Pasma: Lahat ng kailangan mong malaman tungkol rito

Kadalasang sinasabi ng matatanda na maaaring magkaroon ng lamig sa katawan o pasma sa katawan kapag naligo nang pagod. Ano nga ba ang katotohanan dito?

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Isa ka ba sa mga taong nakararanas ng pasma sa katawan? Narito ang mga dapat mong malaman sa kung ano-ano nga ba ang gamot sa binat at pasma, at kung totoo nga bang nangyayari ito.

Ano ang tinatawag na pasma?

Naranasan mo na bang matawag ng “pasmado” sa tuwing nakikita na nanginginig ang iyong mga kamay o kaya ay namamawis? Ganito raw kasi ang maaaring maranasan ng taong may pasma.

Bukod dito, kadalasan ding mayroong malamig na pakiramdam sa likod at pagsakit o pagkirot ng mga kalamnan. Mayroon ding mga nagsasabing maaaring mamanhid din ang katawan. Ganito ilarawan ng mga matatanda ang pasma.

Sabi ng mga matatanda…

Malamang, minsan mo na ring narinig na nakukuha ito sa biglang pagsala ng katawan sa mainit o kaya sa malamig. Mayroon ding nagsasabing sanhi raw ng pasma ang mga “lamig sa katawan.”

Kung nakasama mo na ang iyong lolo at lola, siguro ay napayuhan ka na ring huwag magbabasa ng paa o kamay pagkagaling sa pagtakbo sa labas o kung kahuhubad lang ng sapatos. Aabutin ka raw kasi ng pasma o magkakaroon ng malalaking ugat sa paa. Payo nila, kailangan daw mula itong ipahinga bago magpasyang hugasan o basain.

May mga nagpapaalala rin na nakakapasma rin ang pagligo o paghilamos matapos magbasa ng libro o mag-computer.

Totoo nga ba ang pasma o “folk illness” lamang?

Sa kabila ng kasikatan ng sakit na pasma, marami ring nagsasabing hindi raw ito totoo o “folk ilness” lang.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Mula ito sa salitang Kastila na espasmo, o ‘spasm’ sa Ingles. Ngimay, kalambre, manhid, pamimitig, ngalay, kisig, kislig, ang ilang mga salitang kasingkahulugan nito.

Kung ang pasma ay galing sa salitang espasmo, o spasm, ibig sabihin ay ang kondisyong musculoskeletal spasm ang katapat nito sa terminong medikal na Ingles. Sa madaling salita, ito ay karamdamang sanhi ng kapaguran ng kalamnan. Dahil sa sobra o ‘di wastong paggamit ng mga kasukasuan (joints) o mga kalamnan (muscles).

Ano ang katotohanan sa sakit na pasma? Ito ang sagot ang experts. | Image grabbed from iStock

Ang mga sintomas nang nabanggit ay nakakaapekto sa iba’t ibang bahagi ng katawan, at maaaring magkaroon ng iba pang sintomas. Pinakakaraniwan ay ang pasma ng kamay at likod.

Paliwanag ni Dr. Jean Marquez, FPDS, isang dermatologist, ang pagpapawis ng kamay o palad ay sanhi ng kondisyong hyperhidrosis, isang hereditary o namamanang karamdaman.

Paliwanag ni Patricia Mirasol, RN at wellness enthusiast, ang labis na pag-gamit ng kamay sa pagtatrabaho ay isang pangunahing sanhi ng pasma. Nakakasama ang paghuhugas ng kamay pagkatapos ng anumang manual labor tulad ng pananahi, pagpaplantsa, pati ang pagtugtog ng piano o gitara, o paglalaro ng sports tulad ng badminton, tennis, table tennis at basketball.

Karaniwan, ang lamig at panginginig ng skeletal muscles ay sanhi ng labis na pagod ng  muscles, dehydration, at electrolyte abnormalities. Madalas ay hindi ito tumatagal, pero nauulit-ulit. Kung ang pasma ay labis na masakit na nakakaantala sa paggalaw at pagtatrabaho, kailangang ikunsulta ito sa doktor o espesyalista, para malaman ang sanhi nito.

Paliwanag naman ni Mirasol, ang pasma ay maaaring isang paraan ng katawan upang sabihin na “pagod” na ito, at kailangan nang ipahinga muna.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ano-ano ang maaaring i-gamot sa pasma? | Image grabbed from Unsplash

Pasma at lamig sa katawan

Ayon sa isinulat na medical article ni Paul Ingraham, na pinamagatang Cramps, Spasms, Tremors and Twitches, ang pasma o spasms ay involuntary o hindi nakokontrol na tremors at lamig sa katawan.

Ito’y dahil hindi kusang makapag-relax ang muscles sanhi ng sobrang pagod. Karaniwang nararamaman sa likod, balakang, kapay, paa, braso, pati abdomen. Kasama din dito ang tinatawag na pulikat o paninigas ng calves o likod ng muscles sa binti.

Ang paliwanag na medikal ni Dr. Benjamin Wedro, MD, FACEP, FAAEM, sa isinulat niyang artikulong may pamagat na “Muscle Spasms” sa medicine.net, nagiging pasmado kapag hindi sapat ang fluid o tubig sa katawan (dehydrated), hindi nakapag-stretching bago ang anumang mabigat na gawaing pisikal, may muscle fatigue o pagod sanhi ng anumang mabigat na gawaing pisikal,  nag-eehersisyo sa mainit na panahon o lugar, at may electrolyte imbalance sa potassium, magnesium at calcium.

Ito ang masasabing medikal o scientific basis ng sinasabing teroya ng init at lamig.

Kapag ang muscles ay naubusan ng lakas o energy, dahil nga sa labis na paggamit nito, at naubos ang fluid (lalo na kapag mainit ang kapaligiran) nagkakaron ng forceful contraction, o spasm. Ito ang sinasabing pakiramdam na pasmado.

Ano ang gamot sa pasma?

Kapag hilot ang tatanungin, coconut oil o langis ng niyog at alcohol ang ipanggagamot sa pasmadong kamay, paa o likod. Ito ay kasanayang Pilipino na minana sa mga ninuno pa. Mayroon din binababad sa maligamgam na inasinang tubig o ‘di kaya ay tubig na may bigas para matanggal ang pasma.

“Folk illnesses are specific to particular cultures but are not described in medical textbooks nor discussed in medical schools (Michael Tan, 2007).”

Ayon sa mga doktor, ang paggamot sa pasma ay mula sa paniniwalang Pilipino na hindi sumusunod sa kumbensiyonal na medisina o paggamot. Bagkus, sumusunod ito sa paniniwalang ang katawan natin ay nangangailangan ng balanse o pantay na init at lamig, at kapag mas marami ang lamig, o mas nananaig ang init, magkakaroon ng pasma.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

“Folk illnesses are specific to particular cultures but are not described in medical textbooks nor discussed in medical schools (Michael Tan, 2007).” | Image from Unsplash

May mga karaniwang paggamot para sa mga sintomas tulad ng sakit o kirot.

  1. Pain relievers. Kung labis ang pananakit, nariyan ang Ibuprofen, Paracetamol, at Mefenamic Acid para makatulong na maibsan ang nararamdamang sakit na iniuugnay sa pasma.
  2. Hilot o masahe. Kapag may “tremors” o panginginig na nararamdamn, o ‘di kaya’y lamig ng kalamnan, ang tradisyonal na manghihilot ang tinatawag para maremedyuhan ang karamdaman. Gamit ang langis ng niyog, minsan ay may kasamang luya, alcohol, camphor oil. Hinahaplos ang apektadong bahagi ng katawan para mainitan at mahagod ang kalamnan. Kung hindi man hilot, ang pagmamasahe ng marunong at aral na massage therapist ay malaki rin ang naitutulong, gamit naman ang Efficasent Oil o anumang liniment o ointment.
  3. Init sa lamig, at lamig sa init. Ayon kay Dr. Wedro, ang paglalapat ng lamig sa makirot o masakit na apektadong bahagi ng katawan, o init sa namamanhid o nangingimay na muscles ang nararapat na paggamot. Cold o hot compress ang katapat ng mga sintomas na ito.
  4. Para sa pagpapawis ng kamay, makakatulong ang baking soda. Maglagay lang ng dalawang tasang baking soda sa maligamgam na tubig. Haluin hanggang matunaw ang pulbos, at ibabad dito ang mga kamay sa loob ng 10 minuto.

Paano nada-diagnose ang pasma?

Kung ikaw ay kokonsulta sa iyong doktor, narito ang ilan sa mga bagay na aalamin nila para magamot ang iyong pasma:

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement
  • Aalamin kung gaano na ba ang level ng sakit na nararamdaman mo mula sa pasma. Sa ilang pagkakataon, hinihingan nila ng iyong rate mula sa 1 na hindi masakit hanggang sa 10 na pinakamasakit.
  • Kailangan din nilang malaman kung kailan mo simulang naramdaman ang pasma. Ito ba ay noong gabi na magpapahinga ka na o kaya naman matapos mong mag-ehersisyo.
  • Dapat ding sabihin sa kanila kung gaano na katagal ang nararamdaman mong kirot o sakit. Maaari ring ibahagi kung gaano ito kadalas tumatagal kung susumpong, nasa limang minuto ba o mas matagal pa.
  • Ipapa-describe rin sa iyo kung ano ang pakiramdam ng pagkakaroon ng muscles spasms.
  • Bukod dito, nais din nilang malaman kung ano-ano pa ang mga sintomas na iyong nararamdaman. Sa ganitong paraan kasi malalaman nila kung malala ba o may iba ka pang sakit na pinagdadaanan.

Paano maiwasan ang pasma?

Higit sa lahat, importante ang pagpapahinga para makatulong na humupa ang pasma. Kung labis ang sakit at paulit-ulit nang nangyayari, dapat nang dalhin sa doktor para malaman kung may iba pang kondisyon na nagiging dahilan ng mga sintomas, tulad ng arthritis.

Para maiwasan ang pasma, makabubuting mag-stretching o mag-warm up bago ang anumang mabigat na gawaing pisikal. At magpahinga kung nakakaramdam na ng labis na pagod. Bago pa sumugod sa susunod na gawain. Importante ring uminom ng tubig o fluids para manatiling hydrated.

Maaari ring iwasan ang mga gamot na nagdudulot ng side effects ng pasma. Panatilihin din ang tama at healthy na timbang palagi. Subukan ding i-strecth muna ang mga paa bago matulog para maiwasan ang leg cramps. Huwag ding hayaang mahigpit ang kumot sa bandang paanan mo.

Maaari ka ring gumamit ng unan na magpo-point upwards kung sakaling natutulog ka nang nakahiga. Kung nakatihaya naman, subukang i-hang ang mga paa sa dulo ng higaan.

Walang masama kung susundin ang mga matatanda: iwasan ang biglaang pagbabago sa kondisyon at temperatura ng katawan. Pagkatapos ng isang mabigat na gawain (kahit na pagbabasa ng libro lang ito, napapagod pa rin ang mata) huwag munang maligo. Iwasan ang biglang mababasa, maiinitan, o malalamigan ang katawan.

Kailan dapat kumontak sa iyong doktor?

Palaging mahalaga ang opinyon ng mga eksperto dahil alam nila kung anoa ng dapat gawin sa partikular na kundisyon. Sa maraming pagkakataon ang cramps at muscle spasms ay hindi naman kailangang ikabahala. Kung tutuusin, normal pa nga itong nangyayari lalo sa mga atleta o mga taong laging nagwowork out o nag-eehersisyo.

Sa typical na kaganapan, hindi rin ito tumatagal. Kung minsan pa nga raw kahit pa medyo masakit talaga, hindi raw ito kinokonsidera pa na emergency.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Sa kabilang banda, para makasiguro, mainam na kumonsulta na sa doktro kung mayroong iba pang sakit. Kung sakaling hindi na matiis ang pananakit at hindi komportableng pakiramdam ay lumapit agad sa pinakamalapit na ospital o clinic. Maaaring mayroon kang problem sa iyonh nutrition, circulation ng dugo, metabolism, hormones, at maging sa nerves.

 

Karagdagang ulat mula kay Angerica Villanueva

Jean Marquez, FPDS, dermatologist; Patricia Mirasol, RN at wellness enthusiast; Cramps, Spasms, Tremors and Twitches ni Paul Ingraham; “Muscle Spasms”, medicine.net, ni Benjamin Wedro, MD, FACEP, FAAEM, Cleveland Clinic, Medical News Today 

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.