Binansagang isang “New Year miracle” ang nangyaring pag-rescue sa isang sanggol na na-trap sa isang gumuhong gusali sa Russia. Ayon sa mga ulat, mahigit 36 na oras raw na-trap ang sanggol, at isang tunay na milagro ang nangyaring pag-rescue sa kaniya.
Sanggol na na-trap, na-rescue matapos ang 36 na oras
Noong huling araw raw ng 2018, ay may nangyaring malaking pagsabog sa isang apartment building sa Russia kung saan nakatira ang pamilya ng sanggol na na-trap sa gusali.
Dahil sa nangyaring pagsabog, gumuho ang apartment building, at na-trap ang mga nakatira sa loob nito. Agad na nakalabas ang ina at kapatid ng sanggol, ngunit dahil sa bilis ng pangyayari, hindi nila nabalikan ang sanggol. Ang ama ng bata ay nagtatrabaho nang mangyari ang aksidente.
At halos 3 araw matapos ang pagsabog ay nagulat ang mga rescue worker nang makarinig sila ng pag-iyak. Dali dali nilang kinuha ang kanilang mga gamit at tinanggal ang mga durog na bato na nagbaon sa sanggol.
Sa kabutihang palad, buhay pa ang 11-buwang gulang na sanggol na na-trap nang sya ay mailabas sa gumuhong gusali. Ngunit marami siyang natamong pinsala dahil sa aksidente, at dahil na rin sa lamig ng lugar. Dahil dito, dinala ang sanggol sa isang ospital sa Moscow, at kasalukuyang stable ang kaniyang kondisyon.
Nasagip raw ang buhay ng sanggol dahil sa crib na kaniyang tinutulugan. Nagsilbi raw itong “proteksyon” sa kaniya mula sa gumuhong gusali.
Tuwang-tuwa naman ang pamilya ng sanggol na na-trap, at umaasa silang manunumbalik ang dati nitong sigla matapos makarekober sa nangyari.
Panoorin ang video ng pag-rescue sa sanggol:
Mga importanteng tandaan sa mga sakuna
Hindi natin masasabi kung kailan magkakaroon ng sakuna. Kaya’t mahalagang palaging handa at listo ang mga magulang upang masigurado nila ang kaligtasan ng kanilang mga anak.
Bukod dito, mahalaga ring turuan ng mga safety tips ang mga bata para alam nila ang kanilang gagawin kung sakaling sila ay maipit sa isang sakuna at wala ang kanilang mga magulang.
Heto ang ilan sa mga tips na ito:
- Siguraduhing alam ng inyong mga anak ang mga importanteng numero ng telepono pati na ang address ninyo sa bahay. Kung sakaling mahiwalay kayo sa inyong mga anak sa gitna ng isang sakuna, mabuting kabisado nila ang mga numero ng cellphone ninyo pati na ang mga kamag-anak na pwede nilang hingan ng tulong.Mahalaga din na kabisado nila ang address ng inyong bahay upang kahit sila ay maligaw, pwede nilang ibigay ang address sa mga taong pwede tumulong at maghatid sa kanila pauwi.
- Siguraduhing may charge at load ang mga cellphone. Ngayon, halos lahat ng tao ay mayroong sari-sariling mga cellphone. Mahalaga ito lalo na sa panahon ng sakuna dahil dito madaling pwedeng humingi ng tulong, at pwede mo din agad malaman kung ligtas ba ang iyong pamilya sa gitna ng sakuna.
- Turuan ang inyong mga anak na kumilala ng mga taong mapagkakatiwalaan.Mahalaga na ituro natin sa ating mga anak kung paano malalaman kung ang isang tao ay handang tumulong sa kanila, o di kaya’y may masamamang pakay.Importante din na ituro natin sa kanila kung paano humingi ng tulong sa mga pulis, security guard, atbp. kapag mayroong sakuna, para sigurado sila sa mga taong kanilang lalapitan.
- Mahalaga ang basic na first aid. Importante din ang matuto tayo at ang ating pamilya kung paano magsagawa ng basic na first aid. Hindi lang ito makakatulong sa atin kung sakaling tayo ay masaktan, ngunit makakatulong din ito para tayo ay makatulong sa ibang tao kung sila naman ang nasaktan o naging biktima ng sakuna.
- Kapag ang anak ninyo ay nilapitan ng taong hindi nila kakilala at sinusubukan silang kausapin, turuan niyo silang tumanggi. Minsan may mga taong lalapit sa inyong anak na nagkukunwaring humihingi ng tulong. Mahalaga na turuan silang umiwas sa ganitong mga tao dahil posibleng may masama silang balak.Dapat matutunan nila na okay lang ang tumanggi at hindi magbigay ng tulong, lalo na kung kaduda-duda ang taong humihingi ng tulong sa kanila. Kapag ayaw pa silang tigilan ng taong di nila kilala, dapat gumawa sila ng gulo at mag-ingay upang tumawag ng atensyon sa kanilang sarili.
Source: ABC News
Basahin: Bata, patay matapos aksidenteng ma-trap sa loob ng condo unit!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!