Impeksyon sa dugo ng buntis, pneumonia, flu o pagkakaroon ng UTI habang buntis. Nagpapataas ng tiyansa ng pagkakaroon ng autism at depression sa mga baby.
Mababsa sa artikulong ito:
- Impeksyon sa dugo ng buntis, pneumonia, flu at UTI sa buntis
- Paano makakaiwas sa impeksyon sa dugo, pneumonia, flu at iba pang sakit ang buntis
Ito ay ayon sa isang pag-aaral na nailathala sa journal of JAMA Psychiatry nito lamang nakaraang Linggo.
Impeksyon sa dugo ng buntis| Image from Freepix
Impeksyon sa dugo ng buntis, pneumonia, flu at UTI sa buntis
Ang pagdadalang-tao ng isang babae ay napakasensitibo. Sapagkat sa bawat pagbabago sa kaniyang katawan ay may kalakip na epekto ito. Lalo na sa development ng sanggol sa loob ng kaniyang sinapupunan.
Kaya naman ang pagkakaroon ng sakit o mga impeksyon habang nagbubuntis ay dapat iniiwasan. Upang hindi makasama sa baby ng kaniyang dinadala.
Kaugnay nga rito, isang bagong pag-aaral ang nagsabing ang pagkakaroon umano ng impeksyon sa dugo o sepsis, pneumonia, flu o kahit ang minor na urinary tract infection ay may malaking impact sa kalusugan ng sanggol.
Ito daw ay nagpapataas ng tiyansa ng autism at depression sa kaniyang paglaki.
Ito ay napag-alaman ng mga researchers matapos nilang pag-aralan at i-analyze ang health records ng mga buntis; na naospital mula 1973 hanggang 2014 sa Sweden.
Sa loob ng 41 years ay sinundan ng mga researchers ang health records at development ng kabuuang 1,791,520 na batang ipinanganak at nanatili sa Sweden sa pagitan ng mga nasabing taon.
Doon nga nila napag-alaman na ang mga batang ipinanganak ng inang nakaranas ng infection habang nagdadalang-tao ay may 79% na increased risk ng autism diagnosis at 24% naman ng increased risk ng depression noong sila ay tumanda na.
Nakita rin nila na ang mga batang na-expose sa infection sa utero ng kaniyang ina ay may mataas na tiyansa rin ng pag-cocommit ng suicide na maaaring dulot ng depression.
Ayon pa sa pag-aaral
Dagdag pa ng pag-aaral ang increased risk ng autism at depression sa mga baby ay hindi nakadepende sa lala o severity ng infection na naranasan ng isang buntis.
Basta ang fetus na kaniyang dinadala ay na-expose sa mga infection gaya ng sepsis, flu, pneumonia, meningitis, encephalitis, chorioamnionitis, pyelonephritis o UTI. Mayroon na mataas na ang tiyansa nitong magkaroon ng mga nasabing karamdaman.
Samantala, wala namang nakitang increased risk ng bipolar disorder o psychosis. Gaya ng schizophrenia sa mga batang naexpose sa infection habang ipinagbubuntis.
Ayon sa mga researcher sa pamumuno ni Adams Waldorf ay kailangan pa nilang magsagawa ng dagdag pa na pag-aaral upang mas maipaliwanag ang nagagawang impact ng mga infection na nabanggit sa fetus.
Kailangan ring tingnan kung paano naapektuhan nito ang areas ng fetal brain na napaka-vulnerable sa damage na dulot sa infection at inflammation.
Ito daw ang area o brain region na malaki ang role na ginagampanan sa social at emotional functioning ng isang tao.
BASAHIN:
5 month-old baby, pumanaw matapos painumin ng dugo para maprotektahan diumano sa virus
#AskDok: Totoo po ba na nagbabawas ng dugo kapag buntis kaya may spotting?
Spotting: Ano ang ibig sabihin ng pagdudugo sa buntis?
Impeksyon sa dugo ng buntis. | Image from Freepix
Para naman sa professor ng psychiatry na si Dr. Alan S. Brown ang ginawang pag-aaral ng mga researchers ay commendable.
Dahil daw nag-provide ito ng mas maraming ebidensya sa relasyon ng prenatal infection at autism.
Sa tulong nito ay mas nagkaroon ng potential ang exploration ng ugnayan ng prenatal infection at depression.
Gayuman, sinabi rin ni Dr.Brown na ang mga findings sa nasabing pag-aaral ay maaari ring maimpluwensiyahan ng treatment-seeking behaviors ng mga buntis na nakaranas ng infection.
Ito daw ay dahil may isang pag-aaral sa Taiwan ang nagsabing ang treatment sa infection sa third trimester ng isang buntis ay nakitaang may kaugnayan sa autism risk.
Dagdag niya rin ayon naman sa sariling pag-aaral na isinagawa, ang prenatal exposure sa mga pathogens gaya ng rubella, influenza, toxoplasmosis ay may kaugnayan naman sa schizophrenia.
Napag-alaman niya rin na ang prenatal influenza ay may kaugnayan naman sa bipolar disorder.
Para naman kay Dr. Margaret McCarthy isang neuroscientist, ang ginawang pag-aaral tungkol sa utero infection at health outcomes ng sanggol ay ang pinakamalaki at pinakakomprehensibong pag-aaral na naisagawa.
Ang mga findings daw tungkol sa impact ng infection sa brain development ng isang baby ay nagpapahiwatig na may mga areas at sensitive period ng brain development ang kailangan pang i-explore at pag-aralan.
Ano ba ang autism?
Isa itong kondisyon o disorder na may kaugnayan sa brain development ng isang tao. Ang karaniwang paglalarawan nito ay kapag ang isang bata ay may limitadong kakayahan sa pakikipag-usap.
Ganoon din ang paggamit ng kaniyang social skills o kaya naman kapag parang paulit-ulit o hindi karaniwang ang kaniyang pagkilos.
May ibang bata naman na may autism ang very sensitive. O kaya naman nakakaramdam ng sakit sa mga tunog, lasa, amoy o mga tanawin na normal lang para sa iba.
Kaya naman sila ay itinuturing na special kumpara sa ibang bata. Maaaring mild o banayad lang ang mapansin mong senyales ng autism sa iyong anak, pero mayroon rin namang iba na kapansin-pansin talaga ito.
Ayon sa World Health Organization (WHO), 1 sa 160 bata ang nada-diagnose ng autism. Walang gamot sa autism dahil isa itong kondisyon. Subalit ang mga batang may autism ay maaari pa ring mamuhay ng normal at maging produktibo.
Sa pamamagitan ito ng isang therapy at pagtuturo sa kaniya.
Ano naman ang depression?
Ayon naman sa American Psychiatric Association, ang depresyon o depression ay isang uri ng disorder. Kung saan naapektuhan nito ang nararamdaman ng isang tao.
Nagagamot naman ang depression, sa tulong ng mga therapy, o mga gamot. Isa sa mga naidudulot ng depresyon sa isang tao ay kalungkutan, kawalan ng pag-asa, nawawalan ng interes sa mga bagay na nagpapasaya sa kaniya noon.
Maaaring itong humantong sa isang emotional at physical problems, at makakaapekto rin ito sa pamumuhay ng isang tao.
Paano makakaiwas sa impeksyon sa dugo, pneumonia, flu at iba pang sakit ang buntis
Para naman makaiwas sa infection, narito ang ilang bagay na dapat gawin ng mga buntis.
- Panatilihing malinis ang katawan at laging maghugas ng kamay lalo na kung nag-aalaga ng maliliit na bata.
- Lutuin ng maigi ang karneng kinakain upang makaiwas sa mga harmful bacteria.
- Iwasan ang mga unpasteurized milk at foods dahil ito ay nagtataglay ng harmful bacteria.
- Magpabakuna laban sa sakit. Gaya ng sa flu vaccine para masigurong protektado ka laban sa sakit at ang sanggol na dinadala mo.
- Sumailalim sa STD, HIV at Hepatitis B test. Para malaman kung ikaw ay nagtataglay ng mga sakit na ito at agad na maagapan upang hindi mahawa ang sanggol na dinadala.
- Umiwas sa mga taong may impeksyon gaya ng tigdas at bulutong. Lalo na kung ikaw ay hindi nabigyan ng MMR vaccine bago magdalang-tao.
- Proteksyonan ang iyong sarili mula sa mga insekto nagdadala ng sakit gaya ng lamok. Gumamit ng mga insect repellents na may mga ingredients na safe sayo at sa baby mo.
- Huwag hahawak sa mga dumi o sa lupang maaring contaminated ng sakit. Maaring gumamit ng gloves at agad na maghugas ng kamay kung hindi makakaiwas mula sa mga ito.
- Kontrolin ang mga peste sa inyong bahay na maaring magdala ng sakit.
- Uminom ng vitamins na inirekomenda ng iyong doktor. Ugaliin ring uminom ng maraming tubig para masigurong ikaw ay properly hydrated.
Sources: Healthy Children, CDC, CNN
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!