Lahat tayo ay nagnanais na magkaroon ng happy ending kasama ang kaniya-kaniyang partner. Ngunit para sa iba, bago makarating dito, maraming pagsubok ang mararanasan ng bawat couple na siyang susubok sa kanilang tiwala sa isa’t isa. Ang tanong, ano nga ba ang mga dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawa?
Mababasa sa artikulong ito:
- Muntik na ba kayong maghiwalay ni mister?
- 6 karaniwang dahilan ng paghihiwalay ng mga mag-asawa
Ating alamin at isa-isahin kung ano ang kadalasang pinagmumulan ng hiwalayan ng bawat mag-asawa. Ilang TAP moms din ang nagbahagi ng kanilang naging karanasan tungkol sa usaping ito.
Paghihiwalay ng mag-asawa | Image from iStock
Muntik na ba kayong maghiwalay ni mister?
“Oo.” Ito ang karamihan sa sagot ng ating mga TAP moms mula sa theAsianparent Community. Ilan sa kanila ang nagbahagi na kaniya-kaniyang naging karanasan noong panahong muntik na silang maghiwalay ng kanilang partner.
Narito ang ilan sa kanila:
“Nag-away kami ng asawa ko ngayon at gusto ko na ring makipaghiwalay sa asawa ko dahil magaling lang siya kapag ibang tao pero kapag sa ‘min ni baby laging tamad at lasenggero.”
“Noong nalaman kong may relasyon sila ng workmate niya.”
“Noong nahuli ko na naman si hubby na may communication pa rin siya ‘dun sa ex niya. He promised me kasi before na iiwasan niya na ‘yong ex niya. “
“Oo. Actually naghiwalay kami ng 3 months. Miscommunication. Magkaiba ng lahi so magkaiba sa maraming bagay. Kaya iyon aso’t pusa gang ngayon naman.”
“Nahuli kong nakikipaglandian sa iba ‘tas may communication pa rin sila ng ex niya.”
Isa sa naging dahilan ng problema nila ay ang cheating o pangangaliwa ng partner.
BASAHIN:
Annulment vs divorce: Ano nga ba ang pinagkaiba?
Kailan nagiging cheating ang chatting? Narito ang sagot ng mga eksperto
Micro-cheating: Ang mga simpleng paglalandi na maaaring sumira sa relasyon
6 karaniwang dahilan ng paghihiwalay ng mga mag-asawa
Ang bawat pagsasama ay iba-iba. Mayroon silang sariling paraan kung paano iresolba ang isang problema sa relasyon. Ngunit ano nga ba ang mga karaniwang dahilan ng paghihiwalay ng mga mag-asawa?
Narito ang ilan sa mga dahilan na kailangan mong bantayan.
1. Pangangaliwa o cheating
Hindi na bago ang kwento ng pangangaliwa sa isang relasyon. Ngunit kahit na parati natin itong naririnig, hindi kailanman ito magiging tama.
Maraming relasyon, pagsasama at pamilya ang nasisira dahil sa pangunahing dahilan na ito. Nagsisimula sa pagbabago ng pakikitungo ng asawa, pagiging malihim at malamig ng partner.
Mayroong emosyonal na epekto ang pangangaliwa sa taong naging biktima nito. Isa na lamang diyan ang sakit na dulot ng cheating at maaaring bumaba rin ang kanilang tiwala sa sarili dahil sa pangangaliwa ng asawa.
Paghihiwalay ng mag-asawa | Image from iStock
2. Pang-aabuso
Pasok sa pang-aabuso na ito ang berbal, emosyonal at pisikal na pananakit. Kung nakakaranas ka nito sa iyong partner, sapat na itong dahilan para bumitaw kana sa inyong relasyon at pakawalan siya.
Maraming tao ang nag-aakalang ang pananakit ng pisikal lamang ang depinisyon ng pang-aaabuso. Ngunit pasok sa usaping ito ang masasakit na salita, hindi normal na trato sa ‘yo, paninigaw, pagmumura, pagpapabaya at iba pang negatibong epekto sa ‘yo.
Kung nakakaranas ka ng pang-aabuso, ito na ang tamang oras para lumaban ng patas. ‘Wag matakot at humingi ng tulong sa taong pinagkakatiwalaan. Makakatulong din ang counseling sa ‘yo kung ramdam mong lubos ka nang naapektuhan nito.
3. Addiction
Hindi lamang alak, sigarilyo o droga ang maaaring maging addiction ng iyong kapareha. Maraming bagay ang pasok sa usaping ito na kapag hindi natigil agad, malaki ang tiyansa na maging ugat ito ng paghihiwalay ng mag-asawa.
Pagsusugal, panonood ng porno, o matinding paggastos ng pera, ilan lamang ito sa mga dapat bantayan. Masasabing addiction na ito kung pati mahahalagang bagay o tao sa kanilang paligid ay napapabayaan na para lamang sa mga sumusunod. Bukod dito, may tiyansa rin silang makagawa ng masamang bagay dahil dito.
Mahirap tigilan ang isang nakagawiang bagay. Ngayon, kung nais mong tumigil na ngunit nahihirapan ka, malaki ang maitutulong ng counselling o pagpunta sa espesyalista.
4. Intimacy
Bahagi ng isang relasyon ang pagiging malapit sa isa’t isa pisikal man ‘yan o emosyonal ngunit alam niyo bang ang pagkakaroon ng madalang na pisikal na koneksyon ay maaaring pagmulan din ng problema sa isang relasyon? Pasok sa usaping ito ang pagtatalik ng mag-asawa at iba pang konektado rito.
Ang intimacy ay hindi lamang sex kundi maaari mo pa ring halikan, yakapin o bigyan ng affection ang iyong asawa. Sa pagbaba ng intimacy sa isang relasyon, maaaring makaramdam ng rejection o abandonment ang iyong partner.
Paghihiwalay ng mag-asawa | Image from iStock
5. Pag-aasawa ng maaga
Walang judgement para sa mga mag-asawang maagang ikinasal.
Ngunit para sa iba, ang pag-aasawa ng maaga ay maaaring maging dahilan din ng paghihiwalay. Lalo na kung ang pagsasama o kasal ay hindi planado o hindi pa naiintindihan ng lubos ang salitang kasalat pagsasama.
Karamihan sa mga mag-asawang ikinasal ng maaga ay hindi pa financially stable kaya naman maaaring pagmulan din ito ng away sa relasyon.
Pasok din sa usaping ito ang pagiging matured ng mag-partner.
6. Pera
Ang dahilan na ito ay hindi na rin bago sa ating mga pandinig. Mahirap mang tanggapin ngunit may ibang mag-asawa talaga ang naghihiwalay dahil lamang sa pera.
Nagkakaroon ng problema ang mga mag-asawa sa hindi tamang paghawak at paggastos ng pera. Maituturing na pangangailangan ng isang tao at pamilya ang pera kaya naman maging matalino sa paggastos nito.
Anuman ang pinagdadaanan ninyo ng iyong partner, tandaan na malaki ang maitutulong ng pagiging totoo sa sarili at pagkakaroon ng malinaw na komunikasyon upang maresolba ang problema sa isang pagsasama.
Source:
Survive Divorce
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!