Narito ang mga kinakailangang requirements para sa birth certificate ni baby at paano ang proseso ng pagpa-file nito.
Nalalapit na ba ang due date mo sa panganganak? O kaya naman ay bagong panganak ka ngunit hindi pa nairerehistro ang birth certificate ni baby? Mabuting sa ngayon palang ay asikasuhin na ito. Dahil napakahalagang dokumento nito na kakailanganin sa mga importanteng yugto ng kaniyang buhay tulad ng pag-aaral.
Ngunit kung walang ideya sa kung ano ang mga requirements para sa birth certificate ni baby ay narito ang mga impormasyong dapat mong malaman. Pati na kung paano ito ipa-file at masisiguradong siya ay rehistrado na.
Requirements para sa birth certificate ni baby
1. Certificate of Live Birth (COLB) Form
Ang unang requirements para sa birth certificate ni baby na kailangan mong ihanda ay ang nasagutan ng Certificate of Live Birth Form ni baby. Dapat dito ay nakasaad ang tamang impormasyon tungkol kay baby at iba pa. Lalo na ang tamang spelling ng kaniyang pangalan na madalas na nagiging pagkakamali ng marami. Pati ang kaniyang gender at petsa ng kapanganakan.
Para sa mga nanganak o manganganak sa ospital o lying-in centers, ang Certificate of Live Birth Form ay manggagaling mismo sa center o ospital na nagpaanak sayo. Ngunit kung ikaw ay nanganak o nagbabalak manganak sa inyong bahay ay makakakuha ka ng kopya nito mula sa inyong Local Civil Registrar office.
2. Certified True Copy of Marriage Contract/Certificate (For married couples)
Kailangan ring dalhin ang certified true copy ng marriage contract ninyo ni mister o misis kung kayo ay kasal. Ito ay bilang patunay na legal na madadala ni baby ang apelyido ng kaniyang ama.
3. Affidavit of Admission of Paternity at Affidavit to Use the Surname of the Father (For unmarried couples)
Samantala para sa mga mag-partner na hindi kasal ay may mga dokumento ring kailangang ihanda para magamit ni baby ang apelyido ng kaniyang ama. Ito ay ang Affidavit of Admission of Paternity, Affidavit to Use the Surname of the Father at isa pang private handwritten instrument o official document na sulat kamay at pinirmahan ng ama ng iyong sanggol.
4. Valid ID’s
Kailangan ring ihanda ang photocopy ng iyong mga valid ID’s na magsisilbing supporting documents sa pagpaparehistro ng birth certificate ni baby. Ihanda rin ang SSS, PhilHealth at HMO claim forms bilang dagdag na patunay ng iyong pangangak.
5. Certification from the Barangay Captain
Kung ikaw ay nanganak sa bahay ay kinakailangan mo ring humingi ng certification mula sa inyong barangay. Ito ay bilang patunay na ikaw ay nanganak sa nasabing lugar at petsa na patutunayan rin ng midwife o manghihilot na nagpaanak sayo. Ang certification na ito ay hindi na kailangan pa para sa mga sanggol na ipinanganak sa ospital o lying-in clinic.
Pag-rerehistro ng birth certificate ni baby
Kung kompleto ang mga requirements para sa birth certificate ni baby ay dapat na itong madala sa Office of the Civil Registrar ng inyong lugar. Para sa mga nanganak sa ospital o lying-in ay ginagawa at inaasikaso na ito ng pinag-anakang center o ospital. Ngunit para sa mga nanganak sa bahay ay kailangang personal mong gawin ito. O hindi kaya naman ay ang midwife o manghihilot na nagpaanak sayo.
Mahalagang maipasa ang mga requirements na ito sa Office of the Civil Registrar sa loob ng 30 days pagkatapos maipanganak ang iyong sanggol. Dahil kung lalagpas sa nasabing bilang ng araw ay maituturing ng late registration ang birth certificate ng iyong anak.
Pagkapasa ng mga requirements sa inyong Local Civil Registry Office ay bibigyan ka ng ilang araw para mag-antay sa pagrerehistro nito. Sa pagdating ng araw na iyon ay mabibigyan ka na ng certified true copy ng birth certificate ng iyong anak. Ito ay may stamp na patunay na siya ay rehistrado na. At sa loob ng dalawa o hanggang apat na buwan ay maari ka ng makahingi ng authenticated copy nito sa Philippines Statistics Authority o PSA.
Sources: Filipiknow, PSA
Basahin: Alamin: Proseso ng pagkuha ng birth at iba pang certificates mula sa NSO
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!