Para sa napakaraming pamilyang Pilipino, napaka-importante ng Holy Week o Mahal na Araw. Nasa 81% ng mga Pilipino ay Kristiyano, kaya gayun na lamang ang kahalagahan ng Mahal na Araw sa milyong-milyong mga Pilipino. Ito ang iba’t-ibang mga tradisyon ng mga Pilipino tuwing Holy Week na mahalagang bahagi ng ating mga buhay.
Imahe mula sa | Wikimedia Commons
Ang Tradisyon ng Mahal na Araw
Simula pa sa panahon ng kolonyalismo ng Kastila, natutunan at iniangkop na sa tradisyon ng mga Pilipino ang Mahal na Araw. Kadalasan itong pinagninilayan sa kasalukuyan sa buwan ng Marso o Abril. Maraming mga kaugalian at paniniwala ang sinusunod pa rin maging sa taong 2023 sa Mahal na Araw.
Kailan ang Mahal na Araw
Kadalasan, ang Mahal na Araw ay isinasagawa sa bansa natin sa mga huling araw ng buwan ng Marso, o di kaya sa mga unang linggo ng Abril. Ito ay nakabatay sa kalendaryong sinusunod ng mga simbahang Katoliko at batay sa tradisyon ng Pilipino.
Naka-ugat din ito sa paniniwala sa panahon at season ng lent o sa pagdating ng pasko ng pagkabuhay ni Hesukristo.
Mahal na Araw 2023
Sa mga nakaraang taon ng pandemia, lalo na sa taong 2020, ang pagdiriwang o pagninilay sa Mahal na Araw ay naabutan ng quarantine. Sa mga sumunod na taon naman ay may paghihigpit at pagsunod pa rin sa social distancing.
Pero, hindi ito alintana ng tradisyon ng Pilipino. Isinagawa pa rin ang iba’t ibang gawain tuwing Mahal na Araw. Ngayong 2023, mas naging maluwag na ang quarantine, at ibinalik ang mas mapagnilay na selebrasyon ng Mahal na Araw.
Mga Ginagawa at tradisyon ng Pilipino sa Mahal na Araw
Imahe mula sa | Wikimedai Commons
Palaspas
Ang “Palaspas” o tinatawag na “Palm Sunday” ay nanggaling sa pagsalubong kay Hesukristo nang siya ay pumunta sa Jerusalem. Ito ay ginagawa tuwing Linggo para simulan ang Mahal na Araw, at dito ay iwinawagayway ng mga Kristiyano ang kanilang mga palaspas na gawa sa dahon ng saging, o kaya niyog.
Bukod dito, paniniwala din ng mga Pilipino na ang pagtatago ng palaspas ay magdadala ng swerte at pampawala ng malas sa kanilang mga bahay.
Pabasa
Ang pabasa ay kadalasang ginagawa sa mga probinsya. Pero ngayon, ginagawa na din ito sa mga simbahan sa siyudad. Ang pabasa ay nagsisimula pagkatapos ng misa ng palaspas. Ito ay isa sa pinakapopular na tradisyon ng mga Pilipino.
Sa pabasa ay mayroong isang grupo ng mga taong magbabasa ng mga dasal, at may isa pang grupo na sasagot. Ang pabasa ay ginagawa para sa buong komunidad, pero minsan may mga pabasa din na ginagawa ng mga pamilya para sa kanilang mga kamag-anak.
Kadalasan, sinisimulan ang pabasa mula Huwebes Santo ng Mahal na Araw, at tinatapos eksakto o bago ang oras ng kamatayan ni Hesus sa Biyernes Santos.
Moriones Festival
Sa Marinduque pinakasumikat ang Moriones Festival. Umaabot ito ng isang linggo, at inaalala sa Moriones ang mirakulo ni Longinus, isang sundalong bulang ang isang mata, na sinugatan ng sibat ang tagiliran ni Kristo. Ayon sa kwento, noong tinamaan ng dugo ni Kristo ang kaniyang mata, ito ay gumaling at siya ay muling nakakita.
Matapos nito, nagsimula na siyang maniwala kay Kristo at tumulong siyang ikalat ang mabuting balita ng Panginoon.
Ang ibig sabihin ng salitang “Morion” ay maskara, at sa Moriones Festival, nagsusuot ng iba’t ibang mga maskara ang mga tao para magmukha silang sundalo noong panahon ni Kristo.
Sinakulo
Ang Sinakulo ay isang dula na isinasagawa upang alalahanin ang mga paghihirap ni Kristo bago siya ipako sa krus. Sa ibang lugar sa Pilipinas, nagiging bahagi ng Sinakulo ang pagpepenitensiya, at minsan ang ibang mga tayo ay nagpapapako sa krus, tulad ng nangyari kay Kristo.
Imahe mula sa | Wikimedia Commons
Penitensiya
Sa katotohanan, ang pagpepenitensiya ay ipinagbabawal ng Simbahang Katoliko, dahil sa pagpepenitensiya ay sinasaktan ng mga penitente ang kanilang mga sarili gamit ang mga latigo na may kadena, mga sanga na may tinik, at kung anu-ano pa. Minsan may buhat-buhat pa silang malaking krus, habang sila ay nilalatigo ng ibang mga tao.
May mga deboto rin na pinapako ang kanilang mga sarili sa krus, upang maramdaman ang paghihirap na nangyari kay Kristo.
Ipinagbabawal ito ng simbahan dahil bukod sa hindi ito magandang ehemplo sa mga bata, ay hindi sinusuportahan ng simbahan ang pananakit sa sarili upang ipakita ang debosyon sa Panginoon.
Ang Visita Iglesia, o “Way of the Cross”, ay kadalasang ginagawa sa Huwebes, o Maundy Thursday. Dito, nagpupunta ang mga pamilya sa iba’t ibang simbahan upang magdasal, at alalahanin lahat ng mga paghihirap na pinagdaanan ni Hesukristo.
Siete Palabras
Ang Siete Palabras, o “Seven Last Words”, ay isang tradisyon ng mga Pilipino na minana pa natin sa mga Kastila. Ito ay ginagawa tuwing Biyernes ng Mahal na Araw, o Good Friday. Dito, ay isinasadula ang pagkamatay ni Kristo, at mayroon ding mahabang misa na nagaganap.
Kadalasan, nagkakaroon din ng prusisyon matapos ang misa.
Salubong
Kung may “Easter Sunday” sa ibang bansa, sa Pilipinas naman ay ito ay tinatawag na Salubong, o “Pasko ng Pagkabuhay”. Dito inaalala ang muling pagkabuhay ni Kristo matapos ang tatlong araw. At ang lahat ay natutuwa at nagagalak sa muling pagbangon ni Kristo.
Tinatawag itong Salubong dahil sinasalubong ng mga tao ang pagbabalik ni Kristo.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!