9 posibleng dahilan kung bakit nahihirapan sa paghinga

undefined

Maraming posibleng dahilan ang hirap sa paghinga. Kaya naman, mahalagang bantayan ang iba pang sintomas at kumonsulta sa doktor.

Paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga remedy ba ang hanap mo? Alamin dito ang mga hakbang na maari mong gawin.

Ang paghinga ang pinakanatural na ginagawa ng isang tao. Kaya naman, labis na nakakapag-alala kung nahihirapang huminga ang isang tao, lalo na kung bata ito. Kadalasan kasi, posibleng senyales ng isang mas matinding karamdaman kapag hirap sa paghinga.

Ang hirap sa paghinga ay isang kondisyon na pwedeng makaapekto sa sinuman, bata man o matanda. Maaaring magdulot ito ng matinding pagkabalisa at pangamba, lalo na kung walang agarang solusyon sa sitwasyon.

Subalit paano mo nga ba malalaman kung hirap huminga ang isang tao at ano ang mga posibleng dahilan nito?

Narito ang ilang posibleng dahilan at anong dapat mong gawin kapag hirap sa paghinga ang iyong anak.

Paano malalaman kung hirap sa paghinga ang bata?

Isang paraan para malaman kung nahihirapang huminga ang bata ay alamin ang kaniyang breathing rate. Bilangin mo ang kaniyang paghinga sa loob ng isang minuto. Narito ang normal breathing rate ng mga bata ayon sa kanilang edad:

  • 60 breaths per minute para sa mga baby edad 0-5 buwan.
  • 50 breaths per minute para sa mga baby edad 6-12 buwan.
  • 40 breaths per minute para sa mga batang may edad na 1-5.
  • 20-30 breaths para sa mga batang nasa school age.

Ang normal breathing rate ay bumababa habang lumalaki ang bata. Halimbawa, kapag ang breathing rate ng isang 6-taong gulang na bata ay mahigit sa 30, masasabing hindi ito normal at kailangang patingnan sa doktor.

Sintomas ng hirap sa paghinga

Narito pa ang ilang sintomas ng paninikip ng dibdib o hirap sa paghinga ang tao:

  • Lalo na sa mga sanggol, mapapansin mo kung tumataas ang kanilang dibdib kapag sila ay humihinga
  • Lumalaki ang butas ng ilong kapag humihinga
  • Hinihingal
  • Namumutla o kaya nagiging blue ang kulay ng kanilang balat, labi o kuko
  • Pananamlay
  • Halak o may kasamang tunog ang kanilang paghinga

Mga sanhi ng hirap sa paghinga

Maraming posibleng sanhi ang nararanasang hirap sa paghinga. Karaniwan ay konektado ang mga ito at may posibilidad na maging malubha kung hindi agad maagapan at mabigyan ng tamang lunas.

hirap-sa-paghinga

Paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga remedy | Image from Freepik

Narito ang ilang posibleng sanhi ng hirap sa paghinga:

  • Viral infections

Karamihan ay nakakaranas ng hirap sa paghinga kapag nagkakaroon ng sipon dahil sa mga nakukuhang virus. Kapag ang sipon ay hindi nailabas at namuo, maaari nitong mabarahan ang ating sinuses o tinatawag na sinusitis, na magdudulot ng hirap sa paghinga na tumatagal ng dalawa hanggang tatlong linggo.

  • Allergies

Posible ring mayroon tayong malanghap sa ating kapaligiran na magiging dahilan kung bakit tayo mahihirapang huminga. Ang mga taong may allergies ay maaaring makaranas ng sipon, pagsara ng lalamunan o pangangati at pagpapantal. Ang sipon at pagsara ng lalamunan ay makakapagpahirap sa paghinga ng taong may allergies.

  • Hika: Pananakit ng dibdib at likod at hirap sa paghinga

Kapag nakaranas ng pananakit sa dibdib at likod at hirap sa paghinga kasabay ng ubo na may kasamang hingal o halak, posible na hika ang sanhi ng hirap sa paghinga.

Ang taong inaatake ng hika ay makakaranas ng pagsasara ng mga airways papunta sa baga. Maaaring makaranas ng pag-ubo at paninikip ng dibdib ang taong may hika. Ang pangunahing dahilan ng pag atake ng asthma ay alerhiya.

  • Emphysema

Ang emphysema ay isang kondisyon kung saan nasisira na ang air sacs sa ating baga. Kapag nasira na ang mga ito, lumuluwag ang espasyo sa iyong baga, bumabagal ang pagdaloy ng oxygen at nagiging mahirap na para sa tao ang huminga.

Isa sa mga pangunahing sanhi ng sakit na ito ay ang paninigarilyo.

BASAHIN:

Sintomas ng pulmonya sa bata na dapat mong bantayan

Hika ng bata: Lahat ng impormasyon na kailangan mong malaman

Ubong hindi mawala-wala? Ito ang dapat gawin mo!

  • Bronchitis

Ang bronchitis naman ay isang sakit kung saan maraming plema ang pasyente, kaya namamaga ang kaniyang airways at nababara ito, sanhi para mahirapan siyang huminga.

  • Pulmonya

Ang pulmonya o pneumonia ay isang bacterial infection na nagiging dahilan ng pamamaga ng airways sa baga. Maaaring mapuno ang mga ito ng tubig o nana.

Ayon kay Dr. Romina Gerolaga, isang pediatrician at eksperto sa pediatric pulmonology sa Makati Medical Center, kapag may pulmonya ang bata, nababarahan ang baga, lumiliit ang daluyan ng hangin kaya nahihirapan siyang huminga.

“Ang lung tissue ay may laman na air sac. Kapag may mikrobyo, lalabanan ng katawan kaya namamaga. Dahil doon, puwedeng magkaroon ng bara at pamamaga (ang baga).

Liliit ito, hindi makakapasok ng maayos ‘yong hangin kaya ‘yong ibang may pulmonya, nahihirapang huminga.” aniya.

  • Kanser sa baga

Posible ring mabarahan ng cancer cells ang baga ng isang taong may lung cancer kaya bukod sa hirap sa paghinga ay makararanas rin siya ng ubo,  sipon na may dugo, paninikip ng dibdib at paghingal, kahit wala naman siyang ginagawang nakakapagod na physical activity.

  • Tuberculosis

Mas kilala sa tawag na TB, ang tuberculosis ay isang nakakahawang impeksiyon na umaatake sa baga ng isang tao. Maaari din itong kumalat sa utak at galugod. Ito ay nakukuha dahil sa bacteria na tinatawag na mycobacterium tuberculosis.

  • May nakaharang na bagay sa airways

Posible rin naman na kaya nahihirapang huminga ay dahil mayroong nalanghap o nakaing bagay na nakakabara sa daluyan ng hangin sa ating baga. Kaya naman napaka-importante na ilayo sa mga bata ang mga bagay o pagkain na tinatawag na “choking hazards.”

Paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga remedy

Kapag napansin ang paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga ang iyong anak o sinumang miyembro ng pamilya mas mabuting dalhin siya agad sa doktor para masuri at mabigyan ng agarang medikal na atensyon.

Sa kabila ng mga posibleng malalang sanhi, may ilang home remedy sa nahihirapan huminga na puwede mong subukan habang naghihintay ng tamang medikal na atensyon.

Kung hindi kaagad makakapunta sa doktor, narito ang ilang home remedy sa nahihirapan huminga o mga dapat gawin kapag nahihirapan huminga na pwede mong subukan.

  • Magpahinga sa kwartong may aircon. Ang air conditioner kasi ay nakatutulong dahil pinapababa nito ang humidity at nafi-filter ang mga alikabok.
  • Huminga nang malalim mula sa diaphragm. Umupo rin nang nakataas ang ulo para mas maging maginhawa ang iyong paghinga.
  • Habaan ang iyong pag-exhale at huminga at bumuga ng hangin na parang umiihip ka sa straw.
  • Magsuot muna ng maluwag na damit.

Para sa mga taong may hika at allergies, kailangan alamin at iwasan kung ano man ang nagiging dahilan ng pag-atake ng kanilang sakit. Maaaring alikabok o balahibo ng hayop ang mga ito kaya imumungkahi ng mga doktor na umiwas o kaya ay magsuot ng mask.

Ang mga antihistamines naman na gamot ay makakatulong sa mga inaatake ng allergies upang mapagaan ang kanilang paghinga. Maaari itong inumin o i-spray sa ilong.

hirap-sa-paghinga

Paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga remedy | Image from Freepik

Mayroong mga klase ng steroids para sa mga may allergies at pabalik-balik na sinusitis. Pinapaluwag nito ang paghinga sa pamamagitan ng pagpapagaling sa namamagang daanan ng hangin.

Ang gamot sa asthma, dinadaan sa pamamagitan ng paggamit ng inhaler. Tinutulungan nitong paluwagin ang daluyan ng hangin pati na rin ang sobrang plema na maaaring bumara.

Home remedies para sa hirap sa paghinga at paninikip ng dibdib, mga dapat gawin kapag nahihirapan huminga

Gamot sa pananakit ng dibdib at hirap sa paghinga ba ang hanap mo? Maaari ring subukan ang ilan sa madalas gawin at epektibong home care o home remedies para sa hirap sa paghinga at paninikip ng dibdib.

Bukod sa mga relaxation techniques o exercises para maibsan ang hirap sa paghinga at pananakit ng dibdib. Mayroon ding ilan sa mga recommended ng doktor na maaaring gawin sa bahay ng indibidwal na nakakaranas nito,

Makatutulong ang steam inhalation upang malinis ang daanan ng hangin sa ating katawan na mas makatutulong din sa pagbalik ng normal na paghinga.

Ang init at moisture na dala ng steam inhalation ay makatutunaw rin ng mga mucus o uhog na di mailabas sa ating mga baga. Tumutulong ang moisture mula sa steam na magpalambot ng plema at magbukas ng nasal passages. Para mas mapabuti pa ang epekto nito, maaaring magdagdag ng ilang patak ng essential oils tulad ng eucalyptus o peppermint, na kilalang nakakatulong sa paghinga. Gawin ito ng ilang minuto upang maramdaman ang agarang ginhawa.

Kung nais subukan ang steam inhalation maaaring gawin ang mga sumusunod:

  1. Punan ang bowl ng napakainit na tubig.
  2. Maglagay o magdagdag ng ilang patak ng peppermint o eucalyptus essential oil.
  3. 3.Ilagay ang mukha sa ibabaw ng bowl o mangkok.
  4. Lagyan ng towel ang ibabaw ng ulo, at simulan ang paghinga ng malalim.

Iwan muna ang napakainit na tubig upang bahagyang lumamig at hindi mapaso ang balat sa mukha.

  • Pag-inom ng kapeng barako o black coffee. 

Ang pag-inom ng kapeng barako ay makapagpapagaan ng iyong paghinga, dahil ang caffeine sa loob nito ay nakababawas ng paninikip ng mga kalamnan o organo sa daanan ng hangin ng isang tao.

Subalit, mahalagang tandaan pa rin na ang sobrang pag-inom ng kape ay makapagpapabilis ng tibok ng puso o palpitations. Kaya nararapat bantayan at limitahan ang pag-inom nito. Uminom lang nang sapat.

  •  Pagkain ng sariwang luya.

Ang pagkain ng fresh na luya ay makatutulong para sa maayos na paghinga. Maaari din ang paghalo at paglagay ng mainit na tubig sa fresh na luya saka inumin.

Maaari din makatulong ang luya sa anumang respiratory infections na siyang nagpapasikip ng dibdib at nagpapahirap sa paghinga.

  • Stay hydrated | Home remedy sa nahihirapan huminga

Makatutulong ang pag-inom ng 8 basong tubig sa isang araw upang lumuwag ang pakiramdam at maiwasan ang dehydration o anumang mapanganib na sirkumstansiya. Kabilang din ang pag-inom ng mga fruit juices at lime o lemon water.

Mahalaga ang tamang hydration para sa maayos na daloy ng hangin sa katawan. Ang sapat na tubig ay tumutulong sa pagluwag ng plema at sipon na maaaring nakakapagbara sa mga daanan ng hangin. Bukod dito, nakakatulong din ang pag-inom ng tubig sa pagpapanatili ng malusog na baga at maayos na paghinga sa kabuuan. Siguraduhing uminom ng sapat na tubig lalo na kung ikaw ay nakakaranas ng hirap sa paghinga.

  • Diaphragmatic Breathing

Ang tamang paghinga gamit ang diaphragm ay nakakatulong upang mapagaan ang pakiramdam ng mga taong nahihirapan huminga. Ang teknik na ito ay nagdudulot ng mas malalim at mas epektibong paghinga. Upang maisagawa ito, humiga o umupo ng tuwid, ilagay ang kamay sa tiyan, at huminga nang malalim habang itinutulak ang tiyan palabas. Huminga nang dahan-dahan palabas habang pinapasok ang tiyan. Ulitin ito ng ilang beses hanggang maramdaman ang ginhawa at mas kalmadong paghinga.

Gamot sa pananakit ng dibdib at hirap sa paghinga

Sa pangangasiwa ng ating kalusugan, lagi’t laging mayroong mga medicinal na gamot na makatutulong sa atin sa mas mabilis na pagpawi ng mga karamdaman.

Nakakaalarma para sa atin kung ang isang tao o miyembro ng pamilya natin ay makararanas ng paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga. Kadalasang indikasyon kasi ito ng pagka-paralyze o ng atake sa puso. Muli, ang mga gamot ay dapat nakadepende sa sanhi ng sintomas at mainam na isangguni muna ito sa mga doktor.

Ito ang ilan sa mga dapat tandaan: 

  • Kung ikaw ay mayroong hika, emphysema, or chronic bronchitis, reresetahan ka ng doktor o nars ng nebulizer at inhaler. Gamit ito upang maayos ang paglanghap ng hangin na kinakailangan ng iyong katawan.
  • Kapay ang sanhi ay namuong dugo o mucus sa iyong baga, bibigyan ka ng anticoagulant, gamot na maaaring ipainom o i-inject sa katawan, na siyang makatutulong sa mabilisang pagtunaw nito at upang makahinga nang maayos.
  • Maaari ding mag-prescribe ang iyong doktor ng mga antibiotics para sa paninikip ng dibdib.
  • Mga water pills, kung mayroong tubig sa daanan ng iyong hangin.
  • Bronchodilator na irereseta ng doktor para ma-relax ang baga at mga daanan ng hangin.
  • Kung ang sintomas na nararamadaman ay dahil sa anemic ang isang tao, bibigyan ito ng mga iron supplements.
  • Pwede namang mucolytic. Gamot na nililinis ang baga, daanan ng hangin, bronchi at trachea.
  • Kung ang hirap sa paghinga, ay lumalala at sadyang malubha, gagamitan na ito ng mga doktor ng mechanical ventilation o ang pagkabit ng tubo sa bibig o lalamunan upang maisagawa ang paghinga.

Lahat ng sintomas ay siyang susuriin muna ng doktor bago magreseta ng gamot na angkop sa iyong kalagayan.

Tandaan, huwag magbibigay ng anumang gamot lalo na sa bata ng walang reseta o payo ng doktor.

Nahihirapan huminga: Paano ito sinusuri ng mga doktor?

Kadalasan ay  nagsasagawa ng isang physical examination ang doktor para suriin ang problema sa paghinga. Kasama ng pag-aaral ng medical history ng pasyente at iba pang pagsusuri, malalaman ang tunay na pinagmumulan ng hirap sa paghinga.

hirap-sa-paghinga

Nahihirapan huminga | Image from Freepik

Para sa pulmonya, ginagawa ang tinatawag na pulmonary function tests upang makita ang pinsala sa baga. Kasama nito ang spirometry, kung saan tinitignan kung gaano karami ang kayang ibuga na hangin, at methacholine challenge.

Ang ibang doktor ay humihingi ng X-ray ng dibdib o CT scan upang makita kung may kalamnan na nagiging sanhi ng hirap sa paghinga. Kung may sinusitis ang pasyente, may mga doktor na nanghihingi ng CT scan sa sinus.

Kapag nasuri na kung ano ang ugat na pinagmumulan ng hirap sa paghinga, maaari nang matukoy ng eksperto ang tamang gagawin o lunas sa hirap sa paghinga para matulungan ang pasyente.

Karagdagang ulat mula Jasmin Polmo

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!