Narito ang 17 rules para sa mga bibisita kay baby ngayong pandemic na makakatulong para masiguro ang kaniyang kaligtasan mula sa sakit.
Mababasa sa artikulong ito:
- Rules para sa mga bibisita kay baby ngayong pandemic.
- Ang mga dapat sundin para maiwasang mahawaan ng sakit si baby.
Ang pagkakaroon ng newborn baby ay isang napaka-exciting na panahon. Hindi lang para sa mga magulang, ngunit pati na rin sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak.
Ngunit sa mga nais na bumisita kay baby, hindi puwedeng basta-basta na lang bumisita ang mga tao. Kaya kailangang gumawa ng mga magulang ng mga rules para sa mga bibisita kay baby. Lalo na ngayong may COVID-19 pandemic na mahalagang masiguro ang kaligtasan nila mula sa kumakalat na sakit.
17 rules para sa mga bibisita kay baby
1. Kung maaari ay huwag na munang tumanggap ng bisita mula sa ibang lugar o sa mga hindi ninyo kasamang nakatira sa bahay.
Kung maari sa ngayon ay mabuting huwag na munang tumanggap ng bisita. Lalo na ang mga nakatira sa mga lugar na infected ng sakit at hindi mo sigurado kung nahawaan narin ba nito o hindi.
Ito ay para masigurado ang kaligtasan ng inyong pamilya mula sa kumakalat na sakit. Lalo na si baby na may mahina pang immunity ang katawan laban sa mga sakit.
2. Mainam na mag-video call muna o ipakilala si baby sa mga nais makakakita sa kaniya online.
Kung nais talagang makilala o makita si baby ng mga kaibigan o kapamilya na malayo sa inyo ay mabuting gawin na muna ito sa social media.
Maaaring gawin ito sa pamamagitan ng video call gamit ang Facebook messenger o kaya naman ay ang mga online platforms tulad ng Zoom, Google Meet at Skype.
Sa pamamagitan nito ay masasaksihan nila kung gaano ka-cute si baby ng ito ay na-poproteksyonan o hindi nahahawaan ng kahit anumang karamdaman.

Photo by RODNAE Productions from Pexels
3. Para makasigurado ay dapat may negative swab test result ang bibisita kay baby.
Magastos man ito o maabala kung iisipin, pero ito ang pinaka-the best na paraan para masigurong ligtas mula sa kumakalat na sakit ang sinumang nagnanais na bumisita kay baby.
Kung may negative swab test result ang iyong bisita, ay makakampante ka na wala silang dalang virus na hindi lang para sa safety ni baby, kung hindi para narin sa iyong buong pamilya.
4. Siguraduhing nakapagpabakuna na laban sa sakit na COVID-19 ang sinumang bibisita kay baby.
Mabuti rin kung nabakunahan na laban sa sakit na COVID-19 ang mga tatanggapin ninyong bibisita kay baby. Ang pagsasagawa nito ay hindi lang basta para sa kaligtasan ni baby pero para narin sa kaligtasan ng bibisita sa kaniya. Lalo pa ngayon ay hindi sigurado kung sino ang infected ng sakit na maaring walang ipinapakitang sintomas.
5. Siguraduhing naghugas ng kamay ang kakarga o makikipaglaro kay baby.
Hahawakan man nila si baby o hindi, importante na maghugas sila ng kamay. Ito ay upang makaiwas sa pagkalat ng bacteria o mga virus, at masiguradong safe si baby.
Sa ngayon, sa panahon ng COVID-19 pandemic, ay isang paraan rin ito para maiwasan ang pagkalat ng sakit. Maaring hindi pa infected ng virus ang taong bibisita sa kaniya, pero may posibilidad na ang virus ay dala niya at nasa mga kamay niya na.
6. Hindi puwedeng hawakan o kargahin ng basta-basta si baby.
Para sa ilang mga magulang, hindi sapat ang paghuhugas ng kamay upang mapatay ang mga germs. Para sa ibang magulang, mas safe ang kanilang pakiramdam kung hindi hahawakan ng mga bisita ang kanilang sanggol.
Kung ganito rin ang iyong paniniwala, ay walang masama dito, at importanteng respetuhin ito ng iyong mga bisita.
Sa kaso ngayon ng COVID-19 pandemic, napatunayan na ang virus ay maari ring kumapit sa mga damit. Kaya naman mas mabuting hindi nalang pahawakan o ipakarga si baby.
7. Huwag patuluyin ang mga bibisita kay baby sa loob ng inyong bahay. Maaari silang i-entertain sa inyong garden o balkonahe.
Ang kahit anumang sakit o virus ay mabilis na kumakalat sa isang enclosed na lugar. Kaya naman para maiwasan ito ay mabuting tanggapin ang mga bisita ni baby sa bahagi ng inyong bahay na may maayos na ventilation.
O sa isang open space na kung saan sigurado kang umiikot ng maayos ang hangin at hindi kayo magkakahawaan ng kahit anumang sakit.

Photo by Singkham from Pexels
8. Kung maaari ay i-maintain ang physical distancing ng mga taong bibisita kay baby.
Kahit na nasa isang open space ang mga bisita ni baby, para sa dagdag na pag-iingat ay dapat i-maintain parin ang at least 1-meter social distancing.
Ayon sa mga eksperto, epektibong paraan ito upang maiwasan ang pagkakahawa ng sakit na maaaring mangyari sa pamamagitan ng pagtalsik ng fluid mula sa bibig na isang taong infected ng COVID-`19.
9. Pagsuotin ng mask ang mga bibisita kay baby.
Tulad nang naunang nabanggit, ang sakit na COVID-19 ay naihahawa sa pamamagitan ng fluids na tumatalsik mula sa bibig ng taong infected nito.
Ang virus ay papasok sa katawan ng isang tao na maaring sa pamamagitan ng bibig at ilong. Para maiwasan ito at para makasigurado, mas mainam na pagsuotin ng mask ang mga bibisita kay baby. Ang mask ay hindi dapat aalisin lalo na sa mga oras na nagsasalita ang bisita o nag-kukuwento.
BASAHIN:
6 things you need to do when baby has cough and colds
3-month-old baby, pumanaw dahil sa mataas na lagnat
Ito ang dahilan kung bakit dapat labahan muna ang bagong damit bago ipasuot kay baby
10. Hindi rin puwedeng halikan si baby ng basta-basta.
Pagdating sa rules para sa mga bibisita kay baby, ito ang pinakaimportante. Hindi dapat pumayag o huwag hayaang halikan ng kung sino-sino ang iyong sanggol.
Ito ay dahil, ito ang pinaka-mabilis na paraan para mahawaan siya ng sakit. Dahil maraming mga bacteria sa bibig ng tao, at sa pamamagitan ng halik ay maaring mailipat ito sa iyong sanggol.
Maliban sa COVID-19, ang isang pang nakakatakot na sakit na maaring maihawa kay baby sa pamamagitan ng halik ay ang herpes.
Ang herpes ay isang impeksyon na dulot ng HSV o herpes simplex virus. Ito ay maaaring makaapekto sa external genitalia, anal region at sa balat sa iba pang parte ng katawan ng isang tao.
Isa itong long-term condition na madalas ay walang nakikitang sintomas. Ang sakit na ito kapag dumapo sa sanggol ay maaari niyang ikamatay. Ito ay dahil hindi pa kakayanin ng kaniyang mahinang katawan ang epekto ng virus na ito.
11. Mas mainam kung kumpleto ang mga vaccinations ng taong bibisita kay baby.
Mahalaga ang vaccinations para sa mga bibisita kay baby. Dahil sensitibo ang immune system ng mga sanggol, at mabilis silang mahawa ng sakit. Kaya hangga't maaari, siguraduhing kumpleto ang vaccinations ng mga tatanggapin bisita ni baby sa inyong bahay.
12. Huwag silang hayaan na magtagal.
Nakakapagod ang mag-alaga ng baby, at nakakapagod din ang mag-entertain sa mga bisita. Kaya't importante na huwag nang patagalin ang mga bisita, upang magkaroon ka ng sapat na pahinga at makapag-ayos sa iyong bahay.

Car photo created by freepik - www.freepik.com
13. Siguraduhin na may pasabi muna bago sila bumisita
Palaging busy ang mga magulang, at minsan ay nakakasira ng kanilang diskarte kung bigla na lang may bumisita nang walang pasabi. Kaya't importante na sabihin sa iyong mga kamag-anak at kaibigan na magsabi muna kung sila ay mayroong planong bumisita upang makita si baby.
14. Bawal silang pumunta kapag mayroon silang sakit.
Ang isa pa sa mga pinaka-importanteng rules para sa mga bibisita kay baby ay ang pagbabawal na bumisita ang mga maysakit. Kasama na rin dito ang mga taong kagagaling lamang sa sakit.
Ito ay dahil mataas ang posibilidad na mahawa ang iyong baby ng kung anu-anong sakit. Napakabilis at matindi ang epekto ng sakit sa mga sanggol dahil hindi pa developed ang kanilang immune system. Kaya't hangga't maaari ay huwag hayaang mahawa ng sakit si baby.
15. Bawal ang maingay.
May ilang mga tao na mabilis ma-excite, o kaya mabilis matuwa kapag nakakakita ng sanggol. Bagama't wala namang masama dito, baka makaabala ito kay baby kung masyadong maingay o madaldal ang iyong bisita.
Kaya hangga't maaari, siguraduhin na tahimik ang tinutulugan ni baby, at iwasan ang pagkakaroon ng ingay o malalakas na tunog.
16. Huwag hayaan na magpost sila ng mga litrato ng basta-basta sa social media.
Para sa mga magulang na nais gawing pribado ang buhay ng kanilang sanggol, importante na pagsabihan ang iyong mga kamag-anak at kaibigan na huwag basta-basta magpost ng mga pictures ng iyong baby online.
Ito ay para sa security ng iyong baby, dahil may ilang mga tao na gumagamit ng mga picture ng mga sanggol online upang manloko. Kaya't pwede mo naman pagsabihan ang mga bisita na huwag mag-post ng basta-basta kung hindi mo sila pinapayagan.
17. Nasa sayo ang desisyon kung pwede nilang bisitahin ang iyong anak
Ang pinaka-final rule para sa mga magulang ay nasa kanila ang huling desisyon kung puwedeng bisitahin ang iyong baby. Kung busy ka, o kaya ay wala ka sa mood na tumanggap ng bisita, karapatan mo na tanggihan sila.
Huwag mong kalimutan na ang kapakanan ng iyong sanggol ay dapat pinaka-priority mo. Kung sa tingin mo ay hindi makabubuti sa iyong sanggol ang pagbisita ng ilang mga tao, ay desisyon mo yun.
Hindi ka dapat matakot o mahiya na magbawal ng mga bisita, dahil karapatan mo iyon bilang magulang.
Source:
ABC, Motherly, Lancaster General Health
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!