Mga magulang alamin dito ang mga senyales na spoiled ang bata at kung paano siya tuturuang maging malikhain sa pamamagitan ng paglalaro.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mas makakabuti kung kaunti lang ang laruan ni baby, ayon sa pag-aaral
- 7 senyales na spoiled ang isang bata
- Paano turuan ang bata na maging malikhain
Bilang magulang, masarap sa pakiramdam kapag napapasaya natin ang ating anak. Sa kagustuhan natin na mapaligaya sila, binibilhan natin sila ng mga laruan. Pero gaano karami nga ba ang laruan para makatulong sa paglaki ni baby. Para hindi mo siya ma-“spoil?”
Hindi marami. Dahil ayon sa isang pag-aaral, ang paglalaro gamit ang ilang pirasong laruan ay mas nakakatulong na malinang ang creativity ni baby.
Image from Freepix
Study: mas nagiging creative ang bata kapag kaunti ang laruan
Laruan ang madalas na inireregalo sa mga bata kapag may okasyon gaya ng kanilang birthdays. Dahil maliban sa entertainment na maari nitong ibigay sa mga bata, maraming pag-aaral ang nagpapatunay na nakakatulong rin ito sa development ng kanilang isip.
Subalit hindi naman kailangang masyadong marami ang mga laruan ng iyong anak. Sapagkat maaari rin itong maging distraction sa kaniyang development at paglaki.
Iyan ang lumabas sa pag-aaral na ginawa ng University of Toledo researchers matapos hayaang maglaro ang 36 na toddlers sa isang playroom.
Sa loob ng 30 minuto ay hinayaang maglaro ang mga bata sa loob ng playroom na may dalawang kondisyon. Una, ang paglalaro gamit ang apat na piraso lang ng laruan. Ang pangalawang kondisyon naman ay ang paglalaro gamit ang labing-anim na piraso ng laruan.
Ang mga bata ay hindi binigyan ng kahit anong instructions sa kung anong dapat nilang gawin sa mga laruan.
Mula nga sa dalawang kondisyon ay nakita ng mga researchers na mas maraming oras at mas lumalabas ang creativity ng isang bata kapag kaunti lang ang kaniyang laruan. Kumpara sa maraming laruan kung saan alam ng bata kung ano ang kaniyang uunahin at lalaruin.
Ayon nga sa ginawang pag-aaral na nailathala sa Journal of Infant Behavior and Development, ang isang bata ay mas nakakapag-focus at nahahasa ang kaniyang imahinasyon kapag kaunti lang ang laruan na nasa paligid niya.
Samantala, mas nadi-distract daw ang isang bata at nawawala ang focus nito kapag masyadong marami siyang laruan na pagpipilian.
Kaya ang konklusyon at payo ng mga nagsagawa ng pag-aaral ay ang limitahan ang bilang ng mga laruan na ibinibigay ng mga magulang at paaralan sa mga bata. Ito ay para mahikayat sila na maging mas malikhain at pahabain ang kanilang atensyon sa isang bagay.
Hindi ito ang unang pag-aaral na nagsabing ang pagkakaroon at paglalaro ng maraming laruan ng isang bata ay nakaka-distract para sa kaniya.
Sa isang pag-aaral na ginawa ng mga German researchers na sina Elke Schubert at Rainer Strick ay parehong findings din ang natuklasan nila.
Ginawa nila ang kanilang experiment sa pamamagitan ng pag-alis ng mga laruan sa isang Munich nursery sa loob ng tatlong buwan.
Matapos nga ng ilang linggo ay nakita nilang nakapag-adjust naman ang mga bata at mas naging malikhain ang paglalaro nila. Gumanda rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa ibang bata.
Sa libro naman na isinulat ni Joshua Becker na may title na ClutterFree ay sinabi nitong ang konting laruan ay mas maganda para sa mga bata.
Maliban sa mas nagiging creative sila at nade-develop ang kanilang attention span. Natuto rin sila kung paano pangalagaan ang mga bagay na mayroon sila.
Mas nagiging resourceful rin ang mga bata na may kaunting laruan pagdating sa problem solving. Dahil ginagamit at iniisipan nila ng ibang paraan kung paano gagamitin ang mga laruan o bagay na mayroon lang sila.
May mga eksperto rin na nagsasabi na ang pagbibigay ng masyadong maraming laruan ay nagdudulot ng entitlement sa mga bata, o sa madaling salita, maari itong maging daan para maging “spoiled” sila.
Senyales na spoiled ang isang bata
Bilang magulang, gusto nating lumaki na may mabuting asal ang ating mga anak, at ayaw natin silang maging “spoiled” dahil hindi ito makakatulong sa kanila sa hinaharap.
Pero paano mo nga ba masasabing spoiled na ang isang bata? Isa sa mga palatandaan ay kapag nagiging masyado siyang makasarili.
“Every kid has an off-day —and so do adults — but spoiled kids are stuck in ‘me’ mode,” ani Michele Borba, isang educational psychologist at sumulat ng maraming parenting books.
Narito pa ang ilang senyales na dapat mong bantayan:
- Kapag tinanggihan mo o hindi ibinigay ang gusto niya, nagmamaktol o nagta-tantrums siya.
- Hindi siya nakukuntento sa anong mayroon siya.
- Iniisip niya na lahat ng bagay ay umiikot sa kaniya, o siya ang pinaka-importante sa lahat ng oras.
- Inaasahan niyang makukuha niya ang gusto niya AGAD-AGAD.
- Mabilis silang mapikon at nagmamaktol kapag natatalo sa isang laro.
- Hindi sila tumitigil hanggang makuha na nila ang gusto nila.
- Wala silang kusa sa paggawa ng isang bagay, at kailangan mo pa silang i-“bribe” para sumunod sa’yo.
Marami namang nagagawa ang isang magulang para maging “spoiled” ang kaniyang anak, pero maaring isa nga rito ang pagbibigay ng masyadong maraming gamit o laruan sa bata.
“Giving toys all the time will also prevent them from understanding the concept of ‘enough.’ Without limits, they’ll want more, never satisfied with what they already have.
It’s a cycle—what they have can’t be good enough if they’re always pursuing more,” sabi ni Nina Garcia, author ng librong Time Management Strategies for the Overwhelmed Mom.
Gaano karaming laruan ba dapat?
Narinig niyo na ba ang 20-toy rule? Ito ay ang proseso kung saan papipiliin mo ang iyong anak ng 20 laruan na gusto niyang manatili, at ipapamigay na ang iba.
Ayon sa ilang magulang at parenting experts, sapat na raw sa bata ang magkaroon ng 20 laruan para magamit niya sa paglalaro. Kapag sumobra rito ay magiging mahirap at mas distracted na siya. Makakatulong rin ito sa pagiging malikhain ng bata dahil makakaisip siya ng iba’t ibang paraan para magamit ng paulit-ulit ang mga laruan na mayroon siya.
Subalit ayon rin sa mga eksperto, wala naman talagang sapat na bilang ng laruan dapat magkaroon ang isang bata. Ang mahalaga ay magkaroon siya ng sapat na oras para ma-explore ang bawat laruan, at siguruhin na ang laruan na mayroon siya ay open-ended para makatulong sa kaniyang development, creativity at language skills.
BASAHIN:
Don’t add to cart! 8 signs na maraming laruan ang bata at hindi na ito maganda sa kanya
STUDY: Ito ang mga katangian ng laruan na dapat nilalaro ng iyong anak!
STUDY: Paglalaro ng bata, nakakatulong sa development ng kanilang emosyon
Mga maaring gawain para mapakinabangan ang mga laruan ng iyong anak
Bagamat sinabi ng mga pag-aaral na hindi magiging healthy para sa development ng iyong anak ang paglalaro ng maraming laruan. Hindi naman ibig sabihin na kailangan mo ng itapon ang mga ito.
May mga paraan na puwede ka pa ring gawin para maging kapakipakinabang ang ibang mga laruan ng iyong anak na hindi niya na gagamitin. Ito ay ang sumusunod:
1. I-donate ito sa charity o sa ibang bata.
Piliin ang mga laruang pinakapaborito o maari paring laruin ng iyong anak.
Para naman sa mga hindi niya na gagamitin at mga laruang kinalakihan niya na ay maari mo na itong ipunin at ipamigay sa charity o sa ibang bata.
2. Gawin itong pang-display.
Para makaiwas rin sa sobrang kalat ay maaring gamitin ang mga laruan ng iyong anak bilang pang-display sa kaniyang kuwarto o playroom.
Sa ganitong paraan ay mase-save mo din ang kaniyang mga laruan na puwedeng kunin anumang oras kung kailan niya kakailanganin.
3. Magkaroon ng rotation schedule sa mga laruan ng iyong anak.
Kung ayaw mo namang i-let go ang mga laruan ng iyong anak ay maari kang gumawa ng rotation schedule sa kung kailan sila pwedeng laruin ng iyong anak.
Puwede mong gamitin ang 20-toy rule dito kung saan 20 laruan lang ang nakalabas. Puwede mong ipalaro sa kaniya ang kada set ng laruan kada dalawang linggo o kaya naman kada buwan.
4. Subukang makipag-toy swap.
Maari ding subukang makipag-swap ng laruan sa mga kakilala o ibang kaibigan ng iyong anak. Ito ay magandang paraan rin para makapaglaro ng ibang laruan ang iyong anak ng hindi na kailangang bumili.
Paano turuan ang bata na maging malikhain? Isa sa mga pinakamabisang paraan ay ang pakikipaglaro sa kaniya. Ipakita mo sa iyong anak ang iba’t ibang gamit ng kaniyang laruan. O kaya naman gumamit ng mga karaniwang bagay sa paglalaro.
Tandaan, hindi kailangan ng iyong anak ng maraming laruan para maging masaya. Mas kailangan niya ang iyong atensyon at presensya para gabayan siya.
Larawan mula sa Pexels
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
Telegraph UK, RD, Science Direct, Very Well Family, Huffington Post
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!