Mababasa sa artikulong ito:
- Sino ang inirerekumendang gumamit ng injectable bilang contraception method?
- Ano ang side effect ng injectable na maaring maranasan ng babaeng gagamit nito?
Ano ang injectable? Paano nito napipigilan ang pagbubuntis?
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Ayon sa Department of Health, ang injectable ay isa sa modern at highly effective na family planning method na available dito sa bansa. Kilala rin ito sa tawag na Depot-Medroxyprogesterone Acetate o DMPA.
Napipigilan ng injectable ang pagbubuntis sa pamamagitan ng pagpigil sa ovary na mag-release ng mature eggs. Pinapakapal rin nito ang cervical mucus sa itaas na bahagi ng uterus na nagpapahirap sa sperm na makapasok at makipag-meeting sa eggs ng babae.
Ang isang babae ay inirerekumendang mabigyan ng injectable o DMPA sa kaniyang upper arm o braso o kaya naman ay sa kanyang puwit.
Sino ang puwedeng gumamit ng injectable bilang contraception method?
Paliwanag naman ni Dr. Arlene Ricarte Bravo, active consultant OB-Gyne sa Makati Medical Center ang injectable ay isang purely progesterone na contraceptive. Inirerekumenda itong ibigay sa mga babaeng nagpapasuso. Maaaring mabigyan ng proteksyon ang isang babae sa loob ng tatlong buwan.
Paliwanag ni Dr. Bravo,
“Ang injectable, isa rin ‘yang purely progesterone. Ang puwedeng gumamit is ‘yung mga nagpapadede. Long term din siya kasi it will last in your body for 3 months. So, every 3 months, iinject ka. By the way ang ibinibigay sa injectable ay medroxyprogesterone acetate. It’s a different kind of progesterone, magkakamag-anak iyan with the levonorgestrel, iba iba lang yung effect niya.”
Ayon naman sa Mayo Clinic, maliban sa mga breastfeeding moms, perfect rin ang injectables bilang contraception method para sa mga sumusunod na kakabaihan.
- Sa mga babaeng ayaw o nahihirapang uminom ng birth control pills araw-araw.
- Babaeng umiiwas sa hormone na estrogen
- Sa mga babaeng may health problems tulad ng anemia, seizure, sickle disease, endometriosis o uterine fibroids.
Benepisyo ng paggamit ng injectables
Medical photo created by freepik – www.freepik.com
Sa paggamit ng injectables, ang ilan sa mga benepisyong naibibigay nito sa kababaihan maliban sa pagpipigil sa hindi planadong pagbubuntis ay ang sumusunod:
- Inaalis nito ang pangangailangang gumamit ng mga interruption tulad ng condom sa pakikipagtalik.
- Binabawasan nito ang tiyansang makaranas ng menstrual cramp at pain ang mga babae.
- Nakakatulong din itong ma-lessen ang menstrual blood flow ng isang babae. May ilang babae ang nakapagsabing tumigil ang kanilang regla habang gumagamit nito.
- Binabawasan nito ang risk ng isang babae na magkaroon ng endometrial cancer.
Sino ang hindi ipinapayong gumamit ng injectable?
Sa kabila ng nabanggit na mga benepisyo ng injectable, ito naman ay hindi ipinapayong gamitin ng ilang kababaihan. Partikular na sa mga nakakaranas ng mga sumusunod.
- Unexplained vaginal bleeding
- Breast cancer
- Liver disease
- Sensitivity sa anumang component ng Depo-Provera o Depot-Medroxyprogesterone Acetate (DMPA).
- May risk factors ng osteoporosis.
- May history ng depression
- Nagkaroon o nakaranas ng heart attack o stroke.
- Uncontrolled high blood pressure
- Diabetes
Long term side effect ng injectable
Para maiwasang magkaroon ng komplikasyon, ang paggamit ng injectable ay mabuting mag-pakonsulta muna sa doktor kung nag-paplanong gumamit nito.
Saka ipaalam sa kaniya kung nakakaranas ng mga nabanggit para siya ay makapagrekumenda ng best contraception method para sa ‘yo.
Ang injectable hindi rin pinapayong ibigay sa mga batang kababaihan. Partikular na sa mga edad 18-anyos pababa. Sapagkat sa ang injectable may long term side effect.
Isa rin sa dahilan kung bakit ito hindi inirerekumendang gamiting contraception method ng isang babae ng pangmatagalan.
“Hindi rin namin ito ibibinigay sa mga bata na pasyente like sa mga kaka-teenager lang ‘yung mga 17-18 years old. Kasi nga long term ang effect niya, it depletes bone mass so nagko-cause siya ng osteoporosis. So hindi siya dapat ibigay ng pangmatagalan o kung ibigay siya you supplement with calcium kasi nababawasan ‘yung bone mass,” ani ni Dr. Bravo.
Ang pahayag na ito ni Dr. Bravo ay ayon sa isang pag-aaral. Ang parehong pag-aaral na pinagbasehan ng FDA o Food and Drug Administration para magbigay ng warning na ang Depo-Provera ay maaari lang gamitin ng isang babae hanggang sa dalawang taon.
BASAHIN:
Ano ang Myoma at paano mo malalaman kung mayroon ka nito?
Injectable Contraceptive: Epekto, side effects, at bisa
Birth Control Pills: Ang mga epekto kapag tumigil kang uminom nito
Short term side effect ng injectable
Maliban sa pinaparupok at pinapahina nito ang buto, ang iba pang side effect ng injectable ayon kay Dr. Bravo ay ito,
“This kind of contraception, androgenic siya. When you say androgenic, pinapataas niya ‘yung testosterone sa katawan mo.”
“So hindi siya maganda sa skin. Puwede ka mag-acne, lalaki mga pores mo, magiging oily. Pero kung halimbawa ‘yung babae malakas ang estrogen sa katawan hindi niya nafi-feel ‘yun na parang pumapangit ‘yung skin niya.
“Lalo na kapag, thirty something na talagang medyo may kataasan pa ‘yung kanyang estrogen. And it has slight weight gain. Sometimes they feel dry, drier than the one taking the contraceptive pill. Kasi nga purely progesterone siya, wala siyang estrogen. ‘Yung lubrication affected.”
Hand photo created by jcomp – www.freepik.com
Maliban sa nabanggit ay maaari ring makaranas ng sumusunod pang side effect ang babaeng nabigyan ng injectable.
- Pananakit ng tiyan
- Bloating
- Kawalan ng gana sa pagtatalik
- Depression
- Pagkahilo
- Pananakit ng ulo
- Irregular periods
- Pagiging nerbyosa
- Panghihina o labis na pagkapagod
Ang mga nabanggit niyang side effect ng injectable ay unti-unti naman umanong nawawala makalipas ang ilang linggo o buwan ng magsimulang gumamit nito ang isang babae.
Iba pang side effect ng injectable
Ayon naman sa Mayo Clinic, hindi rin recommended ang injectable bilang contraception sa mga babaeng nagbabalak magbuntis sa susunod na taon o mga buwan.
Sapagkat isa pang side effect nito ay dine-delay nito ang pagbabalik ng fertility. Maari nga umano umabot ng hanggang 10 buwan bago mag-ovulate ang isang babae matapos gumamit ng contraception method na ito.
Hindi rin napoprotektahan ng injectable ang isang babae mula sa sexually transmitted disease. Sa katunayan ay pinapataas pa nito ang risk ng isang babae na magkaroon ng STD tulad ng chlamydia at HIV.
Bagama’t sa ngayon ay hindi pa tukoy kung nangyayari ba ito dahil sa hormonal changes o sa behavior ng babaeng gumagamit nito.
Paano maghahanda sa paggamit ng injectable bilang contraception method?
Kung nagpaplanong gumamit ng injectable bilang contraception method, ang unang dapat gawin ay magpakonsulta muna sa doktor. Ito ay para masiguro na hindi ka buntis bago gumamit nito.
O kung angkop ba ang contraception method na ito para sa ‘yo. Sa pagpapa-checkup ay asahan ng tatanungin ka ng iyong doktor tungkol sa iyong medical history. Tatanungin kung anong gamot ang iyong mga iniinom at titignan din ang iyong blood pressure.
Kung sakali namang natukoy na ikaw ay good candidate o ligtas na bigyan ng Depo-Provera shot, ang unang injection mo ay ibibigay sa loob ng pitong araw bago ka magka-regla.
Kung ikaw naman ay bagong panganak palang, maaaring maibigay ang unang injection mo sa loob ng 5 araw matapos kang manganak.
Pero sa ibang kababaihan, maaaring simulan ang paggamit ng injectable bilang contraceptive method anumang oras. Basta’t sigurado lang na hindi ka nagdadalang-tao.
Matapos ang 13 linggo o 3 buwan ng maibigay ang unang Depo-Provera shot ay saka palang muling mabibigyan ng sumunod na shot nito. Sapagkat tulad ng nauna ng nabanggit ang injectable ay binibigyan proteksyon ang isang babae mula sa pagbubuntis sa loob ng 3 buwan.
Mahalagang paalala
Samantala, matapos na maibigay ang iyong unang shot ng Depo-Provera at nakaranas ng mga sumusunod ay agad na ipaalam sa iyong doktor.
- Depression
- Malakas na pagdurugo
- Hirap sa paghinga
- Nana, pamumula, pananakit o pangangati sa injection site o bahagi ng katawan na binakunahan
- Labis na pananakit ng ibabang bahagi ng tiyan
- Seryoso o malalang allergic reaction
Ito ay upang maiwasan ang mas malalang problema. Sapagkat ang mga ito ay maaring palatandaan na hindi angkop sa ‘yo ang contraception method na ito.
Source:
Mayo Clinic, DOH, WHO
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!