Ano ba ang mga karaniwang sanhi ng pagtatae ng sanggol? Isa sa mga sakit na nakakairita para sa kahit sino man ay ang pagtatae. Bukod sa nagdudulot ito ng pagkabalisa, labis na nanghihina ang isang tao pagkatapos maranasan ito.
Kaya naman kapag si baby ang nagtatae, labis na nag-aalala ang mga magulang. Lubhang delikado kasi ito lalo na sa maliliit na sanggol dahil maaari silang ma-dehydrate.
Pero ano nga ba ang dapat gawin ng mga magulang para maiwasan ang pagtatae ni baby?
Bago natin malaman ‘yan, alamin muna natin kung ano ang diarrhea para sa mga bata at ang iba’t ibang sanhi ng pagtatae ng mga sanggol.
Diarrhea ni baby: Sanhi ng pagtatae ng sanggol
Inilalarawan ang diarrhea nang madalas at matubig na pagdumi ng isang tao, o sa kasong ito, ng baby.
Dahil normal para sa mga sanggol ang dumumi ng mahigit tatlong beses sa isang araw, dapat tandaan na ang diarrhea ay mas matubig at may kakaibang kulay at amoy.
Mas madalas din ito kaysa ordinaryong pagdumi ng bata. Idagdag pa ang pagsakit ng tiyan, lagnat at buo-buo pang pagkain sa dumi na hindi natunaw nang maigi.
Mga karaniwang sanhi ng pagtatae ng sanggol
Maraming posibleng dahilan ang pagtatae ni baby. Talakayin natin sila isa-isa pati na rin ang mga sintomas na ipinapakita nila.
-
Sanhi ng pagtatae ng sanggol: Viruses gaya ng rotavirus
Isa sa mga pinakakaraniwang sanhi ng pagtatae ng sanggol ay ang mga virus na dumadapo sa kanilang katawan. At ang pinakamadalas na sanhi ng diarrhea sa mga sanggol ay ang rotavirus.
Ayon kay Dr. Edwin Rodriguez, isang pediatrician, ang rotavirus ang isa sa mga dahilan kung bakit nagtatae ang isang sanggol o bata.
Ang diarrhea na dulot nito ay itinuturing na pangalawa sa sakit na pneumonia na nagdudulot ng sakit o maaaring maging dahilan ng kamatayan ng batang may edad 5-taong gulang pababa.
Ayon pa rin kay Dr. Rodriguez, hindi dapat ipagwalang bahala ng mga magulang ang pagtataeng dulot ng rotavirus. Dahil itinuturing ito na nag-iisang dahilan ng severe dehydrating gastroenteritis sa mga bata sa buong mundo.
Kapag napabayaan, maaaring makaranas ng mas malalang komplikasyon ang isang bata o kaya naman ay mauwi ito sa maaga niyang pagkasawi.
Sintomas ng diarrhea na dulot ng rotavirus
Ang rotavirus ay maaaring makuha ng isang bata o sanggol sa loob ng bahay. Ito’y maaaring pumasok sa kaniyang katawan sa pamamagitan ng kaniyang bibig. Maaaring kumapit ito sa mga bagay na kaniyang nahahawakan o isinusubo.
Isa sa mga dahilan kung bakit ang madalas na tinatamaan ng sakit na ito ang mga sanggol o maliliit na bata. Sapagkat sila’y madalas na pumupulot ng kung anu-ano at isinusubo sa kanilang bibig.
Ayon din kay Dr. Rodriguez, ilan nga sa sintomas ng pagtataeng dulot ng rotavirus sa mga bata ay ang sumusunod:
-
- Malalang pagtatae
- Duming matubig bagama’t walang dugo
- Pagsusuka
- Lagnat
- Pananakit ng tiyan
Ang mga sintomas na ito ay maaaring magsimulang maranasan sa loob ng dalawang araw matapos ma-expose sa rotavirus. Maaaring tumagal ng 3-8 araw ang pagtatae at pagsusuka.
Habang maaari din itong sabayan ng iba pang sintomas tulad ng kawalang-gana sa pagkain at dehydration na lubhang delikado para sa mga sanggol at maliliit na bata.
Dahil sa ito’y maaaring magdulot ng maraming komplikasyon sa mahina pa nilang katawan na maaaring maging sanhi ng kanilang pagkamatay.
-
Bacteria, sanhi ng pagtatae ng sanggol
Bagama’t hindi kasing karaniwan ng rotavirus, maaari ding magdulot ng pagtatae ng sanggol ang mga bacteria gaya ng salmonella. Narito ang ilan sa mga sintomas na maari mong bantayan:
-
- Pananakit at paninigas ng tiyan
- Pagkahilo at pagsusuka
- Lagnat
- Mayroong dugo o mucus sa kaniyang dumi
Ang pangunahing panganib ng pagkakaroon ng bacterial gastroenteritis ay ang dehydration.
-
Sanhi ng pagtatae ng sanggol: Parasite o giardia
Ang giardiasis ay isang nakakahawang sakit na sanhi ng microscopic Giardia parasite. Kumakabit ang parasite sa lining ng bituka ng bata at nagdudulot ng pagtatae.
Narito ang ilang sintomas ng giardia na dapat mong bantayan sa iyong sanggol:
-
- Mabaho at matubig na dumi
- Pananakit ng tiyan
- Pananamlay
- Kabag
- Malaki ang tiyan dahil sa kabag
- Kawalan ng gana kumain o dumede
- Pagkahilo at pagsusuka
- Mababang lagnat
-
Dulot ng pag-inom ng antibiotics
Ang antibiotics ay isang mainam na gamot para sa bacterial infection. Subalit minsan, isa sa mga ‘di kanais-nais na side effects nito ay ang pagtatae.
Kung ang sanggol ay mayroong antibiotic-associated diarrhea, mapapansin na magiging matubig ang kanilang pagdumi habang iniinom ang antibiotics. Maaari itong magsimula sa ikalawang araw ng pag-inom ng gamot at pwedeng tumagal ng hanggang 8 araw.
Kadalasan ay banayad lang ang mararanasang pagtatae kung antibiotics ang sanhi nito. Paalala sa mga magulang: dapat ay tuluy-tuloy pa rin ang pag-inom ng gamot kahit nakakaranas ng diarrhea. Siguruhin din na umiinom ng maraming fluids ang sanggol para maiwasan ang dehydration.
-
Pag-inom ng fruit juice
Ayon sa American Academy of Pediatrics o AAP, isa sa mga posibleng sanhi ng pagtatae ng sanggol ay ang pag-inom ng masyadong maraming fruit juice.
Dahil sa mataas na level ng sugar at presence ng bacteria sa fruit juice, nakakaranas ng pagtatae, kabag at bloating ang isang bata kapag nasobrahan ang inom niya nito.
Ito ay dahil wala pang kakayahan ang digestive system ng sanggol para madigest ang sugar na nasa fruit juice. Kapag hindi ito matunaw sa blood stream, dadaan ito sa pamamagitan ng bowel. Ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng kabag at matubig na dumi ang isang bata.
-
Allergy sa kaniyang gatas
Posible rin na ang sanhi ng pagtatae ng sanggol ay dahil mayroon siyang allergy sa kaniyang iniinom na gatas. Kapag allergic ang bata sa kaniyang gatas (kadalasan cow’s milk), nilalabanan ng kaniyang immune system ang protein nito at nagdudulot ng allergic reaction.
Isa sa mga senyales ng pagkakaroon ng allergy ng bata sa gatas ay ang pagtatae. Maaring lumabas ang allergic reaction ilang oras o araw matapos uminom ng gatas ang sanggol. Maaaring samahan ang diarrhea ng iba pang sintomas gaya ng pangangasim ng tiyan, pagsusuka at colic.
-
Food poisoning
Minsan, ang sanhi rin ng pagtatae ng sanggol ay kapag marumi at mayroong bacteria sa kaniyang kinain.
Ang mga mikrobyong ito ay maaaring makapasok sa ating pagkain o inumin. Maaaring hindi natin makita, maamoy o malasahan ang mga ito, pero malaki ang pwedeng maging epekto nito sa ating katawan,
Kapag ang mga mikrobyong ito ay makapasok sa ating sistema, maaari silang maglabas ng toxins. Nilalason nito ang ating katawan at nagdudulot ng pagtatae at pagsusuka. Maaari rin itong sabayan ng pagkahilo, pananakit ng tiyan at lagnat.
Pagngingipin, sanhi ba ng pagtatae ng sanggol?
Minsan, kapag ang bata ay nilalagnat o kaya nagtatae, sinasabi ng matatanda na “Nagngingipin lang ‘yan.” Subalit nakakapagdulot ba talaga ng sakit ang pagngingipin?
Ayon kay Dr. Maria Belen Vitug-Sales, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, hindi naman talaga mismong ang pagngingipin ang sanhi ng sakit ng sanggol, pero maaaring konektado ito sa mga bagay na kanilang isinusubo.
“Ang theory ko diyan kapag nagngingipin, the ipin starts to come out around 7 months. So around 6 months nanggigil na sila lahat ng puwedeng isubo, isusubo na nila.
And they like biting with everything, nanggigil na sila. Kasi siguro maga na iyong kanilang gums.
The fact that they put everything in their mouth gives them a risk of getting bacteria there and they may get diarrhea. Not because eksaktong lumabas iyong ngipin, pero nag-coincide at the same time.” paliwanag niya.
Tandaan na kung may lagnat, pagsusuka o pagtatae, maaaring may mas malaking dahilan ito, liban sa pagngingipin. Kaya mas mabuting kumonsulta sa pediatrician ni baby.
Ang panganib ng dehydration
Dahil sa mabilis na pagdaan ng dumi sa intestines ng bata, mabilis na natutuyo at nauubos ang tubig sa kaniyang katawan. Ito ang dahilan kung kaya dapat bantayan ang pagtatae ng sanggol – upang makaiwas sa dehydration.
Payo ni Dr. Sales, dapat ay mapalitan agad ang tubig na nawala sa katawan ng isang sanggol. “Kapag nagtatae, ang first priority is always to hydrate para mapalitan mo iyong nilabas niya. So you give more fluids now.” aniya.
Kung hindi maaagapan ang dehydration, maaari itong magdulot ng low blood pressure at pagkombulsyon, kaya paalala ni Dr. Sales, mahalagang ipaalam agad sa iyong doktor kung nagtatae ang iyong sanggol.
Sintomas ng dehydration
Ayon sa CDC, ang mga sintomas ng dehydration na dapat bantayan sa inyong mga anak ay ang sumusunod:
-
- Madalang na pag-ihi kumpara sa normal.
- Panunuyo ng labi at lalamunan.
- Pagkahilo sa tuwing tatayo.
- Pag-iyak na may kakaunti o walang luha.
- Hindi normal na pagiging antukin at irritable.
Paano malulunasan at maiiwasan ang pagtatae ng sanggol?
Walang gamot ang maaaring magbigay lunas sa pagtataeng dulot ng rotavirus. Ang tanging paraan lang upang maiwasang lumala ito ay ang pagsisiguro na ang pasyenteng nakakaranas nito ay nakakakuha ng sapat na fluids o tubig na kailangan ng kaniyang katawan.
Bigyan ng rotavirus vaccine ang iyong anak.
Kaya naman payo ni Dr. Rodriguez, mas mabuting iwasan itong maranasan ng iyong anak sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng rotavirus vaccine.
Ito’y sinisimulang ibinibigay sa mga batang may edad na 6 linggo na nakadepende ang formulation o beses ng pagbibigay base sa rekomendasyon ng pediatrician ng isang bata.
Paglilinaw si Dr. Rodriguez sa mga magulang na inaakalang sapat ng panlaban sa rotavirus ang nutrition na nagmumula sa kanilang gatas.
“Ang breastmilk ang pinakamahusay na source of nutrition para sa ating mga sanggol o anak. Totoo rin na may antibodies na makukuha sa breastmilk na maaaring makapagpababa ng incidence ng ear infection, pneumonia at diarrhea sa sanggol. Subalit tandaan natin na ang mga antibodies na galing sa breastmilk ay hindi panghabang-panahon. Sa katagalan sa loob ng 6-12 months maaaring bumaba ang antibodies na nakukuha ng mga babies sa breastmilk. At hindi rin kayang proteksyonan ng breastmilk ang ating babies sa lahat ng mga sakit na maaaring mlalabanan ng mga bakuna.”
Rekomendasyon ng doktor, huwag magdalawang-isip na pabakunahan ang iyong anak. Ito man ay rotavirus o iba pang uri ng vaccine na makakatulong na maproteksyunan siya laban sa mga sakit.
Siguruhing malinis ang kaniyang kapaligiran at kagamitan
Sa kanilang edad na mahilig silang mag-explore at magsubo ng kung anu-anong bagay, maaring makakuha si baby ng sakit mula sa mga ito.
Kaya naman dapat siguruhin na malinis ang mga bagay sa kaniyang paligid, lalo na ang mga isinusubo ng sanggol katulad ng kaniyang mga feeding bottles. Siguruhin din na laging malinis ang kamay ni baby.
Pagbibigay ng tamang pagkain
Kung kumakain na ng solid food ang sanggol, maaaring irekomenda ng doktor ang pagkain ng mga bland na pagkain tulad ng saging, applesauce at rice cereal hanggang matigil ang diarrhea.
Kung nagpapadede ka naman sa iyong baby, iwasan muna ang mga pagkain na maaaring magdulot ng diarrhea tulad ng mga pagkaing mamantika at mataas sa asukal at dairy.
Pumunta sa ospital
Ayon kay Dr. Sales, maaari namang gamutin ang diarrhea ni baby sa bahay. Subalit kung napapansin sa sanggol ang mga senyales ng dehydration at nahihirapan siyang uminom ng maraming fluids o dumede, makakabuting dalhin agad siya sa ospital para maagapan ito.
Huwag din magdalawang isip na dalhin sa doktor ang iyong sanggol kung:
- wala pa siyang 4 na buwan at nakakaranas ng
- lagnat
- pananakit ng tiyan
- may dugo sa kanilang dumi, o dumi na kulay itim, puti o pula
- labis na panghihina o pagkabalisa
- pagsusuka
Kapag mayroong katanungan tungkol sa pagtatae ng sanggol, huwag magdalawang-isip na kumonsulta sa pediatrician ng iyong anak.
Gamot sa pagtatae ng sanggol, mayroon ba?
Kung ang sanggol ay may pagtatae, mahalagang kumonsulta agad sa pediatrician bago magbigay ng anumang gamot. Sa karamihan ng mga kaso, ang pagtatae sa mga sanggol ay maaaring maging sanhi ng dehydration, kaya ang pangunahing paggamot ay ang pagpapanatili ng tamang hydration. Narito ang ilang tips:
- Rehydration solutions: Maaaring magbigay ng oral rehydration solutions (ORS) na espesyal na ginawa para sa mga sanggol upang palitan ang mga nawalang likido at electrolytes.
- Breastfeeding o formula: Patuloy na i-breastfeed ang sanggol o bigyan ng formula kung ito ang ginagamit. Ang mga likido mula dito ay makakatulong sa hydration.
- Pag-monitor ng pagkain: Iwasan ang mga pagkain na maaaring magpalala ng kondisyon, tulad ng mga dairy products, kung ikaw ay nagpapasuso.
- Pagpapayapa sa tiyan: Siguraduhing ang sanggol ay nakakapagpahinga nang maayos at huwag pilitin kumain kung wala siyang gana.
Huwag gamitin ang over-the-counter na gamot para sa pagtatae sa mga sanggol nang walang payo ng doktor, dahil maaari itong magdulot ng hindi inaasahang epekto. Ang doktor ay makapagbibigay ng tamang pagsusuri at rekomendasyon para sa paggamot.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.