Pasma: Lahat ng kailangan mong malaman tungkol dito

lead image

Kadalasang sinasabi ng matatanda na maaaring magkaroon ng lamig sa katawan o pasma sa katawan kapag naligo nang pagod. Ano nga ba ang katotohanan dito?

Narito ang lahat ng dapat malaman tungkol sa pasma sa katawan.

Nanginginig at pawis ang mga kamay, malamig ang likod at sumasakit o makirot ang kalamnan, kundi naman ay namamanhid. Ito ang tinatawag na pasma sa katawan ng mga matatanda. Mula ito sa salitang Kastila na espasmo, o ‘spasm’ sa Ingles. Ngimay, kalambre, manhid, pamimitig, ngalay, kisig, kislig, ang ilang mga salitang kasingkahulugan nito.

Sabi ng matatanda…

Nakukuha daw ito sa biglang pagsala ng katawan sa mainit at malamig. Ang iba ay sinasabing sanhi ng pasma ang mga "lamig sa katawan."

Lumaki akong palaging pinapaalalahanan ng lola ko na huwag magbabasa ng paa pagkagaling sa pagtakbo sa labas, o kapag kahuhubad lang ng sapatos, kundi ay pasma at malalaking ugat sa binti at paa ang aabutin ko. Kailangan muna itong ipahinga bago hugasan o basain. Pati nga ang paliligo o paghihilamos pagkatapos magbasa ng libro o tumingin sa computer ng matagal ay nakakapasma din daw.

Totoo ba ang pasma o “folk illness” lang?

Kung ang pasma ay galing sa salitang espasmo, o spasm, ibig sabihin ay ang kondisyong musculoskeletal spasm ang katapat nito sa terminong medikal na Ingles. Sa madaling salita, ito ay karamdamang sanhi ng kapaguran ng kalamnan o dahil sa sobra o di-wastong pag-gamit ng mga kasukasuan (joints) o mga kalamnan (muscles).

Ang mga sintomas nang nabanggit ay nakakaapekto sa iba’t ibang bahagi ng katawan, at maaaring magkaro'n ng iba pang sintomas. Pinakakaraniwan ay ang pasma ng kamay at likod.

Paliwanag ni Dr. Jean Marquez, FPDS, isang dermatologist, ang pagpapawis ng kamay o palad ay sanhi ng kondisyong hyperhidrosis, isang hereditary o namamanang karamdaman.

Paliwanag ni Patricia Mirasol, RN at wellness enthusiast, ang labis na pag-gamit ng kamay sa pagtatrabaho ay isang pangunahing sanhi ng pasma. Nakakasama ang paghuhugas ng kamay pagkatapos ng anumang manual labor tulad ng pananahi, pagpaplantsa, pati ang pagtugtog ng piano o gitara, o paglalaro ng sports tulad ng badminton, tennis, table tennis at basketball.

Karaniwan ang lamig at panginginig ng skeletal muscles ay sanhi ng labis na pagod ng  muscles, dehydration, at electrolyte abnormalities. Madalas ay hindi ito tumatagal, pero nauulit-ulit. Kung ang pasma ay labis na masakit na nakakaantala sa pag-galaw at pagtatrabaho, kailangang ikunsulta ito sa doktor/espesyalista, para malaman ang sanhi nito.

Paliwanag naman ni Mirasol, ang pasma ay maaaring isang paraan ng katawan upang sabihin na “pagod” na ito, at kailangan nang ipahinga muna.

Ayon sa isinulat na medical article ni Paul Ingraham, na pinamagatang Cramps, Spasms, Tremors and Twitches, ang pasma o spasms ay involuntary o hindi nakokontrol na tremors at lamig sa katawan dahil hindi kusang makapag-relax ang muscles sanhi ng sobrang pagod. Karaniwang nararamaman sa likod, balakang, kapay, paa, braso, pati abdomen. Kasama din dito ang tinatawag na pulikat o paninigas ng calves o likod ng muscles sa binti.

Ang paliwanag na medikal ni Dr. Benjamin Wedro, MD, FACEP, FAAEM, sa isinulat niyang artikulong may pamagat na “Muscle Spasms” sa medicine.net, nagiging pasmado kapag hindi sapat ang fluid o tubig sa katawan (dehydrated), hindi nakapag-stretching bago ang anumang mabigat na gawaing pisikal, may muscle fatigue o pagod sanhi ng anumang mabigat na gawaing pisikal,  nag-eehersisyo sa mainit na panahon o lugar, at may electrolyte imbalance sa potassium, magnesium at calcium. Ito ang masasabing medikal o scientific basis ng sinasabing teroya ng init at lamig.

Kapag ang muscles ay naubusan ng lakas o energy, dahil nga sa labis na paggamit nito, at naubos ang fluid (lalo na kapag mainit ang kapaligiran) nagkakaron ng forceful contraction, o spasm. Ito ang sinasabing pakiramdam na pasmado.

Ano ang gamot sa pasma?

Kapag hilot ang tatanungin, coconut oil o langis ng niyog at alcohol ang ipanggagamot sa pasmadong kamay, paa o likod. Ito ay kasanayang Filipino na minana sa mga ninuno pa. Mayro'n din binababad sa maligamgam na inasnang tubig o di kaya ay tubig na may bigas para matanggal ang pasma.

“Folk illnesses are specific to particular cultures but are not described in medical textbooks nor discussed in medical schools (Michael Tan, 2007).”

Ayon sa mga doktor, ang pag-gamot sa pasma ay mula sa paniniwalang Filipino na hindi sumusunod sa kumbensiyonal na medisina o paggamot. Bagkus, sumusunod ito sa paniniwalang ang katawan natin ay nangangailangan ng balanse o pantay na init at lamig, at kapag mas marami ang lamig, o mas nananaig ang init, magkakaron ng pasma.

May mga karaniwang paggamot para sa mga sintomas tulad ng sakit o kirot.

  1. Pain relievers. Kung labis ang pananakit, nariyan ang Ibuprofen, Paracetamol, at Mefenamic Acid para makatulong na maibsan ang nararamdamang sakit na iniuugnay sa pasma.
  2. Hilot o masahe. Kapag may “tremors” o panginginig na nararamdamn, o di kaya ay lamig ng kalamnan, ang tradisyonal na manghihilot ang tinatawag para maremedyuhan ang karamdaman, gamit ang langis ng niyog, minsan ay may kasamang luya, alcohol, camphor oil. Hinahaplas ang apektadong bahagi ng katawan para mainitan at mahagod ang kalamnan. Kung hindi man hilot, ang pagmamasahe ng marunong at aral na massage therapist ay malaki rin ang naitutulong, gamit naman ang Efficasent Oil o anumang liniment o ointment.
  3. Init sa lamig, at lamig sa init. Ayon kay Dr. Wedro, ang paglalapat ng lamig sa makirot o masakit na apektadong bahagi ng katawan, o init sa namamanhid o nangingimay na muscles ang nararapat na paggamot. Cold o hot compress ang katapat ng mga sintomas na ito.
  4. Para sa pagpapawis ng kamay, makakatulong ang baking soda lang. Maglagay lang ng dalawang tasang baking soda sa maligamgam na tubig, haluin hanggang matunaw ang pulbos, at ibabad dito ang mga kamay sa loob ng 10 minuto.

Higit sa lahat, importante ang pagpapahinga para makatulong na humupa ang pasma. Kung labis ang sakit at paulit-ulit nang nangyayari, dapat nang dalhin sa doktor para malaman kung may iba pang kondisyon na nagiging dahilan ng mga sintomas, tulad ng arthritis.

Para maiwasan ang pasma, makabubuting mag-stretching o mag-warm up bago ang anumang mabigat na gawaing pisikal, at magpahinga kung nakakaramdam na ng labis na pagod, bago pa sumugod sa susunod na gawain. Importante ding uminom ng tubig o fluids para manatiling hydrated.

Walang masama kung susundin ang mga matatanda: iwasan ang biglaang pagbabago sa kondisyon at temperatura ng katawan. Pagkatapos ng isang mabigat na gawain (kahit na pagbabasa ng libro lang ito, napapagod pa rin ang mata) huwag munang maligo. Iwasan ang biglang mababasa, maiinitan, o malalamigan ang katawan.

 

Basahin:

Mga pamahiin tungkol sa pagbubuntis at mga paliwanag nito

Pamahiin: Debunking 5 Pinoy pregnancy myths

Gayuma: Naniniwala ka ba sa “love spell” na ito?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!