Marahil ay nakarinig ka na o may kakailala kang babaeng nagkaroon ng myoma. Pero ano ba ang myoma at ano ang mga sintomas nito? Iyan ang aalamin natin.
Mababasa sa artikulong ito
- Ano ang myoma?
- Paano mo malalaman na mayroon kang mayoma
- Mga komplikasyon ng surgery para sa myoma
Ano ang myoma?
Ang uterine fibroids, o mas kilala sa tawag na myoma ay pangkaraniwang nararanasan ng mga babae. Tinatayang nasa 20 porsyento ng mga kababaihan ay maaaring magkaroon nito. Ang myoma ay parang mga hibla o butlig na kadalasang tumutubo sa uterus nating mga babae.
Hindi pa natutukoy kung ano talaga ang sanhi ng myoma. Maraming kababaihan na may myoma ang walang kamalay-malay na mayroon sila nito at hindi nagkakaroon ng mga kumplikasyon mula rito.
Karamihan din ng mga babaeng may myoma ay hindi nakakaranas ng mga sintomas, at nalalaman na lang nila kapag nagpa-checkup sila at na-ultrasound ng kanilang pelvis.
Ang mga hibla o butlig sa kanilang uterus ay maaaring lumaki o hindi magbago ang sukat pero bihira itong lumiliit, puwera na lang sa menopause.
Larawan mula sa iStock
Mga sintomas ng myoma
Gaya ng nabanggit, hindi agad matutukoy ng isang babae kung mayroon siyang myoma. Pero narito ang ilang senyales at sintomas na pwedeng maranasan ng mga babaeng may myoma:
Kadalasang malakas ang daloy at mas kasamang blood clots ang regla o period ng isang babaeng may myoma. Maaaring makaramdam siya ng panghihina, pagod at hingal dahil sa anaemia o pagkakaroon ng mababang blood count.
Kapag sinuri, maaraing mapansin ng iyong doktor na malaki ang iyong womb o sinapupunan. Kadalasan, maliit lang ito at dahil nasa likod ng pelvic bone, hindi ito nakakapa mula sa tiyan.
Pero kapag nakapa na ito ng iyong doktor, ang ibig sabihin ay malaki na ito at maaari kang sumailalim sa isang surgery.
Sapagkat maaari itong sumagi sa ating pantog o bladder, pwedeng magdulot ang myoma ng problema sa pag-ihi. Maaring mas madalas na pag-ihi o hirap silang umihi.
Gayundin, maaari rin itong sumagi sa ating rectum na magsanhi ng problema sa pagdumi o madalas na pagdumi.
Maaari rin itong magdulot ng pananakit ng iyong puson kapag nagagalaw o napipilipit (kapag nakapuwesto ito sa ilalim ng iyong sinapupunan) o kaya naman kapag naging mabilis ang paglaki ng mga ito.
-
Kumplikasyon sa iyong pagbubuntis
Kapag nahaharang ng mga hibla ang iyong fallopian tubes o kaya naman ang lugar kung saan nabubuo ang pagbubuntis, maaari itong makaapekto sa iyong kakayahan na magbuntis o maging sa iyong pagbubuntis.
Sa mga ganitong pagkakataon, kailangan mong pag-isipan kung gusto mong magpa-opera.
Ang kadalasang sanhi ng paglaki ng mga butlig ay ang hormone na estrogen na nagmumula sa ating ovary. Naglalaho lang ang hormone na ito pagdating ng menopause.
Ang ibig sabihin nito, habang ang isang babae ay nagreregla, mas malaki ang posibilidad na magkaroon siya ng myoma. Kapag nagsimula na ang menopause, mababawasan ang posibilidad nito ng 50 porsyento.
Kapag wala namang nararamdamang sintomas ang pasyente, pinapayuhan lang siyang i-monitor ang kanyang myoma sa pamamagitan ng regular na pagpapa-ultrasound, lalo na kung siya ay malapit na sa menopause age (edad na 51 hanggang 53).
0.03 porsyento lang naman ang posibilidad na makapagdulot ng cancer ang myoma. Kadalasan kung ito ay nasa 6 centimeters na ang laki.
BASAHIN:
Myoma: Ano ito at paano nakaka-apekto sa kalusugan ng babae?
Sanggol, kinuha mula sa sinapupunan ng ina, at ibinalik matapos operahan
Pananakit ng puson: Sanhi, sintomas, at gamot para dito
May gamot ba sa myoma?
Sa kasamaang palad, wala pang gamot ang myoma. Pero mayroong injection na pwedeng makapagpaliit dito ng 50 porsyento sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan. Hindi pwedeng sumobra sa 6 na buwan ang paggamit ng injection dahil maaari itong magkaroon ng masamang epekto, kasama na ang paghina ng mga buto.
Kapag tinigil na ang paggamit ng injection, muling lalaki ang myoma.
Mayroon nang oral medication na naimbento para lumiit ang myoma noon, pero ipinagbawal ito sa Singapore noong 2020 dahil maaari itong maging sanhi ng sakit sa atay.
Surgery para sa myoma: Mga dapat mong malaman
Larawan mula sa iStock
Kung naisip mo nang magpa-opera, kailangan mo ring pag-isipan kung ang gagawin bang procedure ay myomectomy o tatanggalin ang mga myoma, o hysterectomy kung saan tatanggalin na ang buong sinapupunan.
Para sa mga may balak pang mabuntis o ayaw tanggalin ang kanilang womb o bahay-bata, myomectomy ang surgery na pilipili. Mayroon lang 15 porsyento na babalik uli ang iyong myoma kung saan ito dating tumubo o sa ibang bahagi ng uterus.
Ang myomectomy ay isinasagawa sa pamamagitan ng open abdomen method (bubuksan ang iyong tiyan) o keyhole surgery kung saan bubutasan ng maliit ang iyong tiyan at saka tatanggalin ang myoma.
Subalit kung masyadong malaki ang mga hibla, hindi nirerekomenda ang keyhole surgery dahil kailangan pang durugin ang myoma at may posibilidad na kumalat ito at magdulot ng cancer.
Mahirap din na tahiin ang masyadong malalaking hibla at hindi kayanin ng laparoscopy. Maaari rin itong maging sanhi ng pagputok ng iyong sinapupunan kapag nanganak ka at sumailalim sa normal vaginal delivery.
Depende sa iyong surgeon at sa kaso ng iyong myoma, maaari rin itong padaanin sa vagina. Maaaring tanggalin ang myoma sa pamamagitan ng hysteroscopic resection.
Kung hysterectomy naman ang iyong pipiliin, maaari itong gawin sa pamamagitan ng open method, keyhole surgery o dadaan sa vagina.
Ang kagandahan ng vaginal surgery, hindi ito nag-iiwan ng peklat sa iyong tiyan, mas mabilis ang recovery at hindi ito kasingsakit ng mga ibang paraan.
Maaaring maging kumplikasyon
Larawan mula sa iStock
Mayroon ding mga kakabit na kumplikasyon ang pagpapa-opera para matanggal ang myoma. Ilan sa pwedeng mangyari ay magkaproblema sa anesthesia, sobrang pagdurugo, magkaroon ng impeksyon o maapektuhan ang mga bahagi ng katawang may kinalaman sa pagdumi at pag-ihi.
Isang makabagong paraan naman na maaring gawin ay ang embolisation ng arteries o blood vessel na dumadaloy sa sinapupunan, at pagtanggal ng myoma sa pamamagitan ng ultrasound waves at ginagabayan ng MRI.
Subalit hindi nirerekomenda ang mga bagong paraang ito sa mga babaeng gusto pang mabuntis dahil pinapahina nito ang iyong sinapupunan, at maari itong pumutok kapag ikaw ang nanganak.
Kung malaki ang myoma na tatanggalin, maaring magtagal ang surgery ng ilang oras at maaring makaranas ang pasyente ng sakit pagkatapos maoperahan. Gayundin, hindi rin madaling tukuyin kung cancerous ang myoma dahil sa kakulangan ng histology o pagsusuri sa myoma.
Maaari namang ipagpaliban ang surgery o paggamot sa myoma kung maliliit lang naman ito.
Bagamat mas madali ang mga makabagong paraan ng pagtanggal ng myoma, hindi naman ito nirerekomenda para sa lahat at mayroon lang mga kaso na maaaring isagawa ito. Naghihintay pa rin ng mga maraming data at resulta mula sa mga pasyenteng sumailalim sa ganitong operasyon.
Ang payo ko sa aking mga pasyente,
“Pumunta ka sa doktor kapag wala kang sakit, at hindi kapag may nararamdaman ka nang sakit.” Huwag maghintay na makaramdam ng sintomas ng myoma bago ka magpa-checkup.
Si Dr Christopher Chong ay isang pioneer sa usapin ng Incontinence, Prolapse and Pelvic Reconstruction Surgery, at isa sa mga unang urogynaecologist sa Asia na nagsasagawa ng mga surgery na may kinalaman sa myoma. Libo-libong pasyente na rin ang naoperahan ni Dr. Chong.
Translated with permission from theAsianparent Singapore
Translated in Filipino by Camille Eusebio
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!