Wala sigurong magsasabi na mainam ang paninigarilyo sa buntis. Pero may dahilan kung bakit mariing ipinagbabawal ito sa mga babaeng nagdadalangtao. Alamin dito kung ano ang mga masamang epekto ng paninigarilyo habang buntis at kung paano titigilan ang masamang bisyong ito
Mababasa sa artikulong ito:
- Masasamang epekto ng paninigarilyo habang buntis
- Epekto ng secondhand smoke sa iyong baby
- Mga paraan para matigilan na ang paninigarilyo
Isa ang paninigarilyo sa mga bisyong nakakasama sa ating katawan kaya naman sinusubukan ng marami na iwasan o tigilan na ito. Kung nakakasama ito sa mga regular na tao, siguradong mas delikado ito sa isang babaeng nagbubuntis.
Epekto ng paninigarilyo habang buntis
Ayon kay Dr. Patricia Kho, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, hindi talaga nakakabuti sa isang buntis ang paninigarilyo dahil maaari itong magdulot ng masamang epekto sa kaniya at sa sanggol sa kaniyang sinapupunan.
Pahayag niya,
“Hindi talaga ‘yan maganda sa pagbubuntis kasi pumapasok ‘yan sa placenta. Your baby can become very small and eventually will have pulmonary problems.
Magkaroon siya ng mahinang baga. Ito yung tendency na madaling magka-asthma, maliit, baka pa nga ‘yung brain development ng baby ninyo affected.
And baka kung magkaroon din kayo ng hypertension dun sa last trimester ng pregnancy, pwede rin magcause ng premature delivery. Sometimes hindi natin sure baka mag-cause yan ng miscarriage.”
Ang usok ng sigarilyo ay naglalaman ng mga nakakalasong kemikal katulad ng carbon monoxide at ammonia.
Kapag ang isang buntis ay nanigarilyo, ang kemikal na nanggagaling dito ay dumadaan sa bloodstream ng buntis papunta sa placenta na siyang napakahalaga sa paglaki ng iyong baby.
Nabanggit na ni Doc Patricia ang ilan, pero isa-isahin natin ang mga maaaring masamang epekto ng paninigarilyo habang nagbubuntis
Posibilidad ng miscarriage at stillbirth
Ang stillbirth ang hindi inaasahang pagkamatay ng sanggol sa sinapupunan bago pa ito maipanganak o kapag dumating sa ika-20 linggo ng pagbubuntis. Ang miscarriage naman ay ang pagkalaglag ng bata bago pa ito umabot ng 20 linggo.
Ayon sa U. S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC), may kaugnayan ang paninigarilyo at posibilidad ng miscarriage o stillbirth sa isang buntis. Ang posibleng salarin dito ang mga delikadong kemikal na matatagpuan sa loob ng sigarilyo.
Isa sa mga maaaring dahilan ng miscarriage at stillbirth ay ang pagkakaroon ng problema sa placenta o pagbagal ng development ng fetus na iniuugnay rin sa paninigarilyo ng ina.
Epekto ng paninigarilyo habang buntis | Larawan mula sa Freepik
Ectopic pregnancy
Ayon sa isang pag-aaral, ang nicotine, na isa sa mga pangunahing kemikal sa sigarilyo, ay nagsasanhi ng pag-contract ng fallopian tube. Kapag nangyari ito, hindi nakakadaan ang embryo para makarating sa uterus kaya nagkakaroon ng tinatawag na ectopic pregnancy.
Sa ganitong sitwasyon, kailangang tanggalin ang embryo sa fallopian tube o tiyan ng babae para maiwasan ang komplikasyon na maaaring makamatay.
Placental abruption
Ang placenta ang tinatawag na lifeline ng sanggol sa iyong sinapupunan, dahil rito dumaraan ang oxygen at mga nutrients na kailangan ng baby.
Isa sa mga komplikasyong dala ng paninigarilyo ang maagang pagkakahiwalay ng placenta sa uterus, na maaaring magdulot ng matinding pagdurugo at nakakasama para sa mag-ina.
Placenta previa
Napakahalaga ng iyong placenta sa pagbubuntis. Habang lumalaki ang iyong sanggol, umaakyat ang iyong placenta para bigyang-daan ang pagbubukas ng cervix sa panganganak.
Kung makakapasok ang kemikal ng iyong sigarilyo sa placenta, maaaring manatili na lang ang placenta sa ilalim, matatakpan ang cervix na magiging sanhi ng problema sa panganganak. Gayundin, maaaring mahirapan ang iyong anak na makuha ang mga nutrients na dumaraan sa placenta.
Mababang timbang kapag ipinanganak
Dahil nga nahihirapang makaraan ng mga nutrients sa iyong placenta, isa sa mga masasamang epekto ng paninigarilyo habang buntis ay ang pagkakaroon ng maliit na baby kapag ipinanganak o low birth weight.
Kung kulang sa timbang ang sanggol, mas mataas ang posibilidad ng mga komplikasyon tulad ng development delays, cerebral palsy o problema sa pandinig o paningin.
Komplikasyon kapag ipinanganak
Mas mataas din ang posibilidad ng mga bata na magkaroon ng birth defects kapag naninigarilyo ang kanilang ina. Ilan sa mga ito ay ang pagkakaroon ng mahinang baga, sakit sa puso o kaya cleft palate o cleft lip.
Sapagkat ang nicotine sa loob ng sigarilyo ay maaaring makapagpabilis ng tibok ng puso ng iyong sanggol. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ipinapanganak ng maaga ang ibang bata.
Walang “ligtas” na level ng paninigarilyo habang buntis. Sa tuwing nadadagdagan ang bilang ng sigarilyong nauubos mo, lalo ring lumalaki ang posibilidad na magkaroon ng komplikasyon sa iyong pagbubuntis at sa kalusugan ng iyong anak.
BASAHIN:
Tama na yan! 11 paraan para tumigil sa paninigarilyo
13 beauty products na bawal sa buntis
5 epekto kay baby at mommy kapag naninigarilyo si daddy
Epekto ng secondhand smoke habang buntis
Kahit hindi ka naninigarilyo, maaari pa ring maapektuhan ng secondhand smoke ang iyong pagbubuntis.
Ang secondhand smoke ay ang magkahalong usok mula sa sigarilyo na nalalanghap ng taong nasa paligid nito. May epekto ang secondhand smoke sa buntis, delikado rin ito katulad ng paninigarilyo araw-araw.
Ang usok na nalalanghap mo mula sa dulo ng sigarilyo ay may mas maraming nakakasamang kemikal (gaya ng tar, carbon monoxide at nicotine) kumpara sa usok na nahihithit ng taong mismong naninigarilyo.
Kung madalas kang makalanghap ng secondhand smoke habang nagbubuntis, mataas pa rin ang posibilidad ng pagkakaroon ng stillbirth, mababang timbang ng sanggol, birth defects at iba pang komplikasyon sa iyong pagbubuntis.
Ang mga batang lagi ring exposed sa secondhand smoke ay maaring magkaroon ng asthma, allergies, impeksyon sa baga at tenga at may posibilidad ng sudden infant death syndrome.
Stillbirth at paninigarilyo | Larawan mula sa Freepik
Paano tumigil sa paninigarilyo habang nagbubuntis?
Ngayong alam mo na ang mga nakakasamang epekto ng paninigarilyo habang buntis, panahon na para tigilan mo na ito agad-agad.
Narito ang ilang bagay na pwede mong gawin upang maiwasan ang esposure sa sigarilyo:
-
Magdesisyon na tumigil sa paninigarilyo.
Maaaring mahirap para sa ‘yo na tumigil lalo na kung gumagamit ka na nito nang matagal na panahon na. Ngunit sapat na ang kaligtasan ng iyong baby para tigilan na ang masamang bisyong ito.
-
Itapon na ang mga sigarilyo, lighter at ash tray para wala ka nang magagamit kung sakaling maisipan mong manigarilyo.
-
Gawing smoke-free zone ang iyong bahay.
-
Iwasan din ang mga lugar kung saan ka naninigarilyo dati.
Larawan mula sa iStock
-
Kumain ng mint candies o bubble gum kung nakakaramdam mo na gusto mong manigarilyo.
-
Bawasan ang pag-inom ng kape.
May ilang pag-aaral na ang pag inom ng kape ay dahilan kung bakit na eenganyo ang isang tao manigarilyo. Kaya naman kung maiiwasan ang caffeine, maaaring makatulong rin ito sa pagtigil mo rin sa sigarilyo. Delikado rin ang caffeine sa mga baby dahil maaaring bumaba ang kanilang timbang kapag ipinanganak.
Mas magiging madali ang pagtigil kung mayroon kang suporta ng mga taong may malasakit sa iyo. Sabihin sa iyong partner, pamilya at mga kaibigan ang iyong desisyon na tumigil sa paninigarilyo para matulungan ka nilang malagpasan ito at hindi rin sila manigarilyo sa paligid mo.
-
Humanap ng mas makabuluhang libangan
Sa halip na manigarilyo, ibaling mo ang iyong isip sa ibang bagay tulad ng pag-eehersisyo. Maglakad-lakad, magbasa ng libro, kumain o mag-isip ng ibang klase ng libangan.
Kung paninigarilyo ang isa sa mga paraan mo noon para labanan ang stress, palitan ito ng ibang bagay na ligtas at makakapagpasaya sa ‘yo. Payo ni Doc Patricia,
“Baka meron po kayong ibang pwedeng gawin to cope with stress or sa emotional problems niyo. Like for example, talking to someone, telling your doctor or maybe watch your favorite TV shows, mag-shopping, maglakad-lakad o mag exercise. Do something you like na safe naman at hindi nakakasama sa pagbubuntis.”
Paano maiiwasan ang secondhand smoke?
Kung ikaw ay may kasamang naninigarilyo sa bahay, lalo na kung ito ay iyong asawa, sabihan sila na huwag manigarilyo kapag nandiyan ka.
Pangaralan sila sa mga maaaring mangyari kung na-exposed na sa usok ng sigarilyo. Ngunit mas maganda kung hihikayatin silang tumigil na ng tuluyan sa paninigarilyo.
Ipaliwanag mo sa iyong asawa ang mga epekto ng secondhand smoke sa magiging anak niyo, kaya baka ito na ang tamang oras para huminto sa kaniyang bisyo.
Hindi madali ang tumigil sa paninigarilyo, lalo na kung nakasanayan mo na ito. Pero mayroon ka namang mga mas importanteng bagay na pwedeng pagkaabalahan, tulad ng paghahanda sa iyong paparating na baby. Mas magiging madali sa’yo ang pagtigil sa masamang bisyo kung ang kapakanan niya ang iisipin mo.
Isinalin sa wikang Filipino ni Mach Marciano
Translated with permission from theAsianparent Singapore
Source:
Healthline, Web MD
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!