Paano kung isang araw ay magising ka na lamang na iba na ang mundong ginagalawan mo?
Sa pagbangon mo, napansin mo na ang dating mata na puno ng kolorete ay nangingitim na sa puyat. Ang mga pang-OOTD mong damit ay hindi mo na kasya. Ang buhok mong alagang salon ay naglalagas at buhaghag na. Idagdag mo pa ang umiiyak na sanggol na buhat mo sa iyong bisig.
Congratulations! Ikaw ay nasa mundo na ng pagiging ina.
Natatandaan ko pa kung gaano kahirap ang postpartum period. Nung ako ay nanganak via CS delivery noong 2020, ang recovery period ay umabot halos ng anim na linggo.
Kasabay ng aking recovery, sinisikap kong gampanan ang aking obligasyon bilang ‘first time mom’. Hirap man sa pagkilos, matiyaga kong binubuhat, pinapasuso, at pinatutulog ang aking sanggol. Kapag payapa na ang paligid, sinisikap kong bumangon mag-isa at maglakad-lakad upang mapabilis ang aking pag-galing.
Lingid sa kaalaman ng aking asawa, nangingibabaw ang kalungkutan sa aking puso tuwing ako ay titingin sa salamin.
Ang dating flat na tiyan, ngayon ay may stretch marks at peklat na. Ang dating mukha na palangiti at pintado ng mga kolorete, ngayon ay hubad at walang sigla na mababakas. Ang dating dalaga na tinatanghali sa pag-gising, ngayon ay wala pang maayos na tulog buhat ng nanganak.
Ang binubulong na lamang sa sarili ay babalik din sa dati. Ang kalungkutan na ito ay pansamantala lamang at lilipas din.
Sa paglipas ng buwan, mas maraming pagbabago sa sarili ang naging kapuna-puna.
Ang bawat gabi ay naging oras ng pag-iyak. Pagtangis ng isang ina na hindi maintindihan ang sariling nadarama. Tatlo na kami na magkakatabi sa kama – ako, ang aking asawa, at ang aming anak – ngunit bakit parang ako ay nag-iisa?
Ang mga tao sa paligid ay taos pusong nagbibigay ng tulong at gabay. Matiyagang tinuturo ang mga bagay-bagay na dapat makabisado ng isang tulad kong baguha na ina. Pero bakit ang kabutihan nila ay tila ay aking minamasama? Tila ba ako’y pinangungunahan at hinuhusgahan?
Sa mga panahon na nagkakasakit ang aking anak, mas nauuna pa ang pagbuhos ng luha kesa sa solusyon. Magdamag na mulat at humahagulgol. Kakambal ng panghihina ng aking loob ay ang kaisipan na sana sa akin na lamang dumapo ang lagnat, sipon, at ubo ng aking anak.
Sa paglalim ng gabi ay lumalalim din ang iniisip. Natatakot na sa pagsikat ng araw, ang anak ko ay hindi na masilayan.
Dumating ang araw na napagod na mismo ang sarili sa lahat ng negatibong emosyon na yumayakap sa akin buhat ng ako ay nanganak.
Tinanong ang sarili kung ano ang mali? Sa aking pananaliksik ay lubos kong naunawaan ang kasalukuyang pinagdaraanan. Marahil ito ang tinatawag nilang postpartum depression.
Lahat ng sintomas ay nararanasan. Lalamunin ang buong kaisipan ng walang kalaban-laban.
Dumating sa punto na pati ang relasyon sa ibang tao ay naaapektuhan. Sa trabaho o sa tahanan man, ang mga negatibong emosyon ay ‘di mapigilan.
Sinikap kong hanapin ang solusyon upang unti-unti ay makabangon.
Una, ang open communication ay naging malaking tulong.
Hinahayag ko ang aking kaisipan at saloobin sa mga taong nasa aking paligid. Sa ganitong paraan, naunawaan nila kung paano nila ako matutulungan upang maibsan kaht pansamantala ang depresyon na nararanasan.
Sa tuwing nararamdaman ko na malapit na akong mairita dahil sa walang hinting pag-iyak ng aking anak, nandyan ang asawa ko upang humalili sa akin ng walang panghuhusga. Hahayaan niya ako magkulong sa kwarto ng mag-isa at gawin ang mga bagay na makaktulong upang ako ay marelax tulad ng pakikinig sa musika at panunuod ng mga vlogs.
Pangalawa, ang pagkakaroon ng support group ay nakaktulong upang gumaan ang iyong nararamdaman.
Nung ako ay bagong panganak, nirekomenda ng aking pinsan ang application na “The Asian Parent Community”. Dito ay malayang nakakapagpalitan ng ideya at nakakapagbigay ng payo ang mga ina saan mang sulok ng mundo.
Malaki ang naging tulong nito para sa katulad ko na first time mom. Ang mga payo na nakukuha rito mula sa mga experienced mom ay nakakatulong upang maibsan ang pangamba. Nakakatulong din ito upang magkaroon ka ng ideya sa susunod na hakbang na possible mong gawin sa kasalukuyang sitwasyon na iyong pinagdaraanan.
Panghuli, matutong manalangin sa oras na ikaw ay nababalisa. Ang pakikipag-usap sa Panginoon ay naghahatid na kaginhawaan sa ating isipan. Sapagkat alam mong kontrolado nya ang sitwasyon at nakikinig siya sa nilalaman ng iyong puso.
Malinaw pa sa aking ala-ala kung paano niya dininig ang aking panalangin nung gabing mataas ang lagnat ng aking anak. Ipinatong ko ang aking kamay sa ulo ng aking anak at desperadong nanalangin sa Kanya. Ilang minuto lamang ang lumipas, mahimbing na natulog ang aking anak at bumaba ang kanyang lagnat. Kinabukasan, siya ay masigla na at normal na ang temperatura.
Tunay ngang Makapangyarihan ang panalangin.
Ilan lamang ito sa mga karanasan na maaring maranasan ng mga ina pagkatapos manganak.
Ang mga pagbabago sa pisikal at emosyonal na aspeto ng isang ina ay tunay ngang susubok sa katatagan ng isipan at damdamin.
Ngunit walang day off sa pagiging ina. Ikaw at ikaw pa rin ang lalaban sa sarili mong pinagdaraanan at pagdadaanan. Sikapin na pagtagumpayan ang mga negatibong emosyon at kaisipan. Manatiling bukas ang isipan sa lahat ng pagbabago. Yakapin ng buong puso ang yugto ng pagiging isang ina.