.
- Maaaring palatandaan rin ito ng sakit na diabetes sa mga bata. Lalo na kung sasabayan ng pag-ihi ng marami ng isang beses, madalas na pagka-uhaw, fatigue at bilang pagbaba ng timbang kahit magana naman siyang kumain.
- Ito ay maaaring dulot rin ng chronic constipation na kung saan naapektuhan ng kondisyon ang muscle na nag-kokontrol sa urine o ihi.
- Maaaring ito rin ay dahil sa problema sa kaniyang urinary tract o nervous system.
Sa kabuuan, ang pag-ihi sa kama sa gabi ay normal na bahagi ng development ng isang bata. Ito ay matitigil naman kalaunan sa tulong ng pasensya at suporta mo bilang magulang.
Source:
WebMD, Mayo Clinic
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!