Epekto ng laruan sa bata? Narito ang mga dapat mong malaman.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga maganda at negatibong epekto ng laruan sa bata.
- Signs na sawa na sa laruan ang iyong anak.
Epekto ng laruan sa bata
Photo by Markus Spiske from Pexels
Tayong mga magulang ay nais na nakikita na laging masaya ang ating mga anak. Kaya naman hangga’t maaari ay ibinibigay natin ang mga hinihiling nila. Tulad na lang ng mga laruan na gusto o hinihiling nilang makuha.
Ayon sa mga eksperto, ang laruan ay nakakatulong sa development ng isang bata. Dahil sa tulong nito ay mas nagiging creative at wide ang imagination nila.
Pero paalala rin ng mga eksperto, ang sobrang laruan sa mga bata ay maaring magdulot ng negatibong epekto. Ito ay natuklasan ng isang pag-aaral na nailathala sa journal na Infant Behavior & Development.
Ilan sa sinasabing masamang epekto ng maraming laruan sa bata ay una hindi siya natututong mag-appreciate ng mga bagay sa paligid niya. Dahil alam niyang marami siyang laruan ay hindi niya pag-iingatan ang mga ito.
Kung masyado ring marami ang laruan ng isang bata ay mahihirapan siyang mag-concentrate sa isang bagay. Mas nagiging bored rin siya kapag maraming laruan sa paligid niya na maaring mauwi rin sa stress.
Ang mga batang mas maraming laruan ay naitalang mas possessive, selfish at may territorial attitude. Ito ay nagreresulta sa away o nahihirapan silang makipag-work sa isang team o kapwa nila bata.
Magandang epekto kung kaunti lang ang laruan ng iyong anak
Base pa rin sa pag-aaral, mas nakakabuti sa mga bata ang may kaunti lang na laruan sa paligid nila. Ito ay dahil sa mga sumusunod na dahilan:
- Mas nagiging healthier at happier ang play time nila kapag kaunti lang ang kanilang laruan.
- Mas nagiging focus rin sila sa isang bagay o laruan na mas nakakatulong sa kanilang growth at development.
- Ang mga batang may kaunting laruan ay may mas mahusay na social capabilities. Dahil mas marami silang oras na mag-converse o makipag-communicate sa kaibigan o miyembro ng pamilya.
- Mas maingat sa gamit ang mga batang may kaunting laruan. Dahil sa kaunti lang ang laruan nila ay alam nila kung paano ito i-value o ingatan.
- Kapag kaunti ang laruan ay mas nagkakaroon din ng interes sa pagsusulat, pagbabasa at paggawa ng art o iba pang constructive activities ang isang bata.
- Mas nagiging resourceful rin ang isang bata na may kaunting laruan. Nagagawa niyang makabuo ng laruan o bagay na magbibigay ng entertainment sa kaniya gamit ang mga nakikita niya sa paligid niya.
Photo by Yan Krukov from Pexels
BASAHIN:
STUDY: Ito ang mga katangian ng laruan na dapat nilalaro ng iyong anak!
4 signs na masyadong nang maraming laruan ang bata
LOOK: Mommy, ginawan ng DIY dollhouse ang kaniyang anak gamit ang mga lumang gamit at laruan
Palatandaan na masyado ng marami ang laruan ng iyong anak
Pero paano ba nasasabing masyado ng marami ang laruan ng iyong anak? Narito ang ilang palatandaan na maari mong mapansin sa mga kinikilos niya.
- Hindi na niya nalalaro lahat ng laruan niya.
- Madali na siyang magsawa sa mga laruan niya kahit ito ay bagong bili pa.
- Lalaruin niya lang isang araw ang laruan saka isasantabi o ihahagis na.
- Puno na ang lalagyan ng kaniyang mga laruan at wala ng mapaglagyan ng iba pa.
- Kahit mawala na ang laruan niya ay hindi niya na hinahanap.
- Mahilig siyang manghingi ng bagong laruan.
- Kung nasira ng kaunti ang laruan niya ay humihingi na agad siya ng bagong kapalit.
- Hindi tumatagal ng higit sa 15 minuto ang paglalaro niya sa isang laruan.
Walang ipinapayong bilang ng laruan sa mga bata
Napapansin mo ba ang mga palatandaan na ito sa iyong anak? Mabuting tigilan na ang pagbili sa kaniya ng laruan. Sa halip ay ilaan ang pambili niya ng laruan sa pagbisita sa zoo, themed park at museum na kung saan marami siyang matutunan at magkaroon ng interaction sa paligid niya. Dagdag pa na perfect way rin ito para maka-bonding kayong mga magulang niya.
Photo by Ron Lach from Pexels
Paliwanag ng clinical counselor at author na si Deborah MacNamara, kung tutuusin ay hindi naman daw kailangan ng mga bata ng laruan. At wala rin daw ipinapayong bilang ng laruan ang dapat ibigay sa bata kahit ano pa ang kaniyang edad.
Dahil puwede silang maglaro gamit ang anumang bagay na nakikita nila sa kanilang paligid. Tulad ng mga halaman, gamit sa bahay at kung ano-ano pa na mahahawakan nila.
Kaya naman hindi na kailangan pang bumili ng anumang laruan para sa kanila. Ang mahalaga lang ay makakita o mayroon ng mga objects sa kaniyang paligid na kung saan mai-entertained siya at matututo. Syempre mas magiging mabuti ito kung ikaw ay magiging parte ng play at learning development niya.
Source:
Romper, Todays, Kids Health
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!