Acid reflux sa mga buntis: 6 na kailangan malaman tungkol dito

Acid reflux sa mga buntis: 6 na kailangan malaman tungkol dito

Ang karaniwang mga sintomas ng pananakit ng tiyan ay maaaring mas malalang kondisyon na pala. Ano nga ba ang mga dapat malaman tungkol sa acid reflux?

Alamin ang mga sintomas ng acid reflux (sintomas ng heartburn) sa mga buntis.

Nakakaramdam na nang mas madalas na palpitations, heartburn, at hirap sa pagdighay si Editha Buluran, lalo’t kapag madami siyang nakain. Kaya nga nag-desisyon na siyang magpatingin sa kaniyang doktor. Ayon dito, sintomas ng acid reflux (sintomas ng heartburn) ang nararamdaman niya.

Ano nga ba ang acid reflux, at bakit mahalagang masupil ito bago pa tumagal?

Ito ay isang kondisyon na may mga animo’y hindi malalang sintomas tulad ng heartburn sa ibaba ng dibdib, at nangyayari kapag bumabalik sa food pipe o esophagus ang stomach acid. Humahapdi ang dibdib, kaya tinawag itong “heartburn," bagamat wala itong kinalaman sa puso.

Narito ang 6 bagay na dapat malaman tungkol sa acid reflux:

1. Ang malalang heartburn ay maaaring magkaroon ng malubhang komplikasyon.

Ang Gastroesophageal Reflux Disease o GERD, ay kilala din sa tawag na acid reflux disease. Ang iba pang tawag sa acid reflux ay “heartburn," acid indigestion, o pyrosis. Ang mga karamdaman o sakit na sanhi ng pagkakaro'n ng acid reflux ay ang pinakakaraniwan na hinaing ng mga pasyenteng may gastrointestinal conditions.

Milyong Pilipino ang naitalang may GERD o acid reflux, at patuloy itong tumataas, ayon sa isang pag-aaral ng Endoscopy Unit ng University of Santo Tomas, na pinamagatang “Erosive Esophagitis in the Philippines: A Comparison between Two Time Periods”.

Ilan pang pagsasaliksik ang nagtala na patuloy na tumataas ang mga insidente ng GERD at acid reflux sa Asia Pacific Region, mula 2.5 - 4.8% noong 2005, tumaas ng nasa 5% noong 2010.

Ayon naman sa The American College of Gastroenterology, nasa mahigit 60 milyong Amerikano ang nakakaranas ng acid reflux sa isang taon.

2. Mga sintomas ng acid reflux

Ang pangunahing sintomas ng acid reflux ay:

  • parang palaging busog o bloated ang tiyan
  • madalas kinakabag at palaging dumidighay
  • pagkatapos ay maasim ang nadidighay
  • pananakit sa itaas na parte ng sikmura
  • nagtatae na parang diarrhea
  • madalas pa ring gutom kahit katatapos lang kumain

Maaaring mayro'n ding may dysphagia, o ang pagsikip ng esophagus kaya’t parang nakabara ang pagkain sa lalamunan, madalas na pagsinok, pagkahilo, pagbagsak ng timbang kahit hindi naman nagbabawas sa pagkain, at chronic sore throat. 

Dagdag pa ni Buluran, mararamdaman ang hirap sa paglulon, paghapdi ng dibdib, o ang tinatawag na heartburn pagkatapos kumain lalo’t napadami ang nakain niya.

Ang tiyan kasi natin ay may hydrochloric acid, na tumutulong na sa pagtunaw ng pagkain sa tiyan, at siya ring nagbibigay proteksiyon laban sa mga pathogens tulad ng bacteria, paliwanag ni Dr. Leonardo Galang, MD, sa kaniyang medical article sa PressReader na pinamagatang GERD: It’s more than just a heartburn, mayrong gastroesophageal sphincter, na humaharang sa pagkain para hindi ito bumalik sa esophagus, kapag nasa tiyan na. Kapag ito ang hindi gumana, nangyayari ang acid reflux.

Mas karaniwan ang sintomas ng acid reflux kapag nagbubuntis dahil ang  progesterone, ang hormone na nagpapabagal sa panunaw  o  digestive system, ay mas mataas ang lebel. Ito at ang pagdiin sa tiyan ng lumalaking sanggol sa sinapupunan ang sanhi ng pagbalik ng stomach acid sa esophagus o lalamunan.

Sa mga malubhang kaso ng sintomas ng acid reflux, may pag-ubo at hika, pabalik-balik ba pulmoniya, pagsusuka, at ilang problema sa lalamunan tulad ng laryngitis o pamamaga ng voice box. Naapektuhan din ang ngipin at minsan pa ay nagkakaro'n ng mabahong hininga.

Kapag nangyayari ito ng higit sa 2 beses sa isang linggo, kailangang ikunsulta ito sa doktor o sa gastroenterologist, para mawari kung positibo ngang acid reflux ito.

3. Diagnosis

Gastroenterologist ang magsasagawa ng eksaminasyon tulad ng endoscopy o camera imaging, biopsy, barium X-ray ng esophagus at tiyan, esophageal manometry, pag-monitor ng rate ng fluid movement sa esophagus, at acidity testing (pH monitoring), para malaman kung acid reflux nga ang kondisyon, at kung gaano ito kalubha, at ano ang tamang treatment.

4. Risk factors

Ilan sa risk factors na tinatawag ay ang paninigarilyo, kakulangan sa pag-eehersisyo, at obesity, bagamat ayon kay Dr. Jerry Villarante, MD, maraming ibang sanhi ang malalaman lang kapag nasuri ang pasyente.

Sa mga nagbubuntis, may madiing pressure sa internal organs, sanhi ng paglaki ng bata sa sinapupunan, kaya ito nangyayari. Mabagal nga kasi ang panunaw, kaya't parang mas busog si mommy, pero walang sapat na lugar sa tiyan, kaya babalik ang acid pataas. 

May mga medikasyon din na posibleng sanhi ng pagkakaro'n ng acid reflux, tulad ng gamot sa hika, mga calcium-channel blockers, antihistamine, painkiller, sedatives, at antidepressants.

5. Treatment

May mga antacids na mabibili sa botika, pero mas mabuting kumunsulta sa OB GYN o doktor para masigurong ligtas ang anumang iinumin para walang maging komplikasyon o hindi maapektuhan ang baby sa tiyan.

Ang mga proton pump inhibitors (PPIs) tulad ng omeprazole, rabeprazole, omeorazole, esomeprazole, ang pangunahing pinapayong treatment o therapy ng mga doktor para sa acid reflux. Makakatulong din ang antacid at H2 blockers, lalo para sa heartburn at pananakit ng sikmura. Itanong sa iyong OB GYN ang puwede para sa nagbubuntis.

Anumang gamot ay dapat may payo at reseta ng doktor, at hindi basta basta puwedeng mag-self medicate ang pasyente para maiwasan ang paglala ng kondisyon.

Kung ang GERD o acid reflux ay malubha at hindi napapahupa ng anumang gamot, maaaring surgical intervention na ang kailangan, paliwanag ni Dr. Galang.

Kapag hindi ginamot, maaaring magkaron ng malubhang komplikasyon tulad ng esophagitis, pagkasugat sa dinadaanan ng pagkain, at iba pang seryosong damage sa esophagus, na maaaring mapunta sa cancer.

6. Paano maiiwasan

May mga pagkain at eating habits na nakakasama din sa acid reflux, o nagiging sanhi nito.

Ayon kay Buluran, binigyan siya ng listahan ng mga pagkain na dapat iwasan, tulad ng caffeine, alcohol, pagkaing maalat o asin, tsokolate, carbonated drinks, at acidic juices. Nakakasama ang kakulangan ng fiber sa diet, pagkain ng sobrang dami sa isang kainan lang, at paghiga ng hanggang tatlong oras pagkatapos kumain. 

Ayon kay Dr. Villarante, ang mga dietary choices ng isang pasyente ay mahalaga at susi sa paggaling, kasama ng nararapat na paggamot.

Ilang mga bagay na makakatulong sa mga pregnant mommies na nakakaranas ng sintomas ng acid reflux:
  • Payo ni Dr. Galang sa mga nagbubuntis na may acid reflux, makakatulong sa kondisyon ang pag-eehersisyo o pagiging aktibo para hindi gaanong bumigat ang timbang kahit buntis.
  • Kumain ng mas kaunti, pero mas madalas, at tubig ang inumin imbis na soda o carbonated drinks.
  • Dahan-dahan lang ang pagkain, at nguyain ang pagkain nang mabuti.
  • Nakakatulong din ang pagnguya ng sugarless gum pagkatapos kumain, dahil natatalo ng laway ang anumang acid na bumabalik pataas.
  • Dahil hindi dapat humiga pagkatapos kumain, maglakad-lakad sa maikling distansiya lang para makatulong sa digestion.
  • Nakakatulong din ang honey sa chamomile tea.
  • Kapag natutulog o nakahiga, subukang mas mataas ang ulo at itaas ng katawan, para mabawasan ang  acid na bumabalik pataas. Gumamit ng unan para sandalan.
  • Matulog nang patagilid, pakaliwa, dahil kapag pakanan, mas mataas ang tiyan kaysa sa esophagus, na nakakapagpalala ng heartburn.
  • Iwasang kumain ilang oras bago matulog.
  • Iwasan ang masikip o tight-fitting na damit.
  • Iwasan ang  peppermint tea, dahil ito ay nakakapagpa-relax ng esophageal sphincter, ang muscle na nagsasara sa esophagus. Kapag bukas ito, babalik ang stomach acid sa lalamunan, imbis na manatili sa tiyan.
  • Dapat ding iwasan ang mamantika at maanghang na pagkain, lalo pa at gabi na at malapit nang matulog.
  • Hindi rin makakabuti ang pag-inom ng gatas, dahil nakakapagpataas ito ng lebel ng stomach acid.

Ang magandang balita—walang magiging negatibong epekto kay baby ang pagkakaron ng acid reflux. Basta't sundin ang payo ng doktor at huwag na huwag iinom ng gamot na hindi nireseta o hindi inaprubahan ng iyong OB GYN.

 

SOURCES:

WebMD
Dr. Jerry Villarante, MD
GERD: It’s more than just a heartburn ni Dr. Roel Leonardo Galang, MD
Journal of Gastroenterology and Hepatology, University of Santo Tomas Endoscopy Unit, 2007

Basahin: Acid reflux sa mga baby: Sanhi, sintomas, at lunas para dito

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner