Pills para hindi mabuntis? Narito ang mga dapat mong malaman!
Talaan ng Nilalaman
Mga uri ng puwedeng gamiting contraceptive pills para hindi mabuntis
Ang birth control pills ang isa sa mga uri ng contraceptive methods na maaaring gamitin para mapigilan ang pagbubuntis. Ito ay isang uri ng medikasyon na iniinom at sinasabing 99% effective para masigurong maiiwasan ang hindi planadong pagdadalang-tao.
Ayon kay Dr. Arlene Ricarte Bravo, active consultant OB-Gyne sa Makati Medical Center, ang mga birth control pills ay may tatlong uri. Ito ay ang combination pills, progestin-only pills at emergency contraceptive pills na narito ang pagkakaiba.
Combination pills
Ang unang uri ng birth control pills na ginagamit ng maraming kababaihan dito sa Pilipinas ay ang combination pills. Ito ay ang uri ng pills na nagtataglay ng mga combined hormones na estrogen at progesterone.
Sa pag-inom ng combination pills ay napipigilan nito ang iyong katawan sa pag-o-ovulate. Nangyayari ito sa pamamagitan ng pagpigil ng pills na mag-release ng egg ang iyong ovaries.
Pinapakapal din nito ang iyong cervical mucus para mahirapan ang sperm na mag-travel sa iyong uterus at makapag-fertilize ng egg.
Pero maliban sa pagpigil ng pagbubuntis, ang mga new generation combination pills sa ngayon ay may naitalang magandang epekto sa mga babaeng gumagamit nito.
Pagpapaliwanag ni Dr. Bravo,
“’Yong mga first generation and second-generation mataas ‘yung dosage ng estrogen at medyo crude ‘yong component ng progesterone.” “So maraming nararamdamang side effect ang mga gumagamit. While yung mga 3rd generation and 4th generation pill mababa na ‘yong dosage ng estrogen component and at the same time maganda ‘yong progesterone na kasama. “In that way, wala siya masyado side effect ng mga headache, breast tenderness, water retention and nausea o vomiting.” “At meron pa itong mga karagdagang benefit aside from contraception which is magiging anti-acne na rin siya. Pampaganda, hindi nakakataba at the same time light lang siya.”
Progestin-only pills
Photo by Reproductive Health Supplies Coalition on Unsplash
Pero para sa mga babaeng nagpapasuso, hindi inirerekumenda ang paggamit ng combination pills. Sapagkat sa ito ay may taglay na estrogen na maaaring makaapekto sa kanilang milk supply.
Ang inirerekumenda para sa kanila ay ang tinatawag na progestin-only pills na safe rin sa kanilang pinapasusong sanggol. Bagama’t hindi tulad ng combination pills ay hindi maganda ang mga naitalang epekto sa babaeng gumagamit nito.
Ayon kay Dr. Bravo,
“’Yong pills naman na para sa nag-breastfeed dahil hindi pwedeng ma-receive ng baby ‘yong component na estrogen, so purely progesterone so iyon walang kasamang anti-acne. Minsan may side effect na nag-spotting ka kasi purely progesterone. And then there is some kind of water retention and then the feeling ng umiinom e parang bloated ka.”
Emergency contraceptive pills
Ang pangatlong uri ng birth control pills ayon pa rin kay Dr. Bravo ay ang tinatawag na emergency contraceptive pills. Hindi tulad ng combination at progestin-only pills, ang emergency contraceptive pills ay iniinom lang matapos makipagtalik.
Subalit dapat ito ay nasa loob lang ng 72-hour window matapos makipag-sex. Sapagkat kung hindi ay hindi na eepekto at maaaring hindi na mapigilan pa ang pagdadalang-tao.
Pero ang pills para hindi mabuntis na ito ay hindi inirerekumendang gamitin dito sa Pilipinas. Ito ang paliwanag ni Dr. Bravo kung bakit.
Bakit hindi ito available sa Pilipinas?
“Unang-una by law, hindi tayo pabor sa emergency contraceptive pill ‘yong tinatawag na plan B. So ‘yong plan B is halimbawa hindi ka umiinom ng oral contraceptive pills tapos nagkaroon ka ng unprotected sex.” “Natatakot ka na baka bigla kang nag-ovulate, bigla kang mabuntis. Syempre iniisip mo mag-take ng emergency contraceptive pills. Iyon ay iniinom sa first 72 hours from the time na nakipagtalik ka. Within that period pwede kang uminom.” “Ang ginagawa noon may affect siya sa doon sa bahay bata, may effect siya doon sa ovary. Halimbawa ininom mo siya tapos nauna na ‘yong pagme-meet ng sperm saka egg.” “Ang ginagawa noon ay pinapabagal ‘yong pag-travel ng fertilized egg and sperm pwede kang magkaroon ng ectopic pregnancy, so kung nalate ang pag-inom ng morning after pill ayan ang posibleng mangyari.” “High dose kasi ito ng progesterone yung Levonorgestrel na component. So single dose is 3 grams. ‘Yong 3 grams mataas ‘yon so ang side effect noon pwede kang magsuka, pwede kang mahilo, headache, mga ganoon. ‘Yong iba pagkatapos uminom ng morning after pill napupunta sa emergency room.”
Paano ang tamang paggamit ng pills?
Ayon kay Dr. Bravo, sa paggamit ng pills, ang unang hakbang na dapat gawin ay ang magpakonsulta muna sa isang doktor. Ito ay upang matukoy niya ang pills na aangkop sa babaeng gagamit nito.
Ito ay maaaring i-base sa kaniyang edad at pangangailangan. Higit sa lahat sa kaniyang health condition na maaaring maapektuhan ng pag-inom niya nito.
“’Yong mga OB-Gyne na kokonsultahin ninyo tine-tailor fit ‘yan based on ano ba yung edad mo. ano yung mga acitivity mo. At ano ang mga comorbidities mo like may hypertension ka ba o diabetes ka ba.”
Dagdag pa niya,
“Kasi kung halimbawa ‘yong isang pasyente sinabi ng kaibigan niya na o mag-pills ka para hindi ka mabuntis. Hindi niya alam na may contraindications pala sa kaniya ang pag-inom ng pills. Puwede nalang siyang mag-stroke. Puwedeng buntis pala siya tapos nag-pills siya, kasi may effect ‘yung pills sa namumuong baby. Iyong mga ganoon. Kaya dapat directed ‘yun by the obstetrician.”
Kailan dapat magsimulang uminom ng pills?
Photo by C Technical from Pexels
Para sa mga babaeng nais gumamit ng combination pills, ito ay maaring simulang inumin anumang araw basta’t sigurado siya na hindi siya nagdadalang-tao. O siya’y hindi gumawa ng anumang sexual activity sa nakalipas na dalawang linggo.
Pahayag ni Dr. Bravo, “When we are talking about combination pills, as long as sigurado ka na hindi ka buntis pwede mag-start anytime.
Pero kung hindi ka sigurado o pwede kang maging buntis o meron kang sexual activity 2 weeks before tapos hindi ka pa nagkakaroon ng menstruation, ang mas maganda hintayin mo muna yung buwanang dalaw mo tapos doon ka magsimula.”
Samantala, para naman sa progestin-only pills, ayon sa DOH, inirerekumendang gamitin ito ng nagpapasusong ina 6 na linggo matapos ang panganganak.
Habang para sa mga hindi nagpapasusong ina, ito ay dapat simulan agad bago pa man makaalis ang ina sa pinag-anakan niyang pasilidad.
Bagama’t sinasabing natural contraceptive ang breastfeeding, mas mainam umano kung sasabayan ito ng paggamit ng progestin-only pills. Lalo na kung nalalapit ng mag-6 months old si baby at magsisimula ng kumain ng solid foods.
Sapagkat sa pagkakataong ito ay nababawasan na ang dalas ng pagpapasuso. Habang nadadagdagan ang tiyansa ng pagdadalang-tao.
Paano ang tamang pag-inom ng pills?
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Para masiguro ang effectivity ng pills, ipinapayong inumin ito araw-araw sa parehong oras. Pero kung sakaling makalimot kang uminom on time ay may maaari ka namang gawin para masigurong mapigilan ang hindi inaasahang pagdadalang-tao. Paalala ni Dr. Bravo,
“Bawat brand ng pill, may tinatawag silang period na puwede mong ma-miss na nasa safe zone ka pa rin. Pero halimbawa, kung more than 12 hours mo ng hindi nainom ‘yong pills may precaution ka ng gagawin. Halimbawa nakalimutan mo kahapon, ngayon naalala mo so nag-double ka ngayon isa sa umaga, isa sa gabi. Pero may precaution pa rin ‘yon kasi baka during that 12-hour period baka bigla kang nangitlog o nag-ovulate tapos nag-contact kayo. Kaya ina-advise namin na nakalimutan uminom ng pill at magtatalik, mag-condom muna para may double proteksyon.”
In case may na-miss at buntis pala, dapat bang itigil agad ang pills?
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Sa oras naman umano na nalimutang uminom ng pills at nabuntis, payo ni Dr. Bravo ay agad na itigil ang pag-inom ng pills. Bagamat hindi naman ito banta sa pagdadalang-tao, maaari naman itong magdulot ng epekto sa development ng iyong sanggol.
“Immediately stop once they discovered na parang kapag nag-self test sila na double line ‘yong test kit discontinue lang the pills. Wala namang mangyayaring masama. Kasi unang-una, hindi nakakalaglag ‘yong pills, all the more nga na kakapit.”
Kapag naman halimbawa ayon kay Dr. Bravo na buntis ka at nakapagsimula ka na sa pag-inom ng pills kakapit umano ang baby kaysa maglaglag. Subalit ayon sa kaniya may epekto ito sa baby mo.
Paliwanag niya,
“Meron siyang tinatawag na feminizing effect kung ‘yong combination pills ang ginagamit mo. Like for example lalaki ang anak mo mag-feminized kasi ‘yong iniinom mo may estrogen kita. Pero nawa-wash-out naman niya it is just temporary. Kaya lang during organ development hindi natin alam. So kasi yung organ development is 8 weeks to 16 weeks of pregnancy kapag doon mo iniinom organ formation yun e. So pwedeng magkaroon ng feminizing effect dun.”
Magmo-move ba ang monthly period kapag uminom ng pills?
Sa pag-inom ng pills, isa sa mga dapat asahan ay ang maaring mabago ang pagdating ng monthly period ng babaeng gagamit nito. Maliban nalang kung sisimulan ang pag-inom ng pills sa una, pangalawa o pangatlong araw ng kaniyang regla.
Ayon kay Dr. Bravo mayroon 28 na tabletas ang isang pack ng pills na iinumin mo sa ng 28 na araw, 21 umano roon ay active at 7 araw na inactive. Mayroon din umanong 24-4, kung saan sa 24 ay active, at apat naman doon ay inactive.
Ang isa ay 21 lamang tapos sa 7 araw wala kang iinumin. Kaya naman mag-iiba talaga umano ang cycle ng regla kung ang iniinom pills ay iyong 21 days pills lamang.
Paliwanag ni Dr. Bravo,
“So, kapag nagsimula ka ng 3rd week of your cycle so maiiba na yung menstruations mo kasi mag-memenstruate ka after that 21 days. ‘Yung 7 days na tablet free ka doon ka magkakaroon ng menstruation.” “So maiiba na talaga kung kailan ka magkakaroon ng buwanang dalaw. The same with the 28-day regimen doon sa inactive pills sa the last seven days doon ka magkakaroon ng regla. Pero kung sinabay mo siya sa regla mo ng inumpisahan mo siya doon sa first, second and third day so hindi magbabago yung menstrual period mo. Susunod siya doon sa 28 to 32 days interval in between first day to first day,” ani ni Dr. Bravo.
Paano kung naubos na ang isang pack ng pills at hindi pa nagkakaregla? Dapat bang magsimula ng panibagong pack pills?
Hindi rin naman umano dapat mabigla ang isang babae, kung hindi siya agad rereglahin matapos makaubos ng isang pack ng pills. Paliwanag ni Dr. Bravo, maaring maiba ang epekto ng pills sa mga babaeng gumagamit nito.
“Merong mga umiinom ng pills na malakas ‘yong effect ng pills sa kanila, in such a way na hindi na-stimulate ‘yong tinatawag na withdrawal bleeding. So nangyayari ito sa mga progesterone only pill. Hindi ka talaga mag-eexpect na magkakaroon ka ng menstruation kasi progesterone-only lang siya.” “Now doon sa combination, may mga babae na konting-konti lang mag-menstruate doon sa dulo ng pill pack. Sometimes kapag 3 years 5 years sila ng umiinom hindi na talaga sila nagkakaroon ng menstruation. Ang advice as long as na sigurado ka na iniinom mo siya, wala kang namiss hindi siya dangerous.”
Muli paalala ni Dr. Bravo, bago gumamit ng contraceptive pills mabuting magpakonsulta muna sa isang doktor. Ito ay para malaman kung ano ba ang pills para hindi mabuntis na safe at angkop para sayo.
Si Dr. Arlene Ricarte Bravo ay active consultant OB-GYN sa Makati Medical Center. Siya rin ay miyembro ng Philippine Obstetrical and Gynecological Society.
Kailan pwede makipagtalik ang umiinom ng pills
Mahalagang isaisip na kung magsisimula o nagsisimula palang sa paggamit ng pills bilang contraceptive na hindi agad-agad ang epekto nito.
Para maiwasan ang hindi inaasahang pagbubuntis ay dapat iwasan muna ang unprotected sex sa unang isang linggo o pitong araw ng magsimulang uminom ng pills.
Ibig sabihin sa unang araw ng pag-inom ng pills hanggang sa ikapito ay mainam na iwasan muna ang pakikipagtalik. O kaya naman ay gumamit ng condom bilang proteksyon.
Dapat ring tandaan na ang effectivity ng birth control pills sa unang pitong araw ay nakadepende sa consistent mong pag-inom nito. Ibig sabihin ito ay dapat iniinom sa parehong oras araw-araw. Maaaring mapaaga o mahuli basta hindi lang ito aaga o lalagpas sa dalawang oras ng nakasanayan mong schedule.
Kung higit isang buwan ng consistent na umiinom ng pills ay kahit hindi na gumamit ng condom sa muling pagsisimula ng pag-inom ng bagong pakete ng pills. Basta’t tandaan na dapat consistent ang pag-inom nito araw-araw.
Paano gamitin ang pills para hindi mabuntis?
Narito ang iba pang dapat tandaan sa pag-inom ng pills.
- Sa tamang pag-inom ng pills dapat parehong oras araw-araw ang pag-inom nito upang makasiguro sa effectivity ng pills.
- Huwag mag-skip ng araw, 21 or 28 man pills sa pack.
- Para sa progestin-only pills, simulan ang bagong pack kapag natapos ang huling pack. Maaaring dumating ang period sa ika-apat na linggo matapos simulan ang pack. Importanteng kumpirmahin ang tamang pag-inom ng oral contraceptives o pills sa iyong doktor.
- Para sa 28-pill combination pills, simulan ang bagong pack kapag natapos ang huling pack. Importanteng kumpirmahin ang tamang pag-inom ng oral contraceptives o pills sa iyong doktor.
- Para sa 21-pill combination pills, magkakaroon ng 7 araw na break mula sa huling pack at bagong pack. Importanteng kumpirmahin ang tamang pag-inom ng oral contraceptives o pills sa iyong doktor.
- Ang oral contraceptives ay kailangan ireseta ng iyong doktor bago ito simulang inumin. Huwag mag-atubili na magtanong.
Ano ang magandang pills para hindi mabuntis?
Dito sa Pilipinas ay maraming uri ng contraceptive pills na maaring mabili. Ang mga ito ay ang sumusunod:
Yaz Pills
Ang Yaz pills ay isang uri ng combination birth control pills na nagtataglay ng active ingredient na drospirenone (progesterone) at ethinyl estradiol (estrogen). Maliban sa iniiwasan ng Yaz pills ang pagbubuntis, ginagamit din ito upang malunasan ang moderate acne para sa mga babaeng 14-anyos pataas at nagsisimula palang magka-regla. Tinutulungan rin nito ang isang babae na magkaroon ng regular ng regla habang iniibsan ang masakit at labis na pagdurugo.
Ginagamit din ito upang malunasan ang mga sintomas ng premenstrual dysphoric disorder o PMDD. Tulad ng anxiety, depression, irritability, hirap mag-concentrate kakulangan sa energy, sleep o appetite changes, breast tenderness, joint o muscle pain, headache, at weight gain.
Trust Pills
Ang Trust pills ay isa sa pinakamurang uri ng birth control pills na ginagamit ng karamihang Pilipina. Dahil maliban sa abot-kayang presyo nito sa isang pakete buwan-buwan ay isa rin ito sa mga paraan para hindi mabuntis. Kailangan nga lang itong inumin sa tamang oras araw-araw para masiguro ang bisa nito.
Isa itong uri ng combined oral contraceptive na nagtataglay ng estrogen at progestin. Ang mga hormones na ito ay pinipigilan ang ovaries na mag-release ng eggs. At nagdudulot ng pagbabago sa cervical mucus at lining ng uterus para hindi makapag-meet ang sperm at egg cells kaya walang nagaganap na pagbubuntis.
Lady Pills
Ang Lady pills ay isa sa mga contraceptive pills na ginagamit ng karamihang Pilipinong babae. Dahil maliban sa mura ito kada pakete ay marami ang babaeng nagsasabing hiyang sila sa paggamit nito. Dagdag pa na mabibili ito sa mga drugstores o botika sa buong bansa.
Kung titingnan at kung babasehan ang presyo ay maihahalintulad ang Lady pills sa Trust pills. Una, dahil pareho ang manufacturer ng dalawang pills.
Pangalawa, tulad ng Trust pills ito ay isang combined oral contraceptive na mayroong 28 piraso ng pill sa isang pakete. Ito ay may 21 active beige tablet pills na may taglay na levonorgestrel 150 mcg at ethinyl estradiol, 30 mcg. Habang ang 7 white tablet pills naman nito ay nagtataglay ng 40 mg na lactose.
Yasmin Pills
Ang Yasmin pills ay isang uri ng combination birth control pill na maituturing na isa sa mga pinakamahal dahil sa presyo nitong ₱905.75 kada pakete.
Ito ay nagtataglay ng drospirenone at ethinyl estradiol. Ang mga female hormones na ito ay pinipigilan ang ovulation o ang pagre-release ng egg ng ovary ng mga babae.
Diane Pills
Maliban sa pagpipigil ng pagbubuntis, madalas na nababanggit ng mga kababaihan ang Diane pills bilang pampaganda. Ito ay dahil marami ang nagpapatunay ng naging magandang epekto nito sa kutis at katawan nila.
Hindi nga lang ito patok para sa mga babae kung hindi pati narin sa mga trans woman. Ito ay dahil ginagamit ito para mabawasan ang signs ng physical male characteristics na dulot ng male sex hormone na androgen. Tulad ng pagkakaroon ng severe acne at excessive growth ng facial o body hair na tinatawag na hirsutism.
Althea Pills
Ang Althea pills ay isa sa kilalang contraceptive pills na ginagamit ng mga kababaihan. Ito ay may taglay na Cyproterone Acetate at Ethinyl Estradiol na hindi lamang para pigilan ang pagbubuntis ngunit para rin controlin ang pagdami ng acne at hirsutism o unwanted hair growth sa katawan.
Inirerekumenda rin ng mga doktor ang pag-gamit ng Althea pills para sa mga babaeng mayroon PCOS o polycystic ovary syndrome at hormonal imbalances. Nakakatulong rin ito para ma-regulate ang menstrual cycle ng isang babae.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.