Isang mahalagang okasyon ang pagpapabinyag sa ating mga anak, lalo sa kanilang ispirituwal na buhay. Katoliko man o Christian, ang binyag sa Katoliko o Dedikasyon para sa mga Christians, ay pinaghahandaan ng mga magulang at pamilya. Ngunit paano kung ikaw ay isang single parent, at ito ang unang binyag ng unang anak?
Syempre wala namang pagkakaiba. Wala ka mang asawa o kasama sa mahalagang pagdiriwang na ito, marami ka namang makakatuwang na kaibigan at kamag-anak. Alamin ang bawat hakbang upang maging maayos at sadyang espesyal ang binyag ni baby, o ng anak kahit na ilang taon pa ito.
Nandito ang kailangang gawin:
1. Piliin ang simbahan
Dahil ito ay Sakramento ng simbahan, o selebrasyong panrelihiyon, una ang pagpili ng simbahan kaysa kung anupaman. Karaniwan sa iyong parokya o ito ginaganap, kung saan ka nagsisimba tuwing Linggo.
Maaari ding pumili ng simbahan na malapit sa iyong lugar o sa pagdadausan ng handaan pagkatapos. Kung dedikasyon ito, kailangang sa Christian Church o Kongregatsyon kung saan ka kasapi. Kapag napili na ang simbahan, kausapin ang pari ng parokya o lider ng simbahan.
Kailangang pumunta sa seminar para sa mga magulang ng bibinyagan, kasama ng mga napiling ninong at ninang, upang mas mapaliwanag o mapaalala ang Sakramento ng Pagbibinyag at mga responsibilidad mo sa bagong Kristiyanong nasa pag-aaruga mo.
Kung may mga gusto kang mangyari o gawin sa binyag, sabihin agad sa pari o sa clerk ng simbahan para malaman mo kung pwede o hindi, tulad ng solong pagbibinyag. May mga simbahan kasi na pinapayagan ito, lalo kung karaniwang araw gaganapin.
2. Pumili ng petsa
Kung may simbahan na, alamin na ang petsa na gusto mo at sabihin agad sa simbahan. Karaniwang Sabado o Linggo ang binyag. Karaniwang sinasabay sa lahat ng bibinyagan sa simbahan o parokyang kinabibilangan ninyo. Ito ay parang Mass Baptism o dedikasyon. Mabuting ipaalam ang napili o napupusuang petsa sa ninong at ninang para siguradong nandoon sila sa araw na iyon.
3. Pumili ng Ninong at Ninang
Nagbubuntis pa lang ay kinakausap na dapat ang mga napupusuang ninong at ninang. Isa itong malaking desisyon dahil sila ang tatayong pangalawang magulang ng iyong anak, ang magiging katuwang mo sa paggabay sa buhay niya. Hindi ito para sa okasyon lang, at hindi natatapos sa pagbigay ng magarbong regalo.
Karaniwang pinipili din ang kapareho mo ng paniniwalang panrelihiyon at mga prinsipyo at values na gusto mong ituro sa anak. Sa Simbahang Katoliko, inaasahan nilang ang ninong at ninang ay Katoliko din, dahil ito ang spirituwal na gabay ng bata sa buhay, pangalawa sa magulang, kaya’t dapat ay pareho din ng paniniwala.
photo: wikimedia
4. Ang Simbolikong suot ng bata
Oo, mahalaga ang suot ng bata. Ayon sa tradisyon, ito ay isa ring mahalagang simbolo ng kanyang Binyag, tulad ng isang wedding gown. Sabi din ng tradisyon, ang ninang dapat ang bibili at magreregalo nito sa inaanak. Kung ayaw mong hingin ito sa kaniya, wala namang masama kung ikaw ang bibili.
Ang Baptismal gown ng aking mga anak ay siyang suot ng kanilang tatay, at lahat ng kanyang pinsan (maternal) at kapatid. Preserbado kasi ito ng aking biyenan kaya’t nagamit pa ng lahat ng apo, kasama ang tatlo kong anak.
Tradisyon sa aming pamilya ang pagpapabinyag pagkatapos ng isa o dalawang linggo pa lamang pagkapanganak. Ang iba pa ang pagkagaling pa lang sa ospital, dahil paniniwala nila na mas mainam na may basbas na ang bata bago ito dalhin kung saan saang lugar.
Ngayon, marami na ang nagpapabinyag pagdating ng isang taon ng bata, kaya’t mga pambatang damit na ang karaniwang pinasusuot. Mas mainam din na maghanda ng pampalit ng bata para maisuot sa handaan pagkatapos ng Misa.
5. Lugar ng Handaan (Reception)
Ngayon naman ay harapin na ang pagpaplano para sa party. Kung hindi sa bahay gagawin, maghanap na ng mga posibleng lugar na malapit lamang sa simabahan. Marami bang bisita? Ito ang basehan ng lugar na pipiliin mo.
May ibang medyo pormal ang gusto, ang iba naman ay gusto lang ng masarap na pagkain at mas kaswal na pagdiriwang. Ang ibang simbahan ay meron na ding bulwagan para sa handaan. magand ito dahil hindi na lalayo ang mga bisita.
Gumawa ng listahan ng bisita para malaman ilan ang kukumbidahin. Siguraduhin ding may lugar na pwedeng magpasuso, kung kinakailangan, may changing station kung kailangang palitan ang lampin ng bata (kung sanggol pa ang bibinyagan), laruan o playground kung toddler ang anak, at mapaglalagyan ng matutulugan ng bata kung sakaling mapagod ito.
Piliing mabuti ang pagkain na ihahanda. Buffet ba o sit-down/ala carte? Pananghalian ba o hapunan na? Siguraduhing may iba’t ibang putahe: isda, manok, karne, gulay, panghimagas. Kausaping mabuti ang caterer at magtanong kung pwede bang tikman ang sample ng ihahanda o iluluto nila.
photo: 38 Valencia facebook page
6. Magpagawa na ng imbitasyon sa oras na makompirma lahat ng detalye ng Binyag at handaan
Karamihan ay nag-iimbita lang sa handaan, at hindi na sa simbahan. Pawang mga ninong at ninang at mga malapit na kamag-anak tulad ng Lolo at Lola at kapatid ang nasa simbahan, Kailangang ilagay ito sa imbitasyon.
Ilagay ang RSVP, para makasagot agad ang bisita kung dadalo o hindi, lalo’t sa isang restawran o lugar na bilang ang bisita ang pagdadausan. Dito din nakalagay ang gift registry.
Iba pang kailangan sa pagpaplano ng binyag
Photographer
Kung may kakilala kang marunong o magaling kumuha ng mga litrato, kontratahin na ito. Kung may budget ka pa, kumuha ng propesyonal. Gawing memorable ang Binyag na ito. Alamin sa simbahan kung hindi bawal ang video o kahit anong kamera habang nagbibinyag.
Cake
Minsan, kasama na ito sa lugar o venue at caterer. Kung may partikular kang gusto, mas magandang ikaw na mismo ang kumontrata ng gagawa ng cake at siguraduhing nagdedeliver sila sa lugar ng handaan. Huwag nang kumuha ng hindi nagdedeliver dahil sakit pa ito ng ulo. Mas maganda yung wala ka nang aalalahanin.
Dekorasyon
Gawing kaaya-aya o festive ang handaan sa pamamagitan ng pagdedekora ng lugar. May nakukuhang magdedekorasyon, o maaaring ikaw ang gumawa nito kung may oras at abilidad naman.
Party Planner
Kung may budget, makakatulong ang party planner na mag-asikaso ng lahat lalo sa araw ng okasyon. Kung wala, bakit hindi magtanong sa kaibigan o kamag-anak ? Panigurado mayroong sadyang mahilig sa ganitong pag-aasikaso na makakatulong sa yo. Itanong din sa ninang na napili kung may oras na tumulong sa pag-aasikaso.
Souvenir/Giveway
Ito ang regalo para sa ninong at ninang at sa mga bisita. Maliliit na bagay katulad ng personalized na kandila, panyo, alahas, prayer leaflet, Rosaryo, at iba pa. Ito na rin ang paraan ng pagpapasalamat mo sa kanilang pagdalo o pagtulong na mabuo ang okasyon na ito. Lakipan ito ng kard ng pasasalamat. Minsan ay naghahanda rin ng souvenir photo ng bininyagan para isang alaala ng pagbibinyag.
Isang linggo bago ang petsa ng binyag, tawagan ang lahat ng nasa itaas, pati ang mga bisita at siguraduhing lahat ay nasa ayos na at walang aberya.
Huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa kapatid o kaibigan.
Paniguradong handa naman silang tumulong. Maghanda ng listahan ng lahat ng kailangan, at lahat ng gagawin sa araw na iyon. Itong listahan na ito ang maaari mong kopyahin at ibigay sa kaibigan o kamag-anak na makakatulong sa iyo, sakaling maging abala ka na sa anak.
BASAHIN: 14 na magandang party venues sa Metro Manila
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!