Hindi biro ang pagkakaroon ng postpartum depression. Hindi lang kalungkutan ang dinadala nito para sa ina, kundi pati stress, pagod, anxiety, at kung anu-ano pa.
Minsan, ito rin ang nagiging dahilan ng mga karumal-dumal na krimen. Katulad na lang ng nangyaring insidente sa Barotac Nuevo, Iloilo, kung saan pinatay ng isang ina ang kaniyang 7 buwang gulang na sanggol.
Postpartum depression, tinuturong dahilan sa pagkamatay ng sanggol
Isang 28 taong gulang na ina mula sa Barotac Nuevo, Iloilo, ang kasalukuyan ngayong nasa kulungan. Ito ay matapos niyang laslasin ang leeg at inumin ang dugo ng kanilang 7 buwang gulang na sanggol na lalaki.
Ayon kay Insp. Joven Arevalo, Barotac Nuevo police chief, nilaslas raw ng ina ang leeg ng sanggol sa loob mismo ng kanilang tahanan. Gumamit daw siya ng dulos na hiniram mula sa kanilang kaanak.
Sabi ng asawa ng suspek ay napansin daw niyang kakaiba ang kilos at tila balisa ang kaniyang asawa. Kaya’t, naghinala na siyang baka may masamang nangyari sa kanilang anak.
Natagpuan na lang niya ang kanilang anak na duguan sa kanilang lababo, at may laslas sa leeg. Nakatayo daw sa harap ng lababo ang kaniyang asawa, at duguan ang bibig at damit.
Kakasuhan daw ang ina dahil sa pagpatay sa kaniyang anak.
Paano nagagamot ang postpartum depression?
Hindi lahat ng inang mayroong depression ay sinasaktan ang kanilang anak. Ngunit nangyayari ito sa mga malalang kaso ng postpartum depression na may kahalo na ring ibang matinding psychological conditions.
Ang postpartum depression ay kadalasang epekto ng maraming bagay. Kasama na rito ang hormonal changes na pinagdaraanan tuwing nagbubuntis, stress ng pagbubuntis at pag-aalaga ng bata, at epekto ng physical changes dahil sa pagbubuntis.
Heto ang ilang mahahalagang impormasyon tungkol sa kondisyon na ito:
- Nahihirapang maging malapit sa sanggol.
- Pagkakaroon ng matinding nerbyos o anxiety.
- Hirap makatulog dahil sa pagkabalisa.
- Nakakaramdam ng matinding guilt o worthlessness.
- Nakakaisip ng mga suicidal na bagay.
Kung sa tingin mo ay mayroon kang postpartum depression, mahalagang huwag itong ipagwalang-bahala. Ito ay dahil posible lamang lumala ang kalagayan mo at baka maging panganib ka sa iyong sarili, o kaya sa iyong mga mahal sa buhay.
Huwag mag atubiling pumunta sa isang psychiatrist o therapist na makakatulong sa iyo upang bumuti ang iyong kalagayan. Mahalagang makahanap ka ng therapist na akma sa iyong pangangailangan, upang maging mas epektibo ang iyong therapy.
Ang dapat mong tandaan ay hindi mo dapat sarilihin ang iyong problema. Huwag kang mahiyang humingi ng tulong sa iyong asawa, kamag-anak, o malalapit na kaibigan kung ikaw ay may depression. Tandaan, hindi ka nag-iisa, nariyan ang iyong mga mahal sa buhay upang suportahan ka at tulungan ka sa iyong mga problema.
Source: Inquirer
Basahin: Sanggol napugutan ng ulo habang nakasakay sa motor
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!