Mga mister, alamin kung sino dapat ang priority sa pamilya. Wala nang iba kundi ang iyong asawa.
Mababasa sa artikulong ito:
- Bakit ang asawa mo dapat ang iyong priority sa pamilya
- Unahin si misis bago sa mga taong ito
- Paano mo mapapakita kay misis na #1 siya sa buhay mo
“Maghiwalay na lang tayo.”
Iyan ang bungad ng kaibigan kong itago natin sa pangalang Tin, sa kaniyang asawang si Mike.
Ilang buwan nang magulo ang pagsasama ng dalawa. Pero para kay Mike, wala naman siyang ginagawang masama. Ginugugol lang niya ang kaniyang oras sa trabaho para masuportahan ang kaniyang pamilya.
Dahil madalas siyang subsob sa trabaho, ang natitirang oras niya ay napupunta sa pag-aalaga ng kanilang tatlong anak. Kung minsan, para makapag-relax ng kaunti, nakikipag-usap siya sa kaniyang mga kaibigan.
Hindi niya alam, nakakaramdam na pala ng selos si Tin. At bagamat pinapaliwanag ni Mike na wala siyang ginagawang masama at walang dapat pagselosan, huli na ang lahat. Dahil hindi naramdaman ng kaniyang asawa na importante siya sa buhay ng mister.
“Parang katulong mo lang ako dito sa bahay. Gusto mo ikaw lagi ang nasusunod dahil ikaw ang kumikita. At dapat alagaan ko na lang ang mga anak natin.”
Pakiramdam ng misis, hindi siya nabibigyan ng oras para gawin ang gusto niya, at hindi rin pinakikinggan ni Mike ang opinyon niya tungkol sa mga bagay na makaka-apekto sa kanilang pamilya.
Nawalan na siya ng tiwala sa kaniyang sarili, tiwala sa kaniyang asawa at nawalan na rin siya ng gana sa kanilang pagsasama.
Magkaaway na mag-asawa | Larawan mula sa Pexels
Bakit nga ba nawawalan ng gana ang mga babae sa kanilang relasyon? Isang rason marahil ay hindi nila nararamdaman na mahalaga sila sa kanilang partner.
Minsan ay nailalabas nila ang frustration na ito sa pamamagitan ng pagsigaw o pagiging “nagger” o kaya naman tatahimik na lang sila. Pero kadalasan, ang galit nila ay hindi dahil sa nagawa ni mister o ng mga bata, ito ay ang pakiramdam na hindi sila mahalaga at walang nakakakita ng mga sakripisyo nila sa pamilya.
Bakit dapat #1 priority dapat si Misis
Kaya naman Daddy, bilang katuwang niya, dapat ipakita mo kay Misis na siya ang priority mo sa pamilya. Narito ang ilang dahilan kung bakit:
1. Wala nang ibang pwedeng gumawa nito kundi ikaw.
Noong nagpakasal kayo at nagdesisyon na bumuo ng pamilya, ipinasa na ng pamilya ni Misis ang responsibilidad sa’yo para pangalagaan siya.
Ang iyong asawa ang nag-aalaga sa iyo at sa inyong mga anak. Sinong mag-aaalaga sa kaniya?
2. Kayo ang nagsimula ng pamilya.
Tandaan, nagsimula ang pamilya niyo noong ikasal kayo ni misis. Siya ang dahilan kung bakit kayo mayroong masayang pamilya ngayon. Ang inyong mga anak ay icing lang, siya pa rin dapat ang CAKE!
Ang inyong pagsasama dapat ang foundation ng lahat ng gagawin niyo bilang pamilya, dahil kung wala siya, hindi kayo magiging buo.
3. Makakabuti para sa inyong mga anak na makita ito.
Isa sa mga pinakamagandang pwede mong gawin sa iyong mga anak ay ipakita sa kanila kung gaano mo kamahal ang kanilang ina.
Strong marriages make strong families, ika nga. Kailangang makita ng mga bata na mayroon silang secure at loving family higit pa sa mga bagay na pwede mong ibigay sa kanila.
Ipakita mo sa mga anak niyo na hinahawakan mo ang kamay ni Mommy, inaalalayan kapag naglalakad, at binibigyan siya ng oras. Hindi ito ikakaselos ng mga bata. Sa halip, isa itong paraan para makaramdam sila ng seguridad.
4. Naipapakita mo sa iyong mga anak kung ano ang hitsura ng healthy relationship.
Laging sinasabi na tayong mga magulang ang unang role model ng ating mga anak.
Habang ipinapakita mo sa mga bata na priority mo si mommy, ipinapakita mo rin sa iyong mga anak kung ano ang hitsura ng masayang pagsasama. Kapag trinato mo si misis nang may respeto at pagmamahal, matututunan rin ito ng iyong mga anak.
Kaya naman ganito rin ang marriage o relasyon na hahanapin nila sa hinaharap. Ang pagsasama niyo ni misis ang magiging standards niya pagdating sa pag-aasawa. Gugustuhin rin nilang magkaroon ng partner na aalagaan, mamahalin at rerespetuhin sila.
5. Imposibleng maging “spoiled” ang iyong asawa.
Bilang magulang, responsibilidad mo na masigurong lalaking mabuti ang iyong anak. Mayroong pressure para masigurong hindi siya lalaking “spoiled brat” o entitled. Pero pagdating sa iyong asawa, alam mo na na isa siyang mabuting tao – kaya mo nga siya pinakasalan, diba?
Kahit bigyan mo ng maraming oras at atensyon si misis, hindi naman siya lalaking spoiled. Walang mawawala sa’yo kung gagawin mo siyang priority sa pamilya, at sa halip, mas mapapadali pa ang buhay mo.
6. Hindi ka niya boss.
Gaya ng kuwento sa itaas, hindi kayo boss ng inyong mga kabiyak. Hindi dahil ikaw ang kumikita o nag-uuwi ng pera sa tahanan ay ikaw ang laging dapat na masunod.
Minsan, dahil masyado kang nasanay sa pagiging magulang, hindi mo namamalayan na ganito na rin ang trato mo kay misis, kapag pinagsasabihan mo siya.
Tandaan, hindi ka rin niya magulang. Magkapantay kayo. Gayundin, ang pangunahin mong papel sa buhay niya ay bilang kaniyang lover.Kaya dapat mong iparamdam sa iyong asawa na nirerespeto at pinahahalagahan mo siya.
7. Balang araw, babalik sa kayong dalawa lang ulit.
Sa pagbuo ng inyong pamilya, kayo ni misis ang magkatuwang. At balang araw, kapag lumaki na ang inyong mga anak at nagkaroon ng sarili nilang buhay at pamilya, kayo na lang ni misis ang matitira sa inyong tahanan.
Gusto mo bang maramdaman na wala nang pagmamahal kapag nawala na ang inyong mga anak, at hindi mo na kilala ang iyong asawa?
Huwag nang antayin ang panahon na kayo na lang uli ni misis ang magkasama para pahalagahan siya.
8. Mas magiging masaya ang buhay ng buong pamilya – pati sa ‘yo.
Happy wife, happy life nga, diba? Habang pinaparamdam mo kay misis na mahal mo siya, ikaw rin ay nakikinabang!
Kung lalabas kayo ni wifey para magdate, kasama ka rin sa mag-eenjoy. Kung bibigyan mo siya ng chocolates, siguradong hahatian ka niya rin nito. At hindi ba mas maaliwalas ang tahanan kapag maganda ang mood ni Mommy?
Kung tatratuhin mo siyang parang reyna, asahan mong tatratuhin ka rin niya bilang hari ng inyong pamilya. Kaya naman tratuhin mo ang iyong asawa ng higit pa kung paano mo gustong tratuhin ka ng iba.
BASAHIN:
10 senyales na hindi healthy ang relationship niyong mag-asawa
5 paraan para maiwasan ang pagseselos
STUDY: Ito ang top 10 na pinag-aawayan ng mga mag-asawa
Unahin si Misis bago ang mga taong ito
Gaya ni Mike sa kuwento sa itaas, maaring hindi mo namamalayan na nakakaramdam na pala ng insecurity ang iyong asawa. Maaring masyado kang busy sa paghahanap-buhay para sa iyong pamilya at pagbibigay ng iyong oras sa iyong mga anak at sariling pangangailangan. Posible rin na nasanay kang inuuna ang ibang tao mula sa iyong pagka-binata.
Pero ngayong may asawa ka na, dapat siya na ang priority mo. Alalahanin na dapat mauna si misis bago ang mga tao o bagay na ito:
1. Ang inyong mga anak
Oo, ang inyong mga anak. Bago ka magalit, alamin mo muna ang paliwanag.
Bakit dapat unahin ang asawa bago ang mga anak?
Ayon sa marriage experts na sina Gary and Joy Lundberg, kapag inuna mo ang iyong mga anak bago ang iyong asawa, masisira ang pananaw ng bata tungkol sa pag-aasawa at mga relasyon. Sabi nila,
“If you push your spouse down on your list of priorities, your children will believe that marriage isn’t all that important.
On the other hand, if they see you honoring your spouse with that number one spot, they will feel a love and security that can come in no other way.”
Kung makikita ng bata na ang mga magulang niya ay nagmamahalan, nagmamalasakit, at nirerespeto ang isa’t isa, susundan nila ang halimbawang ito sa kanilang mga sariling relasyon.
Siyempre, ang pag-una sa asawa bago ang mga anak ay depende rin sa sitwasyon. Minsan, ang pangangailangan ng bata ay maaaring mas mahalaga kumpara sa pangangailangan ng iyong asawa. Ngunit, bilang rule of thumb, mag-focus muna sa misis at inyong relasyon, at susunod na ang magagandang bagay.
2. Sinumang miyembro ng opposite sex
Sa kwento nina Mike at Tin, pinagselosan ni Tin ang mga officemates ni Mike. Depensa ng mister, “Parang kapatid ko na ang mga iyon.” Pero bakit pakiramdam ni Tin ay mas mahalaga pa kay Mike ang sasabihin ng mga ito kaysa sa kaniya?
Ito ay hindi na kailangang ipaliwanag. Kahit kailan ay hindi dapat unahin ang ibang babae sa iyong asawa, kahit walang nakatagong kahulugan. Ang iyong misis dapat ang laging number 1 na babae sa iyong buhay, at siya lang dapat ang nangingibabaw sa lahat ng iba pang babae.
Wala namang masamang makipagkaibigan. Pero ika nga ni Bibong Pinay, kung mayroon kang babaeng dapat sinosolo at pinahahalagahan, ito ay ang asawa mo lang.
Iwasan ang pagbibigay ng pabor o special treatment, maging private messages sa ibang babae. Maari nila itong mabigyan ng ibang kahulugan. Gayundin, para hindi rin ma-misinterpret ni misis ang iyong akyon at maiwasan ang pag-aaway.
Larawan mula sa iStock
3. Iyong mga magulang , kapatid at in-laws
Maaring noong bata ka, ang iyong magulang ang iyong naging takbuhan. Sinasabi mo sa kanila lahat, at kapag natatakot o may problema ka, sila ang iyong pinagsasabihan. Gayundin ang iyong mga kapatid na naging kadikit mo ng mahabang panahon.
Pero mula nang ikaw ay ikasal, ang papel na ito ay napunta na sa iyong asawa. Pinag-iisa na kayo ng kasal, kaya dapat mangibabaw siya bago ang sinuman.
Dapat ay mahalin at respetuhin mo pa rin ang iyong mga magulang. Pero hindi na sila ang priority mo, at lalong lalo naman na hindi sila dapat mamagitan o manghimasok sa relasyon niyong mag-asawa.
Ito rin ang kaso sa iyong in-laws. Makakabuti na maging malapit ka sa kanila, pero laging tandaan na ang asawa mo ang iyong kakampi at kasangga sa anumang bagay.
4. Trabaho at iyong boss
Ang iyong hanapbuhay ay mahalaga. Pero hindi dapat ito maka-apekto sa iyong relasyon sa mga taong mahal mo.
Sa panahon ngayon, kailangan natin ng pera. Pero kung inuuna mo ang iyong trabaho kaysa sa iyong asawa, diyan nagsisimula ang problema.
Pag-usapan niyo ni misis kung ilang oras lang dapat ang ginugugol mo sa iyong trabaho. Kung mahirap ang buhay at kailangan mong kumayod ng sobra, ipaintindi mo ito sa kaniya. Pero ipakita mo pa rin na pinahahalagahan mo siya higit sa sino man. Pagkatapos ng oras ng trabaho, baka pwede kayong magkaroon ng kaunting oras para makapagkwentuhan.
Bago ka magpahinga, kausapin mo rin siya para kamustahin ang nangyari sa buong araw niya. Isa itong paraan para tumibay ang inyong pagsasama.
5. Mga kaibigan mo at hobbies
Mahalaga rin ang mga kaibigan mo. Pero kapag kasal ka na, nagbabago ang mga priority, at bumabaliktad ang mundo mo. Oo nga, matagal na kayong magkakakilala ng iyong barkada. Pero hindi naman sila ang pinili mong makasama habang-buhay.
Gustuhin mo man o hindi, kailangang mabawasan ang oras sa barkada para mabigyan ng mas maraming oras sa pamilya. Kung tunay silang kaibigan, maiintindihan nila ito.
Isa pang bagay na hindi mo namamalayang nagiging sanhi ng insecurity ni misis ay ibang bagay na pinagkakaabalahan mo. Maaring ito ay kaibigan, basketball, panonood ng TV, paglalaro ng games o paggamit ng social media.
Tandaan, wala namang masamang magrelax at gawin ang mga bagay na gusto mo. Pero bago ang mga ito, isipin mo muna kung nabigyan mo ba ng sapat na oras at panahon ang asawa mo. Gusto ni misis na makasama ka, hindi lang sa hirap kundi pati na rin sa ginhawa.
Paano mo mapaparamdam kay misis na priority mo siya
Larawan mula sa iStock
Hindi naman kailangang gumastos o gumawa ng grand gestures para mararamdaman ng iyong asawa na number 1 siya sa buhay mo. Madalas ay ang iyong oras at maliliit na bagay lang ang magpapasaya sa kaniya. Narito ang ilang suggestions:
- Magset ng weekly date na kayong dalawa lang ni misis at hindi kasama ang mga bata.
- Alamin mo kung ano ang love language ng iyong asawa at ipakita ang iyong pagmamahal sa ganitong paraan.
- Kausapin si misis tungkol sa mga bagay na makakaapekto sa inyong pamilya at isali siya sa paggawa ng desisyon.
- Pasalamatan siya sa mga ginagawa niya para sa’yo at sa mga bata.
- Bigyan siya ng oras para sa sarili niya. At ikaw ang mag-alaga sa mga bata habang ginagawa niya ito.
- Ugaliing makipag-kwentuhan kay misis bago matapos ang iyong araw at huwag kalimutang sabihin sa kaniya na mahal mo siya bago matulog.
Ang relasyon ay laging two-way street. Kung mararamdaman ni misis na siya ang pinakamahalaga sa’yo, siguradong pahahalagahan ka rin niya at magkakaroon kayo ng masayang buhay mag-asawa at pamilya.
Source:
Familyshare.com, Dating Divas, Family Today
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio