Isang bagong silang na sanggol na lalaki ang iniwan sa CR ng isang gasolinahan sa Quezon City. Ina ng sanggol maaring maharap sa kasong abandoning of minor sa oras na matunton at matuloy ang pagkakakilanlan.
Mababasa dito ang sumusunod:
- Bagong silang na sanggol na iniwan sa CR ng gasolinahan.
- Ina ng sanggol.
Bagong silang na sanggol na iniwan sa CR ng gasolinahan
Nitong Biyernes ng umaga, February 9, 2024 ay naiulat ng Quezon City Police Station 9 ang isang nakakalungkot na balita. Isang bagong silang na sanggol iniwan sa CR ng isang gasolinahan sa kanto ng Kamias Road at Kalayaan Street.
Ayon sa report, akala ng mga crew ng gasolinahan na nag-CR lang ang babaeng huling pumasok dito. Nagsabi pa nga daw ito sa sumunod sa kaniya na mag-CR na huwag munang gamitin ang CR dahil sa ito daw ay madumi. Siya daw ay may regla noong araw na iyon at kumalat ang dugo sa palikuran. Pero nang pasukin ang loob ng CR hindi lang dugo ang nakita ng crew kung hindi pati isang bagong silang na sanggol na nakabusal pa ang bibig ng tissue.
Ina ng sanggol
Base sa CCTV ng gasolinahan, ang nasabing babae at ina ng sanggol ay bumaba sa isang sasakyan na kung saan makikitang may tatlo pa itong kasama.
Ayon sa backtracking ng mga pulis, maraming gasolinahan daw ang pinuntahan ng babae. At mukhang sinadya nito na manganak sa huling gasolinahang pinuntahan dahil alam niyang madaling marerescue doon ang kaniyang sanggol.
“Yung nanay siguro alam niya na malapit ang police doon, kaya doon niya iniwan yung bata at alam niyang marerescue doon ang bata.”
Ito ang pahayag ni Pltcol. Ferdinand Casiano. Siya ang Station Commander ng QCPD Police Station 9.
Ayon parin kay Casiano, nasa pangangalaga na ng DSWD ang sanggol. Ito ay pinangalanan nilang “Malaya” dahil sa Barangay Malaya nangyari ang insidente. Ang ina ng sanggol maaring maharap sa kasong abandoning of minor sa oras na matukoy ang pagkakakilanlan nito.