Pakikitungo sa biyenan, paano ba dapat para maiwasan ang tensyon sa pagitan ninyo? Alamin ang sagot dito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Dahilan kung bakit ayaw sayo ng biyenan mo.
- Tips o maaari mong gawin para umayos ang relasyon ninyo.
Pakikitungo sa biyenan
Hindi ibig sabihin na maayos ang pagsasama ninyong mag-asawa ay maayos na rin ang lagay mo sa pamilya niya. Karamihan ng mga biyenan na babae ay hindi pa rin palagay ang loob sa napangasawa ng anak nila. Paano ba dapat ang tamang pakikitungo sa biyenan? May nagagawa ka ba para hindi ka niya magustuhan?
Minsan kahit na anong gawin mong pakikisama parang wala pa rin epekto sa kaniya. Paano malalaman kung normal ba ang ginagawa niya o kung talagang hindi ka niya gusto?
Ayon sa artikulo ni Laura Lifshitz ng Popsugar, ito ang mga senyales na hindi ka talaga gusto ng biyenan mo:
1. Hindi ka niya gustong makasama.
Kapag parati mong iniimbita ang biyenan mo at parati rin siyang hindi dumadalo, malaki ang tsansa na hindi ka niya gusto.
“Kapag gusto mo na sa bahay ninyo maghanda ng noche buena pero gusto niya na sa bahay niya kayo pumunta, gagawa siya ng maraming dahilan para i-push ang ideya na sa bahay na lang niya ganapin ang okasyon.”
Sabi nga nila, “Kung gusto, maraming paraan. Kung ayaw, maraming dahilan.”
2. Ipupunto niya ang pagkakamali mo… sa harap ng asawa mo.
Hindi lang siya humahanap ng mali mo, ginagawa pa niya ito sa harap ng asawa mo.
“Hinahanapan ka niya parati ng mali at sinasabi niya ito sa asawa mo. Pinapamukha rin niya sa ‘yo na mas magaling ang asawa mo sa ‘yo. Sa mata niya, wala kang nagagawang tama at tinimbang ka ngunit kulang.”
Parati rin niyang ipinapamukha na masuwerte ka dahil ikaw ang pinili ng anak niya.
3. Kinokontra niya parati ang turo mo sa anak mo.
Gagawa at gagawa siya ng paraan para kontrahin ka—pati sa pagpapalaki mo sa anak mo. Ang mas malala, ipipilit niya na mali ang ginagawa mo at ang paraan niya ang mas tama. Sa pananaw niya, siya ang mas magaling na nanay at mas may experience sa mga bagay patungkol sa pagpapalaki ng bata.
Hair photo created by cookie_studio – www.freepik.com
4. Kunyari close siya sa ‘yo at pa-simple ka niyang sinisiraan.
Ito ang senyales na pinakamahirap malaman. Imbis kasi na ilayo niya ang sarili niya sa ‘yo, kabaligtaran ang gagawin niya. Hindi siya magpapakita ng kahit na anong clue na hindi ka niya gusto. Imbis, magiging close siya sa ‘yo.
Pero habang tumatagal, mapapansin mo na parati ka niyang pinupuna pero bago mo isipin na may malisya ang sinabi niya, bibigyan ka niya ng compliment.
Ang nangyayari, hindi mo siya puwedeng pagbintangan na masama siya sa ‘yo dahil parati siyang “mabait.” Mahirap din na paniwalaan ka ng mga tao, mas lalo na ng asawa mo, dahil hindi direkta at marahas ang mga pagpupuna niya sa ‘yo. Kadalasan sasabihin niyang, “concerned” lamang siya sa iyo.
Mga posibleng dahilan kung bakit ayaw sa ‘yo ng biyenan mo
Ayon kay Dr. Ramani Durvasula, isang psychologist at relationship expert may dalawang dahilan kung bakit nagkakaroon ng hindi pagkakasundo sa pagitan ng mga in-laws. Ito ay ang boundaries at expectations. Pahayag ni Dr. Durvasula,
“Families can have rather strange boundaries. When an in-law enters a new family situation, he or she inherits those boundaries and the problems associated with those boundaries, [which] can manifest in lots of ways.”
Paliwanag niya ang boundaries ay tumutukoy sa pakikialam ng mga in-laws sa buhay ng bagong mag-asawa. Ang expectations o ang pagkakaiba ng nakasanayan ng mag-biyenan o kanilang inaasahan sa bawat isa.
Ayon naman sa Cambridge University psychologist na Terri Apter, ang iba pang posibleng dahilan kung bakit ayaw sa ‘yo ng biyenan mo ay ang sumusunod:
- Pressure ng biyenan na magkaroon ng anak ang mag-asawa.
- Pinipilit ng biyenan na i-maintain ang kanilang authoritative role sa loob ng bahay.
- Know-it-all at gustong mag-take charge ng biyenan sa lahat ng bagay.
- Naniniwala ang biyenan na walang “good enough” para sa anak nila.
- May magkaibang paniniwala o conflicting ideas sa pagpapalaki ng anak ang mag-biyenan.
- Personality clashes.
- Hindi pagpapahiram o pagbibigay ng pera ng manugang o biyenan.
- Hindi pagsunod ng manugang sa religious o cultural forms ng biyenan.
People photo created by bearfotos – www.freepik.com
Ano ang puwede mong gawin?
Base naman sa artikulo ni Lifshitz para maiwasan ang problema sa pagitan ninyo na mas lumala ay narito ang dapat mong gawin.
Una, importante na isipin mo na ikaw ang mas nakakaintindi sa sitwasyon. Ipalagay mo ang sarili mo sa sapatos niya. Isipin kung bakit niya nagagawa o nasasabi ang mga bagay na iyon.
Importante rin na kausapin mo ang iyong asawa tungkol sa pakikitungo ng biyenan mo sa ‘yo. Sa ganitong paraan, alam niya na may hindi kayo pagkakasundo.
Tandaan: kahit hindi maganda ang relasyon mo sa biyenan mo, huwag na huwag mong ipapaalam ito sa mga anak mo. “Hindi nila kailangan marinig kung gaano mo ka-hate ang lola nila. Hayaan mo silang magkaroon ng relasyon sa biyenan mo, kung posible man ito.”
Sabi pa sa artikulo, “Kung masama talaga ang ugali ng biyenan mo, mari-realize ito ng mga bata pag tanda nila.”
Tips para maging maayos ang relasyon mo sa biyenan mo
Ayon naman kay Dr. Durvasula, may mga paraan kayong magagawa na mag-asawa para maisaayos ang relasyon mo sa biyenan mo. Ito ay ang tamang paraan ng pakikitungo sa biyenan na dapat ay isaisip mo. Ang mga ito ay ang sumusunod:
1. Itrato sila sa paraan na gusto mong tratuhin ka nila.
Ika ng isang kasabihan, “kung ayaw mong gawin sayo ay huwag mo ring gawin sa kapwa mo.” Kaya kung gusto mong maging maayos ang pakikitungo sa ‘yo ng biyenan mo ay ayusin mo rin ang pakikitungo sa kanila. I-respeto mo sila kung gusto mong respetuhin ka nila at higit sa lahat ay pakitaan sila ng maganda.
2. Panatilihing mababa ang ekspektasyon mo sa kanila.
Laging isaisip na ang pamilya mong pinagmulan ay hindi tulad ng pamilya ng iyong asawa. Kaya naman panigurado may mga bagay kayong hindi mapagkakasunduan.
Upang maiwasan ang hindi pagkakaintindihan mabuting ikaw na lamqng ang mag-adjust. I-set lang ang iyong expectation ng tama para hindi ka masyadong ma-disappoint o ma-dismaya.
3. Tanggapin na ang iyong biyenan ay parte na ng iyong buhay.
Kung sigurado ka na ang iyong mister o partner ang nais mo ng makasama sa habang-buhay ay kailangan mo ng tanggapin ang mga magulang at pamilya niya na hindi iba sa ‘yo.
Kaya naman kahit mahirap minsan, kailangan mo na lamang tanggapin ang pakikialam niya sa buhay mo at ng iyong asawa. Hayaan mong maging lessons ang mga ginagawa niya sa relasyon ninyo para ito ay ma-experience mo at matuto ka mula rito.
4. Mag-adjust at respetuhin ang mga biyenan mo.
Kung pinili mong makasama ang anak nila ay kailangan mo ring matutong mag-adjust sa buhay na mayroon sila. Kailangan mong matuto ring makasanayan ang mga tradisyon at paniniwala nila. Higit sa lahat ay kailangan mong respetuhin sa kung sino sila tulad ng respetong ibinibigay mo sa iyong magulang.
5. I-compliment ang anak niya pati na ang iyong biyenan.
Isa sa mga paraan upang mapalapit sa ‘yo ang isang tao ay ang makarinig siya mula sayo ng mga positibong remarks o komento. Bagama’t minsan ay may makikita kang mali sa ugali o ginagawa ng biyenan mo, dapat iwasan mong punahin ito. Sa halip, pansinin lang at purihin ang nakikita mong maganda niyang ginagawa sayo pati na ng kaniyang anak.
6. Hingin ang kaniyang payo o advice.
Para maiparamdam na nirerespeto mo ang iyong biyenan, makakatulong rin na hingin ang kaniyang payo sa mga bagay-bagay na kinahaharap ng iyong pamilya.
Bagama’t hindi naman dapat at kailangan mong sundin ang mga payo na ito, magiging positibo ang pakiramdam na ibibigay nito sa iyong biyenan.
7. Bigyan siya ng regalo o pasalubong sa tuwing bumibisita kayo sa kaniya.
Hindi naman sa nais mong bilhin ang maayos na pakikitungo ng iyong biyenan, ngunit ang pagbibigay sa kaniya ng regalo o material na bagay ay magbibigay sa kaniya ng impression na siya ay lagi mong inaalala at tine-treasure mo na siya ay parte ng iyong pamilya.
People photo created by pressfoto – www.freepik.com
8. I-offer ang iyong tulong sa iyong biyenan sa lahat ng oras.
Ang magkakapamilya ay dapat nagtutulungan. Kaya naman bilang pangalawa mo ng magulang ay dapat lagi mong i-offer ang iyong tulong sa iyong mga biyenan. Ito man ay sa kahit anong paraan na alam mong makakatulong o magpapagaan ng kanilang buhay.
9. Magbigay at laging palawakin ang iyong pang-unawa.
Bagamat mahirap ay kailangan mong magbigay at umintindi para sa ikabubuti ng iyong pamilya. Hindi rin dapat naiipit sa kahit anumang isyu mo ang iyong anak at asawa. At imbis na pagsimulan ng gulo ay dapat maging instrumento ka sa maayos na pagsasama sa loob ng inyong pamilya.