Matagal nang inaalam ng mga doktor at siyentipiko kung ano ang posibleng maging sanhi ng autism.
Dati-rati ay iniisip nilang baka epekto ito ng pagka-expose ng bata sa mga kemikal, o kaya ay nasa genes nila. Ngunit ayon sa isang pag-aaral, posible raw na ito ay dahil sa ilang uri ng bacteria sa tiyan.
Bakit bacteria sa tiyan ang sanhi ng autism?
Napag-alaman ng mga researcher sa Qilu Children’s Hospital sa Shandong University, sa China na posible raw konektado ang gut bacteria, o bacteria sa tiyan, sa pagkakaroon ng autism.
Nagsagawa sila ng isang pag-aaral at natagpuang mayroong kakaibang uri ng mga gut bacteria ang mga batang mayroong autism. Ang mga bacteria raw na ito ay namana nila mula sa kanilang mga ina, nay mayroong katulad na uri ng bacteria.
Ayon sa kanila, konektado raw ang utak at tiyan dahil sa tinatawag na “gut-brain axis.” Ang gut-brain axis na ito ay kung paano “nag-uusap” ang tiyan at ang utak.
Posible raw na gumagawa ng mga kemikal ang bacteria na ito na nakakaapekto sa mga signal sa utak. Bukod dito, posible rin daw itong maging sanhi ng inflammation na nagdudulot ng autism.
Malaki pala ang epekto ng gut bacteria sa utak
Ayon pa sa isang pag-aaral, naaapektuhan raw ng gut bacteria ang development ng utak ng mga bata. Ibig sabihin, malaki ang nagiging epekto ng gut bacteria sa utak ng mga tao.
Ang gut bacteria ngayon ay kasalukuyan pa ring pinag-aaralan ng mga researcher. Pinaniniwalaan nilang sa pamamagitan ng pag-aaral nito ay mas mauunawan ang koneksyon ng iba’t-ibang bahagi ng katawan at ng utak.
Source: NCBI
Basahin: Impeksyon habang buntis, nagpapataas ng tiyansa ng autism at depression sa bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!