Mababasa sa artikulong ito:
- Mga dahilan kung bakit hirap sa pagdumi ang bata.
- Ano ang maari mong gawin upang maiwasan ng mahirapan sa pagdumi ang iyong anak?
Kailan masasabing constipated ang isang bata?
Ang constipation o hirap sa pagdumi ang isa sa madalas na problemang nararanasan ng mga bata.
Ayon sa pediatrician na si Dr. Maria Belen Vitug-Sales mula sa Makati Medical Center, ito ay tumutukoy sa pagkakaroon ng matigas at masakit na dumi na nagpapahirap sa mga bata.
Ang mga posibleng dahilan nga umano kung bakit nakakaranas ng hirap sa pagdumi ang bata ay ang mga sumusunod.
1. Toilet training issues.
Ayon kay Dr. Sales, isa sa mga dahilan kung bakit nakakaranas ng hirap sa pagdumi ang bata ay dahil sa masyado siyang maagang tinuruang mag-potty train.
Ito ay nagbigay sa kaniya ng labis na pressure. Kaya imbis na ang pagdumi ay isang voluntary activity, ito ay nagiging involuntary at nag-iwan ng hindi magandang karanasan sa kaniya. Pagpapaliwanag Dr. Sales,
“Study shows that if you pressure a kid to toilet train early, they get more constipated. Kaya sabi ko hayaan ninyo lang muna, kasi ang tamang age for toilet training is at 25, 26 to 27 months mga 2 1/2 years old to 3. It’s the good age to toilet train, if you start to toilet train early, you put more pressure to the child.”
Photo by Charles Deluvio on Unsplash
2. Pooing techniques.
Maaaring ang hirap sa pagdumi ng isang bata ay dahil rin sa hindi siya komportable sa kaniyang puwesto o posisyon sa pagdumi.
Ayon sa Healthline, walang pag-aaral ang nakapagsabi kung mas mainam bang posisyon sa pagdumi ang naka-squat kaysa nakaupo sa toilet bowl.
Ano man ang posisyon basta’t komportable ang isang bata at hindi nahihirapan maiiwasang makaranas siya ng constipation.
“When they pooing gusto mo iyong posisyon nila komportable. Kasi kung hindi it can also add on sa constipation”, pahayag pa ni Dr. Sales.
3. Trauma sa pagdumi.
Maaari ring dahil sa sobrang tigas at sakit ng pagdumi ay nakakaranas ng constipation ang isang bata. Sapagkat sa nato-trauma na siya sa sakit na kaniyang nararanasan at mas pinipili niyang pigilan at i-delay nalang ang kaniyang pagdumi.
“Kasi ang nagiging problema sa constipation, iyong poop is matigas, masakit. Iyon iyong medyo traumatizing sa mga bata so natatakot na sila and they hold on ayaw na nilang magpopoo. Kasi masakit pipigilin na nila, it makes everything worse”, pahayag pa ni Dr. Sales.
4. Pagbabago sa diet ng isang bata.
Ayon pa kay Dr. Sales, ang isa pang dahilan kung bakit nakakaranas ng hirap sa pagdumi ang bata ay dahil sa pagbabago sa kaniyang diet. Madalas itong nararanasan ng mga batang nagsisimulang kumain ng mga solid foods mula sa nakasanayang all-liquid diet.
Pahayag ni Dr. Sales,
“Sa parents it is normal for certain babies na kapag nagpalit ng gatas they will adjust. Then kapag nag-1-year na siya o 6 months kapag nag-solid na siya puwede ring mabago iyong consistency ng poop nila. But in general, we tell parents na once your baby starts solids, you have to make sure na balanced ang diet nila.”
Dagdag pa nga niya, maliban sa pagsisigurong balanced ang diet ng mga bata ay dapat lagi ring may fiber ang kinakain nila. Higit sa lahat ay dapat umiinom din sila ng sapat na dami ng tubig.
“Dapat mayroong fiber. Lalo na ngayon summer, dapat they need to make sure that they drink enough water. Kasi the problem is sometimes they don’t drink enough water,” sabi pa ni Dr. Sales.
Ayon sa Mayo Clinic, ang iba pang maaring dahilan kung bakit hirap sa pagdumi ang isang bata ay ang sumusunod.
Photo by lam loi from Pexels
BASAHIN:
Is your kid constipated?
Sakit sa tiyan, Kawasaki disease at iba pang sakit na lumalabas sa mga batang may COVID-19
4 tips para sa mas epektibong potty training sa mga anak
5. Pagbabago sa kaniyang routine.
Ang isang batang bumabyahe, nakakaranas ng stress o nabigla sa pabago-pabagong panahon ay maari rin umanong makaranas ng constipation.
Isa rin umano ito sa nararanasan ng mga batang nagsisimulang pumasok sa school na malayo sa kanilang bahay.
6. Family history.
Maaari ang constipation umano’y namana ng isang bata sa kaniyang mga magulang. O dahil sa mga bagay na nakasanayan o nakalakihan niya ng nakikita sa ibang miyembro ng kanilang pamilya. Tulad ng nakasanayan nilang diet o kainin.
7. Medications o gamot na iniinom.
Ang constipation na nararanasan ng isang bata ay maaaring dahil rin sa gamot o medication na kaniyang iniinom. Ilan sa mga gamot na maaring magdulot ng constipation ay ang sumusunod:
- antacids na nagtataglay ng aluminum at calcium
- anticholinergics at antispasmodics
- anticonvulsants na ginagamit upang maiwasan ang seizures
- iron supplements
8. Pagkain ng masyadong maraming dairy products.
Kung ang isang bata ay mayroong allergy sa cow’s milk ang labis na pagkain ng dairy products ay maaari ring magdulot sa kaniya ng constipation.
9. Siya ay may problema sa kalusugan o sakit.
Maaari rin namang, ang constipation na nararanasan ng isang bata ay dulot na pala ng isang underlying medical condition. Ito ay maaaring dahil siya ay may anatomic malformation o kaya naman ay metabolic o digestive system problem.
Kailan dapat ng dalhin sa doktor ang iyong anak?
Ang constipation sa mga bata ay hindi naman dapat ipag-alala. Maliban na lamang kung ito ay nararanasan na ng isang bata ng higit sa dalawang linggo.
O kaya naman ay sinasabayan ng mga sumusunod na sintomas. Sapagkat maaaring ito ay dulot na pala ng isang seryosong sakit na kailangan ng i-address ng isang doktor upang malunasan.
- Hindi pagkain ng bata.
- Dugo sa dumi ng bata.
- Pamamaga o abnormal na paglaki ng tiyan.
- Pagbaba ng timbang.
- Sakit sa tuwing dumudumi.
- Rectal prolapse o paglabas ng bahagi ng intestine sa puwit.
Mga paraan kung paano maiiwasan at malulunasan ang constipation sa mga bata
Background photo created by freepik – www.freepik.com
Kung ang constipation naman ay hindi sinasabayan ng mga nabanggit na sintomas, ay walang dapat ipag-alala. May mga hakbang na maaaring gawin para ito ay maiwasan ng maranasan ng iyong anak o tuluyan ng malunasan. Ang mga paraang ito ay ang sumusunod:
Pakainin ang iyong anak ng mga high fiber foods.
Pakainin ng mga high fiber foods ang iyong anak tulad ng prutas, gulay, beans at whole-grain cereals. Sa ganitong paraan ay lalambot na ang dumi nila. Maiiwasan rin na sila ay kabagin o maging bloated ang kanilang tiyan.
I-encourage ang iyong anak na uminom ng maraming tubig o fluids.
Ang constipation ay may kaugnayan sa dehydration sa loob ng colon. Kung iinom ng maraming tubig ay less water ang ma-wiwithdraw sa colon. Ang resulta nito mas malambot at madaling mailabas ang dumi sa tiyan.
I-promote ang physical activity sa iyong anak.
Maliban sa pag-inom ng tubig ay i-encourage din ang iyong anak na mas maging active. Ito ay para magalaw ang kaniyang tiyan at mas ma-stimulate ang normal bowel function nito.
Magkaroon ng toilet routine sa iyong anak.
Isama sa routine ng iyong anak ang pagdumi o paggamit niya ng banyo. Maaring gawin ito tuwing matapos siyang kumain.
Makakatulong din ang paglalagay ng maliit na upuan o tungtungan niya ng paa kung masyadong mataas ang toilet bowl para sa kaniya.
Turuan ang iyong anak na huwag balewalain ang pangangailangan niyang magpunta sa banyo.
Minsan sa sobrang busy ng ating anak sa paglalaro ay hindi niya pinapansin na kailangan niya na pa lamang umihi o dumumi.
Ipaliwanag sa kaniya na hindi ito makakabuti. Sapagkat maaaring magdulot ito ng problema tulad ng hirap niya sa pagdumi.
Maging supportive sa iyong anak.
Sa oras na magawa ng iyong anak ang mga nabanggit ay bigyan siya ng reward. Ito ay para mas ma-encourage siyang gawin pa ang mga ito.
Dapat ay iwasan din pagalitan o parusahan siya sa oras na hindi niya ito magawa ng maayos. Sapagkat imbis na makatulong ay maaaring magdulot pa ng stress sa kaniya ito at mas magpalala pa ng constipation na nararanasan niya.
Source:
US News, Healthline, Mayo Clinic
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!