9 signs na malapit nang manganak ang buntis
Pagsapit ng kabuwanan, simula na rin ito nang hindi mapagpakaling mga oras sa bawat araw na lumilipas para sa nagbubuntis; tila isang paghahanda ng katawan para sa nalalapit na araw panganganak. Mahahalagang senyales na manganganak na ang buntis, tunghayin!
Nararamdaman mo na bang malapit nang lumabas si baby? Alamin ang ilang sign na malapit na manganak.
First-time mom ka man o ilang beses nang nabuntis, paniguradong hindi mo tiyak ang eksaktong oras kung kailan ka manganganak. Dito pumapasok ang kahalagahan ng pagiging mapanuri sa sariling katawan, at sa pang araw-araw na pagbabago ng mga nararamdaman at nararanasan ng isang buntis.
Ang iyong katawan ay dumaan sa napakaraming pagbabago sa panahon ng iyong pagbubuntis. Marahil ay sanay ka na sa pananakit ng likod at balakang, pagtulog ng nakatagilid at madalas na pag-ihi.
Pero habang lumalapit ang iyong due date, makakaranas ka uli ng mga pagbabago sa iyong katawan na maaaring maging senyales na naghahanda na ito para sa labor at malapit ka nang manganak.
Importanteng bantayan ng isang buntis ang mga senyales na ito para mas maging handa ang iyong katawan at isipan sa nalalapit na panganganak.
Talaan ng Nilalaman
9 signs na malapit nang manganak ang buntis
Narito ang ilang sintomas na maari mong maramdaman sa ikatlong trimester na makakapagsabing malapit ka nang manganak:
1. Mababa na ang tiyan ng buntis
Isa sa mga sign na malapit na manganak ay kapag pagtuntong ng isa hanggang apat na linggo bago ang iyong due date, nagsisimula nang bumaba si baby sa direksyong pababa sa iyong balakang (pelvis).
Ayon kay Dr. Rebecca Singson, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, malalaman kung mababa na ang tiyan ng buntis kung ang ulo ng sanggol ay bumaba na sa birth canal. Kasabay nito ang pagbaba ng uterus ng 2-3 centimeters. Pahayag niya,
“Usually bumaba ‘yung tiyan kapag nag-i-engage ‘yung head o kapag bumaba ‘yung head dun sa birth canal. We say engage kapag ‘yong fetal head goes down to the level of ischial spines of the mommy, dun sa birth canal.”
Sa isang banda, maaari mong mapuna na mas maluwag na ang iyong paghinga dahil hindi na ganoon kabigat ang pressure na dala ni baby sa iyong baga, kumpara sa dati niyang puwesto.
Gayundin, nawawala na ang pressure sa iyong tiyan kaya nawawala na rin ang sintomas ng heartburn o indigestion na idinadaing ng mga buntis.
Pero dahil mababa na ang pwesto ni baby at nakadagan siya sa iyong pantog, asahan ang mas madalas na pag-ihi bagamat paunti-unti lang. Paliwanag ni Doc Becky,
“Parang medyo mas nakakahinga na siya ng maluwag. Kasi mas mababa na ‘yung excretion ng lungs kasi mas malaki na ‘yong space. And then parang hindi na siya masyadong sinisikmura. Puwede ring that drop can cause iipitin niya ‘yung bladder mo kaya wiwi ka ng wiwi. Kasi ang baba niya na eh.”
Ayon pa sa doktora, kadalasang nangyayari ang pagbaba ng tiyan ng buntis o pag-engage ng ulo ni baby sa huling dalawang linggo ng pagbubuntis o 7 hanggang 10 araw bago manganak. Dagdag pa niya,
“Actually, the research shows that the most babies mga 80% nag-iengage mga 39 to 40 weeks and usually average of mga 7 to 10 days bago manganak doon nag-iengage yung head. That’s a good sign na malapit ka ng manganak kapag bumababa na yung head ni baby pero hindi naman immediate o hindi naman agad-agad.”
2. Nagsisimula nang bumuka ang sipit-sipitan o cervix
Kapag kabuwanan na, bukod sa regular ultrasound at consultation na isinasagawa sa clinic ng iyong OB-gyn, magsisimula na ring sukatin ng doktor ang iyong sipit-sipitan o cervix. Ito ang tinatawag na internal examination o IE.
Sinusuri ng doktor o midwife kung unti-unti na nga bang bumubuka ang sipit-sipitan ng ina, dahil ito ang magsisilbing pintuang lalagusan ni baby sa takdang panahon ng pangananak.
Habang lumalapit ang iyong due date, gumagawa ang iyong katawan ng prostaglandin at nagsisimulang magcontract. Tinutulungan nito na lumambot at numipis ang iyong cervix para maging handa sa panganganak.
3. Mas madalas pamumulikat at pananakit ng balakang
Habang tumatagal na lumalaki at bumibigat ang dinadalang bata sa iyong sinapupunan, likas lamang na makaranas ka ng mas madalas at higit na matinding pamumulikat at pagsakit ng iyong balakang.
Sapagkat ang ulo ng iyong baby na nasa ibaba na, nagdudulot ito ng matinding pressure sa mga ligaments sa paligid ng iyong pelvis kaya sumasakit ang iyong balakang.
Isa pang maaaring dahilan ng pananakit ng balakang at pamumulikat ay ang hormone na relaxin. Pinapaluwag nito ang ating mga joints bilang paghahanda sa nalalapit na panganganak.
Pero dahil naaapektuhan nito ang ating mga joints sa balakang hanggang sa hita, nagdudulot ito ng pananakit sa ating pubic bone at kuryente o pamamanhid sa ating mga hita.
4. Nakararamdam ng parang nagluluwagan o naghihiwalay ang joints sa katawan
Isa pang nagagawa ng relaxin ay palambutin ang mga litid at paluwagin ang mga joints sa katawan.
Muli, isang paraan ito ng katawan upang paghandaan lalo na ang pagbuka ng sipit-sipitang paglalabasan ng bata.
Ayon rin kay Doc Becky, maaaring maghiwalay ng kaunti ang mga buto sa pubic area para magbigay daan sa ulo ni baby (lalo na kung malaki ang ulo ng bata). Tinatawag itong symphysis pubis.
“Usually dalawang buto ‘yan na puwedeng maghiwalay ng konti to accommodate a bigger diameter lalo na kapag malaki ang ulo ni baby. ‘Yung bones ni baby overlappable ‘yan, kung kailangan nyang dumaan sa masikip. At the same time ‘yung bones ni mommy expandable din ng konti.” paliwanag niya.
5. Nagtatae
Ang pagtatae ay mahalagang bahagi ng pagkakalma ng katawan ng buntis bilang paghahanda sa nalalapit na panganganak. Bagama’t iniiwasan ito hangga’t maaari, hindi ito mapipigil. Panatilihing hydrated ang katawan, at maging maingat sa mga posibleng disgrasya ng madalas na pagpunta sa banyo.
Pero kung ang pagtatae ay may kasamang matinding pananakit ng tiyan o kaya tumatagal ng higit sa dalawang araw, ipagbigay-alam agad sa iyong doktor.
6. Hindi na nadaragdagan o unti-unti pa ngang nababawasan ang timbang
Sa mga huling linggo ng pagbubuntis, at nalalapit na araw ng panganganak, humihinto nang maragdagan ang timbang ng nagdadalang-tao.
Huwag mangambang masama ang epekto nito sa iyong baby. May ilang rason kung bakit nangyayari ito: una, maaring ibig-sabihin ay unti-unti nang nababawasan ang amniotic fluid na nagsisilbing unan, pumoprotekta, at namamagitan sa pagdadala ng nutrients sa sistema ng baby mula sa ina.
Dahil sa dumadalas ang iyong pag-ihi at pagpapawis, maaaring mas nababawasan ng tubig o fluids sa iyong katawan kaya hindi na nadaragdagan ang iyong timbang.
7. Nagbabago ang kulay ng vaginal discharge
Madalas na nagkakaroon ng kakaibang vaginal discharge ilang oras na lamang bago manganak ang buntis. Karaniwan itong buo-buo na parang hitsurang regla.
Ito ang mucus plug na nakabara o nakaharang sa sipit-sipitan ng buntis. Ang paglabas nito ay indikasyong bumubuka na ang daanan ng bata palabas ng sinapupunan.
Malaking tulong ang paggamit ng maternity pads kapag may discharge upang maiwasang matagusan ang underwear na suot.
8. Mas tumitindi at mas dumadalas na paghilab ng tiyan
Mainam na senyales ng active labor ang paninigas ng tiyan o pagkakaroon ng contractions. Indikasyon ito ng pagsasanay ng matris sa aktuwal na paghilab ng tiyan at paglabas ng bata. Tinatawag din itong Braxton Hicks contraction.
Pero paano ba malalaman kung ang contractions ay Braxton Hicks o tunay na contractions at nagsisimula na ang labor? Ibinahagi ni Doc Becky ang pagkakaiba ng dalawa:
“One of the differentiating factors is, Braxton Hicks should not be painful. Kapag painful, baka preterm labor ‘yan, Pangalawa it should not lead to cervical dilatation. Kasi kung nag-o-open ‘yung cervix , aba ay labor na ‘yan.”
Dagdag pa niya, ang tunay na contractions ay tuloy-tuloy ang paghilab ng tiyan at hindi nawawala kahit mag-iba ng posisyon ang buntis.
“Yung Braxton Hicks, it happens usually kapag nag-change ng position si Mommy, tumayo or humiga magkocontract si uterus. It is usually an isolated contraction hindi siya yung tuluy-tuloy na may regularity. Kung may regularity especially kapag more than 2 in 30 minutes hindi na yun normal. Baka contractions na yan talaga.” aniya.
9. Pagputok ng panubigan
Halos 15% lamang ng nagbubuntis ang nakararanas na maputukan ng panubigan bago ang aktuwal na panganganak. Bagama’t isa ito sa pinakakongkretong senyales na manganganak na ang buntis, hindi na ito dapat pang hintaying mangyari bago magtungo sa hospital o magpatawag ng komadrona para manganak.
Delikado para sa baby kung mauubos ang amniotic fluid habang nasa loob pa siya ng sinapupunan, kaya payo ni Doc Becky, sa sandaling pumutok ang iyong panubigan, magtungo na agad sa ospital.
“Kung tubig ang nakita mo na parang nababasa ‘yong panty, pero alam mong hindi ka umihi, tapos hindi naman smell ng ihi, baka panubigan na ‘yon. Ayun kahit walang contraction magpunta ka na sa hospital. Kasi baka nag-rupture na yung water bag mo,” ani Doc Becky.
Mga paalala sa buntis kapag malapit nang manganak
Kung nararanasan na ang mga senyales na nabanggit, patuloy lang na obserbahan ang iyong sarili para mapanatiling ligtas ang iyong pagbubuntis.
Narito ang ilang bagay na dapat mong tandaan kapag nararamdaman mong malapit ka nang manganak.
1. Alamin ang mga senyales ng totoong labor.
Payo ni Doc Becky, alalahanin ang tatlong bagay kapag nakakaramdam ng paghilab ng tiyan: “I always tell my patients that there are 3 things that you need to remember, time, interval and duration.” Makakatulong din na i-plot ang pagitan ng bawat contraction at kung gaano katagal ang paninigas ng tiyan. “Kapag every 5 minutes ‘yong contraction at lasting ng 1 minute its time to go to the hospital na ‘yan,” aniya.
2. Bawat pagbubuntis ay magkakaiba.
Maaaring ang naranasan mo sa una mong pagbubuntis ay iba sa mararanasan mo sa kasunod. Gayundin, ang mga naranasan ng iyong kaibigang dati nang nagbuntis ay maaaring iba sa magiging karanasan mo.
3. Patuloy na obserbahan ang sarili.
Mula sa unang araw na nalaman mong buntis ka hanggang sa panahong nalalapit na ang paglabas ni baby, mahalaga na tandaan mo kung ano ang normal at hindi normal sa iyong pagbubuntis.
Bilangin mo ang mga sipa at paggalaw ni baby. Alamin kung tuwing kailan ka nakakaranas ng sakit sa iyong balakang at paghilab ng tiyan.
Nakasalalay sa maayos na pagsusuri ng mga pagbabago sa sarili ang pagiging handa mo at ang kaligtasan ng iyong panganganak.
4. Huwag mahiyang magtanong sa iyong doktor.
Ibahagi ang lahat ng mga pagbabagong nararanasan mo sa iyong OB-GYN, lalo na sa mga huling linggo ng iyong pagbubuntis. Kung may mga tanong at alinlangan, huwag magdalawang-isip o matakot na magtanong. Dahil susi pa rin ito sa iyong kapanatagan at pag-iwas sa pag-iisip ng kung ano-ano.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
- Buntis na manganganak na, pinalipat diumano ng ospital at tinanggihan daw ihatid ng ambulansya
- Mucus plug: Senyales na manganganak na
- 10 parenting mistakes kung bakit lumalaking hindi close ang bata sa magulang
- Ryan Agoncillo on Yohan's adoption: “Medyo nag-iingat ako ayokong mapa-ibig don sa bata.”