Mahilig ka ba sa maasim? Subukan ang Paksiw na Bangus recipe na ito!
Ano bang ibig-sabihin kapag sinabihan kang, “Amoy paksiw ka!” Ibig-sabihin lang naman nito ay maasim ang amoy mo. Pero huwag ka nang magalit. Magluto ka na lang ng masarap na Paksiw na Bangus gamit ang recipe na ibabahagi namin sa’yo.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga sangkap na kailangan sa Paksiw na Bangus
- Mga dapat tandaan sa pagluluto ng Paksiw na Bangus
- Paksiw na Bangus recipe na magpapakilig sa buong pamilya
Sinigang o Paksiw?
Pagdating sa ulam, mahilig tayong mga Pinoy sa maasim. Kaya nga marami tayong iba’t ibang klase ng sinigang na ginagamitan ng sari-saring paampaasim.
Pero alam niyo ba na kapag suka ang ginamit na pampaasim sa isang ulam, hindi na ito pwedeng tawaging sinigang. Paksiw na ang tawag dito.
Meron ring iba’t ibang klase ng paksiw, depende sa kung ano ang sahog na ginamit. Merong paksiw na baboy, pusit, pero ang pinakamadalas na pinapaksiw ay iba-ibang klase ng isda.
Bakit mas sumasarap ang Paksiw habang tumatagal?
Kadalasang inuulam ang paksiw sa tanghalian o hapunan, pero meron ding mga taong gustung-gusto itong kainin sa almusal kapares ang sinangag.
Masarap ito kainin kapag bagong luto, pero masarap pa rin kinabukasan. Kapag itinabi ito sa ref ng ilan pang araw, mas kumakapit ang lasa ng suka, luya at paminta kaya mas malinamnam ito.
Paksiw na Isda
Ang pinakasimpleng bersyon ng paksiw ay meron lamang apat na sangkap – isda, luya, suka at pamintang buo. Pero pwede rin itong lagyan ng mga gulay tulad ng ampalaya, talong, sibuyas na puti o bawang. Tapos may siling haba—‘yung berdeng sili na tinatawag ring siling pangsigang.
Masarap ipares ang paksiw sa mainit na kanin. Larawan mula sa iStock
Dapat tandaan sa pagluluto ng Paksiw na Bangus
Importanteng tandaan na sa pagluluto ng paksiw: kapag inilagay na ang suka, huwag itong hahaluin agad. Pakuluin muna ito ng ilang mga minuto nang hindi ito hinahalo.
Mayroon kasing naniniwala na kapag hinalo agad ito pagkalagay ng suka, mahihilaw ang suka. Kaya kapag hinalo mo ito agad, mangingibabaw ang matapang na lasa ng suka kahit kumulo na ito.
Gayundin, sa hindi ko maunawaang dahilan, hindi kinakaliskisan ang isdang ginagamit sa pagluluto ng Paksiw na Bangus. Kaya kung bibili ka sa palengke, tatanungin ka ng tindero o tindera kung pangsigang o papaksiwin mo ang isda. Kapag sinabi mong paksiw, hindi niya aalisin ang kaliskis.
Isang posibleng dahilan ay pinoprotektahan ng kaliskis ang laman ng isda ng bangus para hindi ito madaling madurog kahit pakuluan pa ito sa suka ng matagal.
May iba’t ibang klase ng isda na pinapaksiw. May paksiw na tawilis, paksiw na galunggong, paksiw na tulingan at iba pa. Pero ang pinakamadalas na niluluto ay Paksiw na Bangus. Ito ituturo namin sa’yo ngayon.
BASAHIN:
Easy to make Beef Mechado recipe na mae-enjoy ng buong pamilya!
Lechon Paksiw: Ang masarsang recipe para sa Lechon leftover (with homemade lechon sauce)
Inihaw na bangus: Pinasarap na version ng classic inihaw recipe
Paksiw na Bangus Recipe:
Mga sangkap sa pagluluto ng Paksiw na Bangus:
Siyempre ang pinakamahalagang sangkap sa Paksiw na Bangus recipe na ito ay ang Bangus na isda. | Larawan mula sa iStock
- 1 buong Bangus, nilinis at hiniwa sa 4 hanggang 5 piraso
- 1 ampalaya
- 2 pirasong talong
- 1 ½ tasang tubig
- ½ tasang suka
- 1 pinitpit na luya, isang hinlalaki ang sukat
- ¼ kutsaritang pamintang buo
- 2 pirasong berdeng siling haba
Mga hakbang sa pagluluto ng Paksiw na Bangus:
Ang sari-saring lasa ng luya, suka at paminta ang bumubuo sa masarap na sabaw ng paksiw. Larawan mula sa iStock
- Hiwain ang ampalaya sa kalahati ng pahaba. Alisin ang puting bahagi at ang mga buto. Hiwain uli ng maninipis at ibabad sa tubig na may asin para maalis ang pait. Isantabi muna ito.
- Hiwain ang talong ng pahaba tapos hiwain uli ng maliliit (1 inch ang haba). Ibabad rin ito sa tubig na pinigaan ng kalamansi o lemon at isantabi.
- Ilagay ang tubig at suka sa isang kaldero. Huwag itong hahaluin. Hayaan lang itong kumulo ng ilang minuto. Ilagay ang luya at pamintang buo at pakuluin ito.
- Ilagay ang bangus. Takpan. Hayaang maluto sa loob ng 8 hanggang 10 minuto.
- Banlawan ang ampalaya na binabad sa tubig na may asin. Alisin rin ang talong sa pinagbabarang tubig. Ilagay ang mga gulay na ito sa kaldero at takpan.
- Hinaan ang apoy. Ilagay ang siling haba at pakuluan uli ng 5 minuto.
- Ihain ng may kasamang patis na sawsawan. Pwede mong lagyan ng sili kung gusto mong maanghang.
Napakadali ng Paksiw na Bangus recipe na ito diba? Subukan mo na, mommy at balitaan mo kami kung may asim ka pa sa kusina!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!