Pokwang naluluhang ikinuwento ang gusot sa pagitan niya at ilang mga kapatid niya. Komedyante may hinaing at mensahe para sa kanila.
Mababasa sa artikulong ito:
- Relasyon ni Pokwang sa mga kapatid niya.
- Mensahe ni Pokwang para sa mga kapatid niya.
Relasyon ni Pokwang sa mga kapatid niya
Ang komedyante na si Pokwang ang pinakabagong nakapanayam ni Ogie Diaz sa kaniyang vlog. Dito ay inamin niya na may gusot sa pagitan niya at ilan niyang kapatid.
Ito umano ay nag-ugat sa tuwing hindi niya napagbibigyan ang mga gusto nila. Paliwanag ng aktres, iba na ang sitwasyon sa ngayon at may pamilya na siya at anak na kailangan niya ring buhayin at pagkagastusan.
“Meron na nga akong pamilya ‘di ba? May anak akong binubuhay. At hindi porket artista ako kumikita ako ng malaki. Hindi naman laging ganon. May mga obligasyon din ako. Hindi naman puwedeng habang-buhay karga-karga mo sila.”
Ito ang kuwento ni Pokwang kay Ogie. Maliban pa dito, kuwento pa ng komedyante hindi sa sinisisi niya ang mga kapatid kung bakit nagkasakit ang ina.
Pero naniniwala siya na sila ang isa sa mga dahilan kung bakit lumala ang sakit nito na dementia. Ang ina ni Pokwang tuluyan ng namaalam noong Oktubre ng taong 2020.
“Nakikita ko kapag umiiyak ‘yong matanda dahil iniisip kayo, pinoproblema niya kayo.”
Ito ang kuwento pa ni Pokwang na siyang araw-araw na kasama ng ina at nakikita ang stress at pag-iyak ina ng dahil sa mga kapatid niya.
“Kapag tini-text niyo siya at sinasabi niyo ang mga problema ninyo, kasi hindi niyo masabi sa akin ng direkta so dinadaan ninyo sa matanda. Nakikita ko ‘yan umiiyak ‘yan. Hanggang sa nagsisinungaling sa akin para lang may maibigay sa inyong pera.”
Ito ang sabi pa ni Pokwang na ina-address niyang direkta sa mga kapatid niya.
Hindi sa nagdadamot, Pokwang sobra-sobra na umano ang naitulong sa mga kapatid niya
Image from Instagram
Kuwento pa ni Pokwang, hindi naman sa nagdadamot siya sa mga kapatid niya pero maraming beses niya na umano natulungan ang mga ito. Pero naluluhang pagbabahagi ng komedyante, walang napuntahan ang mga naitulong niya sa mga kapatid niya.
“Dumating na ako sa punto na enough, tama na. May pamilya na akong sarili. Kaniya-kaniya naman tayo ng sikap. Ang tagal na ilang taon na kayong binigyan ng chance,” sabi pa ng komedyante.
Sabi pa ni Pokwang naniniwala siya na ang isang taong gustong umangat sa buhay kahit bigyan mo lang ng isang libo ay mapapalago. Pero sa kaso ng mga kapatid niya kung ano-anong negosyo na ang ibinigay niya na hindi nila iningatan at napalago.
“May nakikita naman kasi ako na ibang tao na bibigyan, pero nakikita mo lumago. Bakit kayo hindi niyo magawa, ilang beses na kayong nabigyan.”
“Ang tao kapag gusto talagang umasenso, isang beses mo lang bigyan ng pang-negosyo, palalaguin niya ‘yan. Dahil mahihiya ng humingi ulit sa ‘yo.”
Ito ang pahayag pa ni Pokwang para sa mga kapatid niya.
BASAHIN:
Pokwang inalala ang pagkamatay ng anak, kinuwestiyon ang Diyos: “Bakit mo ginawa sa akin ‘to?”
Pokwang tinanong kung anak daw ba niya talaga si baby Malia
Ayon sa isang psychologist, narito ang maaaring gawin para maging close ang magkapatid
Hiling at mensahe ni Pokwang sa mga kapatid niya
Pokwang kasama ang anak na si Malia/Image from Instagram
Sa huli ay may hinaing at hiling sana si Pokwang para sa mga kapatid niya.
“Kapag meron naman mag-aabot naman, ‘di ba? Pero sana kapag hindi napagbibigyan, huwag naman sanang magsasalita ng kung anu-ano.”
Dahil dagdag pa ng komedyante, ang linya ng trabaho niya ay hindi panghabang-buhay kaya sana maintindihan nila na kung nagtitipid man siya, ito ay para sa kinabukasan ng mga anak niya.
“Hindi ito panghabambuhay. Mawawala at mawawala rin ang kinang mo. Hangga’t nandito pa ko kahit papaano, pero para sa mga anak ko. Tapos na ko para sa inyo. Tama na.”
Dahil sa edad na 49-anyos, sabi pa ni Pokwang hindi na siya bumabata. Kailangan niyang siguraduhin ang future ng anak niya. Pero humihingi na rin siya ng pasensya at sorry kung may nasabi man siyang pangit sa kaniyang mga kapatid. Dahil kahit ano man umano ang mangyari, kapatid niya ang mga ito at may malaking parte sa kaniyang puso.
“At the end of the day, kapatid ko sila. Hindi ko sila matitiis.”
“Nobody’s perfect. May pagdadaanan at may pagdadaanan tayo. Sa huli tayo-tayo rin naman ‘yong magyayakapan.
Sa huli tayo-tayo rin ang magsusuportahan. Pero sana since magkakapatid nga tayo, dapat nga, tayo ‘yong mas kilala natin ang isa’t isa. Mas hindi natin dapat hinuhusgahan ‘yong isa’t isa.”
Ito ang mensahe pa ni Pokwang para sa mga kapatid na hindi umano rin masaya sa buhay niya ngayon kasama ang bago niyang asawa.
Image courtesy: Pokwang’s Instagram account
Source:
YouTube
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!